WritingsinterviewsMga katanungan hinggil sa “Limang Gintong Silahis”

Mga katanungan hinggil sa “Limang Gintong Silahis”

-

at mga sagot ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag
Partido Komunista ng Pilipinas
Enero 6, 2021

  1. Paano kaya naging “Limang Gintong Silahis” ang pamagat sa Pilipinas ng “Five Articles by Chairman Mao Tse-Tung” (1968) sa saling Ingles at “Five Old Articles” naman sa orihinal na Chinese?

JMS: Naisipan naming pamagat ang “Limang Ginton Silahis” para patingkarin ang katangian nito bilang maningning na patnubay ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa pakikibaka. Kulang sa ningning ang orihinal na pamagat,“Five Old Articles.”

  1. Paano at kailan kaya dumating ang LGS (sa unang anyo nito) sa mga aktibistang Pilipino? Sa pamamagitan ba ng ng mga nag-exposure sa China na mga aktibista? SDK o KM ba ang unang kumilala sa LGS bilang mahalagang babasahin?

JMS: Nagkataon na nasa Tsina ako noong mag-umpisa ang GPCR noong 1966 at bumalik pa ako sa Tsina noong 1967. Dahil sa palihim ang pagpasok ko sa Tsina noong 1966, nag-ingat ako at hindi ko iniuwi ang mga naipon kong mga babasahin. Sa sumunod na biyahe, naiuwi ko at ng ibang Pilipino ang mga libro at mga pamplet ng mga sinulat ni Mao.

Kasali na rito ang librong Selected Writings at pamplet ng “3 Constantly Read Articles” (1966) na binubuo ng “Paglingkuran ang Sambayanan,” “Sa Alaala ni Norman Bethune,” at “Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng mga Bundok.” Ang Propaganda at Education Bureau at Cultural Bureau ng KM ang naglathala at nagkalat ng naturang pamplet magmula 1967.

  1. Noong naglalakbay kayo sa Indonesia noong dekada 60, bago ng pagdurog sa PKI at paglulunsad ng rebolusyong pangkultura sa China, ano ang napuna ninyong impluwensya ni Mao Zedong sa PKI noong mga panahon na iyon? May mga sulatin ba ni Mao na pangunahin nilang pinahahalagahan?

JMS: Komprehensibo at malaliman ang impluwensiya ni Mao Zedong sa PKI sa mga taong 1962-64 nang naglalakbay ako sa PKI. Ang deskripsyon ng PKI sa lipunang Indones ay malakolonyal at malapyudal tulad na rin ng deskripsyon ni Mao sa Tsina bago manalo ang rebolusyong Tsino noong 1949. Nauna rito, noong mga 1953, may palagay si Aidit na pyudal pa ang lipunang Indones. Isinulat niya ito kay Stalin at sinagot ng huli na ang kabuuan ng ekonomya ng Indonesia ay malapyudal na.

Malapit ang PKI sa PK ng Tsina at PK ng Unyon Sobyet sa mga taong 1962-63, Hanggang 1963, may tendensya ng PKI na sentrista sa debateng ideolohihal sa pagitan ng PKT at PKUS. Pero hindi nagtagal naging mas makiling ang PKI sa PKT. Bagamat umaayon ang PKI sa linya na malakolonyal at malapyudal ang Indonesia, hindi inabot ng PKI sa ilalim ng liderato ni Aidit ang linya na dapat magsagawa ng matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng pagpapalibot ng kalunsuran mula sa kanayunan. Idiniin ito ng self-criticism ng PKI Politburo kaugnay ng pagdurog sa PKI magmula 1965.

  1. Sa panahong 1962 hanggang humiwalay na kayo noong 1966, ano naman ang pagtingin ng lumang PKP kay Mao Zedong at PKT?

JMS: Sa tinawag na Executive Committee na binuo ni Jesus Lava noong mga Enero 1963, ako lang ang nagbabanggit sa mga sinulat ni Mao kaugnay ng linya ng rebolusyon sa Pilipinas at kaugnay din sa Sino-Soviet ideological dispute. Walang sinabi ang dalawang pamangkin ni Jesus Lava sa loob ng Executive Committee. Pero wala naman silang tutol sa sinasabi ko na pabor kay Mao at PKT sa Sino-Soviet ideological dispute hanggang 1965-66 kung kailan lumitaw na ang pagkiling ng mga Lava sa PKUS.

Naputulan ng ugnay ng PKP sa PK ng Tsina magmula noong natimbog ang Politburo-In ng PKP noong 1949. Bago nito, ipinadala ng PKP si Teodosio Lansang bilang kinatawan ng PKP sa PKT noong 1948 subalit pagkaraan ng mga limang taon lumipat ito sa Unyon Sobyet.

Ako na ang muling nag-ugnay ng PKP at PK ng Tsina noong 1963 sa pamamagitan ng PKI. At ako rin ang-ayos sa unang Pilipino na nagtrabaho sa Radyo Beijing noong 1965. Nang pumunta ako sa Tsina noong 1966, hindi na ang lumang PKP ang pinangatawanan ko kundi ang grupo ng mga kadreng nagbabalak nang magbuo ng bagong partido sa patnubay ng ML-KMZ.

  1. Ano ang unang memorya ninyo nitong LGS? At ano ang hitsura ng unang edisyon na nabasa ninyo? (newsprint na mimeographed o librito? O Chinese edition pa ba sa wikang Ingles?)

JMS: Ang unang alaaala ko sa LGS ay sa anyo ng Chinese edition sa wikang Ingles at sumunod ang mimeographed na librito ng LGS. Paulit-ulit din na nagmimeograph ng LGS ang CPP Central Publishing House.

  1. Noong maagang panahon ng kilusan, kusa lang ba ang pagkalat at paglaganap ng LGS sa mga aktibista o may pormal na desisyon ba hinggil sa pagpapagamit o pagpapalaganap nito bilang babasahin o aralin para sa mga aktibista?

JMS: May pormal na desisyon ng Party group ng KM na gamitin at palaganapin ang LGS bilang babasahin at aralin ng mga abanteng aktibista para ihanda silang maging kandidatong-kasapi ng Partido Komunista dahil sa simple, malaman, interesante at mabisa ang limang artikulo sa pagpapaliwanag at pag-inspira ng diwa at moralidad ng komunista: paglilingkod sa bayan, proletaryong internasyonalismo, pagpupursigi sa pakikibaka, paglaban sa liberalismo o indibidwalismo at pagtutuwid sa mga maling ideya sa loob ng Partido.

  1. Paano ito nabuo, napag-isipan at naitakda bilang isang tekstong pang-aktibista sa kilusan? Ang kopya bang pinaghalawan mula sa Ingles ay naglalaman na ng komentaryo sa mga artikulo (na nanggaling sa mga isyu ng “Peking Review”) o idinagdag na lamang ang mga ito ng mga kasama sa Pilipinas? (Sa maliit na format ng orihinal na salin sa Ingles noong 1968 ay walang mga footnote at commentary na kasama.) Ano ang mga pangunahing layunin ng pagpapabasa nito sa mga aktibista? Sa anong yugto / bahagi ito pinag-aaralan sa programang pang-edukasyon ng isang aktibista? May ganito bang kahalintulad na babasahin sa lumang Partido?

JMS: Sa umpisa, nakilala namin ang LGS bilang makabuluhang tekstong pang-aktibista sa kilusan batay sa mga komentaryo sa mga artikulo sa mga isyu ng Beijing Review. Sa mga pulong ng pag-aaral, napatunayan na madaling masapul ng mga aktibista ang kahulugan at diwa ng mga artikulo. Dahil sa pumatok, lalong ginamit at pinalaganap ang LGS. Sa batayang kursong pangmasa, pinag-aaralan ang LGS. Walang ganitong babasahin sa lumang Partido.

  1. Kailan kaya ito isinalin sa Tagalog/ Pilipino/ Filipino? May mga iba pa bang wika itong pinagsalinan sa Pilipinas? May masasabi kaya kayo tungkol sa pagkakasalin nito (sa Ingles man o sa Pilipino)? Sa China ba ito isinalin sa Tagalog (tulad ng “Little Red Book”) o sa Pilipinas na? Naaalala pa ba kung sino-sino ang mga tagasalin nito?

JMS: Malamang na sinalin ang LGS sa Pilipino ng Propaganda & Education Department ng KM noong 1967 o 1968 pa lamang. Sumunod ang mga salin sa Ilokano, Cebuano at Bikol. At malamang din na pinahusay pa ang salin sa Pilipino sa panahon na umiiral na ang Translation Bureau ng CPP noong 1969. Wala akong alam na saling ginawa ng mga kasamang Tsino sa Beijing. At ang inatupag naman ng Pilipino sa Radyo Beijing ay pagsalin ng mga balita.

Sa Pilipinas na ginawa ang pagsalin ng Red Book. Si Ka Jose Luneta at yong mga nasa Translation Bureau ang nakakaalam sa kung sinu-sino ang mga nagsalin. Dapat tanungin ang mga rehyonal na organo kung meron at kung sinu-sino ang gumawa ng mga salin.

  1. Paano kaya ito unang ipinalaganap sa hanay ng mga aktibista? Mabilis ba ang unang paglaganap at pagyakap dito ng mga aktibista? Matatantya kaya kung ilang edisyon na nito ang nailimbag sa wikang Filipino at wikang Ingles sa Pilipinas mula sa mga sentral na palimbagan ng kilusan? May mapag-aalaman kaya para matantya ang bilang ng mga kopya na lumaganap sa Pilipinas noong mga dekada 70, 80 o 90?

JMS: Sa mga taong 1968 hanggang 1972 martial law declaration, puede pang magpalimbang ng Red Book at PSR sa Ingles at Pilipino. Pagkatapos, mimeographing na ang prinsipal na paraan ng reproduction. Print on demand ang gawi at walang tatak na edisyon sa kung anong taon. Ang Prop-Ed ng KM ang pinakaaktibo sa reproduction para sa NCR at ibang rehiyon. Si Monico Atienza at Hermegildo Garcia ang nakakaalam ang agos ng reproduksyon.

Yong Central Publishing House ng CPP nag-umpisa sa Capas Tarlac at nagtuon sa mga mga batayang dokumento ng CPP sa unang kalahati ng 1969 at pagkatapos humaba ang listahan ng ilinathala. Pero master copies lang ang ginagawa para sa reprodusyon ng mga rehiyon. Sa tingin ko, may mga kasama sa sentro at mga rehiyon mapag-aalaman kung ano ang tantya sa bilang ng mga kopya na lumaganap sa Pilipinas noong mga dekada 70, 80 o 90.

  1. Unang lumaganap sa China ang tinatawag na “3 Constantly Read Articles” (1966) na binubuo ng “Paglingkuran ang Sambayanan,” “Sa Alaala ni Norman Bethune,” at “Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng mga Bundok,” pagkaraan ay idinagdag ang “Bakahin ang Liberalismo” at “Hinggil sa Pagwawasto ng Maling mga Ideya sa Partido” (1968). Bakit kaya mula sa tatlo ay naging lima? Ano kaya ang naidaragdag ng dalawang huling sanaysay sa pagbababasa at interpretasyon ng unang tatlo? Yung sanaysay na “Hinggil sa Pagwawasto…” ba ay nagkaroon ng espesyal na kabuluhan sa Pilipinas sa panahon ng unang kilusang pagwawasto?

JMS: Yong unang tatlong artikulo simple, maigsi at nakatuon sa pagsakripisyo ng sarili para maglingkod sa bayan. Ang punto sa unang artikulo: masawi ka man sa anumang kadahilanan tulad ni Chang Szu-teh na namatay sa aksidente, martir at bayani ka sa pagganap ng anumang tungkulin sa paglilingkod sa bayan. Sa ikalawang artikulo tungkol sa Kanadyanong Dr. Norman Bethune, bayani siya ng proletaryong internasyonalismo sa kanyang pagsakripisyo at paglilingkod sa mamamamyang Tsino. Sa ikatlong artikulo, ginamit ni Mao ang isang pabula or leyenda para magtuon sa mapagpasyang kahalagahan ng determinasyon at pagsisikap ng Matandang Hangal na patagin ang mga bundok ng imperyalismo at pyudalismo. Sa gayon, nakumbinsi ang Diyos (katumbas ng bayan o kabuuan ng masa) na ipadala ang dalawang anghel (katumbas ng hukbong bayan at organisadong masa) upang alisin ang mga bundok.

Angkop na idinadagdag ang dalawang mas malawig at mapanuring artikulo na bumabaka sa pagkamakasarili at pagtutuwid ng anumang maling ideya na nakakasira sa pagkakaisa at kolektibidad ng Partido at paglilingkod sa bayan.Yong artikulo tungkol sa pagbaka sa liberalismo, nagpapaliwanag sa 11 anyo ng indibidwalismo bilang kasalungat ng pagsakripisyo ng sarili para sa kapakanan ng kolektibo at kalahatan. Ang layunin naman ng artikulo para sa pagwawasto ng mga maling ideya sa loob ng Partido ay nagtutuon sa nesesidad ng pagwawasto para maisakatuparan ang lubos na paglilingkod ng bayan hanggang ganap na tagumpay ng rebolusyon.

Malayong pinakamahaba at pinakamalawak ang saklaw ng sanaysay na ito. Pinupuna ang lantay na pananaw militar, ultra-demokrasya, pagpapabaya sa disiplina sa organisasyon, absolutong egalitarianismo, suhetibismo, indibidwalismo, ideolohiya ng rebeldeng lagalag at mga labi ng putsismo. Espesyal ang halaga ng sanaysay na ito sa Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto pati na sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

  1. Sa Pilipinas, idinagdag ang tatlong bahaging “Rebolusyonaryong Pag-Aaral at Wastong Paraan ng Pagsusuri,” “Ang Linyang Masa,” at “Ang Demokratikong Sentralismo at Sistemang Komite” upang mabuo ang ARAK (Araling Aktibista). Anong taon kaya lumabas ang unang edisyon ng ARAK (ang ikalawang edisyon na may ilang pagbabago ay inilathala noong 1999)? Ano ang dahilan sa pagdaragdag o pagpapayaman na ito sa teksto ng LGS?

JMS: Hindi ko matiyak kung kailan ang first edition ng ARAK. Malamang na ginawa ito noong mga 1989. Maliwanag naman ang lohika ng magpapayaman sa kurso ang pagdagdag sa tatlong artikulo. Sa “Rebolusyonaryong Pag-Aaral at Wastong Paraan ng Pagsusuri,”may pagtutuon sa pangangailangan ng pag-alam sa kalagayan at pagsusuri. Sa gayon, maitakda “Ang Linyang Masa” para mahimok, maorganisa at mapakilos ang masa. Sa buong rebolusyonaryong proseso, kailangan ang pamumuno ng Partido na nagpapatupad ng demokratiko sentralismo at sistemang komite.

  1. Bakit kaya ginagamit pa rin ang LGS samantalang hindi na laganap sa kasalukuyan ang paggamit o pagpapabasa sa “Little Red Book”? May kinalaman ba ito sa mga puna na lumaganap mismo sa China na labis na kulang sa konteksto ang mga sipi (quotation) mula sa mga sulatin ni Mao, o may iba pang mga dahilan?

JMS: Totoong maliwanag ang konteksto ng paksa o pangunahing ideya sa bawat artikulo sa LGS. Pero sa tingin ko, hindi masama kung gamitin ang mga sipi mula sa Red Book basta’t may paliwanag o konteksto batay sa pinanggalingang artikulo ni Mao o kaugnay ng isang maliwanag na konkretong kalagayan. Ang punang lumaganap sa Pilipinas tungkol sa pagbabasa ng mga sipi ng Red Book ay sumalungat sa dogmatistang estilo na isermon ang sipi nang walang paliwanag o konkretong konteksto. Malamang din na may epekto yong kantyaw na libro ni Lin Biao ang Red Book. Pero mga sipi ay galing pa rin kay Mao. At wasto naman ang esensiya ng mga sipi, lalo na kung may kasamang paliwanag o konteksto.

  1. Paano ninyo papahalagahan ang LGS bilang isa sa mga pinaka-popular na babasahin para sa mga aktibistang Pilipino? Ano ang paliwanag sa pangmatagalan nitong bisa sa rebolusyong Pilipino at patuloy na pagpapahalaga ng mga aktibista? Sa inyong palagay, alin sa mga bahagi nito o mga kaisipan/ pangungusap ang nagkaroon ng pinakamalaking impluwensya sa ideolohikal na pag-unlad ng mga aktibista? May iba pa kayang bababasahin ang kilusan sa Pilipinas mula sa panulat ni Mao na maihahalintulad ang lawak at lalim sa naabot na impak ng LGS sa mga aktibistang Pilipino?

JMS: Malaki at mapagsiya ang kahalagahan ng LGS sa pagtutuon sa diwang rebolusyonaryo at komunista na magsakripisyo para puspusang mapaglingkuran ang sambayanang Pilipinoi at dapat bakahin ang pagkamakasarili upang itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng masang anakpawis at isakatuparan ang pagkakaisa, kolektibong pagkilos at kapakanan ng lahat ng mamamayan.

Maraming Pilipinong aktibista at mga kasama ang nakapagbasa sa Red Book, Selected Writings at limang tomo ng mga akda ni Mao. Malaki at mapagpasiya para sa atin ang natututunan mula kay Mao tungkol sa aplikasyon ng Marxismo-Leninismo sa pagsusuri at pagkilos sa isang bansang malakolonyal at malapyudal (ang Tsina sa nakaraan at Pilipinas sa ngayon), sa pagsasakatuparan ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, sa pagsasagawa ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, sa paglaban sa makabagong rebisyonismo sa lipunang sosyalista sa pamamagitan ng rebolusyong kultural at sa tuluy-tuloy na paglaban at pananagumpay sa imperyalismo at reaksyon.

14. Sa palagay ninyo ay angkop pa ba ang paggamit ng mga halimbawa tulad nina Chang Szu-teh, Norman Bethune, at ng kathang-isip na “Matandang Hangal” bilang mga halimbawa ng katapatan, paninindigan at taos-pusong paglilingkod sa kasalukuyang panahon? Hindi kaya mas angkop na gumamit na ng mga halimbawa mula sa karanasan ng kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas?

JMS: Angkop pa ang paggamit ng mga halimbawa tulad nina Chang Szu-teh, Norman Bethune, at ng pabula ng “Matandang Hangal” bilang mga halimbawa ng katapatan, paninindigan at taos-pusong paglilingkod sa kasalukuyang panahon. Pero totoo naman na sa hinaba ng ating pakikibaka at dinami ng mga parangal natin sa ating mga Pilipinong martir at bayani, matagal nang puede tayong maglikom at pumili ng mga parangal para sa inspirasyon ng mga kasama at mga aktibista. Matagal nang angkop na gamitin natin ang mga halimbawa mula sa karanasan ng kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas.

  1. Sa anong mga sektor kaya pangunahing nagagamit o may bisa ito? Sa hanay ba ng mga mag-aaral o peti-B? Sa TU ba? O sa kanayunan? Ano kaya ang paliwanag dito? May pagkakaiba kaya ang pagtanggap sa LGS sa kalunsuran at sa kanayunan?

JMS: Ang mga parangal at inspirasyonal na sanaysay tulad ng nilalaman ng LGS ay kinakailangan at angkop para sa lahat ng pinagsasamantalahang uri at sektor. Dapat pinaparangalan natin ang mga martir at bayani para maging huwaran at inspirasyon ng sambayanang Pilpino at mga rebolusyonaryong pwerss para isulong nila ang ating rebolusyon.

Ang estilo ng pagpaparangal sa mga rebolusyonaryong martir at bayani ay naiiba lamang dahil sa lugar at kalagayan. Sa mga Pulang purok sa kanayunan, may mga panawagan ng armadong pakikibaka at may honor guard ng hukbong bayan. Pero sa mga puting purok, may mga pag-iingat sa mga lantarang pagkilos, laluna sa mga panahon na labis na mabangis ang kaaway.

  1. Ano ang kabuluhan ng muling paglathala sa ilalim ng pamagat na “Five Golden Rays” para sa internasyonal na mambabasa ng Foreign Languages Press (2020)? (At gayundin, ng paglathala kamakailan ng parehong palimbagan ng “Activist Study.”)

JMS: Nasa pagpapasya yan ng publisher ng Foreign Languages Press sa Paris. Siya ay Maoista at masasabing simpatisador ng kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas. Kinikilala niya ang makasaysayan at patuloy na kahalagahan ng LGS at ARAK. Mas nasa hanay ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang pagpapasya tungkol sa paglikom at pagpili ng mga akdang sinulat na ng mga Pilipino para maipalaganap ang mga aral at ang inspirasyon tulad ng nilalaman ng LGS at ARAK.###

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you