Home Writings Messages IPAGLABAN ANG REPORMA SA LUPA, KATARUNGAN AT KALAYAAN!

IPAGLABAN ANG REPORMA SA LUPA, KATARUNGAN AT KALAYAAN!

0

Mensahe ng Pakikiisa sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa ika-25 Anibersaryo ng Pagtatatag ng KMP

Ni Prop. Jose Maria Sison
Punong Konsultant ng Panel ng Pambansang Demokratikong Prente
Sa Usapang Pangkapayapaan
24 Hulyo 2010

Malugod akong nakikiisa sa pamunuan, kasapian at mga kapanalig ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng kanyang pagkakatatag. Mahalaga sa buong bansa na ipagbunyi natin ang tuluy-tuloy na pakikibaka para sa Tunay na Reporma sa Lupa ng kilusang magbubukid, parangalan ang mga martir na magbubukid na nagbuwis ng buhay at palakasin ang loob at pagkilos ng mga lider at kasapian para sa katarungan at kalayaan sa pamamagitan ng reporma sa lupa laban sa malakolonyal at malapiyudal na naghaharing sistema.Itinuturing kong malaking karangalan na noong Hulyo 1985 nakapagbigay ako ng mensahe ng pakikiisa sa Unang Pambansang Kongreso ng KMP kahit nakapiit pa ako sa Fort Bonifacio. Higit ko pang ikinakarangal ang muli kong pagbibigay ng mensahe ng pakikiisa ngayon dahil sa maraming tagumpay na inani ninyo sa loob ng nakaraaang 25 taon ng pakikibaka at pagsasakripisyo upang isulong ang kilusang magbubukid at reporma sa lupa at ang pangkalahatang pakikibaka ng bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo.

Kapuri-puri ang mataas na antas ng pampulitikang kamalayan ng kasapian ng KMP at ang pagkamit ninyo ng mga makabuluhang tagumpay, pangunahin sa paggigiit sa karapatan ng mga magbubukid sa lupa nilang sinasaka. Saludo ako sa inyong tuluy-tuloy na pagpapalawak at pagkonsolida nginyong organisasyon sa ibat-ibang antas. Humahanga ako na may nakatayong 65 pamprobinsyang balangay at 15 pangrehiyong balangay ang KMP sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Kahanga-hanga ang inyong paglaban sa mga patakarang idinikta ng imperyalismong US at ipinatupad ng papet rehimeng Arroyo sa Pilipinas. Sinalungat ninyo ang patakarang ”neoliberal na globalisasyon”, laluna sa pagwalang-saysay nito sa reporma sa lupa, pagsira sa produksyon ng pagkain para sa bayan at pagbabaratilyo ng lupa at likas na kayamanan sa mga dayuhang korporasyon. Tinuligsa ninyo ang patakaran ng imperyalistang agresyon at terorismo ng estado na nagbabalatkayong digma laban sa terorismo. At puspusang sinalungat ninyo ang tunay na terorismo ng Oplan Bantay Lupa at ang panghihimasok ng mga pwersang militar ng US sa ilalim ng Visiting Forces Agreement.

Buong giting na linabanan ng KMP ang mga batas, patakaran at programa na nagpapalubha sa pagsasamantala at pang-aaping ginagawa ng uring asendero at mga dayuhang agri-corporation. Lalong nag-ibayo ang inyong paglaban bilang tugon sa mga pamamaslang, masaker, tortyur, walang batayang pang-aaresto at detensyon at pagpapalayas ng mga magbubukid mula sa kanilang mga tahanan at lupa. Mabisa ninyong linabanan hindi lamang ang mga lantarang kaaway kundi maging ang mga ispesyal na ahente nilang pumuslit sa KMP at nagpakana ng paksyonalismo.

Kasiya-siya na naipaghanda ng Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon (AMGL) at Asembliya ng mga Manggagawang Bukid sa Hasyenda Luisita (AMBALA) ang pagtitipon na ito sa loob ng Hacienda Luisita. Makailang beses akong nanirahan sa ilang baryo diyan sa mga taon ng 1968 hanggang 1972. Panahon ito ng pagtatayo ng bagong Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa lalawigan ng Tarlac. Panahon din ito ng pag-oorganisa ng Pagkakaisa ng mga Magbubukid ng Pilipinas (PMP).

Makahulugan na nakatipon ngayon sa loob ng Hacienda Luisita ang sanlibong kinatawan ng mga panrehiyunal at panlalawigang balangay ng KMP para gumawa ng pagdiriwang na taglay ang temang: Ika-25 Taong Masikhay na Pakikibaka Para sa Lupa, Katarungan at Kalayaan. Pinatutunayan ninyo na matatag at militante at sumusulong ang kilusang magbubukid gaano man kalupit ang panunupil ng mga panginoong maylupa.

Sa asyendang ito, pumutok noong 2004 at 2005 ang mga pangyayaring tumawag ng pansin ng mga mamamayan sa ating bansa at sa buong mundo tungkol sa pagsasamantala at panlilinlang ng uring asendero sa mga magbubukid, sa makatarungan at magiting na pakikibaka ng mga magbubukid at sa masaker at kasunod na mga pamamaslang ng pinagsabwatang pamilyang Cojuangco-Aquino at rehimeng Arroyo.

Ngayong presidente na ng reaksyunaryong gobyerno si Noynoy Cojuangco-Aquino, tuwirang nasa kanyang kamay ang kapangyarihan ng estado at mga kasangkapan ng pandarahas at panlilinlang. Sa kampanyang elektoral pa lamang, sinabi na ni Aquino na ipagpapatuloy niya ang panggagantsong stock distribution option hanggang 2014 sa ilalim ng CARPer. Patuloy ang pakana ng kanyang pamilya na biguin ang reporma sa lupa sa pamamagitan ng mga korporatibong lalang at iba pang malupit at mapandayang taktika.

Gayunman, handa kayong makibaka para sa reporma sa lupa, katarungan at kalayaan. Sa harap ng napakalaking hamon, karapatdapat na pataasin ang antas ng inyong kamalayang pampulitika, pabilisin ang paglakas ng inyong organisasyon at ilunsad ang mga mobilisasyon para isulong ang layuning reporma sa lupa at gamitin ang mga kampanya sa pagpapataas ng mapanlabang kamalayaan at kakayahan sa organisasyon.

Tulad ng rehimeng Arroyo, tuta ng imperyalismong Amerikano ang rehimeng Aquino. Si Aquino ngayon ang pangunahing kinatawan ng mga maka-imperyalistang uri ng malalaking komprador at asendero. Ipagpapatuloy niya ang mga imbing patakarang diktado ng US at ipinatupad ni Arroyo. Mga pusakal na tagapagpatupad ng neolberalismo at terorismo na dating ayudante ni Arroyo ang mga ayudante na ngayon ni Aquino sa pagtataksil sa sambayanang Pilipino at paglabag sa pambansa at demokratikong mga karapatan at interes,

Sa panahon ng rehimeng Aquino, tiyak na lulubha ang problema sa kawalan ng lupa, kahirapan at kagutuman ng masang magsasaka at malawak na masang Pilipino. Walang interes si Aquino sa reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon. Titindi pang lalo ang madugong pagsupil sa mga mamamayan. Kahit na malubha ang krisis sa ekonomya, bangkarote ang reaksyonaryong gobyerno at wala o kulang sa mga rekurso para sa mga serbisyong sosyal, sinabi ni Aquino sa kanyang talumpating inaugural na ibibigay sa militar at pulis kung ano ang gustuhin nila. Ipinahiwatig niyang dapat doblehin ang lakas ng militar at pulis dahil sa dumoble na ang populasyon magmula pa sa panahon ni Marcos.

Iniutos din ni Aquino sa militar sa unang command conference niya na bigyan prayoridad ang umanoy counterinsurgency o ang terorismo ng estado. Kung gayon, patuloy ang mga kriminal na pinuno at tauhang armado ng estado sa kanilang garapal at sistematikong paglabag sa mga karapatang tao nang walang pinananagutan. Sunud-sunuran ang rehimeng Aquino sa patakarang kontra-insurhensiya o terorismo na diktado ng US. Pinakaimportante sa patakarang ito ang pagpapalakas ng reaksyunaryong militar at ang pagkukunwari ng kontrarebolusyonaryong gobyerno na malinis at mabisa ito sa pamamahala, paghahatid ng serbisyo sosyal, pagnanais ng kaunlarang ekonomiko at iba pang mga tipo at paraan ng panlilinlang.

Menor na bagay lamang daw ang kunwaring pagnanais ng kontrarebolusyonaryong estado na magkaroon ng negosasyong pangkapayaaan sa Pambansang NagkaisangPrente. Ipinahayag na ni Aquino na ang prayoridad ng militar ay ang umanoy kontra-insurhensiya. Sinabi ni defense secretary Gazmin na kailangan ang pagsurender ng mga pwersang rebolusyonaryo at kung gayon hindi kailangan ang peace negotiations. Walang pasubali na sinabi ng chief of staff General David na ang balak ng militar at gobyerno ay lipulin ang mga pwersang rebolusyonaryo sa susunod na tatlong taon. Labis- labis ang diin ng babala at hamon sa mga sambayanang Pilipino at mga pwersang rebolusyonaryo.

Maliwanag na tulad ng nakaraang rehimeng Arroyo nais ng rehimeng Aquino na lipulin ang kilusang rebolusyonaryo ng sambayanang Pilpino at panatilihin ang bulok na naghaharing sistema ng mga malaking komprador at asendero sa ilalim ng imperyalismong Amerikano. Sa kabila nito, nakikita naman natin na handang-handa ang mga mamamayan at pwersang rebolusyonaryo na labanan nila ang pagsidhi ng pagsasamantala at pang-aapi bunga ng paglubha ng krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaidigang sistemang kapitalista. Nagpahayag na ang mga pwersang rebolusyonaryo ng kapasiyahang isulong nila ang digmang bayan sa linya ng bagong demokratkong rebolusyon mula sa antas ng estrahehikong depensibo tungo sa antas ng estratehikong pagkakapantay ng lakas.

Bilang legal na masang organisasyon na may integridad, dapat matatag at aktibo ang KMP sa pagpapataas ng pambansa at demokratikong kamalayan ng masang magbubukid at dapat maagap at masigasig sa pagharap sa maraming isyu na iniluluwal ng krisis sa global, pambansa at lokal na antas. Dapat ding bilisan ang pagrekruta ng mga kasapi at ipaabot sa maraming milyon ang kasapian. Dapat sa pamamagitan ng mga pulong ng pagpapaliwanag ng konstitusyon at programa ng KMP sa mga magbubukid nakakarekruta ng mga kasapi at nakakabuo ng lokal na balangay kung wala pa. Dapat gamitin ang mga kampanya para hikayatin ng organisadong masa ang di-organisado na sumapi sa KMP at maging matibay na bahagi ng kilusang magbubukid.

Natitiyak ko na sa sabay-sabay na selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng KMP sa mga antas na pambansa, rehiyunal, panlalawigan at barangay ay ibayong makakapagpataas kayo ng mapanlabang kamalayan para sa mga karapatan at interes ng mga magbubukid, makakapagpaluwal ng mga panukala at balak tungkol sa edukasyon, organisasyon at mobilisasyon at makakapagpalawak ng suporta mula sa ibat ibang sektor sa kanayunan at kalunsuran, sa bansa at sa daigdig.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.