WritingsArticles & SpeechesPATULOY NA KAILANGAN ANG REBOLUSYONG KULTURAL

PATULOY NA KAILANGAN ANG REBOLUSYONG KULTURAL

-

Pangunahing Talumpati sa Kumperensyang Kultural ng 2016 sa Lungsod ng Bacolod
Setyembre 16, 2016
Ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples´ Struggle

Mahal na kapwa aktibista sa kultura, mga kababayan at mga kaibigan,

Malaking karangalan at malalim ang aking kasiyahan na ako ay inyong inimbitahan para magbigay ng pangunahing talumpati sa inyong Kumperensyang Kultural ng 2016. Nagpapasalamat ako sa mga organisador, Concerned Artists ng Pilipinas at Sinagbayan, sa pag-imbita sa akin. Binabati ko rin ang mga organisador at lahat ng kalahok sa kanilang mga tagumpay sa gawaing pangkultura at mapanlikhang produkto.

Noong 1966, ipinahayag ko sa isang talumpati na kailangan ang isang kultural na rebolusyon sa Pilipinas. Aking ipinaliwanag kung paano nangibabaw sa dominasyong kultural ng Kastila na kumokontrol sa pag-iisip ng mga kolonisadong mamamayan ang Kilusang Propaganda at mga rebolusyonaryong pahayag ng Katipunan at ng rebolusyonaryong gobyerno ng Pilipinas.

Nagharap ang mga rebolusyonaryong Pilipino ng 1896 ng isang kultura na pambansa, liberal demokratiko at maka-mahirap laban sa kulturang kolonyal, relihiyoso-sektaryo, oskurantista, medyebal at walang pakialam sa mga pang-aagaw at pagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Kinailangan nilang maglunsad ng rebolusyong pangkultura na kumokondena sa kolonyal at pyudal na inhustisya at iharap ang isang pambansa at demokratikong linya upang mangibabaw sa tumagal nang higit sa tatlong siglo ng kolonyal na paghaharing Espanyol.

Ang rebolusyonaryong demanda para sa pambansang kalayaan at malayang pag-unlad ng ekonomiya laban sa kolonyal na dominasyon at pambubusabos ay hindi maaaring kumalat at umabot sa tagumpay ng rebolusyong Pilipino kung walang rebolusyong kultural na nanaig sa mga puso at isipan ng mga mamamayan at nagpalakas ng kanilang loob upang ipaglaban ang kanilang pambansang kalayaan at nauna pang lumaganap kaysa sa armadong pwersa ng rebolusyon.

Pwersang Militar ng US at Liberal Demokratikong Panlilinlang

Ang Jacobinistang esensya ng Rebolusyong Pranses ay malakas na impluwensiya sa mga rebolusyonaryong Pilipino, mula Andres Bonifacio, sa pamamagitan ni Apolinario Mabini, hanggang kay Heneral Antonio Luna. Subalit hindi nila maaaring pagtagumpayan ang pinagsamang brutal na paggamit ng superyor na puwersang militar at ang mapanlinlang na liberal demokratikong wika ng US, isang bagong-lumilitaw na modernong imperyalistang kapangyarihan.

Upang linlangin ang mga lider ng rebolusyonaryong gubyerno tulad ni Emilio Aguinaldo, Felipe Buencamino, Pedro Paterno at mga katulad nito, ang mga mananalakay na Amerikano at ang kanilang mga emisaryo ay nagkunwaring may simpatya sa mga makabayan at liberal na demokratikong ideya. Kahit na nang pinapaslang ang daan-daang libong mamamayang Pilipino, lagi nilang ipingangalandakan na hindi nila balak na kolonisahin Pilipinas.

Itinuon nila ang kanilang mga imperyalistang propaganda pangunahin sa liberal na burgesya upang kumalap ng mas marami pang mga papet. Itinambol ng mga pahayagan ni Hearst ang tungkulin ng mga agresor na Amerikano upang kolonisahin ang sambayanang Pilipino, upang sanayin ang mga ito para sa sariling-pamamahala at bigyan sila ng kalayaan sa tamang panahon. Matapos ang lahat, ang layunin ng imperyalismong US ay agawin ang larangan ng pamumuhunan, murang mapagkukunan ng paggawa at hilaw na materyales, isang merkado at base estratehiko sa Pasipiko para sa pakikilahok sa pandarambong sa Tsina.

Tulad ng mga Espanyol sa higit sa tatlong siglo ng kolonyal na pangingibabaw sa Pilipinas, batid ng US ang kahalagahan ng paglinang ng kaisipang kolonyal sa hanay ng mga kolonisadong mamamayan. Ang pinakamahusay na paraan para ipalaganap ang kolonyal na mentalidad ay ang paggamit ng wika ng mga kolonisador bilang pangunahing medium ng pamamahala, edukasyon, sining at panitikan at komunikasyon sa madla.

Daig ng imperyalismong US ang kolonyalismong Espanyol sa bilis, lawak at lalim ng propagandang US at edukasyon sa wikang Ingles. Itinatag nito ang sistema ng pampublikong paaralan. Ginamit ang mga sundalo ng US Army at mga gurong Amerikano mula sa US upang magsilbing mga guro ng pampublikong paaralan. Nagdala ito ng mga misyonaryong Protestante upang maglingkod bilang mga guro sa mga liblib na lugar. Linikha ng US ang sistemang pensionado upang sanayin sa US ang mga Pilipinong opisyal ng pamahalaan.

Sa lahat ng antas ng edukasyon, sinadya ng US ang pagsasanay ng mga tauhan para sa burukrasya, mga negosyo at mga propesyon. Binago rin ng US ang pyudal na sistema para maging malapyudal bago sumiklab ang World War II. Nagtayo ng ilang mga pagmamanupaktura gamit ang lokal na hilaw na sangkap. Binuksan at pinalawak ang industriya ng pagmimina at dinagdagan ang mekanisasyon ng mga plantasyon para sa eksport. Pinalawak ang sistema ng transportasyon at komunikasyon.

Sa pagtataguyod ng isang kolonyal na mentalidad sa wikang Ingles, isang konserbatibong tipo ng liberal na demokrasya at ang pangingibabaw ng libreng merkado, ginamit ng imperyalismong US hindi lamang ang sistema ng edukasyon kundi pati na rin ang mga simbahan, mass media at entertainment, lalo na ang mga Hollywood films, radio broadcasts at popular na musika mula noong bago ang World War II at ang telebisyon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pagkatapos na ibigay ng US ang nominal na independensya sa Pilipinas noong 1946, ang pulitikal na sistema ay maaaring taguriang malakolonyal, wala na sa ilalim ng direktang kolonyal na paghahari ng US kundi sa ilalim ng isang di-tuwirang kontrol sa pamamagitan ng mga di pantay na tratado, mga kasunduan at kaayusan na nakakiling sa pagpapabor sa US. Ang mga pangunahing liderato ng pamahalaan ay hindi na ang mga Amerikanong kolonyal na opisyal kundi ang mga ahente sa pulitika at sinanay na burukrata ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Upang panatilihin ang ekonomiyang malapyudal, kasabwat din ng US ang mga lokal na mapagsamantalang uri upang gawin ang Pilipinas na palaasa o dependyente sa pag-eksport ng mga hilaw na sangkap at pag-angkat ng mga manupaktura at sa pangungutang at dayuhang pamumuhunan upang mapanatili ang pagkonsumo ng mga kalakal mula sa labas ng bansa at upang harangin ang anumang popular na demanda para sa tunay na pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas. Ang malakas na demanda para sa pambansang industriyalisasyon noong mga 1950s at 1960s ay diniskaril ng US at mga lokal na oligarko sa pamamagitan ng patakarang tinatawag na import-substitution industry na binubuo ng ilang mga planta ng reassembly at repackaging.

Isinagawa ng US ang kanyang kultural na impluwensiya sa Pilipinas sa maraming paraan. Ginamit nito ang scholarship at travel grant upang akitin ang pinakamagaling ng mga Pilipinong estudyante, guro, manunulat, artista at mamamahayag sa punto ng pananaw ng imperyalismong US. Ito ay ginagamit sa mass media, mga paaralan at simbahan bilang mga kasangkapan ng Cold War upang bigyang-katwiran ang patuloy ng dominasyon ng US sa Pilipinas at siraan bilang subersibo, komunista o maka-komunista ang anumang pag-iisip o gawaing kritikal sa dominasyon ng US at naggigiit ng pambansang kasarinlan.

Paghamon ng Rebolusyong Kultural sa Malakolonyal at Malapyudal na Sistema

Noong 1966, kami ay nanawagan para sa isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura upang labanan ang malakolonyal at malapyudal na sistema ng pang-aapi at pagsasamantala. Nais naming pukawin, organisahin at pakilusin ang mga kabataan, mga guro at iba pang mga propesyonal, ang mga manunulat at artista, mga mamamahayag at lahat na manggagawang pangkultura at aktibista. Hangad namin na muling pasiglahin ang panawagan para sa isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at ang marubdob na paglaban sa kolonyal na mentalidad, oskurantismo at anti-mamamayang gawi na humahadlang ng daan sa ganap na pambansang kasarinlan, demokrasya, pag-unlad, katarungang panlipunan at lahatang panig na pag-unlad.

Magmula 1966 higit na lumalala at lumalim ang malakolonyal at malapyudal na kalagayan. Ang sistemang pang-edukasyon at kultural na sumusuporta dito ay ibayong lumakas. Ang rehimeng Marcos ay nagkaroon ng isang pambihirang kakayahan para sa paggamit ng tampok na mga isyu laban sa US bilang instrumento ng pakikipagtawaran para sa kanyang pakanang magtatag ng isang diktadura. Tiniyak niya sa US na maaaring manatili ang mga base militar sa Pilipinas. Sinabi rin niya sa mga korporasyong US na nasa kanya ang mga paraan upang malusutan ang restriksyon sa nasyonalidad tungkol sa pagmamay-ari ng lupa, pagsasamantala ng mga likas na yaman, operasyon ng mga pampublikong utilities at iba pang mga negosyo.

Ang kanyang pinakamahalagang paraan ay ang malakihang pagsusog sa saligang batas ng 1936 sa pamamagitan ng Konstitusyon ng 1971. Inisahan niya ang mga kleriko-pasista na matagal nang nagtataguyod ng mga pagsusog sa Konstitusyon bilang paraan ng pasulong para sa bansa. Habang nasa kapangyarihan, hinangad ni Marcos na paboran ang kanyang grupo ng mga burukratang kapitalista at mga kroni para agawin ang mga pinakamalaking korporasyon mula sa lumang krema ng super-mayaman ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Nangutang siya ng labis-labis mula sa ibang bansa upang yumaman sa mga proyekto sa imprastraktura. Pinalitaw niyang industrialisasyon ang mga proyekto sa konstruksyong dependyente sa mga inangkat na makinarya at bakal.

Sa dakong huli, ihinarap niya ang patakaran ng malamanupaktura o reassembly na nakatuon sa eksport. Sa patakarang ito, mas kaunting tao ang nabibigyan ng trabaho at nangangailangan ng mababang pagpoproseso ng inangkat ng mga sangkap kaysa sa import-substitution na mga empresa. Dahil sa kakulangan ng empleyo, pinagtibay ni Marcos ang patakarang pag-eksport ng murang paggawa, ang pag-eksport ng mga tao. Ang lahat ng patakarang ito ay madaling humanay sa patakarang neoliberal na sinimulan ng US noong 1979-80. Hindi pinansin ng rehimeng Marcos ang mga demanda ng ikatlong daigdig para sa isang bagong internasyonal na pang-ekonomiyang kaayusan at kahit na ang mga kinakailangan upang ang isang ekonomiya ay maging industriyal tulad ng Taiwan at South Korea.

Ang neoliberal na patakaran sa ekonomiya na pataw ng US ay sinunod ng lahat ng mga pseudo-demokratikong rehimen pagkatapos ni Marcos. Malakihang napaatras ang mga global na puwersa ng anti-imperyalismo at sosyalismo nang bumulusok ang mga rehimeng rebisyonista at gumuho ang Unyong Sobyet at nagbigay daan ang mga ito sa ganap na panunumbalik ng kapitalismo. Bunga nito, ang US at mga imperyalistang alyado ay tuwang-tuwang naglunsad ng opensibang pang-ideolohiya at pampulitika na may linyang walang alternatibo sa kapitalismo. Isinagawa nila ang neoliberal na opensiba sa larangan ng ekonomiya at pinakawalan nila ang isang serye ng mga gerang agresyon sa Balkan, Central Asia Middle East at Africa.

Magmula 1966 ang pambansa-demokratikong kilusan sa Pilipinas ay matatag sa paglaban ng mamamayan sa malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at itinaguyod ang isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Ito ay gumising sa malawak na masa. Ito ay lumikha ng mga pormasyong kultural sa multisektoral at sektoral na batayan. Walang mayor na organisasyon ng anumang uri na walang kultural na tropa. Ang gawaing kultural ay mahalagang kadahilanan sa pagpapalakas ng iba’t-ibang uri ng mga organisasyong masa at ito ay responsable para sa mga militanteng partisipasyon ng mga mamamayan sa mga mobilisasyong masa.

Patuloy na Kailangan ang Rebolusyong Kultural

Patuloy na kailangan ang rebolusyong kultural dahil ang palagiang krisis ng naghaharing sistema ay patuloy na lumalala at kailangan ituloy ang lahatang-panig na demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang pangangailangang ipagpatuloy ang rebolusyong kultural ay pinatitingkad ng mga walang katulad na pagkakataon para isulong ang rebolusyonaryong adhikain sa saklaw ng Pilipinas at sa harap ng katotohanan na ang neoliberal na patakaran sa ekonomya ay lalong nagpabilis at nagpalubha sa krisis ng kapitalismo at ang gerang agresyon ng US sa maraming mga bansa ay nagiging kuminoy na para sa imperyalismong US.

Kailangan nating magkaroon ng isang pambansang kultura na pinagkakaisa ang mga mamamayan sa pamamagitan ng isang pambansang wika at mayamang kultural na pamana at gumagalang sa mga lokal na wika at kultura. Mayroon tayong isang mayamang pambansang kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa mga Kanluraning kolonisador at laban sa dayuhan at lokal na pasismo. Kung wala tayong mataas na diwa ng pagkamakabayan, sasambahin lang natin ang dayuhang kultura, pababayaan natin ang sariling atin at mawawala ang pagnanais na matuto mula sa ating mga sarili at mula sa iba para sa pagtatayo ng bansa. Kailangan nating igalang at papaghusayin ang ating sariling mga likha, ipagmalaki ang ating kakayahang gumawa o lumikha ng mga ito at hindi masisindak o may panlasa lamang para sa mga gawa ng ibang bansa.

Kailangan nating magkaroon ng isang syentipikong kultura. Dapat nating kilalanin ang mahalagang papel na ginagampanan ng agham at teknolohiya sa pagpapalakas ng ating pambansang kasarinlan, pagsusulong ng demokrasya at pagpapatupad ng pang-ekonomiyang pag-unlad. Dapat nating gamitin ang agham at teknolohiya sa pagsasagawa ng pambansang industriyalisasyon sa bansa. Dapat nating pakilusin ang uring manggagawa bilang pinaka-produktibo at progresibong pwersa sa bansa. Dapat nating magamit ang kaalaman at kasanayan ng mga siyentipiko, inhinyero at teknolohista. Maaari nating makatulong ang internasyunal na kapatiran at isang malawak na hanay ng mga bansang mapagkukunan ng teknolohiya.

Dapat tayong magkaroon ng kulturang pangmasa. Laging ang pangunahing punto ay upang magsilbi sa bayan, laluna ang masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka na inaapi at pinagsasamantalahan sa ating bansa. Ang kanilang ganap na partisipasyon sa paggigiit ng pambansang kasarinlan at pagtatayo ng ekonomiya ay kinakailangan. Ang kundisyon ng kanilang trabaho at pamumuhay ay dapat palaging pinapahusay bilang resulta na rin ng kanilang sariling paggawa. Sila at ang kanilang mga anak ay dapat ganap na magtamasa ng mga serbisyong panlipunan, lalo na sa edukasyon, kalusugan at pabahay. Ang layunin ay upang matamo ang kanilang panlipunang paglaya.

Sa sandaling ito, kami ay nakatuon sa isang prosesong pangkapayapaan kung saan ang pamunuan ng GRP ay nag-aalok sa atin ng mga oportunidad para sa pagkamit ng ekonomiko at sosyal na reporma gayundin ng mga pampulitika at at konstitusyonal na reporma. Tingnan natin kung ano ang ating matatamo tungo sa pagkakaroon ng pambansang kasarinlan, demokrasya, katarungang panlipunan at lahatang-panig na pag-unlad. Tiyak na mayroong serye ng mga pagsubok upang patunayan kung ang kasalukuyang negosasyong pangkapayapaan ang paraan upang matamo ang mga repormang makabuluhan at sapat bilang batayan ng isang makatarungan at matibay na kapayapaan.

Maitatayo lamang natin ang isang bagong demokratikong lipunan sa Pilipinas kung gagampanan ng uring manggagawa ang kanyang namumunong papel sa pamamagitan ng isang rebolusyonaryong partido na nagsasagawa ng mga tungkulin sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ang Marxismo-Leninismo-Maoismo ang nakakapagbigay ng patnubay sa pagkilos at pagsasakatuparan ng programa para sa demokratikong rebolusyon ng bayan at para sa isang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Ang seryosong pakikipagnegosayon ng GRP sa NDFP ay isang patunay sa may prinsipyo at mahusay na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang isang bagong demokratikong lipunan ay dapat naghahanda ng daan para sa isang maliwanag at maligayang sosyalistang hinaharap sa Pilipinas. Walang paraan upang abutin ang sosyalismo kundi gamitin ang lahat ng pagkakataon na bunga ng pakikibaka para sa mga pambansa at demokratikong karapatan ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Dapat tayong mangibabaw sa lahat ng mga halimaw upang ihanda ang pagsulong sa sosyalismo. ###

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you