Writingspress statementsANG AMING PINAGSAMAHAN NI ATTY. ROMEO T. CAPULONG SA...

ANG AMING PINAGSAMAHAN NI ATTY. ROMEO T. CAPULONG SA PAKIKIBAKA PARA SA KATARUNGAN AT KAPAYAPAAN

-

Prof. Jose Maria Sison
Pangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Punong Pampulitikang Konsultant, National Democratic Front of the Philippines
20 Setyembre 2012

Nakalagda kami ni Julie sa upisyal na pakikiramay ng National Democratic Front of the Philippines sa pamilya ni Atty. Romeo T. Capulong. Sa pamamagitan nito ay nagpahayag kami ng aming taos-pusong pagkalungkot sa pagpanaw ni Ka Romy, ng aming taimtim na pasasalamat sa serbisyo niya sa NDFP at sa sambayanang Pilipino at ng aming matayog na paghanga sa kanyang maniningning na tagumpay bilang dakilang abugado ng bayan at tagapagtanggol ng karapatang-tao.

Ngayon naman ay nais kong magpahayag hinggil sa pinagsamahan namin ni Ka Romy sa pakikibaka para sa katarungan at kapayapaan at pasalamatan siya. Gusto kong tuunan kung paano kami sumalig sa kanya bilang tagapayong ligal sa maraming kaso laban sa amin at sa lahat ng mayor na mga kasong kinasangkutan ko pagkatapos kong lumaya mula sa pasistang bilangguan noong 1986 at kung paano kami nagkatulungan bilang magkatuwang sa pakikibaka para sa katarungan at kapayapaan. Naniniwala akong ang mga kasong ligal at ang aming pagtutulungan sa usapang pangkapayapaan sa gubyerno ng Maynila ay nasa interes ng lahat at may pangkalahatang kabuluhuan.

Una kaming nagkakilala ni Ka Romy noong dekada 1960 sa pamamagitan ng mga beteranong magsasakang kadre mula sa Nueva Ecija na kabilang sa samahang magsasakang pinamunuan ni Ka Bert Olalia. Ikinwento nila sa akin na si Ka Romy ay nagbibigay ng payong ligal sa kanila at sumusuporta sa adhikain ng reporma sa lupa sa kanyang programa sa radyo. At ikinwento naman nila sa kanya na nagbibigay ako ng balik-aral na kurso sa kanila hinggil sa rebolusyong Pilipino at sa papel ng mga magsasaka.

Nang maging delegado si Ka Romy sa Constitutional Convention noong 1970, naging aktibong myembro siya ng grupo ng mga delegadong patriyotiko at progresibo na kapwa namin kaibigan. Batid niyang nagpapaabot ako ng aking mga opinyon sa kanila, laluna sa pamamagitan ni Enrique Voltaire Garcia. Kabilang sina Ka Romy at Voltaire sa mga delegadong lumaban sa pakana ni Marcos na gawing instrumento ang bagong konstitusyon para makapanatili sa poder. Kalaunan ay inaresto at ikinulong sila ng pasistang diktadura.

Nang personal kaming magkita sa unang pagkakataon ni Ka Romy noong 1975, di na kami estranghero sa isa’t isa at natuwa siya na dinala siya ng kanyang giya sa kanyang prubinsya para sa aming pagkikita. Nagkita kami sa magandang baybayin ng ilog ng Minalungao sa Gapan, Nueva Ecija. Nang panahong iyon, nagsasagawa ako ng panlipunang pananaliksik sa Nueva Ecija bilang paghahanda sa pagtatayo ng mga sonang gerilya. Tinalakay namin ang gawain sa pakikipagkaisang prente laban sa pasistang diktadura.

Gumampan siya ng gawaing alyansa sa hanay ng kanyang mga kapitbahay na nasa akademya sa Teachers Village sa UP, sa kanyang mga kapwa abugado at mga kasamahan sa Liberal Party hanggang 1979 nang magpasya siyang mangibang-bansa dahil sa mga panibagong banta sa kanyang buhay. Habang nasa US, naghanapbuhay siya bilang abugado sa imigrasyon, kumilos sa grupo ng mga progresibong Pilipino (Ugnayan) at nakipagtulungan kay Ninoy Aquino nang tumungo ang huli sa US noong 1981. Naging malapit siya sa mga progresibo na abugadong Amerikano sa National Lawyers Guild.

Matapos ang pagbagsak ni Marcos, bumalik si Ka Romy sa Maynila noong 1986. Dahil sa pagiging malapit kay Ninoy bilang abugado sa depensa at kasama sa Liberal Party, nakatitiyak na sana siyang maitalaga sa isang mataas na pusisyon sa gubyernong Aquino. Subalit nagkita kami nang di sinasadya sa gusali ng Philippine Social Science Center, at bilang Tagapangulo ng Preparatory Commission ng Partido ng Bayan ay inimbitahan ko siya na dumalo sa isang pulong pang-organisasyon sa isa sa mga kwarto roon.

Sabi niya ay dadalo lang siya sandali, subalit nanatili siya hanggang sa matapos ang pulong at nagustuhan niya ang kanyang nakita. Mula noon, naging interesado na siya sa Partido ng Bayan. Noong panahong iyon, pinag-iisipan na siyang kunin bilang tagapayong ligal ng NDFP para sa usapang tigil-putukan sa gubyernong Aquino. Nang umalis ako sa Pilipinas noong 1986, minantine ni Fidel Agcaoili ang malapit na ugnayan kay Ka Romy, na kanyang brod sa Sigma Rho, at naging tagapayong ligal ang huli ng NDFP at kandidato sa pagka-senador ng Partido ng Bayan.

Noong Setyembre 1988, kinasuhan ako ng subersyon ng reaksyunaryong militar at inudyok si Aquino na kanselahin ang aking pasaporte upang pwersahin akong bumalik sa Pilipinas. Iminungkahi ko kay Ka Romy na katawanin ako at labanan ang demanda sa korte. Sumang-ayon siya nang walang pag-aatubili. Nag-aplay ako ng political asylum sa The Netherlands. Nabasura ang kasong subersyon matapos maghapag ng mosyon si Ka Romy, pagkatapos mapawalambisa ang Anti-Subversion Law noong 1992.

Sa usapin ng aking aplikasyon para sa asylum, pinayuhan ni Ka Romy ang aking mga abugadong Dutch na sina Tom Boekman, Robert van As at si Prof. G. D. H. van Hoof, at nagbigay ng kanyang personal na testimonya at iba pang dokumentong pabor sa akin. Sa isang pahayag na sustantibo at mahusay ang pagkabalangkas, inihayag niya ang kaso ko sa isang talakayan sa isang NGO na katumbas ng Pandaigdigang Kumperensya hinggil sa mga Karapatang-tao na pinasimunuan ng UNHRC sa Vienna noong 1993. Ang paglalahad niya ng aking pagkatao at ligal at pampulitikang kalagayan ang nagsilbing saligang sanggunian ng aking mga abugado sa iba’t ibang kaso sa ibang bansa.

Bilang abugado ng SELDA, naging tungkulin ni Ka Romy ang pagtiyak na dokumentado ang halos 10,000 biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos, at handang ipursige ang kanilang class suit na maggigiit na bilang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao ay dapat silang bayaran ng danyos mula sa mga ari-arian ni Marcos. Subalit bilang abugado ko ay tinutukan din niya ang aking indibidwal na kaso. Nagsilbi rin siyang Pilipinong abugado ng aking pamilya sa kaso ng aking kapatid na si Francisco, na biktima ng pagdukot.

Buong husay din niyang ginampanan ang pagiging pangunahing Pilipinong abugadong kaugnayan ng aking mga abugado sa American Civil Liberties Union na pinamumunuan ni Paul Hoffman. Lumahok siya sa mga pagdinig ng kaso sa Hawaii. Naroon din siya nang ibigay namin ni Julie ang aming sinumpaang pahayag sa Utrecht noong 1991. Sa aking pahayag, iniugnay ko si Marcos sa pagtortyur sa akin. Kasama si Ka Romy ng iba ko pang abugadong Amerikano, ng mga abugado ni Marcos at ng stenographer ng korte ng US. Naipanalo namin ng aking pamilya ang kaso sa pamamagitan ng mga apela sa korte kahimat buong higpit na sinikap nina Judge Real at Robert Swift na ibasura ang aming kaso.

Gumawa ng mayor na hakbangin ang US Central Intelligence Agency noong 1988 na baguhin ang kasaysayan ng Pilipinas at ibaling sa akin ang pananagutan sa pambobomba sa Plaza Miranda mula kay Marcos upang ako’y siraan at suhayan ang bulok na naghaharing sistema. Ginamit ang isa sa mga kumpanya sa paglalathala nito, ang Westview Press, upang ilathala ang isang aklat ni Gregg Jones laban sa akin at sa PKP, na naglalarawan sa akin bilang utak sa pambobomba sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971. Pinatingkad ito ng isang pahayagan sa Maynila sa pamamagitan ng serye ng editoryal na nasa unang pahina.

Kalaunan ay isinalang ako sa imbestigasyon ng Senado ng magkasamang Blue Ribbon at Justice Committee. Buong tapang na ipinagtanggol ako ni Ka Romy at pinasinungalingan ang mga testimonya ng mga aset ng militar. Hindi gumawa ng paghatol o rekomendasyon ang nasabing mga komite ng Senado na kasuhan ako ng pagpatay. Subalit nagsampa ng kaso ang militar laban sa akin sa isang korte sa lunsod ng Maynila. Muli, ipinagwagi ni Ka Romy ang kaso ko, nang lagdaan at maglabas ng isang resolusyon ang mga tagausig ng lunsod noong 1994 na nagbabasura sa kaso na anila ay batay sa purong ispekulasyon.

Habang bigo ang mga pagtatangkang siraan ako sa Maynila, nagmungkahi si Aquino sa akin mula 1989 na muling buksan ang usapang pangkapayapaan. Positibo akong tumugon. Si Ka Romy ang nagsama sa Utrecht ng sugo na may basbas umano na gumawa ng anumang pagsasaayos para kay Bren Guiao, Gobernador ng Pampanga noon. Pagkatapos, dumating naman si Romy na kasama si Rep. Jose V. Yap na may direkta subalit di pormal na awtorisasyon mula kay Cory Aquino. Ang mga panimulang pag-uusap na ito ang naghawan ng daan para sa rehimeng Ramos na bigyan ng awtoridad ang misyong Yap na makipag-usap at mabuo ang The Hague Joint Declaration noong 1992.

Sa paghahanda ng memorandum para kay Aquino hinggil sa katumpakan ng pagdaraos ng usapang pangkapayapaan sa isang nyutral na lugar sa ibang bansa, maging sa paggawa ng burador ng The Hague Joint Declaration, nakagawian namin ni Ka Romy ang pagtutulungan kung saan siya ang nagbibigay ng payong ligal at sa bahagi ko naman, ng payong pulitikal sa negotiating panel ng NDFP at sa tagapangulo nitong si Luis Jalandoni. May pagkakahati o pagkakaiba ang gawain namin subalit nagkakatulungan at malaya kaming nagpapalitan ng gawain sa mga talakayan.

Mula noong huling bahagi ng dekada 1980, hindi tumigil ang militar ng Pilipinas sa kalalagay ng patong sa aming ulo at sa kaaakusa sa amin ng mga karaniwang krimen sa halos bawat mayor na taktikal na opensibang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan. Subalit laging matagumpay na pinasinungalingan ni Ka Romy ang mga paratang at iginiit sa gubyerno ng Maynila na di ako maaaring padalhan ng subpoena dahil ako ay isang political refugee sa The Netherlands at wala ring tratado ng ekstradisyon sa pagitan ng Pilipinas at The Netherlands.

Sa pagtataggol sa amin laban sa hungkag na mga akusasyon at sa pag-aasikaso ng ibang kaso sa karapatang-tao, maraming beses na hinaras at pinagbantaang patayin si Ka Romy mula noong huling bahagi ng dekada 1980. Subalit palagi niyang matapang na inilalantad ang mga pakanang asasinasyon at mga pagtatangka laban sa akin. Sa tulong ng isang mapagkaibigang dating upisyal ng militar, nakakuha siya ng testimonya at kaukulang mga dokumento noong maagang bahagi ng 2001 mula sa isang impormante na kabilang sa pangkat na nagtungo sa The Netherlands noong 1999 at 2000 para patayin ako.

Sa balangkas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gubyerno ng Maynila, maging sa loob ng balangkas ng European Court of Justice, tuluy-tuloy na nagsilbi si Ka Romy bilang pangunahing Pilipinong tagapayong ligal laban sa pagturing sa akin bilang terorista ng US at ng Council of the European Union. Myembro siya ng internasyunal na panel ng mga abugadong pinamumunuan ni Jan Fermon na matagumpay na nagpatunay sa paglabag sa aking mga saligang karapatan at nakapagpatanggal sa aking pangalan sa listahan ng mga terorista ng EU noong 2009, pagkatapos ng pitong taon ng paglilitis.

Noong Nobyembre 19, 2002, sinulat niya ang dokumentong “Jose Maria Sison: Filipino Patriot and Revolutionary” upang ipagtanggol ako laban sa mga huwad na paratang ng terorismo at upang ipakita na nagtagumpay ako sa lahat ng mga kasong pulitikal mula pa noong panahon ni Marcos. Isang malaking ambag ang kanyang dokumento sa apilang isinumite sa ngalan ko sa European Court laban sa pagkakabilang sa akin sa listahan ng mga terorista ng EU.

Noong Marso 15, 2004, sinulat din ni Ka Romy ang napakahalagang dokumentong, “The Meaning, Scope and Implications of the Oslo Joint Statement on the Terrorist Listing of the Communist Party of the Philippines, the New People’s Army and the Chief Political Consultant of the National Democratic Front of the Philippines (NDFP)”. Tinanggap ito ng Negotiating Panel ng NDFP bilang pusisyon nito nang magpatuloy ang mga pormal na pakikipag-usap sa Negotiating Panel ng GRP sa Oslo noong Marso 30, 2004.

Bilang abugado ng Batasan 6 at iba pang progresibong Pilipino, pinamunuan ni Ka Romy ang ligal na pagtatanggol laban sa paratang ng rebelyong inimbento ng rehimeng Arroyo noong 2006 kung saan ako ang prinsipal na akusado sa 50 iba pa, kabilang si Julie. Naipagwagi niya ang kaso noong Hunyo 2007 nang iutos ng Korte Suprema na ibasura ang kaso at pawalambisa ang lahat ng iniharap na ebidensya.

Ang desisyon ng Korte Suprema na ipinagwagi ni Ka Romy ay krusyal sa pagpapabula sa mga paratang na pagpatay laban sa akin ng mga mang-uusig na Dutch noong Agosto 2007. Labas pa sa lakas ng nasabing desisyon, nakakuha pa ng ebidensya sina Ka Romy at iba pang abugado ng Public Interest Law Center na nagbigay-daan sa aking mga abugadong Dutch na sina Maichael Pestman at Victor Koppe para makamit ang aking paglaya mula sa bartolina ng pambansang bilangguan sa The Hague.

Isang proletaryong rebolusyonaryong mandirigma si Ka Romy na nagmula sa maralitang magsasaka, na nakatapos ng abugasya dahil sa pagiging iskolar. Kapag nagkikita kami sa Europe, masaklaw ang aming mga talakayan kung gaano kalala ang kalagayan ng masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at kung paano dapat itaguyod, ipagtanggol at isulong ang kanilang pambansang demokratikong karapatan di lamang sa pamamagitan ng ligal na tulong sa balangkas ng naghaharing sistema kundi mas mahalaga pa, sa pamamagitan ng kanilang sariling rebolusyonaryong kilusang masa.

Nagbigay-inspirasyon sa kanya ang Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto, ang muling pagtatatag ng PKP, ang pagkabuo ng BHB at NDF at paglawak ng mga rebolusyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika at ng mga rebolusyonaryong pwersang ito at ng mamamayan sa proseso ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos at maging sa mga rehimen pagkatapos ni Marcos. Siya ay matatag na tagasuporta ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at naging masaya sa kinahinatnang pagpapanibagong-sigla at ibayong pagsulong ng bagong demokratikong rebolusyon.

Maraming pagkakataong nagkasama kami ni Romy sa mga publikong talakayan kaugnay sa aking mga kaso at hinggil sa mga pangkalahatang paksa kaugnay ng karapatang-tao, usapang pangkapayapaan at sitwasyon sa Pilipinas. Isang karangalan palagi sa akin na makasama si Ka Romy sa mga gayong talakayan sa The Netherlands, Belgium, Luxembourg, sa Pilipinas, sa US at Canada, kung saan kaya kong dumalo o magpadala ng nakasulat na kontribusyon, mapa-bidyo man ito o hindi.

Marami pa akong masasabi sa aking pagiging kasama at pakikipagtrabaho kay Ka Romy. Subalit ako’y napipigilan ng nakalaang oras at ng pangangailangang hayaan naman ang ibang mga kasama at mga kaibigan na magbigay ng testimonya sa maraming bagay na bahagi ng kanyang makulay at makabuluhang buhay ng paglilingkod sa sambayanan, laluna sa mga pinagsasamantalahan at inaapi.

Sa kanyang pagpanaw, ang magagawa ko na lamang ay ibahagi ang aking nalalaman sa pagpapalaganap ng kanyang maningning na pamana at ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa kanyang pamilya para sa kanyang personal na pag-aasikaso at serbisyong ligal at sa kanyang makabuluhang relasyon sa akin bilang kliyente at bilang katrabaho sa pakikibaka para sa katarungan at kapayapaan.

Ang malinaw na pag-unawa at matibay na paggagap ni Ka Romy ng relasyon sa pagitan ng ligal at pulitikal na larangan ay ipinakita ng kanyang madalas na inuulit na pahayag: “Ang silbi at katumpakan ng armadong pakikibaka ay di isang ligal o usaping moral, ito ay isang pulitikal at pangkasaysayang usapin.”

Kahimat bihasa siya sa korte bilang abugado ng bayan at nakatatandang tagpayong ligal ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, kinilala niya ang pangangailangan ng rebolusyonaryong kilusang masa bilang pwersa na makapagbabago sa lumang bulok na sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at siyang makapagbubuo ng bagong sistemang panlipunan na tunay na malaya, demokratiko, makatarungan, progresibo, masagana at mapayapa. ###

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you