Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
at Punong Konsultant ng National Democratic Front of the Philippines
21 Disyembre 2010
Nakikiramay ako at ang aking pamilya sa pamilya ni Kasamang Eliseo “Ely” Cadiang. Malungkot tayo sa kanyang pagpanaw subalit maipagbubunyi natin ang kanyang mga ginawa bilang isang makabayan at progresibo.
Makabuluhan ang kanyang mga ambag sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri ng malalaking komprador at asendero.
Pangunahing organisador si Ka Ely ng Kabataang Makabayan sa Tarlac noong dekada-1970 hanggang siya ay ikulong at itortyur sa ilalim ng pasistang diktadura sa panahon ng batas militar. Patuloy siya sa masigasig na pagkilos nang makalaya.
Isa si Ka Ely sa mga tagapagtatag ng BAYAN Tarlac noong dekada-1980. Mahabang panahon siyang naging Tagapangulo nito. Kasama siya nina Ka Satur Ocampo at Rafael Baylosis sa pagtatatag at pagsulong ng Bayan Muna..
Laging matayog ang diwa at marubdob ang pagsisikap ni Ka Ely sa pagsisilbisa mamamayan. Kumilos siya sa hanay ng masa at dumaan sa matitinding pakikibaka at pagsasakripisyo para maging mabunga at matagumpay ang kilusan. Maaari nating ipalagay ang pagyao ni Ka Ely bilang marapat na pamamahinga.
Nag-iwan siya sa atin lahat ng mayamang pamana. Maningning siyang huwaran ng matapat, matatag at militanteng paninilbihan sa sambayanang Pilipino. inspirasyon sa lahat ang kanyang makabayan at progresibong paninindigan, pamumuno at pagkilos.
Karapat-dapat na igawad kay Ka Ely ang pinakamataas na pagpupugay ng kilusan. Laging buhay si Ka Ely sa ating ala-ala, sa pagsunod sa kanyang mga makabayan at progresibong adhikain at halimbawa at sa pagpapatuloy at pagsulong ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya, hustisya sosyal, kaunlaran at makatarungang kapayapaan.
Mabuhay ang ala-ala ni Ka Eliseo Cadiang!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!