June 29, 2016/
http://kodao.org/2016/06/29/adyenda-ng-bayan-para-sa-administrasyong-duterte-inilatag-na/
INIHAPAG ng mga sektoral na grupo ang kani-kanilang adyenda isang araw bago ang pag-upo ni Rodrigo Duterte bilang bagong pangulo ng Pilipinas.
Dinaluhan ng mahigit isang libong katao mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang National People’s Summit sa Unibersidad ng Pilipinas kaninang umaga upang hamunin ang administrasyong Duterte na magpatupad ng mga makabayang programa at patakaran.
Labinlimang puntong adyenda ang ihinapag ng mga nagsidalo para sa pagpapaunlad ng ekonomiya, patakarang panlipunan, mabuting pamamahala, pangmatagalang kapayapaan at karapatang pantao, at patakarang panlabas at soberanya.
Inaasahan ng mga grupong pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan na bibigyang-pansin ng administrasyong Duterte ang mga adyenda sa unang isang-daang araw nito.
Tampok din sa pagtitipon ang kahilingan ng mga Lumad na makabalik sa kanilang mga lupain at pagbuwag sa mga paramilitar na naghahasik ng lagim sa kanilang mga komunidad.
Pitumpu’t-lima ang pinaslang na Lumad sa ilalim ng papatapos na administrasyong Benigno Aquino.
“Sa wakas ay masasampahan na natin ng kaso si Noynoy Aquino,” ani Bayan Muna Representative Carlos Zarate sa kaniyang panimulang pananalita ukol sa pagpapanagot kay Aquino.
Kabilang sa mga adyenda ang pambansang industriyalisasyon, pagpapabilis ng internet, pagsasaayos ng transportasyon, pagtigil sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, pagtigil ng karahasan sa kababaihan, pagpapatupad ng tunay na repormang pansakahan, pagsusulong ng interest ng katutubong mamamayan at pambansang minorya, at pagsisiguro ng kagalingan ng overseas Filipino workers.
Tinanggap nina papasok na mga kalihim ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) Judy Taguiwalo at Repormang Pansakahan (DAR) Rafael Mariano ang tinipong People’s Agenda sa ngalan ng papasok na gubyernong Duterte.
“Tutulong kami sa pagpapaliwanag at pagpapatanggap ng People’s Agenda sa gabinete,” ani Mariano.
“Hindi na bago ang People’s Agenda dahil matagal na natin itong pinaglalaban at patuloy natin itong ipaglalaban,” ayon naman kay Taguiwalo.
Magsasagawa ng isang rali ang mga progresibong grupo bukas sa Mendiola, kasabay ng panunumpa ni Duterte, bilang pagpapatibay sa suportang inihayag ng mamamayan sa bagong pamahalaan. #
(Ulat at mga larawan ni John Reczon Calay ng UP Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon para sa Kodao Productions)