Mensahe sa Kilometer 64 Poetry Collective
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatatag,
Kabataang Makabayan
Marso 11, 2014
Mahal kong mga kababayan at kaibigan,
Taos puso kong pinapaabot ang pakikiisa sa inyong lahat na makabayang makata at alagad ng panunula na pinagbigkis ng Kilometer 64.  Natutuwa ako na nagtipon kayo ngayon para ipagbunyi ang ikalabing-isang anibersaryo ng ating ugnayan na inumpisahan noong Marso 14, 2003.
Mayaman na ang inyong kasaysayan at dapat ipagbunyi ang inyong mga tagumpay. Kapuri-puri ang paglikha, paglalathala at pagtatanghal ninyo ng mga tulang makabayan. Kilala kayong masigasig sa pagpapalaganap ng mga makabuluhang tula sa mga paaralan, lansangan, bar, piketlayn at   maralitang mga komunidad.
Bilang tagapangulong tagapagtatag ng Kabataang Makabayan, itinuturing kong malaking karangalan para sa kasapian ng KM na naging inspirasyon ng Kilometer 64 ang makabayang diwa at militanteng pagkilos nila. Parating na ang ika-50 anibersaryo ng pagtatatag sa KM at paghandaan natin ang pagbubunyi nito sa darating na Nobyember 30.
Mainam na ipinagpapatuloy at ibayong pinasisigla ng Kilometer 64 ang pagpapalaganap ng kultura ng patriotismo at humango ito ng aral mula sa rebolusyonaryong kasaysayan ng bayang Pilipino. Tampok na mga ikono natin ang mga makabayan at rebolusyonaryong makata na sina Andres Bonifacio at Amado V. Hernandez.
Habang sadlak ang ating inangbayan sa katayuang malakolonyal at malapyudal, laging mahigpit na tungkulin nating magsulat at magbigkas ng mga tula bilang sandata sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa dayuhang monopolyo kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Lumahok tayo sa lahat ng pagkilos para pukawin, organisahin at pakilusan ang lahat ng inaapi at pinagsasamantalang uri at sektor ng bayan.  Sumabak tayo sa pakikibaka anuman ang mga panganib, kahirapan at sakripisyo. Sakim at malupit ang kaaway at dapat nating gawin ang lahat ng paraan upang ipagwagi ang pakikibaka ng bayan.
Palagiang inspirasyon natin ang papel na maningning na ginampanan ng Kabataang Makabayan sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon bago ipataw ang pasistang diktadura, habang nanunupil at nanalanta ito at matapos itong maigupo.
Nasa panahon tayong muling may hamon sa atin na labanan at gapiin ang halimaw na rehimen ng kasikeng Aquino na pasinto-sintong palasunod sa imperyalismong US. Ang pakikibaka natin ngayon ay bahagi ng pagsulong sa landas na patungo sa ganap ng pambansang kalayaan at demokrasya.
Bilang panapos sa mensaheng ito, nais kong bigkasin ang aking tula,
ANG MAESTRONG TITIRETERO AT MGA PAPET
Sa panahong neokolonyal, ang maestrong titiretero
Nagpapahiram ng dingal sa mga papet at ilinalagay sila
Sa entablado, sa masmidya at sari-aring pagtitipon.
Upang likhain ang ilusyon ng demokrasya, inaayos niya
Ang elektoral na paligsahan tulad ng makulay na sabungan
Sa kayraming pistang bayan sa ilang buwan.
Ngunit ang pinakamahalaga sa maestrong titiretero
Ay piliin ang mga pulitikong papet na pinakaalistong maglingkod
Sa kolaborasyon ng US at lokal na mga nagsasamantala,
At papaniwalain ang mga pinagsasamantalahan at inaapi
Na sila ang malayang pumili sa posibleng pinakamahusay.
Sa gayon, napapatagal ng US ang kanyang dominasyon.
Ngunit bumangon ang rebolusyonaryong kilusan
Upang pukawin, organisahin at pakilusin ang masa
Upang harapin ang mga nang-aapi at nagsasamantala,
Upang agawin nang paalon-alon ang poder sa mga lokalidad
At kamtin ang lakas para sa pagpapalaya ng bansa
Pangunahin ang mga manggagawa at magsasaka.
Suklam ang sambayanang Pilipino sa maestrong titiretero
Sa pagpalit-palit ng mga pinunong papet upang apihin sila.
Tinatanggihan nila ang garapal na despotismo ni Marcos
Gayundin ang mga huwad na demokratikong kasunod
Na naghahalinhinan sa pang-aapi sa sambayanan
At naglilingkod sa mga dayuhan at lokal na mapagsamantala.
Maraming salamat.