Home Writings Messages Ipagtanggol ang karapatan sa edukasyon ng kabataan

Ipagtanggol ang karapatan sa edukasyon ng kabataan

0
Ipagtanggol ang karapatan sa edukasyon ng kabataan

IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN SA EDUKASYON NG KABATAAN
Ni JOSE MARIA SISON
Founding Chairperson, Kabataang Makabayan
Agosto 22, 2020

Mahal na mga kapwa aktibista,

Pulang saludo sa pamunuan at kasapian ng Anakbayan NCR. Nakikiisa ako sa inyong pagdiriwang ng unang anibersaryo ng panrehiyunal na kongreso ng Anakbayan NCR. Nagagalak ako na itinakda ninyong magtitipon ang inyong organisasyon tuwing ika-Agosto 23 (kaarawan ng Sigaw ng Pugad Lawin).

Maraming salamat sa paanyaya ninyong lumahok ako sa webinar ng Anakabayan NCR at Paaralang JMS hinggil sa “Mga mungkahi’t solusyon sa pagharap sa napipintong paglala ng krisis sa edukasyon buhat ng pandemya’t tugon ng gobyerno at paano patuloy na maigigiit ang karapatan sa edukasyon ng kabataan”.

Malulubhang Problema

Malubhang problema ang pandemyang COVID-19. Pero mas malubhang problema pa ang sirang-ulo, sakim at malupit na katangian ni Duterte at ng kanyang rehimen at ang serye ng mga ginawa at ginagawa nila hinggil sa pandemya. Sa unang hakbang, binalewala ni Duterte at Duque ang pandemiya at hinayaan na kumalat ito sa Pilipinas nang higit sa dalawang buwan sa dahilang dapat kumita sa pagpapasok ng 500,000 turisa at mga sugarol mula sa Tsina.

Nang kumalat na ang pandemya sa Pilipinas, isinagawa ang mga lockdown sa paraang militarista at walang pag-atupag sa medikal na solusyon. Nangako ng ayuda sa mga mamamayang nawalan ng trabaho at ibang hanapbuhay. Walang mass testing, treatment at ayuda. Pero naging dahilan ito para nakawin ni Duterte at mga kasapakat ang daan-daang bilyong pera ng bayan. Ginawang dahilan ang pandemya para pagnakawan at lalong ilubog ang bayan sa utang at para palubhjain ang pagmamalupit sa bayan sa anyo ng batas para sa terorismo ng estado sa ngalan ng kontra-terorismo.

Walang ibinigay na pansin si Duterte sa paglubha ang krisis ng kanyang rehimen at ng naghaharing sistema. Dahil sa kawalan ng trabaho at produksyon sa mahabang panahon, na sinabayan ng malaking pagnanakaw sa pondo ng bayan, bumagsak ang ekonomiya at lahat ng sektor ng buhay panlipunan, pati ang edukasyon ng kabataan. Walang maliwanag na balak ang mandarambong at berdugong Duterte tungkol sa pagrespeto at pagsasagawa ng edukasyon ng kabataan.

Mula kay Duterte at mga kasabwat niyang opisyal ang magugulong pahayag na naglalagay sa bayan sa karimlan at pag-aalangan. Galing sa kanila ang boladas na sandali na lang may ligtas ng balik eskwela, academic freeze muna at no opening if no vaccine, etc. Dahil sa kawalan at kakulangan ng pansin ng rehimen sa pagbaka sa pandemonya sa pamamagitan na medikal na solusyon, lalong ikinalat ng rehimeng Duterte ang pandemya sa buong Pilipinas at ang masang Piulipino ang sinisising pasway at dahilan ng pagkalat ng pandemya.

Tama rin ang pangamba na sa pagbalik ng mga estudyante sa paaralan lalo pang kakalat ang COVID-19 sa bansa. Antemano sabihin natin na ang rehimen ang may kasalanan sa pagkalat ng pandemya dahil pabaya ito pagbibigay ng sapat panustos at kagamitan para mga frontiner na mga doktor, nars at medical attendant. Ginawa ng rehimen na pinakamahaba at pinakamalupit sa buong daigdig ang lockdown sa Pilipinas pero ang tinuunan ni Duterte at mga alipures niya ang pagnakaw ng daan-daang bilyong piso, panunupil sa mga mamamayan, pagsalakay sa kalayaan ng pamamahayg at pagsasabatas ng terorismo ng estado .

Sabik ang Kabataang Mag-Aral

Sabik na ang maraming kabataan na makapagpatuloy ng pag-aaral. Yamot na sila sa sobrang tagal ng sapilitang bakasyon. Nakikita ito sa sinasabi ng DepEd na mataas na enrolment rate sa kabila ng pandemya. May mga mag-aaral din gaya sa UP Manila na nagpapalutang ng mungkahing lock-in sa paaralan makatapos lamang sila sa pag-aaral, sapagkat sadyang may mga kurso na kailangan ng praktikal na aktibidad sa paaralan. Subalit wala namang sinasabi ng gobyerno kung may panustos para sa ganitong lock-in.

Ang mga nasa private school pa ang nakapagsimula ng online class ng mga mag-aaral sa antas ng elementary at high school at sila ay nasa iskedyul na makatuntong sa susunod na baitang sa susunod na taon. Ang maraming estudyante na nasa publikong paaralan ay naghihintay sa gobyerno at hindi pa tiyak kung matutuloy ang pasukan ngayong buwan. Ngayon pa lang, marami nang kabataan ang napag-iwanan.

Matapos ang lockdown sa NCR mula Agosto 4-18 at isang pang linggo, itinakatakdang balik eskwela sa Agosto 24 (iba naman sa kolehiyo) ayon sa DepEd. Subalit malamang na iurong muli ang pasukan, dahil ligal na ito sa RA 11480, o tiyak ang pagpalpak ng distance learning ng DepEd lalupa’t wala pa ring module o ang pagka-displace ng marami sa flexible learning ng CHEd.

Gusto ng rehimen na mapahaba ang lockdown para lalong magkaroon ng layang magnakaw samanatalang walang mga nakatipong estudyante na magsisiprotesta.

Masamang signo ang pagpapahayag ni Duterte na walang pasukan habang walang vaccine. Sabi niyang sa Disyembre pa ang normalisasyon kung dumating ang vaccine mula Tsina o Rusya. Sa payahag ng mga eksperto nag-uunahan ang mga drug company sa ibat ibang bansa na gumawa ng vaccine at idaan ito sa mahabang proseso ng pagsubok na may tatlong yugto pero sa susunod pang taon na magkakaroon ng vaccine na probadong mabisa at ligtas. Sa kabila nito, may mga pamamaraan para labananang pandemya sa Tsina, Taiwan, Vietnam, Laos, Timog Korea, Cuba, Rusya, Alemmanya at iba pang bansa. Pero walang ganitong balak at aksyon ng pabayang rehimeng Duterte na walang malasakit sa mga mamamayan.

Ipagtanggol ang Karapatan sa Edukasyon

Tama ang paninindigan ng Anakbayan NCR na ipaggumiit ng kabataan at samabayanangg Pilipino na dapat respetuhin ng rehimeng Dutertte ang karapatan ng kabataan sa edukasyon at dapat laban ang pandemya para hindi masagkaan ang edukasyon ng kabataan. Dapat pag-iwanan at baguhin ang mga depektibong programa na ihinain ng DepEd at CHEd, na tinatanggihan ng maraming tao at nananawagan sila ng kanselasyon o suspensyon ng pasukan bagaman iyan naman ang hahantungan ng patuloy na kapabayaan ng rehimeng Duterte.

Dahil sa kapabayaan ng gobyerno, napapansin ng mga magulang sa private school na ipinasa sa kanila ang responsabilidad sa pagtuturo. Ang pagiging pasibo naman o ang pagsang-ayon sa paulit-ulit na pag-urong sa klase ay nadadagdagan pa sa hindi pagpapanagot sa rehimeng Duterte sa patuloy na kapalpakan at kainutilan nito sa pandemya na nakakasira na sa kabuhayan ng milyon-milyong anakpawis at pamilya nila, at kasunod naman nitong pipinsalain ang edukasyon ng milyon-milyong kabataan.

Ang mga kabataan mismo at mga magulang nila at sambayanang Pilipino ay dapat manindigan at kumilos para itaguyod ang demokratikong karapatan at interest ng kabataan sa panahon ng pandemya at sa kasalukuyang grabeng krisis ng ekonomya. Imbes na nakawin lamang ni Duterte at mga kasapakat niya ang pondo ng bayan, dapat gamitin ito para labanan ang pandemya, mabigyan ng ayuda ang mga pamilya at ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa ligtas at mabisang paraan.

Sa halip na nasa buntot at hindi alam kung ano ang gagagwin, dapat manguna ang gobyerno sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga estudyante sa tatlong antas ng edukasyon. Puedeng pagkatiwalaan ang mga guro at mga superbisor nila kung ano ang laman at pamamaraan ng pagtuturo at paggamit ng mga pasilidad ng iskwela (silid paaralan, school grounds at iba pa) nang may social distancing, sanitation at hygiene. Bahala na rin ang mga guro sa balance ng attendance at homework.

Sa antas ng high school at kolehiyo, puedeng gamitin ang online classes sa pag-aaral katulad ng ginagawa ng mga private school. Pero dapat sagot ng gobyerno ang gastos para sa pagkakaroon at paggamit ng computer ng mga mahirap na estudyante. Ang paggamit ng online na pag-aaral ay depende sa lubha ng pandemya at pangangailangan na mag-aral sa sariling tahanan. Posible pa naman ang paggamit ng mga pasilidad ng mga eskwela kung hindi labis at mapaniil ang kawalan ng transportasyon at kahigpitan ng lockdown.

Mapagpasiyang bahagi ng pagtataguyod sa karapatan ng kabataan sa pag-aaral ang kahandaang patalsikin ang rehimeng Duterte kung nagiging hadlang ito sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante at ang pinagtutuunan lamang ang militaristang paghihigpit para mangontrol at manakot sa bayan, kurakutin ang pondo ng bayan at lalong ilubog ang bayan sa utang at patayin ang mga hanapbuhay ng mga mamamayan atbuong ekonomya ng bansa.

Ipagtanggol ang karapatan ng kabataan sa edukasyon!
Mabuhay an mga kabataan at kanilang mgaguro!
Mabuhay ang sambayang Pilipino!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.