Ni Propesor Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Mga kapanalig at kababayan, Pilipinas ang nagpupunong abala ngayong taon sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC), hila ang may mga sandaang pulong na ugnay sa APEC –marami sa mga lunsod ng Pilipinas tulad ng Manila, Cebu, Iloilo, Tagaytay at Clark Freeport – at rururok sa taunang Economic Leaders’ Meeting ng APEC na idaraos sa Manila sa Nobyembre.
Nagsisimula nang daklutin ang pansin ng midya sa pagtatambol sa APEC sa panahong inuuga ang sambayanang Pilipino sa dagok ng malubhang krisis at panibagong mga opensiba ng global na kapitalismo sa rehimen ng patakarang neoliberal. Sa partikular, nadarama ng kabataang Pilipino ang tindi ng krisis na umaapekto sa pambansang ekonomya at sistema ng edukasyon.
Pinasusuray ang masang mag-aaral at mga pamilya nila sa dagok ng pataas na presyo ng mga bilihin at pabulok na kalidad ng edukasyon, gayundin ng malubhang kawalang hanapbuhay na nakaumang sa kanila kapag naghanap ng trabaho. Kaya matalas ang interes nilang arukin kung paano talaga pinalalala ang mga suliraning ito ng itinatatwang mga reporma sa mga patakaran sa ekonomya at edukasyon ng Pilipinas, na tuwirang nakakawing sa mga opensibang neoliberal at APEC.
I. APEC bilang instrumento ng opensibang neoliberal laban sa mamamayan ng daigdig
Ipinangangalandakan ng APEC na itinataguyod nito ang kooperasyong ekonomiko sa hanay ng mga bayan ng malawak na rehiyong Asya-Pasipika. Tahanan nga ang 21 myembrong-estado nito ng tatlong bilyong mamamayan na bumubuo ng 60 porsyento ng daigdigang ekonomya, at sa gayon sa luklukan ng napakalaking kolektibong potensyal para sa kaunlarang sosyo-ekonomiko at entre-estadong kooperasyon.
Gayunman, ipinapakita ng rekord ng APEC mula sa pagkatatag nito noong 1989 na pangunahing isinusulong ng oryentasyong malaking negosyo, adyendang neoliberal, at mga mayor na direksyong pampatakaran ay ang pagpapasulong pangunahin sa dominanteng mga interes ng mauunlad na bayan sa pangunguna ng United States at Hapon. Kasang-ayon sa pasimunong-US na Bretton Woods Agreement at Washington Consensus, agresibong itinulak ng APEC sa higit sa kalahati ng mundo ang mga susing sangkap ng globalisasyong neoliberal–liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.
Sa katunayan, idinaos ng US ang 1st Economic Leaders’ Meeting (ELM) ng APEC noong 1993 para itulak paigpaw ang nabalahong WTO Uruguay Round at tangkaing pirapirasuhin ang pagtutol ng mga bayang dimaunlad. Agad itong sinundan ng tinawag na Bogor Goals na pinagtibay ng 2nd ELM noong 1994 na malinaw na nakatuon sa pagtatatag ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon – para sa bayang mauunlad pag-abot sa 2010 at sa bayang ‘di mauunlad sa 2020.
Mula noon, nagsilbi na ang APEC bilang plataporma upang ikoordina ang mga interes ng mga bayang maunlad, buuin ang consensus (kapag hindi lubusang malutas ang mga alitan) sa hanay nila laluna sa malayang kalakalan, pamumuhunan at pinansya, at akitin pang lalo ang mga bayang ‘di maunlad sa bitag ng neoliberalismo. Bilang isang orihinal na kasapi, parating ginagamit ng US, ang kanyang impluwensya para apihin at itulak ang ibang mga -bayang kasapi tungo sa pangangayupapa at sa gayo’y mapanatili ang pangkalahatang dominansya.
Paimbabaw na nagbubuo raw ang APEC ng consensus na kunwa’y boluntaryo at walang obligasyon sa hanay ng mga kinatawan ng mga gobyerno sa pamamagitan ng mga taunang pulong. Gayunman lingid na kumikilos ang APEC Business Advisory Council at CEO Summit bilang daluyan ng makapangyarihang lobby ng mga korporasyon.
Katuwang sila ng iba’t ibang komite ng APEC gaya ng Committee on Trade and Investment, na tauhang malalaking burukrata, teknokrata, at hiráng na mga kawani ng mga korporasyon. Ang gilingang propaganda ng APEC ay tuluy-tuloy na naglalabas ng pananaliksik sa patakaran at detalyadong mga alituntunin at rekomendasyon na kumakatawan sa consensus sa hanay ng naghaharing uri sa pulitika at ekonomya na Asia-Pacific, na tinatatakan na lamang ng basbas ng taunang ELM.
Ang tema ng APEC ngayong taon, “Pagbubuo ng Mapanaklaw na mga Ekonomya, Pagbubuo ng Mas Mabuting Daigdig (Building Inclusive Economies, Building a Better World),” ay umuulit lamang sa mapanlinlang na mantrang lampas-2008 na Adyenda sa Reporma ng Mapanaklaw na Paglaki (“Reform Agenda for Inclusive Growth”) ng World Bank, na ginaya din ng Asian Development Bank. Gayunman, sa likod ng gayong kasuyasuyang-tamis mga islogan tulad ng “pagdemokratisa ng bunga ng paglago ng ekonomya (democratizing the fruits of economic growth),” “pagtataguyod ng paglahok ng SME sa mga pamilihang global,” “ pamumuhunan sa tao (investing in human capital),” at “pagbubuo ng matitibay na mga komunidad (building resilient communities),” ang nasa tuktok ng mga bagay sa agenda ng APEC 2015 sa integrasyon ng ekonomya ng rehiyon (REI o regional economic integration) ay patuloy pa ring umiikot sa balangkas na neoliberal.
Kabilang sa priyoridad na ganitong mga bagay ang pagsusulong ng mga panukala tungo sa Free Trade Area of the Asia-Pacific (FTAAP); ang Estratehikong Blueprint para itaguyod ang “Global Value Chains” (Strategic Blueprint for Promoting Global Value Chains) na kumakatawan sa buod ng integrasyong ekonomiko; ang Kasunduan sa Makabagong Kaunlaran, Repormang Ekonomiko at Paglago o Accord on Innovative Development, Economic Reform and Growth na kumakatawan sa malawak na “repormang istruktural,” at “mga pagbabago”; at ang Connectivity Blueprint para sa 2015-2025 na naglalayong tiyakin ang walang-patlang na daloy ng tao, impormasyon, at kalakalan (laluna sa mga serbisyo) sa buong rehiyon sa kapakinabangan ng monopolyong kapitalismo na pinangungunahan ng US.
Ipinapanukala ng APEC ang FTAAP, na unang nagkathang-isip noong 2006 at higit na sinaliksik noong 2010, bilang isang komprehensibo at nagtataling kasunduan sa “susunod na henerasyon” ng mga isyu sa kalakalan at pamumuhunan na susuporta sa WTO at magsusulong sa layunin ng REI. Sa tinawag na Beijing Roadmap ng APEC na binalangkas noong 2014, pormal kuno ang magiging negosasyon sa FTAAP sa labas ng APEC pero susuportahan ng mga proseso ng APEC sa pagbubuo ng consensus.
Sa ngayon , dalawang mayor na landas tungong FTAAP ang ipinapanukala: ang pinangungunahan ng US na Trans-Pacific Partnership (TPP), na nangangailangan ng mataas na antas ng integrasyon sa rehiyon at kinapapalooban ng maraming bayan sa Asya-Pasipiko pero liban sa Tsina; at ang RCEP o Regional Comprehensive Economic Partnership na nakabase sa ASEAN at mas maluwag na anyo ng integrasyon at kinabibilangan ng Tsina pero hindi ng US.
Nagkakarera ang TPP at RCEP para mapili ng APEC bilang pangunahing padron ng FTAAP. Pero nananatiling posibleng pagtibayin ng APEC ang pinaghalong FTAAP na bahagi’y TPP at bahagi’y RCEP, at sa gayo’y magiging balangkas sa kooperasyon at kompetisyong US-Tsina sa dakong ito ng mundo. May mga pagsisikap para gawing myembro din ng FTAAP ang lahat ng bayan sa APEC, at mga mungkahing palawakin pa ang kasapian ng APEC, upang lalong maging masaklaw ang FTAAP.
Sa gayon, mahalagang arena ang APEC kapwa ng patuloy na sabwatan at ng patinding alitan ng dalawang kapangyarihang imperyalista, ang US at ang Tsina, sa kapinsalaan ng mas mahihina at mas maliliit na bayan. Patuloy na tinatamasa ng blokeng pinangungunahan ng US (kabilang ang Hapon, Canada at Australia) ang pamamayagpag sa buong mundo at determinado itong kompletuhin ang usapang TPP at ang US pivot (pagbaling) sa East Asia. Sa kabilang banda, pinalalakas ng Tsina ang sariling posisyon sa pagsisimento ng mas malapit na ugnayan sa pulitika at ekonomya ng Russia, India at ibang mga estado sa South at Central Asia sa loob ng lumalawak na Shanghai Cooperation Organization, at sa global sa pamamagitan ng bagong lunsad na BRICS Development Bank.
Sa kabila ng sariling panloob na mga suliranin, patuloy na pinapalawak ng Tsina ang impluwensya nito sa loob at nang lampas sa rehiyon sa pagtatayo ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) kasama ang 49 na ibang bayan sa Asia-Pacific, Europe, Africa at Latin America. Kapag lubusan na itong naitayo sa huling bahagi ng 2015, maaaring maging karibal o katambal ng AIIB ang IMF bilang bagong kasangkapang imperyalista na magagamit ng Tsina na paandarin ang mga rekurso para sa sariling ambisyong ehemoniko at para idikta ang mga tuntunin ng entre-rehiyonal na integrasyon at konektibidad, laluna sa pamamagitan ng engrandeng proyekto nitong Silk Road.
Maging alinmang bersyon, TPP na pinangungunahan ng US o kaya RCEP na pabor sa Tsina, ang magdomina sa proseso, at bago pa marating ang pinal na kasunduan sa FTAAP, inilulugar na ng APEC ang mga blokeng pambuo ng integrasyong ekonomiko sa rehiyon sa magkakasunod na taon. Samantalang hindi kuno nagtatali ang mga dokumentong ibinubuga nito, ipinatutupad na ang nilalaman ng mga ito ng mga myembrong-estado at malaking negosyo ayon sa estilong “sumunod-sa-namumuno ”. Sa esensya, ipinupuslit ang TPP sa medyo binagong porma. Ang resulta’y isang ganap na kaayusan na mas lubusang nagliliberalisa sa kalakalan at pamumuhunan, sumisira sa natitirang bakas ng proteksyong pambansa, at nagbubukas sa mga rekursong tao, kapital at likas ng dimaunlad na mga bayan at mamamayan sa Asya-Pasipiko sa pagsasamantala ng US at ibang dominanteng kapitalistang mga kapangyarihan.
Sakay sa islogang “Namumuhunan sa Pagpapaunlad ng Kapital na Tao (Investing in Human Capital Development),” itinutulak ng APEC ang mga sistema ng higit na integradong sistemang edukasyonal at skills-training na nagdidiin sa agham at teknolohiya, pag-enroll sa iba’t ibang bansa, sa papel ng ICT o information and communications technology, at “pinahusay na kooperasyon ng mga tagapagbigay ng edukasyon at mga tagapag-empleyo.
Sakay sa islogang “Building Sustainable and Resilient Communities,” ginagamit ng APEC ang umano’y mga adhikaing “pleksibilidad, sustenebilidad at seguridad sa pagkain” para bigyang-katwiran ang mas mahigpit na integrasyon at pag-uugnay ng mga ekonomyang Asia-Pacific. Itinutulak nito ang higit na paghihigpit sa ugnayan ng global na produksyon at suplay na kontrolado ng TNC, ang konektibidad ng imprastuktura na itinutulak ng mga korporasyon, at ibang mga pakanang kooperasyon sa rehiyon. Ginagamit ang seguridad sa pagkain at pag-angkop sa klima upang bigyang-katwiran ang korporadong kontrol sa mga rekursong dagat at kostal sa pamamagitan ng tinaguriang mga inisyatibang “Green Economy” at “Blue Economy”.
Sakay sa islogang “Nagtataguyod ng Paglahok ng SME sa mga Pamilihan ng Rehiyon at Daigdig,” nilalayon ng APEC na higit na mabitag ang SME sa REI at FTAAP na mga pakanang imperyalista, gawing sweatshop ang pinakamatagumpay na mga empresa na pagluluwas ang oryentasyon pero dependyente sa angkat na bagay na kontrolado ng mga TNC (bilang mga sangkap ng umano’y global value chain, at isabotahe ang independyenteng pambansang industriyalisasyon).
II. Ang neoliberal na opensiba sa edukasyon
Kabilang sa adyenda ng APEC sa ekonomya ang neoliberal na pakanang “repormahin” ang sistema ng edukasyon ng mga myembrong-bansa, nang sa gayo’y mas mahusay na nakapila ang mga ito sa pagsuplay ng pangangailangan sa bihasang paggawa, mga propesyunal, syentipiko at mga pangangailangang ideolohiyal-kultural ng global na sistemang kapitalista at ng mga panginoon nitong imperyalista.
Ang dekadang “Edukasyon para sa Lahat (Education for All o EFA)” na inilunsad noong 1990 at inulit sa Dakar Framework of Action sa World Education Forum noong 2000 ay mabilis na naagaw (hijack) ng World Bank (WB) at ibang mga ahensya ng UN. Mula noon ipinapatupad na ng mga bansang maunlad ang repormang neoliberal sa sariling mga paaralan at itinutulak nila ang pagpapatupad nito sa buong mundo. Masyadong lubog ang Dakar Framework sa neoliberalismo at superpisyalidad ng UN kaya pinupuna ito maging ng mga internasyunal na NGO gaya ng Oxfam, Action Aid, at Education International.
Sa likod ng patsada ng EFA, limitado ang komitment ng UN sa Millennium Development Goal (MDG) Target 2A na nagsasaad na sa 2015, “makukumpleto ng lahat ng bata saanman, lalaki man o babae, na ang buong kurso ng primaryang pag-aaral.” Ang target na ito na ni hindi tumutugon sa kalidad ng edukasyon at hindi sumasaklaw sa segundaryong paaralan ay hindi pa natatamo. Mga 58 milyong mga bata sa edad pamprimaryang paaralan (9%), 63 milyong kabataan naman sa edad pansegundaryong paaralan (17%) ang mga wala sa paaralan. Maaaring bumaba na hanggang 2006 mula 1996 ang mga tantos ng hindi nag-aaral, pero pumatag na ang mga ito mula 2007 pasulong. Sinabi ng naalarmang UNICEF na, sa kasalukuyang mga tantos, kailangan pa ang 200 taon para matamo ang MDG Target 2A.
Sa halip na tiyakin ang unibersal na batayang edukasyon, nakatuon ang neoliberal na reporma sa paaralan sa korporatisasyon ng mas mataas na edukasyon, at sa pagbabaling ng mga paaralang primarya at segundaryo sa pagsusuplay ng bihasang paggawa sa pangangailangan ng kapitalismong global. Sinasabi nito na unibersal na karapatan ang edukasyon pero hindi ito nakatuon sa edukasyon bilang serbisyong panlipunan kundi bilang kalakal. Matagal nang isang mekanismong pang-angkop para sa mahihirap na bansa ang komersyalisadong edukasyon, gayunma’y malayong mas pinasahol ng neoliberal na mga repormang pampaaralan ang komersyalisasyon ng edukasyon.
Nirebisa na ang mga kurikulum, ang mga paraan ng at materyales sa pagtuturo, at ang mga sistema sa paggrado at pagsubok para lalong bumagay sa mga pangangailangan ng malaking negosyo at ng global na mga kawing sa produksyon. Pinagpapaligsahan ang mga estudyante para sa matataas na grado at marka sa mga pagsusulit, nang sa gayo’y maibenta nila ang sarili sa mas mataas na presyo sa pamilihan ng bihasang paggawa. Pinagpapaligsahan din ang mga paaralan at guro, sa global na mga pamantayang akademiko at ranggo ang nasa isip, para maibenta ang sarili at ang mga serbisyo nila sa mas matataas na presyo.
Madalas ipresenta ang globalisasyong akademiko sa nagningning na mga pananalita. Higit daw ang mga oportunidad para sa lokal na mga pamantasan na makikompitensya sa pagraranggong global, tumanggap ng mas maraming estudyanteng internasyunal, magpadala ng mga pinakamagaling na gradweyt sa North America, Europa, Hapon, at ibang lugar, at maki-partner sa mga unibersidad at TNC na sikat sa buong mundo. Gayunma’y ilan lamang sa kanila ang nagtatagumpay. Nananatiling mga diploma mill ang bulto ng mga paaralang maramihang nagluluwal ng bihasang pwersa ng paggawa at ordinaryong propesyunal.
Tumungo ang neoliberal na mga reporma sa paaralan sa bawas na gugulin ng gobyerno sa edukasyong publiko at sa dagdag na pribatisasyon. Tumitindi ang operasyon ng mga pamantasang estado, mga kolehiyo at ibang mga paaralang publiko, at maging ng mga pribadong paaralang umano’y “non-profit,” bilang napagkakakitaang mga negosyo, na kadalasa’y sa pakikipagtuwang sa malaking negosyo. Nauuwi ito sa pilipit na mga prayoridad na akademiko, mas matataas na tuition, paglabag sa mga karapatang guro, at pasahol na kawalan ng panlipunang katarungan.
Para dagdagan ang sariling kakayahan sa kompetisyon at ganansya, nagtutuon ang mga kolehiyo at unibersidad sa mga programang mas maganansya at tinatapyas iyong itinuturing na marhinal o kaya’y hindi kritikal (tulad ng sa humanities). Ikinukomersyo ang mga lupain nila, gusali, resulta ng mga pananaliksik at ibang mga rekursong kaalaman. Isinisiksik ang mas maraming kurso sa isang taon at bumabaling sa trimester para mas mabilis ang pagpapagradweyt. Sinasagad nila ang mga mag-aaral at guro sa pagtataas ng tuition at padadagdag ng pasaning trabaho, sa pamamagitan ng mas istriktong mga rekisito sa mga ipinagkakaloob (grant) at ipinauutang (loan), at sa paglimita ng sahod at benepisyo ng mga guro at ng mga hindi-nagtuturong kawani.
Sa huli, ipinataw mula sa itaas ang lahat ng nabanggit na hakbangin sa pamamagitan ng mga prosesong burukratiko na lingid na isinasagawa ng mga pulitiko at ng WB o ng mga consultant na pinupondohan ng mga korporasyon. Samantala, pinapaliit ang papel ng nagtuturo at di-nagtuturong empleyado, mga magulang at mag-aaral sa konseptwalisasyon, pagpaplano, at pagpapatupad. Binabanatan ang mga protestang kampus laban sa gayong mga reporma sa pamamagitan ng propagandang anti-Kaliwa kung hindi man ng tuwirang pasistang panunupil.
Sa Pilipinas, malinaw na halimbawa ang tinatawag na programang Kindergarten hanggang Grade 12 (K-12 program)—sentrong palamuti sa inisyatiba ng rehimeng Aquino—ng isang neoliberal na reporma sa paaralan na pumalpak.
Sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (R.A. 10533), papalitan ang lumang 10-gradong saligang sistema ng edukasyon (anim sa elementarya at apat sa mataas na paaralan) ng sistemang 12-grado (may dagdag na dalawang taon sa abanteng mataas na paaralan) bukod sa rekisitong kindergarten. Sa likod ng pang-akit na terminong “humahabol (catching up)” sa mga pamantayang global, layunin ng programang K-12 ni Aquino na mapahanay ang sistemang edukasyon ng Pilipinas sa kapitalistang sistemang global at mas mahusay na makipagkompetisyon sa ibang dimauunlad na bansa sa pagluluwal ng malaking reserbang suplay ng bihasang paggawa para sa pamilihan ng mundo (world market) at particular para sa rehiyong Asya-Pasipiko nang sa gayo’y mapanatiling mababa ang sweldo at sahod.
Sumasakay ang programa sa sumusunod na mga argumentong magkakaugnay: Una, kailangang “paluwagin (decong est)” ang kasalukuyang sistema dahil “mabigat na matutuhan (hard-pressed to learn)” ng mga mag-aaral sa 10 taon ang natututuhan ng mga estudyante sa ibang mga bansa sa 12 taon. Ikalawa, hindi sapat na naihahanda ng matataas na paaralan ngayon ang mga mag-aaral para sa kolehiyo. Ikatlo, masyadong maagang magtapos ang mga mag-aaral ngayon sa edad na 16 sa mataas na paaralan, kaya mabibigyan sila ng dagdag na dalawang taon ng higit na oportunidad para magkatrabaho dahil “nasa legal na edad na sila at may sapat na kabihasaan.” At ikapat, bahagi ang K-12 ng mga pamantayang global, na kailangan para mag-aplay sa trabaho o pag-aaral na postgraduate sa ibayong dagat. Inaamin ng ikalimang argumento na nakahanay ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas sa pinakamatagal sa Southeast Asia at istorikong isa sa pinakamahusay sa buong mundo, pero nahuhuli na sa mga hinihingi ng “mga ekonomyang batay-kaalaman (knowledge-based economies)” ng ika-21 siglo.
Bagsak ang mga argumentong ito kasi kalakhang batay sa maling mga saligan at huwad na mga pangako ng globalisasyong neoliberal, at sa simplistikong ideya na dapat sumali na ang mga Pilipino sa global na K-12 dahil lahat ng iba’y nakasakay na rito. Binabalewala ang ibang mga pag-aaral na nagpapakitang walang malinaw na ugnayan sa pagitan ng kantidad ng oras at kalidad ng proseso para matuto. Binabalewala ang katunayang maraming bansa ang deka-dekada nang naka-K-12 pero nananatiling napakaatrasado at mas masahol pa sa Pilipinas kaugnay ng mga sukatan sa edukasyon. Ni hindi maipaliwanag kung bakit, sa kabila ng hindi pagdaan sa K-12, kabilang ang mga Pilipino sa pinakamaraming may mas mahusay na edukasyon at handang tumanggap ng mas mababang bayad at pinakananais na overseas workers.
Sa totoo, isa ang K-12 ni Aquino sa maraming reporma sa edukasyon na inuobliga ng ASEAN Integration, ayon sa recomendasyon ng SEAMEO INNOTECH (na nagpapasimuno at nagpapalaganap ng mga programa sa edukasyon na bago at may oryentasyon sa teknolohiya) at ng ASEAN Mutual Recognition Arrangement (MRA) Projects, para hikayatin ang pangingibang bansa ng mga manggagawa pero kasabay na nagtatakda ng mga pamantayan sa edukasyon at propesyon para sa tawid-hangganan (cross-border) na pagtatrabaho sa loob ng rehiyong Southeast Asia.
Napakaespisipikong itinutulak ang K-12 ni Aquino ng Washington Accord and Europe’s Bologna Process sa pangunguna ng US, sa layuning kilalanin o bigyan ng akreditasyon tanging ang mga propesyunal (o inhinyero sa kaso ng Washington Accord) na dumaan na sa 12 taong batayang edukasyon. Mas pangkalahatang itinutulak ito ng EFA ng WB at ng Millennium Development Goals (MDG) ng UN.
Sa sistemang K-12, nakatuon sa mataas na paaralan (lalo na sa huling dalawang taon) ang mga kabihasaang espesyalisado at teknikal na hanap ng global na pamilihang paggawa. Halimbawa sa umano’y Technology and Livelihood Education (TLE) para sa Grades 7-10, at Tracks/Specialization para sa Grades 11-12, kasama sa modyul ang pag-aaral ng gawaing bahay, pagtutubero, welding, pananahi, caregiving, pagkarpentero, pag-aalaga ng kagandahan at kuko, paggawa ng tinapay, atbp.
Sa halip na dumaan sa komprehensibong batayang edukasyon para ihanda ang sarili na maging produktibong myembro ng lipunang Pilipino, inaasahan ngayon ang mayorya ng kabataang Pilipino na maghandang maging kasambahay, caregiver, tagalinis, waiter, orderly sa hotel, hairstylist, tubero, welder, karpentero at panadero sa buong mundo.
Sa kabilang banda, inaalisan ng diin ng K-12 at ibang neoliberal na mga reporma sa paaralan ang patriyotikong edukasyon, kamulatan at kultura. Sa mga pamantasan, tinapyas na ang mga kurso o paksa na ukol sa kasaysayan ng Pilipinas, lenggwahe at panitikang Pilipino, pamahalaan at konstitusyong Pilipino. Sa mataas na paaralan, babawasan na rin ang oras na nakatuon sa Araling Panlipunan, at babaguhin ang istruktura ng kurikulum para humalaw ng mga tema mula sa US National Council for Social Studies.
Ang balintuna’y palulubhain ng K-12 gamot ni Aquino ang karamdaman dahil sa maling oyentasyon, mahinang plano at kakulangan sa pondo, mga palatandaan na magiging burara ang implementasyon, at magkakaroon ng maraming negatibong epekto na pwede sanang maiwasan.
Una, maraming taon nang nananatiling nasa antas na malayong mababa sa pamantayang takda ng UNESCO (anim na porsyento, 6%, man lamang ng GDP) at ng WB (20% ng pambansang badyet) ang mga alokasyong badyet ng gobyernong Pilipino para sa edukasyong publiko. Kahit walang K-12, hinaharap na ng mga paaralang publiko ang napakalubhang kawalan ng mga pasilidad, libro, at mga guro. Tinatayang aabot ang mga rekisito ng K-12 sa badyet para sa 2014-2019 sa USD 4,410 milyon, at kahit ngayon tanaw na ng gobyerno ang depisit at may negosasyon ito sa mga bangkong gaya ng ADB para sa USD 100 milyon na pampuno sa kakulangan. Kaya, sa kabalintunaan ay pasasamain pa ng K-12 ang mga limitasyon at kakapusan ng rekurso sa badyet para sa mga paaralang publiko, na napakalaki ang epekto sa kalidad ng edukasyon at sa tantos ng paglahok, bukod sa higit pang ilulubog nito sa utang ang bansa.
Ikalawa, dahil takdang saligang kakapusan sa badyet anu’t anuma’y kakailanganing balikatin ng mga mag-aaral at mga pamilya nila ang dagdag na pasaning K-12. Ngayong 2015-2016, 1.4 milyong mga mag-aaral sa ikapat na taon sa mataas na paaralang publiko at tapos na sana sa lumang sistema ang pipiliting pumili kung dadaan sila sa dagdag na dalawa pang taon (Gradong 11-12). Kung pipiliing tanggapin ang dalawang taon pa, kakailanganin ng bawat estudyante ang mga PHP 30,000 (USD 660) na lubhang makakabigat sa badyet ng magulang. Alternatibo na hindi na magkolehiyo at maghanap sa halip ng trabaho bilang madisbentaheng mga dropout sa mataas na paaralan – ang eksaktong kalagayang iniiwasan sana ng K-12.
Ikatlo, patitindihin ng K-12 ang pribatisasyon ng sistema ng edukasyon. Sa halos 1.95 milyong mag-aaral sa mga publiko at pribadong paaralan na inaasahang magtapos ng ikapat na antas (Gradong 10) ngayong taon, mga kalahati lamang ang tatanggapin ng matataas na paaralang publiko na may Grades 11-12. Walang pagpipilian ang kalahati pa kundi lumipat sa mga eskwelahang pribado o mga unibersidad at kolehiyo ng estado na nag-aalok ng Grade 11 (karaniwang sa mas mataas na tuition kahit ikumpara sa unang taon sa kolehiyo), o sumama sa lumulobong hanay ng mga kabataang hindi nag-aaral. Iniaalok ng rehimeng Aquino ang dalawang madaliang lunas na magpapabilis lamang sa pribatisasyon at hihikayat sa korupsyon: (1) ang “SHS voucher system” na sa bataya’y parsyal na subsidyo sa senior na mga mag-aaral sa mataas na paaralan para bayaran ang pag-enroll sa paaralang pribado na kalahok sa sistemang voucher; at (2) ang PPP for School Infrastructure Project (SIP) na binabayaran ng gobyerno ang mga pribadong kontraktor para gumawa ng dagdag na silid-aralan ayon sa programang itayo-ipaupa (build-lease).
Nasa ilalim ng Education Voucher System at Education Service Contracting, na kapwa halatang pakana sa pribatisasyon ayon sa Government Assistance Program to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) na suportado ng World Bank. Ang pamamahala ng GASTPE ay matagal nang ikinontrata ng Departamento sa Edukasyon sa Private Education Assistance Committee (PEAC) ng Fund for Assistance to Private Education (FAPE). Ang alokasyon ng badyet ng GASTPE, na kakatiting noong dekadang 1990 ay umakyat sa Php 20 bilyon sa siyam na taong itinagal ng rehimeng Arroyo, lumobo sa Php 34 bilyon sa unang limang taon ng masamang pamamahalang Aquino, at lolobo pang lalo sa Php 20 bilyon sa 2016 lamang. Ang gastos na tulong-gobyerno sa pribadong edukasyon ay lumaki nang katakut-takot at napakadaling abusuhin kaya maging ang Komisyon sa Patutuos ng Kwenta, na di man awtorisadong magtuos ng kwenta ng GASTPE, ay tumututol sa buong pribatisadong kaparaanan sa PEAC-FAPE.
Intensyon man o hindi, nakaakmang bawasan nang malaki ng K-12 ni Aquino ang mga posisyon sa pagtuturo sa kolehiyo dala ng inaasahang matinding pagbagsak ng enrollment sa unang taon sa kolehiyo sa susunod na dalawang taon. Tinatayang 78,000 mga guro sa kolehiyo at empleyado ang mawawalan ng trabaho o ibababa sa pagiging guro sa mataas na paaralan na mas mababa ang sweldo — kung mailulugar sila sa mga trabahong antas-SHS. Ipinapakita ng ganitong pag-aalis lamang ang rurok ng ng kawalang kakayahan sa pagpaplano at di pagpansin sa karapatang paggawa.
Kung sumahin, inihahantad ng K-12 ni Aquino ang paglubha ng krisis sa edukasyon sa Pilipinas at ang pagwawalang-bahala ng gobyerno sa karapatan ng mamamayan sa edukasyon sa harap ng mga opensibang neoliberal. Ang pagsunod sa mga diktang pataw ng US sa edukasyon ay hindi ikalulutas ng seryosong suliranin ng Pilipinas sa kawalang trabaho at sa pagdaragdag ng seguridad sa trabaho ng mga manggagawang Pilipino, na nakaugat sa mas pundamental na mga suliranin ng pagkaatrasado tulad ng kawalan ng tunay na industriyalisasyon at reporma sa lupa. Kung gagamitin mang sukatan ang reputasyon (o track record) ng gobyerno kaugnay ng edukasyong publiko, magiging bagong larangan lamang ang K-12 ni Aquino para sa pribatisasyon at mga PPP, pag-utang sa dayuhan at korupsyon, samantalang magpapatuloy ang pagharap ng mga tapos sa K-12 na papasok sa pwersang paggawa ang gayon pa ring mga suliranin–matinding kawalan ng trabaho, mababang sahod, at panganib sa pangingibang bansa para magtrabaho.
Sa teorya, pwedeng magbunsod ang isang programang K-12, na may angkop na oryentasyon, plano at pamamahala, ng tunay na mga repormang totoong pakikinabangan ng mamamayan at kabataang Pilipino sa larangan ng edukasyon. Magagawa ng isang totoong patriyotiko, makamasa at syentipikong sistema ng edukasyon na magsanay ng milyung-milyong kabataan, tumulong na bigyang kapangyarihan ang mamamayan at itayo ang bansa nila sa pamamagitan ng pinataas na kamulatang panlipunan, kaalamang syentipiko at mga kabihasaang teknikal — habang nag-aambag din sa pangkalahatang pagsulong ng kaalaman at pag-unlad ng tao sa pandaigdigang saklaw.
Tiyak na mabibigo ang K-12 ng pangkating Aquino dahil sa bulag na pagsunod nila sa mga among neoliberal, at sariling maling mga priyoridad at kawalang kakayahan.
III. Mga Panawagan sa Pagkilos
Ang International League of Peoples’ Struggle ay nananawagan sa mamamayan ng lahat ng bansa laluna sa rehiyong Asya-Pasipiko na ilantad at labanan ang mga opensibang neoliberal sa pangungunang US na lingid na nakaabang sa loob at paligid ng APEC. Partikular tayong nananawagan sa mamamayang Pilipino na mag-organisa at kumilos sa mga pulong pag-aaral at aksyong protesta para tumulong sa lubusang paglalantad ng mga susing pulong ng APEC sa Manila at ibang mga lungsod sa Pilipinas, at pati ng maaasahang kalalabasan ng mga ito.
Sadyang nananawagan tayo sa kabataang Pilipino na ipagpatuloy na ilantad at labanan ang iba’t ibang pakanang “repormang” neoliberal sa edukasyon, at ipaglaban ang sistema ng edukasyon na tunay na makabayan, makamasa, at syentipiko batay sa pambansang industriyalisasyon, tunay na repormang agraryo, at pamamahalang batay sa mga karapatang demokratiko. Kabilang sa mga atas ng kilusang kabataan-estudyante sa Pilipinas ang magsilbing kilusang propaganda para sa pambansang kasarinlan at demokrasya, malalim na makisalamuha sa hanay ng masang manggagawa at magsasaka, at abutin ang mga kababayan nila na nag-aaral at nagtatrabaho sa ibayong dagat, at magpahayag din ng pakikiisa sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ugnayan sa mga katapat nila sa anti-imperyalistang pandaigdigang kilusang kabataan.
Panahon nang harapin ng mga mamamayan ng Asya-Pasipiko ang mga isyung nakapaligid sa APEC, iugnay ang mga ito sa global na krisis ng kapitalismo, pareho sa mga sentro ng imperyalismo at sa mga neokolonya, at isulong nang may panibagong lakas ang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan, demokrasya, at tunay sa pag-unlad ng lipunan at ekonomya batay sa katarungan. May tiwala tayo na ang mga mamamayan sa Asya-Pasipiko ipaglalaban nila ang pambansang soberanya, demokrasya, industriyal na pag-unlad at kulturang makabayan, siyentipiko at makamasa. Tiyak na tatahakin nila ang landas ng pakikibaka para makaalpas sila sa kasalukuyang global na krisis at sa ehemonya (gahum) ng mga imperyalista, para makamit ang pambansa at sosyal na kalayaan at para magtayo ng wastong panrehiyong kooperasyon.
Maraming salamat.