Ang kabuluhan ng komuna ng Paris ng 1871 at ang kanyang kaugnayan sa pandaigdigang rebolusyong proletaryo
Mensahe sa International League of Peoples’ Struggle
Ni Jose Maria Sison, ILPS Chairperson Emeritus
March 18, 2021
TINGNAN | Mga istap at manggagawa mula sa Kilusang Mayo Uno habang nanonood ng webinar hinggil sa Komuna ng ParisPanoorin ang replay sa link na ito: https://youtu.be/TaXSD_pFPJc
Mabuhay ang dakilang ambag ng Komuna ng Paris!Manggagawa, palayain ang uri! Paandarin ang gulong ng kasaysayan!#ParisCommune150
====================================
ANG KABULUHAN NG KOMUNA NG PARIS NG 1871
AT ANG KAUGNAYAN NITO SA PANDAIGDIGANG
REBOLUSYONG PROLETARYO
Mensahe sa International League of Peoples’ Struggle
Ni Jose Maria Sison, ILPS Chairperson Emeritus
March 18, 2021
Mahal na mga Kasama at Kaibigan,
Pinasasalamatan ko si Ka Elmer Labog, Tagapangulo ng ILPS-Philippines sa pagkumbida sa akin na magbigay ng pambungad na talumpati sa webinar na itong may layuning ipagbunyi ang ika-150 anibersaryo Komuna ng Paris ng 1871.
Ikinararangal at ikinagagalak ko na talakayin ang kabuluhan ng dakila at maluwalhating rebolusyonaryong pangyayaring ito at ang kaugnayan nito sa pandaigdigang rebolusyong proletaryo hanggang sa kasalukuyang nagaganap na anti-imperyalista at demokratikong mga pakikibaka ng proletaryado at lahat ng mamamayan ng daigdig. Ipinagmamalaki ko na mula nang maitayo ang ILPS noong 2001, humango ito ng inspirasyon sa Komuna ng Paris at nakapag-ambag nang malaki sa pandaigdigang anti-imperyalista at demokratikong kilusang masa.
Sa rebolusyonaryong diwa ng Komuna ng Paris ng 1871, mangahas akong magsabi na ang kasalukuyang mga pakikibakang masa ay transisyon sa malakihang muling pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo mula sa mga mayor na pag-atras dahil sa rebisyunistang kataksilan sa adhikaing sosyalista. Hindi kailanman matatanggap ng proletaryado at mamamayan ang papatinding pagsasamantala at pang-aapi sa kanila.
Ipinataw ng imperyalismo sa proletaryado at mamamayan ng daigdig ang neoliberalismo, terorismo ng estado, pag-iinit ng mundo (global warming) at mga pandemya; at sa gayon ay nag-uudyok sa kanila upang lumaban at isulong ang reboluyonaryong adhikain ng pambansang paglaya, demokrasya at sosyalismo.
I. Kahalagahan ng Komuna ng Paris ng 1871
Bilang Tagapangulo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, aking tinalakay ang kahalagahan ng Komuna ng Paris ng 1871 sa okasyon ng ika-100 anibersaryo nito noong 1971. Nagbatay ako sa pinakamahusay na paglalagom at pagsusuri ng pangyayaring ito, Ang Gera Sibil sa Pransya (The Civil War in France) ni Karl Marx na sumubaybay sa pangyayari sa pamamagitan ng sarisaring pagkukunan ng hayag na impormasyon at higit sa lahat mula sa mga kasapi ng International Workingmen’s Association (ang Unang Internasyunal) na kabilang sa Komite Sentral na siyang namuno sa Komuna ng Paris.
Pinatunayan ngKomuna ng Paris sa pinakaunang pagkakataon sa kasaysayan ng sangkatauhan na kaya ng uring manggagawa na lansagin ang burges na makinaryang estado at gayundin palitan ito ng estado ng uring manggagawa, ang diktadura laban sa mga mapagsamantalang uri at demokrasya para sa dating pinagsasamantalahang mga uri. Mula Marso 18 hanggang Mayo 28, 1871, nag-alsa ang mga manggagawa ng Paris (na bumibilang sa ilandaang libo at bumubuo sa National Guards) binuwag ang reaksyunaryong hukbo at ipinakita ang kanilang kakayahang agawin ang kapangyarihang pulitika at pamunuan ang isang bagong lipunan.
Nilabanan nila ang mga pagtatangka ng mga burges na reaksyunaryong Pranses sa pamumuno ni Thiers na disarmahan sila alinsunod sa mga artikulo ng pagsuko sa mga Prusong pinamumunuan ni Bismarck na nanalo sa Franco-Prussian War. Bilang pagtataguyod sa diktadura ng proletaryado, itinakda ng mga komunard bilang unang dikreto nila ang pagsupil sa nakatayong hukbo ng burgesya at ang pagpalit dito ng armadong mamamayan.
Sa kalaunan ay nagapi ang Komuna ng Paris dahil hindi ito agad naglunsad ng opensiba laban sa reaksyunaryong pamahalaang burges na itinayo ni Thiers sa Versailles sa panahong mahina pa’t disorganisado ang hukbo nito; at hindi pa pinalalaya ang maraming bihag na sundalong Pranses upang paboran ang burges na pamahalaang Pranses.
Para magkaroon ng panahon laban sa mga Komunard at makipagkasundo kay Bismarck, nagpadala ng mga armadong destakamento si Thiers laban sa Paris at kasabay nito ay nagpanggap na makikipagkasundo sa kapayapaan tuwing mabigo ang bawat armadong ekspedisyon laban sa Komuna ng Paris. Sa gayon, nagtagumpay sina Thiers at Bismarck sa kalaunanan na maglunsad ng mga atake na gumapi sa Komuna ng Paris at nagresulta sa masaker ng 20,000 hanggang 30,000 na manggagawang martir.
Pinarangalan ni Marx ang Komuna ng Paris sa ganitong pananalita: “Ang Paris ng Mga Manggagawa at ang Komuna nito hanggang kailanma’y ipagdiriwang bilang maaliwalas na tagapagbalita ng isang bagong lipunan. Nakapako na sa walang hanggang paghamak ang kasaysayan ng mga tagapaslang nito kaya’t hindi kasya silang tubusin ng lahat ng panalangin ng kanilang mga pari..” Iniangat ng Komuna ng Paris sa isang bago at mas mataas na antas ang maluwalhating pakikibaka ng uring manggagawa na kumalat sa buong Europa noong 1848.
Sunod sa Komuna ng Paris, isinulat nina Marx at Engels sa kanilang paunang salita sa Manipesto ng Partido Komunista ang sumusunod na pundamental na aral na may mapagpasyang kahalagahan: “Isang tanging bagay na ipinakita ng Komuna, na ’ hindi puedeng simpleng hawakan ang yari-nang makinarya ng estado at gamitin ito para sa sariling mga layunin’…” Nakita nilang angkop lamang na muling idiin ang mga salita sa loob ng panipi mula sa The Civil War in France.
Upang pamunuan tungo sa tagumpay ang Rebolusyong Oktubre ng 1917, natutunang mabuti ni Lenin ang aral ng Komuna ng Paris at itinakwil ang mga parlamentaristang burges, sosyal sobinista at sosyal pasipista ng Ikalawang Internasyunal. Sa kanyang Estado at Rebolusyon, idiniin niya ang aral ng Komuna ng Paris na dapat wasakin ng proletaryado ang burukratiko-militar na makinarya ng burgesya. Kaya, sa esensya ang Rebolusyong Oktubre ng mga Bolsebiko ay pagbubuwag ng makinaryang pang-estadong burges, pagtatayo ng diktadura ng proletaryado at sa kalunanan pagkokonsolida nito sa pamumuno ni Stalin.
Alinsunod sa Komuna ng Paris, itinuro sa atin ni Tagapangulong Mao, “Nagmumula sa barilis ng baril ang kapangyarigang pampulitika.” Ito ang esensya hindi lamang ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamumuno ng proletaryado sa Tsina kundi ng lahat ng rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado sa 150 taon makaraan ang Komuna ng Paris. Imposibleng maagaw ng proletaryado ang kapangyarihang pampulitika nang hindi tumatalima at tumutupad sa prinsipyo ng armadong rebolusyon.
Isa pang pundamental na aral na itinuturo sa atin ng Komuna ng Paris ay dapat may rebolusyonaryong partido ang proletaryado upang pamunuan ang rebolusyon at ibagsak ang burgesya; at upangmagpalakas sa ideolohiya, politika at organisasyon sa gayunding layunin. Ipinakita ng rebolusyonaryong praktika ng Komuna ng Paris ang pangangailangan ng sentral na pamunuan upang gabayan ang masiglang kilusan ng rebolusyonaryong masa.
Umasa at tumingala sa pamumuno ng Komite Sentral ang National Guards, ang hukbo ng mga armadong manggagawa, na umagaw ng kapangyarihan sa Paris mula sa burgesya . Noong Marso 26, inihalal ng mga manggagawa ang Komuna ng Paris bilang isang kinatawang kalipunan para mamuno sa kanila. Bagamat kinundena ne burgesya ang International Workingmen’s Associationng bilang responsable sa pamumuno sa pag-aalsa ng mga manggagawa, hindi ito ang pangunahing impluwensya sa hanay ng mga manggagawa.
Bagamat si Marx ang nangungunang organisador at diwa ng Unang Internasyunal, hindi pa gagap ang Marxismo ng mayorya ng mga manggagawa. Ang Blanquismo at Proudhonismo ang kinilala ng mga lider ng Komuna ng Paris bilang kanilang gabay. Ngunit sa praktika, kinontra ng Komuna ng Paris ang anarkiya ng paaralang Blanquista ng sosyalismong petiburges ng paaralang Proudhonista at pinatunayan ang kawastuhan ng Marxismo.
Taliwas sa mga anarkistang doktrina ni Blanqui, hindi lamang binuwag ng mga manggagawa ng Paris ang burges na makinaryang estado kundi itinayo rin nito ang diktadura ng proletaryado at hindi lamang ang isang bungkos ng intelektwal ang nagkamit ng rebolusyonaryong tagumpay kundi ang makapangyarihang masa ng manggagawa sa landas ng makauring tunggalian. Ang mga dikreto sa ekonomiya ng Komuna ng Paris ay walang pinakinabangan sa mga turo ni Proudhon tungkol sa maliitang kooperatiba pagkat kinailangang harapin ang realidad ng malakihang industriya.
Batay sa karanasan ng Komuna ng Paris, sinulat ni Lenin ang What Is To Be Done? upang tugunan ang pangangailangan ng pagbubuo ng isang rebolusyonaryong partido ng proletaryado. Walang pagod na binuo niya ang Partido Bolsebiko bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa, na ginagabayan sa pagkilos ng Marxismo. Ang partidong ito ang nagsilbing pamunuan sa pulitika at pangkalahatang istap ng proletaryado sa rebolusyon upang itatag ang diktadura ng proletaryado at itatag ang sosyalismo.
Sa rebolusyong Tsino, itinatag ni Kasamang Mao Zedong ang isang disiplinadong partido na armado ng Marxismo-Leninismo, gamit ang pamamaraan ng pamumuna-at-pagpuna-sa-sarili at malapit na nakaugnay sa malawak na masa ng mamamayan. Ito ang ubod ng liderato ng buong proletaryado at mamamayang Tsino. Ito ang namuno sa hukbong bayan at sa nagkakaisang prente ng lahat ng rebolusyonaryong uri at organisasyon.
Isa pa ring pundamental na aral na matututunan sa Komuna ng Paris ay ang masa ang tagapaglikha ng kasaysayan. Maari lamang sumahin at suriin ng mga lider ang karanasan at balangkasin ang mga bagong tungkulin batay sa rebolusyonaryong kilusang masa. Ang tunay na pamumuno ay maaaring lumitaw, magpasiya at kumilos nang tama kapag ito ay umaasa sa masa at natututo sa kanila. “Mula sa masa tungo sa masa” ang wastong linya na dapat sundin ng rebolusyonaryong partido at mga kadre nito.
Sa simula, pinaalalahanan ni Marx ang mga manggagawa ng Paris na kabaliwan ng kawalang pag-asa ang anumang pagtatangkang ibagsak ang gubyerno. Ngunit noong Marso 1871, nang mag-alsa ang mga manggagawa ng Paris laban sa burgesya at lumikha ng Komuna ng Paris, ipinakita ni Marx ang ulirang tindig ng isang tunay na rebolusyonaryong pantas at lider sa pamamagitan ng malugod na pagtanggap sa pangyayari at pagturing sa sarili na kalahok siya rito. Pinarangalan niya ang rebolusyonaryong kasigasigan at inisyatiba ng mga manggagawa at matamang pinag-aralan ang lubos na kahalagahan ng kanilang pagkilos.
Ipinamalas ng Komuna ng Paris ang walang hanggang kapasidad ng rebolusyonaryong masa na maglikha ng mga bagong bagay matapos buwagin ang burges na makinarya ng estado sa pamamagitan ng kanilang armadong lakas. Nilikha nila ang isang bagong pamahalaang nakabatay sa isang tunay na demokratikong praktika ng universal na botohan sa hanay ng mga manggagawa. Nagtayo sila ng pamunuan mula sa kanilang hanay, masusing nagtatrabaho at sumasahod ng halagang kapareho ng karaniwang manggagawa, nang walang representation allowances at discretionary funds.
Iwinaksi ng gayong pamumuno ang paghihiwalay ng mga tungkuling ehekutibo at lehislatibo. Ganap itong kabaligtaran ng parlamento, ang salas na satsatan ng mga uring burgesya at panginoong maylupa, na ganap na hadlang sa rebolusyong panlipunan. Maaring alisin sa pwesto ang sinumang lider kahit kailan. Taglay ng Komuna ng Paris ang mga sangkap ng tunay na demokrasya para sa proletaryado at mamamayan, kasabay ng pagiging makauring diktadura laban sa mga mapagsamantalang uri.
Ipinamalas ng mga manggagawa ng Paris ang kakayahang magkamit ng ganon sa kabila ng kahirapan at kagipitan ng buhay pampulitika at pang-ekonomya sa bansang natalo sa gera at sa syudad na napapaligiran di lamang ng mga sanggano ni Thiers kundi pati ng mga tropa ni Bismarck. Ano pa kaya ang maaaring kamtin ng mga manggagawa kapag mayroon silang mulat na makauring partido na lubos na aral sa Marxismo!
Ano pa kaya ang maaari nilang kamtin kapag hindi sila nahadlangan na magkaroon ng rebolusyonaryong koordinasyon sa mga manggagawa sa ibang syudad at sa masang magsasaka sa ibang probinsya ng Pransya. May pangitain na ang Komuna ng Paris ng sistemang pambansa ng mga komuna ng mamamayan na may pambansang delegasyon na nakabase sa Paris.
II. Kabuluhan sa Pandaigdigang Rebolusyong Proletaryo
Bunga ng pagkatalo ng Komuna ng Paris ng 1871, laluna sa masaker ng mga manggagawa sa madugong linggo ng Marso 21 hanggang 28, nagbabala ang pandaigdigang burgesya at mga tagapagsalita nito na hindi na kailanman mangangahas ang uring manggagawa na magtangkang umalsa laban sa estadong burges. Subalit ang kabayanihan at pag-alay ng buhay ng mga manggagawa ng Paris ay nagsilbing inspirasyon sa mga manggagawa ng maraming bayan na magtayo ng mga partido at kilusang sosyalista at manggagawa. Ang Internationale ang kanilang naging pinagkaisahang awit.
Sa mas mabubuting taon ng Ikalawang Internasyunal sa panahon mula 1898 hanggang 1916, nakatulong ito sa pagtatayo ng mga Marxistang partido ng manggagawa at sa pagpapalaganap ng Marxismo bilang pangunahing tunguhin sa hanay ng kilusang manggagawa sa Europa sa huling dekada ng ika-19 siglo sa kabila ng rebisyunismo ni Bernstein at pagkatapos ni Kautsky. Samantala, bunga ng paulit-ulit na krisis ng labis na produksyon at walang humpay na akumulasyon at konsentrasyon ng pribadong kapital, may ilang bayang kapitalista ang naging monopolyo kapitalista at nagbigay-daan sa pandaigdigang panahon ng makabagong imperyalismo at pandaigdigang rebolusyong proletaryo sa pagtatapos ng ika-19 siglo.
Sa bagong panahong ito, lalong pinahirapan ang pandaigdigang sistemang kapitalista ng kontradiksyon sa pagitan ng panlipunang katangian ng mga pwersa sa produksyon (ang proletaryado at mga kagamitan ng modernong industriya) at ng pribadong moda ng aproprasyon ng uring kapitalista at lalo pang naging bulnerable sa krisis ng labis na produksyon, pag-igting ng makauring tunggalian at mga gerang inter-imperyalista katulad ng Unang Digmaang Pagdaigdig at Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa unang hati ng ika-20 siglo.
Binigyang daan ng Unang Digmaang Pandaigdig ang uring manggagawa na makaagaw ng kapangyarihang pampulitika sa Rusya at itayo ang sosyalismong Sobyet sa sangkanim na bahagi ng mundo kung saan dating naghari ang Tsarismo. Binigyang daan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kondisyon upang gapiin ng mga partido komunista ang mga pwersa ng pasismo at agawin ang kapangyarihan; at itayo ang sosyalismo sa Tsina at ibang bayan at gayundin pamunuan ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa Asya, Aprika at Amerika Latina.
Pagdating ng maagang bahagi ng dekada 50, sangkatlo ng sangkatauhan na ang pinamamahalaan ng mga partido komunista at manggagawa. Subalit ang US ang lumitaw na pinakamalakas na imperyalistang kapangyarihan bunga din ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inilunsad nito ang Cold War mula 1947 at pinakawalan ang kampanya ng propagandang antikomunista, ipinamarali ang “malayang pangangalakal” bilang garantiya ng demokrasya. Marahas nitong nilabanan ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo. Inilunsad nito ang mga gerang agresyon sa Korea mula 1950 hanggang 1953 at sa Byetnam at buong Indotsina magmula 1955 pasulong.
Ang mamamayang Koreano at ang Demokratikong Republikang Bayan ng Korea (DPRK) ay lumaban at inilagay sa stalemate ang imperyalismong US. Subalit noong 1975, pinatawan ang US ng una nitong ganap na pagkatalo ng mga mamamayang Byetnames at ibang mamamayang Indotsino. Habang nagaganap ito, patuloy na isinulong ng Tsina ang rebolusyon at konstruksyong sosyalista at nagsilbi itong balwarte laban sa imperyalismong US. Mula sa relatibong rurok ng kapangyarihan nito mula 1945 hanggang 1975, nagsimula ang estratehikong pagdausdos ng US dahil sa istagplasyon, bulagsak na gastos militar at pang-ekonomyang pagbangon ng mga kapitalistang bayang nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Subalit sa Unyong Sobyet, kung saan pinamunuan ni Stalin ang rekonstruksyon ng sosyalistang ekonomya matapos ang gera at pagbasag sa monopolyong nukleyar ng US, nakapaghari na ang modernong rebisyunismo at ganap na itinakwil si Stalin noong 1956 upang ibagsak ang estado ng uring manggagawa at hayaan ang burgesya at ang mga sangkap ng kapitalismo na yumabong sa loob ng sosyalistang lipunan. Itinulak ang repormismo at pasipismong burges sa ilalim ni Khrushchov at sosyal-imperyalismo sa ilalim ni Brezhnev.
Tinunggali ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ang modernong rebisyunistang linya ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet (CPSU) sa hanay ng pandaigdigang kilusang komunista at manggagawa. Tinunggali rin nito sa loob ng Tsina ang mga lantarang Maka-kanan gayundin ang mga rebisyunistang lokal at impluwensyadong-Sobyet. Napangibabawan nito ang ilang elementong antisosyalista bago, habang at matapos ang Great Leap Forward subalit may ilang nakapagpanatili na nasa kapangyarihan.
Mulat sa mapagpasyang kahalagahan ng pagtataguyod sa Marxista-Leninistang teorya at praktika, isinulong ni Mao ang kilusan sa sosyalistang edukasyon mula 1962 hanggang 1966 upang linisin at iwaksi sa larangan ng ideolohiya, pulitika, ekonomya at organisasyon ang Partido at estadong sosyalista ang linyang Maka-kanan at rebisyunismo. Subalit hindi ito naging sapat. Kaya kinailangang isulong ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura (GPCR) mula 1966 hanggang 1976 tungkol sa teorya at praktika ng patuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado sa pamamagitan ng rebolusyong pangkultura upang labanan ang rebisyunismo, hadlangan ang panunumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.
Sa ika-100 anibersaryo ng Komuna ng Paris noong 1971, ang GPCR ay tumampok bilang rurok ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Subalit dadaan ito sa masalimuot na landas. Ang mga Maka-kanan o rebisyunista ay patuloy na nagtagumpay na makipagsabwatan sa mga Sentrista laban sa Kaliwa sa likod ng hayag na tagumpay ng GPCR habang buhay pa si Mao. Ngunit sa kanyang pagpanaw noong 1976, ang mga tumatahak ng kapitalistang landas sa pamumuno ni Deng Xiaoping ay nagtagumpay sa pagsasagawa ng isang kontrarebolusyonaryong kudeta laban sa mga proletaryong rebolusyonaryo at sa sosyalistang estado ng uring manggagawa.
Idineklara ng Dengistang kontrarebolusyon ang GPCR bilang isang ganap na katastrope at isinagawa ang panunumbalik ng kapitalismo sa Tsina sa pamamagitan ng mga kapitalistang reporma at pagbubukas sa US at sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Matapos supilin ang mga protestang masa laban sa implasyon at korupsyon sa Tien An Men sa Beijing at iba pang syudad sa Tsina noong 1989, nagmakaawa si Deng at ang kanyang mga pampulitikang alipures sa US para pagkalooban ng mas marami pang konsesyon sa ekonomiya at naging higit pang determinado na palakasin ang kapitalismo sa Tsina bilang integral na bahagi ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Pagdating ng 1991 gumuho ang Unyong Sobyet at naglaho ang mga nakakabit na estadong pinamumunuan ng mga rebisyunista. Ganap na nakontrol ng burgesya ang lahat ng bayan sa blokeng Sobyet. Pawang naglaho rin ang lahat ng mga partidong impluwensyado ng modernong rebisyunismong Sobyet. Gayundin ang mga partido komunistang nalito sa anti-GPCR na paninindigan ng partido at estadong Tsino. Lumitaw na panalo ang imperyalismong US sa Cold War at tumayo bilang nag-iisang superpower. At ibinandila ng kanyang mga ideologo at publisista ang kamatayan ng sosyalismo at ang pagtatapos ng kasaysayan sa diumanong walang hanggang pananatili ng kapitalismo at liberal na demokrasya.
Nagmistulang lasing sa kagalakan ang imperyalismong US sa panunumbalik ng kapitalismo sa Tsina, Rusya at kabuuan ng dating blokeng Sobyet. Hindi nito natanto na ang Tsina at Rusya ay dalawang malalaking kapitalistang bayan na puedeng magpatindi sa mga interimperyalistang kontradiksyon at magpalala sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Abala ito sa layuning ipailalim ang Tsina sa pang-ekonomyang ekspansyon ng US sa ilalim ng neoliberal na patakarang ng imperyalistang globalisasyon at payukuin ang Rusya sa neokonserbatibong patakaran ng paggamit ng buong ispektrum ng kapangyarihang US sa pagpapalawak ng NATO at pagpawi sa natitirang labi ng kapangyarihan at impluwensyang Sobyet sa Silangang Europa, Sentral Asya at Gitnang-Silangan.
Sa gayon, ang US mismo ang nagpalala sa mga kundisyon para sa sariling estratehikong panghihina sa pamamagitan ng kanyang mga konsesyon sa ekonomya, kalakalan at teknolohikal sa Tsina na ikinalakas nito sa ekonomya at militar at nag-uk-ok sa pang-ekonomyang ehemoniya ng US, at gayundin sa pamamagitan ng “walang katapusang gera” na nagwaldas ng USD 6 trilyon sa napakaikling panahon para kontrahin ang Rusya. Malinaw na nawala na ang US sa katayuan bilang nag-iisang superpower mula ng financial meltdown noong 2008 at walang humpay na paglala ng krisis sa ekonomya at pulitika ng pandaigdigang sistemang kapitalista hanggang sa ngayon.
Ipinatupad ng imperyalismong US ang neoliberalismo upang pangibabawan ang problema ng istagplasyon. Ngunit hindi nito kailanman nalutas ang krisis ng labis na produskyon na siyang ugat na dahilan ng istagplasyon. Ang paglaki ng produksyon ng military-industrial complex ay kapakipakinabang sa loob ng ekonomya ng US at mula sa pagbebenta ng gamit panggera sa mga bayang mayaman sa langis. Subalit kontraproduktibo at hindi kapakipakinabang ang mga ito dahil ang mga gerang agresyon ng US ay hindi nagbunga ng paglawak na istableng pang-ekonomyang teritoryo sa ibang bahagi ng mundo.
Saksi tayo ngayon sa papatinding ligalig sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Tumitindi ang lahat ng kontradiksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista, tulad ng sa pagitan ng paggawa at kapital; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at inaaping bayan at mamamayan; sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga estadong naggigiit ng pambansang kasarinlan at layuning sosyalista; at yaong sa pagitan mismo ng mga imperyalistang kapangyarihan.
Ang pagtindi ng kontradiksyon sa pagitan ng paggawa at kapital sa loob ng mga tradisyunal at relatibong bagong mga bayang imperyalista ay dahil sa papalubhang krisis ng labis na produksyon kaugnayng malakihang pagbawas sa kita ng mga anakpawis sa buong pandaigdigang sistemang kapitalista. Balisa at naliligalig ang mga manggagawa dahil sa disempleyo, mababang kita, mataas na presyo ng mga batayang pangangailangan, austeriti, panggigipit sa kanilang mga demokratikong karapatan at pagtindi ng sobinismo, rasismo at pasismo.
Sa hanay ng mga imperyalistang bayan, ang US at Tsina ang pangunahing magkalaban sa paligsahan ng muling paghahatian sa mundo. Bawat isa ay nagbubuo ng sariling alyansa kasama ang ibang imperyalistang kapangyarihan. Gumagana pa ang tradisyunal na alyansa ng US, Europe at Hapon sa mga multilateral na ahensya tulad ng IMF, World Bank at WTO at sa NATO at iba pang alyansang militar. Katapat ng mga tradisyunal na imperyalistang kapangyarihan ang Tsina at Rusya na nakapagpalawak ng kanilang alyansa sa BRICS, Shanghai Cooperation Organization (SCO), BRICS Development Bank, Belt and Road Initiative at Asian Infrastructure Investment Fund.
Ang mga imperyalistang kapangyarihan ay nagpapaligsahan na muling paghatihatian ang mundo subalit hind pa sila umaabot sa panggegera sa isa’t isa upang mag-angkin o magpalawak ng kanilang bukal ng murang paggawa at hilaw na materyales, palengke, erya ng pamumuhunan at saklaw ng impluwensya. Napaunlad na nila ang mga pamamaraan sa neokolonyalismo at pagpapasa ng bigat ng krisis sa di-mauunlad na bayan. Takot sila sa anumang direktang gera sa pagitan ng mga imperyalista dahil takot sila sa mutwal nadestruksyon mula sa kani-kanilang sandatang nukleyar. Ibinubuhos nila ang kanilang agresyon sa pamamagitan ng panggegera sa mga di-mauunlad na bayan ng Asya, Aprika at Amerika Latina.
Ginagawa nilang pangunahing huthutan ng supertubo ang mga inaaping bansa at mamamayan ng di-mauunlad na bayan sa pamamagitan ng mas mataas na tantos ng pagsasamantala. Pinapapasan sa kanila ang pangunahing bigat ng paulit-ulit at papalubhang krisis sa ekonomya at pinansya ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Habang sila ay nagiging higit na proteksyunista, ipinagpapatuloy nila ang patakaran ng neoliberal na globalisasyon sa kapinsalaan ng iba. Upang supilin ang paglaban ng mamamayan sa pang-aapi at pagsasamantala, inaarmasan nila ang kanilang mga papet na estado ng mgakagamitan ng terorismong estado at pasistang paghahari ng burukratikong burgesya komprador. Ginagamit din nila ang kanilang mga papet na estado sa proxy war at kontrarebolusyonaryong digma upang panatilihin ang kanilang teritoryong pang-ekonomya o para sa muling paghahati ng mundo.
Sa kabila ng kanilang pagtatangka na ibaling ang bigat ng krisis sa mga inaaping bansa at mamamayan, itinutulak ng mga imperyalistang kapangyarihan na magpiga ng mas mataas na tubo mula sa kanilang sariling uring manggagawa sa ilalim ng rehimen ng patakarang neoliberal. Upang supilin ang paglaban ng proletaryado at mamamayan sa pang-aapi at pagsasamantala kapwa sa mauunlad at di-mauunlad na bayan, ipinapataw nila ang tinaguriang mga batas laban sa terorismo at papadalas na ginagamit ang terorismo ng estado at pagsusuhay ng mga pasistang organisasyon at kilusan bilang pangontra sa lumalakas na rebolusyonaryong kilusan ng proletaryado.
Mayroong mga gubyernong anti-imperyalista tulad ng Demokratikong Republikang Bayan ng Korea, Cuba, Byetnam, Venezuela at Syria na mabisang naggigiit ng kasarinlang pambansa at adhikaing sosyalista. Tumatamasa sila ng suporta ng mamamayan, tumitindig laban sa imperyalismong US at sumasamantala sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan upang nyutralisahin ang mga panggigipit, blokadang militar at agresyon. Ang mga mamamayan at rebolusyonaryong pwersa ay makakapagpalakas sa sarili sa proseso ng kanilang makatwirang pakikibaka.
III. Transisyon sa Muling Pagbangon ng Pandaigdigang Rebolusyong Proletaryo
Magmula 2019, nasasaksihan natin ang di-mapapantayang paglaki at paglawak ng gahiganteng mga protestang masang anti-imperyalista at demokratiko, na nilalahukan ng milyun-milyong mamamayan at nagaganap sa lahat ng anim na kontinente kapwa sa mauunlad at di-mauunlad na bayan. Ito ang paglaban ng malawak na masa ng mamamayan sa labis na pagsasamantala at pagkabangkarote ng patakarang neoliberal ng imperyalistang globalisasyon at sa pagpapaigting ng terorismong estado at mga gerang agresyon.
Ako’y nagagalak na ang International League of Peoples’ Struggle ay nakapag-ambag nang malaki sa pag-unlad ng antiimperyalista at demoratikong kilusang masa mula 2001. Ang mga protestang masa ng 2019 ay nagpatuloy mula sa mga nauna na bunga ng tuluy-tuloy na istagnasyon at depresyon ng pandaigdigang ekonomyang kapitalista at lantarang pagkabigo ng mga lider at eksperto ng mga kapangyarihang imperyalista at mga panginoon ng mga papet na estado na lutasin ang krisis sa ekonomya at hadlangan ang krisis sa pulitika.
Ang pandemya ng Covid-19 at mga lockdown at ibang pagtatangka ng mga awtoridad para buhusan ng malamig na tubig ang mga protestang masa ay hindi naging hadlang dito noong 2020. Sa halip, inilantad ng pandemya ang labis na anti-sosyal na katangian at kasamaan ng neoliberalismo at nag-udyok sa malawak na masa ng mamamayan na umalsa laban sa pagkawala ng trabaho at kita, kakulangan sa serbisyong panlipunan, pagsagip at subsidyo sa malalaking burgesya,pagpapatindi ng panunupil at pagtataguyod sa pasismo sa ngalan ng anti-terorismo. Inaasahang higit na iigting at lalawak ang mga protestang masa sa 2021 at mga susunod pa.
Malinaw na nasa malala at malalim na krisis ang pandaigdigang sistemang kapitalista at ang mga lokal na naghaharing sistema. Nabibigo sa mga lumang paraan ang mga kapangyarihang imperyalista at kanilang mga estadong papet. Naghuhudyat ng transisyon sa muling pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong sosyalista ang pandaigdigang mga pakikibakang masang anti-imperyalista at demokratiko.. Ang rebolusyonaryong diwa ng Komuna ng Paris ng 1871 ay muling naghuhudyat ng higit pang pag-aalsa ng inaapi at pinagsasamantalahang masa at mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado laban sa imperyalismo at lahat ng uring reaksyunaryo.
Pinalilitaw ng malawakan at sustenidong protestang masa sa ibat-ibang bayan sa Europa, Hilagang Amerika, Oceania, Amerika Latina, Asya at Aprika ang malalim na pagkamuhi ng mamamayan sa labis-labis na pang-aapi at pagsasamantala na dinaranas nila. Gumaganti na ngayon ang proletaryado at mamamayan ng daigdig.
Ang pinagmumulan at nag-uudyok na mga pangyayari para sa mga protestang masa ay mga samut-saring kongkretong isyu pero laging tumutungo sa antas ng pagkundena sa imperyalismo at lahat ng reaksyon at sa pananawagan sa rebolusyonaryong pagbabago ng sistema. Ang bugso ng mga pakikibakang masang anti-imperyalista at demokratiko ay walang dudang nagbabadya ng transisyon sa muling pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.
Ang malawak na masa ng mamamayan ay nag-aalsa laban sa mga pinakamasamang anyo ng imperyalistang pang-aapi at pagsasamantala, tulad ng neoliberalismo, austeriti, diskriminasyong pangkasarian, rasismo, pang-aapi sa mga katutubo, pasismo, gerang agresyon at pagwasak sa kapaligiran. Ang walang habas na pagdarambong ng monopolyo kapitalismo sa likas yaman ay naglalagay sa mismong buhay ng sangkatauhan sa panganib ng global warming at mga pandemya habang nananatili ang panganib ng pagkalipol nukleyar lalupa’t pinapaypayan ng mga imperyalista ang pasismo.
Sa nakaraang 50 taon, nasaksihan natin kung paano sinasalakay at sinusupil ng imperyalismo, neokolonyalismo, modernong rebisyunismo, neoliberalismo, pasismo at neokonserbatismo ang proletaryado at mamamayan ng daigdig. Ngayon, lumalaban ang mamamayan higit pa sa nakaraan at lumilikha ng bagong mga rebolusyonaryong pwersa, kasama na ang mga partido ng proletaryado at organisasyong masa na pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Tutungo ito sa bandang huli sa paglaganap ng mga armadong rebolusyonaryong kilusan at pagtatayo ng mga sosyalistang estado at mga demokrasyang bayan na may sosyalistang perspektiba.
Habang ang mga imperyalistang kapangyarihan at kanilang mga reaksyunaryong alipures sa ibat ibang dako ng mundo ay gumagamit ng lahat ng uri ng kontrarebolusyonaryong karahasan upang supilin ang mga protestang masa, nariyan din ang mga repormista at oportunista na nagsasabi na ang mga ito ay walang pamunuan at ispontanyo at di magtatagal ay huhupa kapag may mapayapang demokratisasyon ng bulok na naghaharing sistema ng mga uring mapagsamantala. Ngunit mayroon nang mga Marxista-Leninista-Maoistang partido at grupo na nagsisikap paunlarin ang sarili bilang mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado at magtayo ng armadong rebolusyonaryong organisasyon para sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa inspirasyon ng Komuna ng Paris ng 1871 at mga sumunod na armadong rebolusyon.
Ang mamamayang Pilipino at mga rebolusyonaryong mga pwersa nito ay nagpursigi sa bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at may sosyalistang perspektiba sa nakaraang mahigit 50 taon. Sa gayon, nasa unahan sila ngayon ng nagaganap na mga pakikibakang masang antiimperyalista at demokratiko at mapagpasiyang nag-aambag sa transisyon ng muling pagbangon ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.
Laging tapat sa makatarungang rebolusyonaryong adhikain ng proletaryado at mamamayan, militante at matatag nilang isinulong ang rebolusyonaryong pakikibaka at mapangahas na nilabanan ang mga kontrarebolusyonaryong kampanya ng panunupil ng kaaway. Humalaw sila ng inspirasyon sa rebolusyonaryong diwa ng Komuna ng Paris ng 1871 at lahat ng sumunod na pakikibaka para sa pambansang paglaya at sosyalismo sa buong mundo at higit pang determinado na mag-ambag sa muling pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.
Taas nuo nilang dinadala ang tag-uri bilang isa sa tagadala ng sulo ng mga pakikibakang anti-imperyalista ng mamamayan ng daigdig at ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Higit kailanman ay mataas ang kanilang rebolusyonaryong kapasyahan at mapanlabang diwa dahil kasabay na ng dumadaluyong na mga pakikibakang masa ng proletaryado at mamamayan sa saklaw ng buong daigdig ang kanilang mga rebolusyonaryong pakikibaka. Ating natatanaw na sa susunod na 50 taon ang batbat sa krisis na pandaigdigang sistemang kapitalista ay patuloy na magigiba at magbibigay daan sa paglitaw ng mga anti-imperyalista, demokratiko at sosyalistang estado at lipunan. ###