ANG KILUSANG PAGGAWA: MGA HAMON AT HINAHARAP
SA KASALUKUYANG PANDEMYA AT KRISIS PANGEKONOMIYA
Ni Jose Maria Sison
Chairperson Emeritus ng International League of People’ Struggle
Agosto 15, 2020
Mahal na mga kapwa aktibista,
Nagagalak akong makaalam na bubuhayin muli ang Paaralang JMS na ilinunsad noon pang 2010 at ngayon ay partner ito ng iba’t ibang organisasyon na nakapaloob sa BAYAN-Metro Manila sa pagtatanghal ng talakayang ito hinggil sa paksang “Ang kilusang paggawa: mga hamon at hinaharap sa kasalukuyang pandemya at krisis pangekonomya”.
Mainam na may pangunahing diin kayo sa pag-oorganisa sa hanay ng uring manggagawa sapagkat sa rehiyon ng Metro Manila nakakarami ang mga mamamayang nasa uring mangggagawa. Karapat-dapat lamang na harapin ng kilusang paggawa ang mga problema nila bunga ng pandemya at krisis pang-ekonomiya at alamin upang isagawa ang mga posibleng solusyon sa maigsi at mahabang panahon.
I. Ang Pandemya at Krisis Pang-ekonomiya
Bago pa sumulpot ang pandemyang COVID-19, may malubha nang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista dahil sa pinalala ang krisis ng labis na produksyon ng patakarang neoliberal at mabilis na gastos para sa militar at sa paglulunsad ng mga gera ng agresyon. Sa batayan, ibig sabihin ng krisis ng labis na produksyon ay paglaki ng kapital sa kamay ng mga monopolyo kapitalista at pagliit ng kita ng mga manggagawa at kung gayon pagliit ng kakayahan nilang bilhin ang mga niyari nilang produckto.
Bukod pa sa pagsasamantala sa proseso ng produksyon sa pamamagitan ng paghuthot ng labis na halaga mula sa pinakamalaking bagi ng halaga na likha ng mga manggagawa, ang burges na estado ay nagpapataw ng mga buwis sa masang konsumidor samantalang pinababa ang buwis ng mga kapitalista, binabawasan ang gastos para sa mga serbisyong sosyal (sa kaulusugan, edukasyon, pabahay at iba pa) at pinalalaki ang gastos para sa militar at mga gera ng agression.
Sa malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa Pilipinas, lalong pinaliit din ng neoliberal na patakaran ang kita ng mga manggagawa at pinatawan pa ng gobyerno ng malaking buwis ang mga batayang kalakal na binibili nila at kung gayon sabay ang pagliit ng sahod at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa kabila nito, lumalaki ang kita ng mga monopolyo, mga malaking komprador, mga panginoong maylupa at korap na opisyal na nabubuhay sa luho at pinalaki ang gastos para sa korupsyon, mga militar at pulis at mga proyektong walang silbi sa masang anakpawis.
Pagdating ng pandemyang COVID-19, hindi inagapan para hindi kumalat kundi lalo pang nagpapasok ang rehimeng Duterte ng kalahating milyong Tsinong turista at sugarol sa casino nang higit sa dalawang buwan. Nang maglockdown magmula Marso, ipinangako ang mass testing at ayuda sa mga taong mawawalan ng hanapbuhay. Sa halip, ang inatupag ni Duterte at mga kasapakat niya ang pagnakaw ng daan-daang bilyong piso mula sa pondo ng bayan, pangungutang pa ng trilyunan sa ngalan ng pandemya at panunupil ng masang pinagkaitan ng ayuda at sinisising mga pasaway.
Ginawa ni Duterte at mga kasapakat niya ang pananakot sa masa, pagsupil sa karapatan ng malayang pagpapapahayag, pagrailroad ng batas ng terorismo ng estado at paghahanda para maghari si Duterte lampas sa 2022 sa pamamagitan ng charter change and kunwari pagkakaroon ng pederalismo at parlamentarismo. Nagkakasabay ngayon sa Pilipinas ang paghahari ng kasakiman at pagmamalupit ng isang maliit na gang ng mga oligarko sa pamummunouno ni Duterte laban sa sambayanang Pilipino. Nagbubunga ito ng ligalig at ibayong paglaban ng masang Pilipino sa tirano, traidor, berdugo, mandarambong and manggagantsong rehimen ni Duterte.
II. Mga Hinaing at Demanda ng Bayan
Labis na labis ang pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino,laluna sa mga anakpawis. Kung gayon, hindi sila mapigil na magpahayag ng mga hinaing at demanda. Sa buong bansa, gumagawa sila ng kilos protesta. Mahalaga ang papel ng masang lumalaban sa imbing rehimen sa sentrong rehiyon ng bansa dahil nagbibigay hudyat ito sa pakikibaka sa sa pambansang saklaw. Kasabay nito, ang mga armadong rebolusyonaryo sa kanayunan ay nagsisikap na maglunsad ng mga opensiba nang sa gayon mapalakas ang namumunong partido, mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika.
Sa pamamagitan ng legal na pakikibaka, ipinaggugumiit ng masang Pilipino na itigil ang militaristang patakaran ng rehimen at huwag harangin ang medikal na solusyon sa epidemya, ibigay sa masang nawalang ng hanapbuhay ang ayudang ipinangako, magkaroon ng bukas na pagtutuos sa gastos ng gobyerno, ibalik sa pinakamadaling panahon ang mga trabaho at iba pang hanaphuhay na nawala, panagutin ang mga magnanakaw at iba pang kriminal sa rehimeng Duterte at patalsikin ang tiranong Dutere na admitidong inutil sa pagbaka sa pandemya at bentador ng mga karapatang soberano ng Pilipinas sa Tsina.
Tuwing magsalita si Duterte sa publiko, lalong magulo at baliw ang mga pahayag at lalong halatang wala siyang balak para labanan ang pandemya at pigilin ang pagbulusok ng ekonomiya. Habang lumalala ang pandemiya at pagbulusok ng ekonomiya, puro kabulastugan ang sinasabi ni Duterte para ikubli ang garapal na pagnanakaw sa pondo ng bayan sa ngalan ng pandemya at para pasidhiin ang paninisi at pananakot sa sambayanang Pilipino.
Kagyat ng tungkulin ng sambayanang Pilipino na patalsikin si Duterte sa poder. Mayaman ang karanasan ng sambayanang Pilipino sa pagpapatalsik sa isang pasistang diktador tulad ni Marcos. Kaya nilang patalsikin ang garapal at baliw na berdugo at mandarambong tulad ni Duterte. Palakasin at pakilusin ang isang malapad na nagkakaisang hanay ng batayang masa ng anakpawis, mga panggitnang saray at mga konserbatibong na umaayaw o suklam na sa mga dambuhalang krimen ng rehimeng Duterte.
Ang kilusang pagpapatalsik sa halimaw na Duterte ay muling malaking pagkakataon para lumakas ang mga legal na pwersa ng pambansa demokratikong kilusan. Kasabay nito, magiging mapagsiya ang paglakas ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng digmang bayan para matiyak na ang pagpapatalsik sa isang halimaw ay hindi lamang magbubunga ng iba pang halimaw at mananatili ang bulok na naghaharing sistema kundi magbibigay daan sa malaking pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino.
III. Makatarungang Kapayapaan at Tuluyang Rebolusyonaryong Pakikibaka
Kung sa pagpapatalsik kay Duterte, mangibabaw ang malawak na hanay ng mga makabayan at progresibong pwersa, posibleng magkaroon ng makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng usapang pangkapayaan ayon sa The Hague Joint Declaration bilang balangkas. Malaking tagumpay nito na meron nang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.
Mapapabilis ang paghatag ng pundasyon ng makatarungang kapayapaan kung may programa ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon batay sa pagtitiwala sa sarili at may malaking tustos mula sa tantiyang USD 26 trillion na halaga ng langis at gas na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Makakakuha ng teknolohiya para sa pag-ahon nito nang walang pagpapaloko sa imperialismo ng Tsina o US.
Kung sakali makayanan pa ni Duterte na magpanatili sa sarili o sa kanyang manyika sa kapangyarihan nang lampas sa 2022, ibig sabihin na matagumpay siya sa paggamit ng dahas at panlilinlang at nasupil ang lumalakas nang kilusang sa pagpapatalsik. Sa madaling salita, walang magagawa ang sambayanang Pilipino para magwagi kundi lumahok sa armadong rebolusyon na isinasagawa na sa pambansang saklaw. Sa gayon, pansamantala lamang ang panalo ni Duterte at babalikan at ibubuwal siya ng malaking unos ng armadong rebolusyon.
Isa pang posibilidad ay may pangkat ng militar na mang-agaw ng kapangyarihan laban sa sambayanang Pilipino. Kung mangyari ito, dapat ding labanan nang puspusan ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Pinakamahusay na sa madaling pagpapatalsik kay Duterte ang pagpalit sa kanya ng bise presidente bunga ng pag-alis ng suporta ng militar mula kay Duterte sa layuning makabayan at demokratiko. Mas mabuti na ito kaysa palitan si Duterte ng kanyang manika o ng isang reaksyonaryong grupo ng militar.
Sa ngayon, nakakarami sa loob ng reaksyonaryong militar ang mga opisyal na may palagay na pahamak si Duterte sa Pilipinas dahil sa labis na pang-aapi at pagsasamantala sa bayan at dahil din sa pagiging taksil ito sa pagiging bentador ng mga soberang karapatan ng Pilipinas sa Tsina. Minoridad ang mga opisyal na sumususporta kay Duterte sa taksil na linyang magsibilbi sa dalawang imperyalistang amo, ang US at Tsina, na nagbabangayan na. May posibilidad na ipalit sa baliw na presidente ang bise presidente alinsunod sa prinsipyo ng constitutional succession.
Anuman ang mangyari, dapat handa ang malawak na masang Pilipino na lumaban para hindi mangibabaw ang mga halimaw ng bulok na naghaharing sistema. Kung hindi mapatalsik si Duterte o kaya papalitan lamang siya ng isang halinmaw na katulad niya, lalaki lamang ang pagkakataon ng sambayanang Pilipino at mga pwersang rebolusyonaryo na ituloy ang laban hanggang ganap na magtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.###