Home Writings Messages Ipagbunyi ang ika-25 anibersaryo ng Gabriela youth! Isulong ang pakikibaka ng kabataang kababaihan

Ipagbunyi ang ika-25 anibersaryo ng Gabriela youth! Isulong ang pakikibaka ng kabataang kababaihan

0

Mensahe sa Gabriela Youth
ni Prof. Jose Maria Sison
Emeritus Tagapangulo, International League of Peoples´ Struggle
13 Disyembre 2019

Mahal na kapwa aktibista,

Malugod akong nagpapaabot ng pagbati at pakikiisa sa okasyon ng ika-25 anibersaryo at Ikatlong Kongreso ng Gabriela Youth. Sumasaludo ako sa inyo dahil sa inyong matatag at militanteng pagsisikap at pakikibaka, mga sakripisyo at mga tagumpay ng pamunuan at kasapian ng Gabriela Youth.

Kinikilala ng sambayanang Pilipino at lahat ng mga makabayan at progresibong pwersa nito ang matapat na pagpapatuloy at pagsusulong ng militanteng tradisyon ng kabataang kababaihan sa nakaraang 25 taon. Tumpak ang inyong paglalagom sa inyong mga karanasan at mga tagumpay sa pagkilos tungkol sa mga pambansang isyu at mga isyung tungkol sa kabataang kababaihan.

Tulad ng lahat na nakikiisa at sumusuporta sa inyo, sang-ayon ako sa mga plano ninyong pagkilos sa taong 2019. Sa aking palagay, mabunga at matagumpay ang pagtupad ninyo sa mga plano. Sa gayon, mataas ang aking tiwala na may pinagbabatayan at sariwang karanasan kayo upang itakda ang mga tungkulin at gumawa ng mga plano para sa mga susunod na taon.

Wastong tuunan ninyo ang paglaban at pagsisikap na tapusin ang taksil, tirano, berdugo, korap, at sinungaling na rehimeng Duterte sa balangkas ng anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal na pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Sa punto de bista ng Gabriela Youth, tumpak na kamuhian ang kasuklam-suklam na utos ng macho pasistang tirano sa kanyang mga militar at pulis na barilin ang kababaihan sa puki upang gawin daw silang inutil.

Wasto rin ang inyong kapasyahan na labanan ang patakarang neoliberalismo. Ito ay pinakamasahol at pinakalantarang patakaran ng mga imperyalista at mga reaksyonaryo upang isagawa ang walang riyendang pagsasamantala sa mga anakpawis at pagkamkam ng malaking burgesya sa rekurso ng estado upang salatin o nakawin ang lahat ng posibleng rekurso sa panlipunang kapakanan.

Kaakibat ng neoliberalismo ang pasismo o terorismo ng estado. Alam na mga imperyalista at mga lokal na reaksyonaryo na lalaban ang mga anakpawis at sambayanan sa labis na pagsasamantala at kung gayon naglulunsad ng mga kampanya ng pandarahas at panlilinlang ang rehimeng Duterte na ngayon ay ginagamit ng mga imperyalista. Sadyang pinaiiral ang paghahari ng lantarang lagim ng estado upang sindakin at patahimikin ang bansang Pilipino.

Pinanatili ng neoliberalismo at terorismo ng estado ang sabwatan at paghahari ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo at kung gayon nanatili ang kalagayan ng atrasadong ekonomiya, kawalan ng trabaho at malaganap na karukhaan. Sa ganitong kalagayan, lalong nakakapanghuthot ng supertubo ang mga imperyalista at mga alipures nila sa pamamagitan ng paghahakot ng likas na yaman at sa di-pantay na palitan ng hilaw na sangkap at murang paggawa mula sa Pilipinas at mga yaring produkto mula sa labas.

Sa nakaraang higit sa apat na dekada, sapilitang nagluluwas ang reaksyonaryong gobyerno ng murang paggawa sa anyo ng mga manggagawa. Karamihan nito ay kababaihan at karamihan nito ay kabataan. Ginagamit ang kita nila para lustayin sa pag-angkat ng mga manupaktura. pambayad sa lumalaking panlabas na utang sa pandarambong ng mga opisyal at sa panustos ng militarisasyon at pasismo ng gobyerno at lipunan.

Tungkulin ngayon ng Gabriela Youth at lahat ng kabataang kababaihan na lumahok sa puspusan at maigting na pakikibaka para tapusin ang rehimeng Duterte sa balangkas ng pambansa-demokratikong pakikibaka na ang layunin ay bigyang wakas sa kalaunan ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. Mapagpasya ang papel na ginagampanan ng kabataang kababaihan sa pakikibaka.

Tiyak na ibayong lalakas ang kilusang pambansa-demokratiko kung nahimok, naorganisa at napakilos ang mas marami pang kabataang kababaihan at ibayong lalakas din sila at ang kanilang pagkilos sa mga sektoral na isyu nila kung ibayong lalakas ang kilusang pambansa-demokratiko. Pinatunayan ito ng kasaysayan at ibayong mapatutunayan sa kasalukuyang kalagayan.

Naghihirap ang sambayanang Pilipino ngayon dahil sa krisis ng lokal na naghaharing sistema sa ilalim ng tatlong salot na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at ng pasismo o terorismo ng estado. Subalit ang labis-labis na pagsasamantala at pang-aapi ang nag-uudyok at nagtutulak sa kabataang kababaihan at sambayanang Pilipino para kumilos at lumaban.

Sa buong daigdig kumakalat ngayon ang mga malalaking kilos protesta ng masa bunga ng neoliberalismo at pasismo. Nagbibigay ang mga ito ng halimbawa at inspirasyon sa kabataan at sambayanang Pilipino at nakakatulong sa kilusang anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal. Karapat-dapat lamang na ibayong palakasin at paigtingin ang pakikibaka ang sambayanang Pilipino at pwersang makabayan at progresibo nang sa gayon ay makapag-ambag sa pagsulong ng pandaigdigang pakikibaka ng mga mamamayan laban sa imperyalismo, pasismo at lahat ng reaksyon.

Mabuhay ang Gabriela Youth!
Mabuhay ang lahat ng kabataang kababaihan!
Isulong ang kilusang kabataang kababaihan!
Mabuhay ang pambansa-demokratikong kilusan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.