WritingsArticles & SpeechesIKALAWANG DAKILANG KILUSANG PAGWAWASTO

IKALAWANG DAKILANG KILUSANG PAGWAWASTO

-

Attn: Slide 1 Pamagat


ANG IKALAWANG DAKILANG KILUSANG PAGWAWASTO
Paglalahad ni Propesor Jose Maria Sison
13 Disyembre 2012

Paunang Salita

Mga Kasama at mga Kaibigan,

Maalab na rebolusyonaryong pagbati sa inyong lahat: mga lider, kasapi at panauhin ng BAYAN. Maraming salamat sa paanyayang magsalita tungkol sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at makipagtalakayan sa inyo sa forum na ito.

Saludo ako sa BAYAN sa pagkilala at pagbubunyi sa kahalagahan at kabuluhan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Mahalaga ang pagtataguyod ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP)sa kanyang mga saligang prinsipyo at sa pagwawasto ng mga kamalian para ibayong mapaglingkuran ang sambayanang Pilipino sa pakikibaka nito para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

May kinalaman ang Kilusang Pagwawasto sa pagpapalakas hindi lamang ng Partido at ugnayan nito sa masa kundi sa kilusang masa mismo. Marapat lamang na muling aralin ng BAYAN ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto pagkat mahalaga ang mga aral nito tungkol sa mabisang paglilingkod sa sambayanan at sa tamang paghimok, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.

Attn: Slide 2 Introduksyon sa Kilusang Pagwawasto

Pambungad

Kilusang Pagwawasto: Ito ay sustenidong kampanyang masa sa edukasyon sa ideolohiya at pulitika sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan (NPA), Pambansang Demokratikong Frente (NDF) at ibang mga pwersang rebolusyonaryo para punahin, itakwil at iwasto ang mayor na mga kamalian at kakulangan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon upang palakasin at isulong ang rebolusyong Pilipino. Sapagkat nakatuon ito sa malulubhang kamalian na nagpatuloy sa mahabang panahon at nagdulot ng matitinding pinsala sa buong Partido at rebolusyonaryong kilusan, naging mas malawak ang saklaw at mas matagal ito kaysa karaniwang pagpuna at pagpuna-sa-sarili na ginagawa para iwasto ang mga kamalian at pahusayin ang paggawa at estilo nito.

Ang Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto (First Great Rectification Movement o UDKP) ay inilunsad noong 1967 ng Probisyunal na Kawanihan sa Pulitika para punahin, itakwil at iwasto ang mayor na mga kamalian ng liderato ng Pinagsanib na Partido ng Partido Komunista at Partido Sosyalista: Kanang Oportunismo sa ilalim ni Vicente Lava (1942-46), ”Kaliwang” Oportunismo sa ilalim ni Jose Lava (1948-1950), Kanang Oportunismo sa ilalim ni Jesus Lava; at Gangsterismong Taruc-Sumulong (1964-70). Inilatag ng UDKP ang pundasyon para sa muling pagtatatag ng PKP sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong (MLKMZ) noong 1968.

Ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (Second Great Rectification Movemento IDKP) ay ipinahayag noong 1991 at puspusang isinagawa ng Komite Sentral ng Partido mula 1992 hanggang 1998 para punahin, itakwil at iwasto ang mayor na mga kamaliang suhetibismo, ”Kaliwa at Kanang Oportunismo na nagawa mula 1981 hanggang 1991 ng ilang elemento sa matataas na pwesto sa PKP. Kung pinalampas ang ganitong mayor na mga kamalian, maaaring nawasak ang PKP. Ginapi ng IDKP ang mga sumalungat dito. Sa gayon, iniligtas nito at pinagbagong-sigla ang PKP. Magmula 1988 hiningi ng mga kadre at kasapi ng Partido at masa ng mga rebolusyonaryo na magkaroon ng Kilusang Pagwawasto.

Attn: Slide 3 IDKP Laban sa Mga Mayor na Kamalian

Mga Mayor na Kamaliang Hinarap

Attn: Slide 4

Mga Kamalian ng Suhetibismo

Haka na hindi na malapyudal ang ekonomiya ng Pilipinas. Ang suhetibismo na pinagbatayan ng mga paglihis ay ang hakang inindustriyalisa at inurbanisa na ni Marcos ang Pilipinas hanggang sa antas na hindi na ito malapyudal kundi mala-kapitalista o kaya industriyal-kapitalista pa nga. Ito ang naging batayan ng ”Kaliwang” oportunistang linya na nagbabawas o nagtatakwil nga sa mapagpasyang kahalagahan ng estratehikong linya ng matagalang digmang bayan. Ito rin ang naging batayan ng Kanang oportunistang linya na ipantay ang kahalagahan ng legal na pakikibaka sa armadong pakikibaka kung hindi man mas pahalagahan.

Kombinasyon ng Regularisasyon ng Hukbo at Insureksyon. Nagkatugma ang sabi ng tinawag na linyang strategic counter-offensive (SCO) at ng linyang Red Area-White Area (RAWA) na puedeng pabilisin ang pagsulong o pagpanalo ng rebolusyon sa kombinasyon ng regularisasyon ng hukbo at ng insureksyon. Mas garapal lang ang linyang RAWA sa pagsasabi na ang armadong insureksyong urban ang nangungunang sangkap sa pinakamabilis na pagtatagumpay ng rebolusyon nang kaagapay ang hukbong regularisado

Salungat sa Katotohanan. Sa totoo, nasa maagang subyugto pa lamang ng estratehikong depensiba ang NPA noong 1979-1980. Hindi hihigit sa 2000 matataas-na-kalibreng riple ang hawak ng NPA . Nasa maagang subyugto pa ito bagamat malaki ang potensyal na tumungo sa gitnang subyugto ng estratehikong depensiba. Nagbunsod ang dogmatikong kawalang galang sa kongkretong katunayan ng diwang magmadali at maghangad ng lampas sa kakayahan. Kaugnay ito ng mithing-isip na matutulungan ang hukbong bayan ng mga pag-aalsang bayan sa mga kabayanan at kalunsuran.

Pagpapabaya ng Edukasyon sa MLKMZ. Binuwag ang Departamento ng Edukasyon ng Partido noong 1982 at pinabayaan ang edukasyon sa MLKMZ. Minaliit ng mga suhetibista na nagtaguyod ng eklektisismo ang linya sa ideolohiya na MLKMZ at ang linya sa pulitika na bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. May mga umurong sa pagpuna ng rebisyonismo at sosyal imperyalismo dahil sa paghahangad ng ayudang militar mula sa Unyon Sobyet, may mga kumiling sa teorya ng dependyenteng kapitalismo, may mga gustong gumaya sa modelo ng mga armadong insureksyon sa Amerika Sentral, may mga nagpatuloy na impluwensyado ng Trotskyistang paghamak sa papel ng mga magsasaka at may mga nagpadala sa umanoy “panibagong pag-iisip” ni Gorbachov.

Attn: Slide 5 Mga Kamalian ng ”KaliwangOportunismo

Mga Kamalian ng ”Kaliwang” Oportunismo

Estratehikong Kontra-Opensiba (Strategic Counter-Offenive o SCO). Inilatag ng Kawanihang Pampulitika (KP) ng Partido ang ”Kaliwang” oportunistang linya noong 1981 na ang SCO, na itinuring nitong huling subyugto ng estratehikong depensiba, ay umiiral na sa pagpapaigting ng digmang gerilya, pagsasagawa ng regular na digmang makilos at pagregularisa sa hukbong bayan. Binalewala nito ang pangangailangang lubos na paunlarin ang maagang subyugto ng estratehikong depensiba at nilaktawan din ang gitnang subyugto bago abutin ang abanteng subyugto. Hindi muna pinaunlad sa pambansang saklaw ang mga platung gerilya bilang strike forces o panagupang pwersa na may matatag na baseng masa, tulad ng ipinamalas sa Samar noon pang 1976 at pasulong.

Regularisasyon at Bertikalisasyon. Sa KP miting pa lamang noong 1981, itinatakwil na ng mga kadre ng Komisyon sa Mindanao ang linya ng matagalang digmang bayan, subalit pormal na tinanggihan ng KP ang gusto nila. Gayunman, nagustuhan nito ang regularisasyon at sandatahang pagpapaalsa ng masa sa mga kabayanan at kalunsuran. Ayaw magpadaig sa pagmamadali at paglampas sa kakayahan, ipinasya ng Komisyon sa Mindanao noong 1981 na ibertikalisa at iregularisa ang mga pwersang gerilya (na dating hati sa pangunahing mga yunit gerilyang platun at pinalaking platun; at segundaryong mga yunit ng gerilyang platun, iskwad at armadong mga pangkat propaganda) sa 15 o higit pang konsentradong kompanyang gerilya sa ilalim ng ilang patong ng komand at istap. Ginawa ito sa kabila ng naunang pasya ng KS na hikayatin ang Komite ng Partido sa Silangang Kabisayaan na huwag magbuo ng mga kompanya at batalyon noong 1980.

Estratehikong linyang RAWA. Iniligaw ng tinawag na estratehikong linyang Pulang Erya-Puting Erya (Red Area-White Area o RAWA) ang Partido sa Mindanao. Nanawagan ito sa mga armadong partisanong lunsod, mga organisasyong masang nakabase sa lunsod at sa ispontanyong masa na magsagawa ng serye ng mga welgang bayan; at sa kalaunan magpatupad ng armadong pag-aalsang urban bilang nangungunang salik na pulitiko-militar ng rebolusyon. Itinuring ang NPA bilang lantay na pwersang militar na pumapangalawa ang kahalagahan sa armadong pag-aalsang lunsod.

Ganap na Pagtaguyod ng 1985 Plenum ng KS sa SCO. Patuloy na nagkalat ang SCO ng diwang magmadali at maghangad ng labis sa kaya at sa batayan hanggang 1990 kung kailan itinakwil ito ng sentral na pamunuan. Walang maagap at wastong pagharap sa maling linya ng RAWA na nauwi na sa mga kabiguan at sa Kampanyang Ahos. Pinaalagwa pa ang pormula ng regularisasyon at insureksiyon sa ibat ibang rehiyon.

Ang Boykot sa Eleksyon ng 1986. ”Kaliwang” oportunistang kamalian ito dahil sa palagay na ang Partido mismo ang nakasalang sa usapin ng boykot o partisipasyon; at wala ring pag-iiba ng Partido sa mga legal na pwersang demokratiko at sa masa sa kilusang antipasista. Lagi namang nakaboykot or hindi sumasali ang Partido sa mga reaksyonaryong halalan; pero ayon sa patakaran ng nagkakaisang hanay hindi ito nagbabawal sa mga progresibong pwersa na gamitin ang halalan para sa tamang propaganda at pakikipag-alyansa sa iba pang pwersa. Kamalian ang paghiwalay sa pinakamalaking masa sa kilusang anti-pasista at lubusang ipaubaya sila sa dilawang pangkat ni Aquino. Mayor pero taktikal na kamalian lamang ang patakarang boykot; hindi ito estratehiko dahil hindi nagtagal at walang ibinungang malaking pinsala sa kilusang rebolusyonaryo tulad ng gawa ng RAWA at Kampanyang Ahos.

Patuloy na Pagnanasa sa Insureksyon. Matapos ibagsak si Marcos noong 1986, patuloy na nagnasa ang mga insureksyonista ng Komiteng Manila-Rizal, isang kagawad ng Kawanihang Pampulitika at mga tagadala ng linyang RAWA na magkaroon muli ng pag-aalsang katulad ng Edsa. Laging ipinaggugumiit ni Popoy Lagman na kapag nakagawa siya ng sapat na probokasyon, masisindihan ang malaking pag-aalsa. Nagsariling desisyon si Ric Reyes sa pagkakalat ng mga kakaibang repormistang palagay at pakana tulad ng People´s Agenda ng umano’y multisectoral peace advocates; at multilateral peace negotiations na kapag tanggihan ni Cory Aquino ay magsisindi ng insureksyon. Hindi tumigil sa kapapanaginip na magsindi ng insureksyon ang mga bokador ng modelo ng insureksyon sa Amerika Sentral.

Pagbase sa Kalunsuran. Napahilig din ang ilang sentral na organo ng Partido at umanoy General Comand ng NPA na humimpil sa Kamaynilaan dahil daw sa pasilidad ng komunikasyon at dahil din sa palagay na kailangang subaybayan ang kontradiksyon ng mga reaksyonaryong pangkat at ang kilusang masa at abangan ang oportunidad sa pagputokng i insureksyon. Nagpatuloy ang ganitong mga haka at gawi na humantong sa malimit na hulihan sa NCR smula 1988 hanggang 1990.

Attn: Slide 6 Masasamang Bunga ng “Kaliwang Oportunismo”

Mga Kabiguan at Kampanyang Ahos sa Mindanao. Hanggang noong mabuo ang 3 hanggang 5 buong kompanya sa Mindanao, matagumpay na nakapag-opensibang taktikal ang NPA laban sa kaaway mula 1981hanggang1983. Subalit pagkaraang mabuo ang mas maraming kompanya, sumulpot ang mga problema ng pagkahiwalay ng mga kompanya sa masa, pag-agnas ng baseng masa, pag-ubos sa suplay nila, pagbase ng mga namumunong organo sa mga lunsod hanggang Cebu City at dahil dito’y nagkabisa ang pananalakay ng kaaway kapwa sa kanayunan at sa mga kabayanan at lunsod. Sa halip na hanapin ang mga dahilan at ituwid ang mga kamalian, isinisi ng Mindakom, laluna ng caretaker committee nito, ang mga kabiguan at pinsala sa mga umanoy DPA (deep penetration agents) at inilunsad ang Kampanyang Ahos mula 1985 hanggang 1987.

Mga Kabiguan at Pagbibintang sa DPA sa Ibang Lugar. Sa ibang dako ng bansa sa iba’t ibang panahon, mula dekada 1980 hanggang 1991, sumulpot ang mga kamalian ng ”Kaliwang” oportunismo na nagbunga ng malulubhang kabiguan at kadalasa’y paghahanap at pagbibintang sa mga DPA na sinisising dahilan ng mga ito. Di kasing lawak ng sa Mindanao, naganap ang mga ito sa ilang parte ng Negros at Leyte noong 1985-1987, sa Manila-Rizal (June breakthrough at Olympia) noong 1988, Timog Katagalugan (operational plan missing link) noong 1988, sa Cordillera (base defense policy) at Ilokos (umano’y expansion by fire) noong 1989-1990, Cagayan Valley noong 1991 at Central Luzon (estratehiyang play to win) noong 1991.

Sa Negros at Leyte, nabanat ang pwersa sa ilang opensiba at nang naging mabisa ang kontra-opensiba ng kaaway, naglunsad ang pamunuan ng kampanyang anti-informer. Gumawa ng mga armadong probokasyon ang liderato ni Popoy Lagman sa mga kilos masa at sa mga komunidad. Nang gantihan ng kaaway at nadama ang mga dagok nito isterikong nagbintang sina Popoy sa mga DPA umano sa hanay nila. Kasabay nito, nagkaroon ng malaking isterya sa mga rehiyon ng MR at TK dahil sa pagkahuli ng mga puno ng General Command (GC) ng NPA sa MR noong 1988-89. Sumabay din ito sa pagnanais ng pamunuan ng TK na hanapin ang mga informer nagdulot ng pinsala sa rehiyon magmula pa noong dekada ng 1970. Nauwi rin sa pagbibintang at paghahanap ng mga impormer sa HL ang mga kabiguan sa patakarang “base defense” at “expansion by fire”. Inabutan na ng Kilusang Pagwawasto ang ”Kaliwang” desisyong ”play to win” ng pamunuan ng GL .

Attn: Slide 7 Mga Kamalian ng Kanang Oportunism

Mga Kamaliang Kanang Oportunista

Konsepto ng Bagong Katipunan. Ang Kanang oportunistang konsepto ng Bagong Katipunan ay inihapag noong 1980 pangunahin ng kalauna´y tumawag sa sarili nila na popular democrats. Nilaman ito ng isang panukalang borador ng bagong programa ng Pambansang Demokratikong Hanay ng Pilipinas (National Democratic Front of the Philippines o NDFP) noong 1982. Tinangka nitong likidahin o alisin ang pamumunong papel ng uring manggagawa at ng Partido sa nagkakaisang hanay para mahikayat daw ang mas maraming mamamayan sa NDFP. Ipinanukala nito ang pagbuhay sa lumang demokratikong rebolusyon at pagtakwil sa talibang papel ng Partido. Sa kabila nito, may ilang ”Kaliwang” oportunista na nagpanukala rin na ang nagkakaisang hanay ang gawing talibang pwersa, tulad gawi ng ilang kilusan sa Gitnang Amerika.

Ang Patakarang Boykot ng Eleksyon. Habang rumaragasa ang digmang bayan laban sa pasistang diktadurang Marcos, maliit lamang o walang anumang naging tuntungan sa Partido ang mga Kanang oportunista at ang konsepto ng Bagong Katipunan. Pero makaraang bumagsak si Marcos noong 1986, iginiit ng mga Kanang oportunista ang patakarang boykot ng eleksyon ng 1986 bilang estratehikong kamalian na dala ng Kaliwaismo (Leftism) para bigyang-matwid ang linya nilang repormista. Para pagtakpan ng mga tagadala ng linyang RAWA ang malayong mas masahol na maling linya nila at ang ibinunga nitong mga krimen, nakipagkasundo sila sa mga Kanang oportunista para kastiguhin ang patakarang boykot ng eleksyon bilang pinakamasahol at pinakamalaking kamalian sa kasaysayan ng Partido. Ito ang naging tuntungan nila para pumaling sa Kanan.

Paling mula Kaliwa tungong Kanan. Naging mas malakas ang pagpaling sa Kanan ng mga “Kaliwang” oportunista nang nadismaya sila sa kawalang-saysay ng pambansang koordinadong mga operasyong pambubulabog lamang noong 1987, sa kabiguang umangkat ng mga sandata at sa pagkaaresto ng mga susing lider nila. Pumaling sila sa Kanan habang tinatanggap at pinapalakpakan ng mga Kanang oportunista ang mga patakarang anti-komunista ni Gorbachov magmula 1988 pasulong. Nagsama-sama ang mga Kanang oportunista sa maliliit na grupong ang tawag-sa-sarili ay popdem, liberal na komunista (rebisyunista) at sosyalistang demokratiko (Trotskyista). Gumamit sila ng mga pariralang Kaliwa laban sa PKP para pangatwiranan ang posisyon nilang Kanan. Gumamit din sila ng ilang NGO at dayuhang pagpupondo para sa sariling mga layunin.

Negosasyon at Kasunduang Tigil-Putok. Noong Hunyo 1986 nagpasya ang Partido na kapag gumawa si Aquino ng deklarasyon na tapusin ang mga base militar ng US, magkakaroon ng tigil-putok. Hindi man gumawa ng ganitong deklarasyon si Aquino nagkaroon pa rin ng usapan at kasunduan sa tigil-putok na pawang batbat ng mga mali at maka-Kanang probisyon dahil sa pagtutulak ng ilang maka-Kanang kagawad ng Kawanihang Pampulitika (Ric Reyes at Benjie de Vera). Ayon kay Benjie de Vera, panlutas daw ang pambansang tigil-putok sa mga opensiba ng kaaway sa Mindanao na sa katotohanan ay naging mabisa lamang dahil sa dating linya na ”Kaliwang” oportunista.

Labis na Repomistang Pakana ni Ric Reyes. Noong 1990 mag-isang gumawa si Ric Reyes ng mga desisyon sa ngalan ng Kawanihang Pampulitika na ipaloob ang NDF sa tinawag niyang Anti-Imperialist Democratic Front. Ninais niyang pagsamahin dito ang NDF, mga legal na progresibong pwersa at ilang reaksyonaryong pwersa upang hamunin daw si Aquino na sang-ayunan ang People’s Agenda at kung hindi ay magkakaroon ng pag-aalsang mas malaki pa kaysa Edsa ng 1986. Nagkampanya pa si Reyes na magkaroon ng mga negosasyong multilateral sa pagitan ng gobyernong Aquino at lahat ng katunggali nito. Gusto niyang ihalo ang NDF sa MNLF, RAM at iba pa.

Gorbachovismo sa Ang Bayan. Noong 1990 gumawa si Ric Reyes at mga kasapakat niya ng ilang edisyon ng Ang Bayan na pumupuri kay Gorbachov at umanoypanibagong pag-iisip niya. Panahon itoi na naging lantarang anti-komunista na si Gorbachov, ninanais na niyang gawing partidong sosyal-demokratiko ang rebisyonistang partido at likidahin ang Unyon Sobyet at iba pang mga rebisyonistang rehimen sa Silangang Europa. Panahon na ito ng paglubos sa pagpapanumbalik ng kapitalismo.

Attn: Slide 8 Maliliit na Grupo ng mga Kontra

Maliliit na Grupo ng mga Kontra. Malilit na grupo ng mga pusakal na oportunista at mga taksil ang lumaban sa IDKP. Sa kabila ng magkakaiba nilang posisyon at grupo, nagkaisa sila laban sa Partido at nagpahayag na rejectionists sila laban sa IDKP na inilunsad ng Partido noong December 26,1991. Tinawag naman silang mga “kontra” ng mga proletaryong rebolusyonaryo. Pinatindi nila ang operasyong pangwawasak sa loob ng Partido at tinangka nilang gamitin ang masmidyang burges laban sa Partido. Tinawag nilang Stalinistang pagpupurga ang Kilusang Pagwawasto at tinawag ding Stalinista ang Partido para masamantala ang alon ng anti-komunismo na resulta ng lubusang pagpapanumbalik ng kapitalismo sa mga bayang dating sosyalista. Hanggang 1994, nakagawa ng ilang pinsala ang mga “kontra” sa MR, sa Negros island at Central Mindanao at sa ilang NGO, unyon at iba pang organisasyong masa.

Attn: Slide 9 Mga Kamalian sa Organisasyon

Mga Kamalian sa Organisasyon

Burukratismo. Habang nasa ilang posisyon sila sa pamunuan ng Partido noong panahong 1980-1991, nilabag kapwa ng mga ”Kaliwa” at Kanang oportunista ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo sa pagsapraktika ng burukratismo (sentralismong walang demokrasya) at pamamanginoon sa independyenteng mga kaharian. Nag-astang komandista ang mga ”Kaliwang” oportunista sa loob at labas ng hukbong bayan at mga organisasyong di-hukbo na pinaghaharian nila. Itinuring nilang makinarya labas sa Partido ang mga nililikha nilang mga stap at departamento.

Lumikha ang mga Kanang oportunista ng mga istap at NGO; at nag-asta ring mga boss sa mga itinuring nilang empleyado rito. Kumilos sila sa pamamagitan ng mga umano’y political officer (PO) para maghariharian sa mga organisasyong masa at supilin ang inisyatiba at paglago ng kasapian ng Partido sa hanay ng masa.

Ultra-Demokrasya. Pero sa maraming taon isinapraktika din ng mga oportunista ang ultra-demokrasya (anarkiya o demokrasyang walang sentralismo) para salungatin nila ang linya sa ideolohiya at pulitika ng Partido, Komite Sentral (KS) at ibang mga namumunong organo at ilatag ang maling mga linya nila. Lalong umalagwa ang ultra-demokrasya laban sa IDKP. Nagtaguyod sila ng kalayaan ng kritisismo at kalayaan ng mga paksyon sa loob ng Partido at nagpahayag na hindi nila kinikilala ang awtoridad ng Kawanihan sa Pulitika at KS dahil hinihintay raw nila ang pagdating ng susunod na Kongreso ng Partido.

Likidasyunismo. Pinagkaabalahan ng mga oportunista ang likidasyunismo. Hinangad nilang likidahin ang linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at, kung gayon, ang kabuuang pag-iral ng Partido. Umagaw sila sa Partido ng tauhan, ari-arian at ilang yunit ng ilang organisasyong masa at pinalaban ang mga ito sa Partido. Naging pinakamapaminsala sila sa Manila-Rizal, Isla ng Negros at Gitnang Mindanao.

II. Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto

Attn: Slide 10 10-puntong Gabay sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto

Para punahin, itakwil at iwasto ang mga kamalian mula 1980 hanggang 1991, muling pinagtibay ng IDKP ang sampung prinsipyo tungkol sa: 1. teorya at praktika ng MLKMZ, 2. linyang anti-rebisyunista, 3. katangian ng lipunang Pilipino, 4. pangkalahatang linya ng rebolusyon, 5. Partido bilang taliba, 6. digmang bayan, 7. ang nagkakaisang hanay, 8. demokratikong sentralismo, 9. ang sosyalistag hinaharap, 10. proletaryong internasyunalismo.

Attn: Slide 11

1. Itaguyod ang teorya at praktika ng MLKMZ. Para bakahin ang suhetibismo na tipong dogmatiko, empirisista o rebisyonista, isinulong ng Partido ang Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasapraktika ng pananaw na materyalista-syentipiko, diyalektikang materyalista at pagsusuri sa uri. Inilalapat ang mga ito sa pag-aaral ng kasaysayan at kasalukuyang sirkunstansya ng Pilipinas, sa panlipunang pagsisiyasat at sa pagtatasa at ebalwasyon ng gawain at pakikibakang masa. Ginagamit ang mga ito sa pormal na mga kurso sa pag-aaral sa antas primarya, intermedya at abante, na isinusulong ng Partido.

Attn: Slide 12

2. Tahakin ang linyang anti-rebisyunista. Kailangan laging ipaalala ng Partido sa kasapian ang tungkol sa modernong rebisyunismo at ang pagpapanibago sa pakikibakang anti-rebisyunista dahil pinangarap na mga oportunistang ”Kaliwa” mula pa noong unang mga taon ng dekada 1980 na iwaksi ang pagpuna sa rebisyunismong Sobyet at sosyal imperyalismo sa paghahangad na makakuha ng ayudang militar, dahil napahanga ang mga Kanang oportunista sa mga kontra-rebolusyonaryong Dengista at Gorbachovita at dahil nangailangan ng paliwanag ang lubos na pagpapanumbalik ng kapitalismo sa mga bayang dating sosyalista.

Attn: Slide 13

3. Harapin ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Nilinaw ng Partido na isang bagay ang sabihin na nangibabaw na sa ekonomya ng Pilipinas ang kapitalistang moda ng produksyon ng kalakal mula noong ika-19 na siglo at iba naman ang sabihin o ipahiwatig na industriyal-kapitalista na ang Pilipinas at hindi na nito kailangan ang estratehikong linya na palibutan ang mga lunsod mula sa kanayunan sa isang matagalang digmang bayan. Agraryo pa at malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas at nasa ilalim ng di-tuwirang pamamahala ng US ang pulitika nito.

Attn: Slide 14

4. Tupdin ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon. Idiniin ng Partido ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon para labanan at gapihin ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. Ang anakpawis at gitnang saray ng lipunan ang motibong mga pwersa ng rebolusyon at katunggali ng mga ito ang malalaking komprador at panginoong maylupa at ang mga imperyalistang amo nila.

Attn: Slide 15

5. Buuin ang Partido bilang talibang pwersa ng proletaryado at mamamayan. Kailangang buuin ang Partido bilang taliba o namumunong pwersa ng proletaryado at mamamayan sa rebolusyong Pilipino. Kinakatawan nito ang uring manggagawa bilang namumunong uri. Sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon, ang uring manggagawa ang namumunong uri at hindi na ang burgesya kahit maaari pang maging rebolusyonaryong mga alyado ang petiburgesyang lunsod at ang gitnang burgesya.

Attn: Slide 16

6. Ilunsad ang matagalang digmang bayan at ipatupad ang masaklaw at matinding digmang gerilya sa palawak at palalim na baseng masa. Buuin ang hukbong bayan at ilunsad ang matamgalang digmang bayan para wasakin ang reaksyunaryong estado sa pamamagitan ng demokratikong estado ng bayan. Yugtu-yugtong isinasagawa ang digmang bayan. Sa kasalukuyan, matindi at masaklaw na digmang gerilya ang isinasagawa sa batayan ng laging palawak at palalim na baseng masa.

Attn: Slide 17

7. Sundin ang rebolusyonaryong linyang makauri ng nagkakaisang hanay. Sa pamumuno ng uring manggagawa at Partido nito, ang batayang alyansa ng rebolusyon ay yong sa uring manggagawa at uring magsasaka na bumumbuo ng mahigit 90 porsyento ng mamamayan. Idagdag sa alyansang ito ang petiburgesyang lunsod para mabuo ang alyansa ng mga pwersang progresibo. Gamitin ang mga pagkakahati-hati sa hanay ng mga reaksyunayo. Maaaring buuin ang malapad na nagkakaisang prente para maibilang ang ilang reaksyunaryo laban sa pinkamasasahol o laban sa dayuhang agresor.

Attn: Slide 18

8. Sundin ang linya ng demokratikong sentralismo. Ito ang prinsipyo ng Partido sa organisasyon: pamumunong sentralisado batay sa demokrasya at demokrasyang napapatnubayan ng pamumunong sentralisado. Esensya ng prinsipyo ang MLM. Pinapatnubayan nito ang mga alituntunin sa pamamaraan, tulad ng pagpapailalim ng indibidwal sa kolektiba, ng minorya sa mayorya at ng mas mababang organo at organisasyon sa nakatataas. Umiiral kapwa ang disiplina at kalayaan sa loob ng Partido. Huwag pahintulutan ang burukratismo, ultra-demokrasya, paksyunalismo at likidasyonismo.

Attn: Slide 19

9. Tanawin ang sosyalistang rebolusyon. Sa saligang pagkompleto sa bagong demoratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pag-agaw sa pampulitikang kapangyarihan, makapagsisimula ang sosyalistang rebolusyon sa ilalim ng patuloy na pamumuno ng uring manggagawa at ng Partido. Itoエy maaari dahil ang proletaryong diktadura ay nasa bag-as ng demokratikong estado ng bayan at dahil ang mapagpasyang bahagi ng ekonomya, pulitika at kultura ay napasakamay na ng uring manggagawa bilang ahensya ngsosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa transisyon tungong komunismo.

Attn: Slide 20

10. Isagawa ang rebolusyong Pilipino sa diwa ng proletaryong internasyunalismo. Ipinapatupad ang bawat yugto ng rebolusyong Pilipino hindi lamang para magsilbi sa uring manggagawang at mamamayan ng Pilipinas kundi para din magsilbi sa uring manggagawa at lahat ng mamamayan ng mundo. Kailangang laging magsikap ang Partido, ang proletaryado at mamamayan na mag-ambag ng kayang gawin sa pagpapalakas at pagsusulong ng mga pakikibakang anti-imperyalista at ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.

III. Muling Pagpapasigla sa Partido at sa Kilusang Rebolusyonaryo

Ano ang ibinunga ng IDKP?

Attn: Slide 21

Muling Pinasigla ang Partido at Kilusang Rebolusyonaryo. Iniligtas ng IDKP ang Partido at ang Kilusang rebolusyonaryo mula sa pinsalang dulot ng mayor na mga kamalian sa ideolohiya, pulitika at organisasyon simula noong dekada ng 1980 at mula sa mapangwasak na mga operasyong gawa ng mga ayaw-magwastong mga oportunista at taksil nang salungatin nila ang IDKP. Bunga nito, nabigyan ng panibagong-sigla ang Partido at ang kilusang rebolusyonaryo, nang matanggal o malaglag ang di-malulusog na elemento. Ang Partido ay naging mas malakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Attn: Slide 22

Pinagbagong Oryentasyon, Organisasyon at Deployment ang BHB. Binigyan ng Partido ng bagong oryentasyon, organisasyon at deployment ang Bagong Hukbong Bayan. Muling pinagtibay ng hukbong bayan ang kapasyahang ipatupad ang maigting at masaklaw na digmang gerilya batay sa palawak at palalim na baseng masa. Iniayon sa mga sirkunstansya ang pagpapatupad sa mga programang minimum at maksimum. Pinalawak ang lubhang nauk-ok o naagnas na baseng masa sa pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa at pagpapakilos sa masa para sa sarili nilang pakinabang.

Attn: Slide 23

Pinalakas ang Nagkakaisang Hanay. Pinalakas ang nagkakaisang prenteng antipyudal sa kanayunan para magsilbing base ng pambansang nagkakaisang hanay. Pinalakas ang lahat ng tipo ng alyansa: ang batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, ang alyansa ng mga progresibong pwersa, ang alyansa ng mga pwersang patriyotiko at ang malapad na nagkakaisang prente para maibilang ang mabuway na mga alyado laban sa kaaway. Sa ilalim ng patakaran sa nagkakaisang prente, nagawa ng Partido na pukawin at pakilusin taun-taon ang milyun-milyong mamamayan.

IV. Lalong Pagkabulok ng Contras

Anong nangyari sa ayaw-magwastong mga oportunista at taksil? Lalo silang nabulok.

Attn: Slide 24

Mga “Kaliwang” Oportunista

Rolly Kintanar. Itinuring siyang pangkalahatang lider militar ng contras. Sumanib siya sa ISAFP sa pamamagitan ng tiyuhin niyang heneral. Nagawa niyang makakuha ng mga permiso para sa baril mula sa PNP para sa pribadong ahensya sa seguridad na guwardya sa mga gusali ng gobyerno at magba-bodyguard at magku-contract killer sa mga pulitikong reaksyunaryo sa Cebu at Mindanao. Lantarnang nanumpa siya ng katapatan sa partido Lakas-NUCD bago noong 1998 eleksyon para sa presidente at nabunyag bilang double agent pagkaraan ng eleksyon nang lumutang ang pagkahirang sa kanya sa TESDA ng bagong halal na presidente Estrada mula sa oposisyon.

Si Popoy Lagman at ang ABB. Sumuko siya sa rehimeng Ramos, sa partikular sa Navy intelligence noong 1994. Patuloy na nakilala ang ABB bilang armadong grupo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino at Sanlakas pero kumilos bilang upahang gang na kriminal ng mga pulitikong reaksyunaryo. Ganap na nakontrol ito ni Nilo de la Cruz kasunod ng paghiwalay niya kay Popoy Lagman dahil sa bayad payola ng Amari real estate company para sa pagpapalayas ng maralitang lunsod sa Freedom Island. Pinatay ng ABB si Popoy Lagman ayon sa mga tagaloob ng ABB.

Attn: Slide 25

Si Tabara at ang RPA. Naging sagadsaring pwersang anti-NPA sa isla ng Negros ang RPA at naging talagang private army din ni Danding Cojuangco na tagabantay sa mga asyenda nito. Maaga pa noong 1988 nang sumanib sa ISAFP ang pinuno nitong si Arturo Tabara. Noong 1999 lumabas siya at si Nilo de la Cruz sa TV kasama si Estrada para ipahayag ang huwad na kasunduan nila sa kapayapaan (pagsuko) sa reaksyunaryong gbyerno. Lantarang naging grupong paramilitar ang armadong grupo nila na binabayaran ng reaksyunaryong estado.

Mga insureksyunista sa lunsod. Nang nasa Partido pa sila, hindi kailanman nakapagsagawa ng armadong insureksyong lunsod ang mga tagapagtaguyod ng linyang RAWA na armadong insureksyong lunsod at iyong mga may crypto-Trotskyitang ideya ng armadong insureksyon sa Maynila. Nang nasa labas na sila ng Partido, hindi sila nag-insureksyon kailanman kundi masayang sumanib sa naghaharing sistema. Gayundin ang nangyari sa mga nagdala ng iba pang tipo ng insureksyon, tulad ni Taning.

Attn: Slide 26

Mga Kanang Oportunista

Mga Popdem. Sinuportahan nila sina Salonga at Estrada sa halalan ng 1992. Ginamit nilang base ang PRRM na may dayuhang pondo at nagpanatili ng malapit na ugnayan kay Estrada na nanalong bise presidente noong 1992 at presidente noong 1998. Nakakuha sila ng mga mataas na posisyon sa administrasyong Estrada bilang kalihim ng repormang agraryo at direktor ng TESDA. Kasama sila sa kasiraang puri ni Estrada sa pagbagsak nito noong 2001.

Mga ”Liberal na Komunista” at Gorbchovista. Nagbuo ng Siglaya iyong tumatawag sa mga sarili nila na ”liberal na komunista” noong 1992 ( tinatawag ding mga Gorbachovista). Umaasta silang anti-imperyalista sa umpisa ng mga artikulo nila at sa kalaunan humihingi ng kompromiso at mga reporma mula sa mga imperyalista at mga papet nito. Lumalahok sila sa pangraraket ng NGO at sinisiraan nila ang ibang mga NGO na kontrolado daw ng isang partidong Stalinista. Sinabi na ng pinakamasasahol sa kanila mula noong panahon ni Ramos na laos na ang isyu ng pambansang soberanya dahil sa globalisasyon ng ”malayang pamilihan”. Sa pagbubuo ng Akbayan, nakipagsabwatan sa mga kleriko-pasista na nagpapanggap na sosyal demokrata. Nasa matataas na posisyon sila ngayon sa rehimeng Aquino at nakalublob sa korupsyon sa National Anti-Poverty Commission, Human Rights Commission at ibang pang mga opisina. Sa ilalim ng Liberal Party, tumakbo si Ric Reyes sa pagkakongresista sa Rizal noong 2010 pero natalo.

Mga Trotskyista. Aktibo sa kilusang masa ang todo-todong mga Trotskyista sa paglaban kay Arroyo. Kasabay ng ibang kontra at nagpapanggap na sosyal demokrata pumaloob sila sa maka-Estradang Laban ng Masa. Hanggang ngayon bigo silang makakuha ng anumang mataas na pwesto sa rehimeng Aquino. Sinisiraan sila ng sariling mga alyado nilang liberal at neoliberal bilang mga sira-ulong walang anumang masang tagasunod.

Attn: Slide 27

Kasalukuyang Pananaw ng PKP at ng Rebolusyonaryong Kilusan

Ang Pananaw ng PKP at ang Estratehikong Plano. Mataas ang morale at kumpiyansa ng PKP at kilusang rebolusyonaryo na mapangibabawan ang Oplan Bayanihan tulad ng mga naunang oplan ng mga naunang regimen. May komprehensibong estratehikong plano ang PKP para isulong ang estratehikong depensa sa estratehikong pagkapatas. Nakapaloob sa plano ang pagtataas ng kasapian ng Partido sa 250,000 at ng bilang ng mandirigmang NPA na may matataas na kalibreng riple sa 25,000; ang pagsaklaw sa lahat ng rural na distritong kongresyunal ng 180 larangang gerilya at higit na paglago ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa. Kailangang matamang basahin ang mga bagong dokumento ng PKP para maunawaan kung paano matutupad ang nabanggit na mga layunin.

Attn: Slide 28

Mga Pinagmulan:

1. Muling Pagtibayin Ating Mga Saligang Prinsipyo at Isulong and Rebolusyon ni Armado Liwanag para sa Komite Sentral ng PKP, Disyembre 26, 1991
2. Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyonismo, Komite Sentral ng PKP, Hulyo 1, 1992
3. Muling Pagtibayin Ang Ating Mga Saligang Prinsipyo at Iwasto Ang Mga Pagkakamali, Komite Sentral ng PKP, Hulyo 1, 1992
4. Pangkalahatang Pagbabalik-Aral sa Mahahalagang Pangyayari at Pasya (1980-1991), Nobyembre 30, 1992
5. Mga Mapagpuna at Mapanlikhang Tungkulin ng Kilusang Pagwawasto sa Partido Komunista ng Pilipinas ni Prof. Jose Maria Sison, Disyembre 26, 1993.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you