WritingsMessagesIpagdiwang ang ika-20 na anibersaryo ng Kadamay

Ipagdiwang ang ika-20 na anibersaryo ng Kadamay

-

Mensahe ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
November 7, 2018

Maligayang bati sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap! Dalawang dekada nang nakikibaka para sa sahod, trabaho, paninirahan, serbisyo at karapatang pantao. Dalawang dekadang nagsisilbing militanteng sentro ng maralitang lungsod sa buong bansa at nagbibigay liwanag sa milyun-milyong mahihirap para kamtin ang pambansang demokrasya at sosyalismo.

Mapanlabang Kasaysayan ng Kadamay

Bago pa man nabuo ang Kadamay, ipinamalas na ng maralitang lungsod ang makabuluhang papel sa kilusang masa, lalu na noong panahon ngdiktadura ni Marcos. Ang pag-oorganisa sa maralitang komunidad ang nagbigay daan para sa pagbabase ng maraming organisador na tinutugis dahil sa pasismo ng batas militar. Naging balon din ang mga komunidad para magluwal ng maramihang aktibistang masa na lumahok at nagpakilos ng laksang bilang para pabagsakin si Marcos sa poder.

Mula 1975 dinanas ng maralitang Pilipino ang hagupit ng demolisyong bunsod ng Presidential Decree 722 o ang Anti-squatting Law. Marahas na pinapalayas ang mga residente para higit pang ilugmok sa kumunoy ng kahirapan.

Subalit, sa parehong panahon din sumiklab ang pakikibaka para ipagtanggol ang tahanan mula sa atake ng estado. Ngunit humantong ang ibang organisasyon sa repormismo at kolaborasyon upang makakuha ng mga konsesyon mula sa pamahalaan; sa halip na itaas ang kamulatan ng masa kasabay ng todo-todong paglalantad habang umaani ng simpatiya mula sa publiko.

Palagay ko, ito ang ipinapakita ng Kadamay sa kanyang kasaysayan at marapat lamang itong dakilain. Ang susi at matalas na pagsusuri upang wastong pamunuan ang laban at mithiin ng masa habang matatag na tumitindig laban sa repormismo, kolaborasyunismo at kanang oportunismo.

Mapagsamantala at Mapang-aping Rehimeng US-Duterte

Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, tagos na tagos ang krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Dinadala ang ekonomiya ng bansa sa rurok ng pambubusabos habang tanging mga kroni, ka-sosyo at mga dayuhang kapitalista mula sa Amerika at Tsina ang nakikinabang.

Kailangang harapin ng kilusang masa ang doble-pasanin na TRAIN Law at Build Build Build (BBB). Hanggang ngayon, bukambibig din ng mga economic managers ni Duterte na mabuti ang idudulot ng TRAIN sa ekonomiya sa pangmatagalan. Ang BBB sa partikular ang itinatambol ng rehimen bilang solusyon sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo sa pamilihan ng mga batayang pangangailangan.

Subalit sa katotohanan, ito ang pinakamalaking dahilan ang paglipad ng presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo at paghirap ng masang Pilipino dahil sa ipinasa sa kanila ang pasaning buwis mula sa mga korporasyon at mayayaman. Sabay-sabay ang implasyon, kawalan ng trabaho at pagbaba ng kita. Ganyan ang kalupit ng arawang karahasan ng pagsasamantala.

Utos ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank ang pagpapatupad ng BBB. Ito ay tutuparin ng bansa para muling makautang at ipagpatuloy ang mapanghuthot na siklo ng pagkatali ng Pilipinas sa mga imperyalistang kapangyarihan.

Umiigting ang kompetisyon at pagriribal ng mga imperyalista subalit nagkakaisa pa rin sila na pagsamantalahan ang di-maunolad na bansa tulad ng Pilipinas sa ilalim ng patakarang neoliberal. Sabay-sabay na nag-aalok sila ng mga pautang sa Pilipinas para magbenta ng surplas ng mga manupaktura nila at kumita ng interes na pinataas sa pamamagitan ng pinalaking presyo ng mga impraistrukturang itatayo.

Kulang ang rekurso ng gobyerno para isagawa ang BBB. Kung kaya nagkakandarapa na mangutang sa labas ng bansa, sa Hapon, Timog Korea, US at EU. Kumakapit ngayon ang rehimeng Duterte sa pautang ng Tsina at mga kontrata sa mga korporasyong Tsino, kapalit ng pataksil na pangsangla ng mga likas na yaman sa West Philippine Sea at iba pang lugar sa ating bayan.

Tuwirang pinakamataas ang interes sa pautang ng Tsina at overpriced pa ang mga kontrata, mga equipment at materyales mula sa Tsina para sa mga proyekto nito. Mga 60 o 70 % ng mga manggagawa ay mula sa Tsina. Hindi totoo na ang BBB ay magbibigay ng malaking empleyo sa mga Pilipino. Lulubha ang desempleyo, pagbaba ng kita at pagtaas ng presyo.

Bilyun-bilyon ang gastusing nalilikom mula sa sinisingil sa buwis, upang lalong magbuhos ng anti-mamamayang mga proyekto at ipagmayabang ng administrasyong Duterte ang huwad na kaunlaran. Kasabay nito, ang lumalaking gastusin para sa militar at pulis para mapalakas pa ang brutal na kamay na bakal laban sa masang anakpawis sa buong bansa. Subalit malaki ang pagbawas panustos para sa mga serbisyo sosyal tulad ng sa edukasyon, kalusugan at pamamahay.

Hindi lamang tinutulak sa bingit ng kamatayan at kagutuman kundi malawakan ang pamamaslang sa hanay ng maralitang lungsod. Relatibong mahina ang kapit ni Duterte sa mayorya ng naghaharing-uri. Malinaw ang tunggalian at pag-aagawan ng iba’t ibang pangkat ng mga mapagsamantala. Kung kaya’t nakikipagsabwatan si Duterte sa mga pinakamasasahol na mandarambong sa bansa gaya ng mga Marcos at kay Gloria Macapagal-Arroyo.

Kasabay nito ang pag-aalaga sa PNP at AFP, mga asong ulol na ginagamit para supilin ang mga kritiko niya at hadlangan ang anumang oposisyon. Kapalit nito, binigyang lisensya ang reaksyunaryong hukbo at pulis na maglunsad ng todo gera sa mamamayan sa pakinabang ng bulok na naghaharing sistema ng mga malaking komprador, asendero at korap na burukrata.

Garapal ang mga pabuya ng mga nasa Top Brass ng pulis at militar sa rank and file para gawin nila ang malawakang pamamaslang, iligal na pag-aresto, pambobomba, pagpapalikas, pag-agaw ng lupa at tahanan at iba pang pasistang atake.

Simula’t sapul, ang mga mahihirap na ang pinuntirya ng rehimen buhat ng kanyang Gera Kontra-droga. Di nagtagal, nalantad ang buong disenyo niya bilang isang gera kontra-mahihirap. Isang patakarang hindi niya mapakawalan pagkat naglilingkod ito sa sarili niyang mapagkunwari, sakim at pasistang adyenda.

Kung tutuusin, takot na takot ang rehimen sa lumalaking bilang ng maralitang Pilipino na nagagalit sa kanya. Gagawin niya ang lahat upang suhayan ang negatibong pagtingin ng publiko para sirain ang pagkakaisa ng mahihirap. Panibagong mga taktika na dumagdag sa dati nang pamamaslang, malawakang pang-aaresto at pagtatanim ng takot sa mamamayan.

Nitong nagdaang taon, hindi natinag ang Kadamay at muling ipinakita ang wastong pagsusuri at pamamaraan sa pagsusulong ng pambansa demokratikong pakikibaka. Nang ilunsad ang okupasyon ng mga tiwangwang na pabahay, nalantad ang nagpapatuloy na kabulukan ng estado. Naisandal sila sa pader at nailagay sa depensiba.

Pakikibaka ng Mamamayan ang Mapagpasya

Higit sa lahat, pinatunayang hindi nakasalalay sa anumang reaksyunaryong patakaran ang pamumuno at pagtatagumpay ng kilusang masa. Sa katunayan, ang pakikibaka ng mamamayan ang siyang mapagpasiya sa takbo ng pulitika. At sa mas matataas na antas, ito rin ang nakakapangwasak sa anumang pangil na ipinapakita ng kaaway sa atin.

Ang aral na ito ang hindi dapat kalimutan at lalong dapat isapraktika sa iba pang kalagayan sa buong bansa. Tinutulak natin ang reaksyunaryong gobyerno na sumunod sa makatwirang hiling ng taumbayan para sa disenteng buhay at kinabukasan. Pinapatunayan natin sa masa na kaya nating magtagumpay at marapat lamang na magtiwala sila sa sama-samang pagkilos at gabay ng buong pambansa demokratikong kilusan.

Tiyak na pauna lamang iyun sa magiging serye ng mga tagumpay. Mahalaga ang gagampanang papel ng Kadamay sa pagpapatalsik kay Duterte. Sa mga komunidad naiipon ang pinakamasasahol na porma ng pasista at pang-ekonomiyang atake sa mamamayan.

Kapag nalampasan ang matapobreng arogansya ng malaking burgesya at dumami ang sumuporta sa laban ng anakpawis, makikita natin ang pambihirang pagkakaisa at lakas ng sambayanan. May sapat na makinarya at karanasan ang Kadamay para ilapat ang pambansa demokratikong pagsusuri sa mga uri upang abutin at itransporma ang galit ng masa lalo na ng uring manggagawa at mala-manggagawa.

Ibig sabihin, ang pagpapaputok ng mas maraming lokal na pakikibakang magkakaroon ng hugis pambansa ang hakbang sa pagbibigkis ng malawak na prenteng anti-Duterte. Higit pa, ito rin ang pinakamabisang paraan para dumami at magsanay ng mga aktibistang masa at organisador sa buong bansa at maisulong ang kilusang masa tungo sa ganap na tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon at pagbukas ng sosyalistang kinabukasan.

Mabuhay ang Kadamay!
Mabuhay ang pambansa demokratikong pakikibaka!
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you