WritingspoetryISINAPILIPINONG MGA TULA MULA SAPRISON AND BEYOND NI JOSE...

ISINAPILIPINONG MGA TULA MULA SAPRISON AND BEYOND NI JOSE MA. SISON

-

Salin ni Gelacio Guillermo
http://www.geocities.ws/ipasa_pagkabasa/piitan.html
Jose Ma. Sison, Makata ng Proletaryado
ni Gelacio Guillermo

Nakahanay si Jose Ma. Sison sa mga lider ng proletaryado tulad nina Mao Zedong at Ho Chi Minh na may natatanging hilig sa pagsulat ng tula. Sa gitna ng praktikal na pamumuno sa rebolusyonaryong kilusan, o sa samut-saring kalagayang hinaharap ng mga rebolusyonaryo sa pagtupad ng tungkulin, nakakahanap sila ng panahong ipahayag ang saloobin tungkol sa sarili, sa mga minamahal, sa lipunan at rebolusyon. Ang gawaing ito ay dagdag sa pagkilala sa kanila bilang mga indibidwal na naninindigan sa mga pundamental na pagbabago sa kani-kanilang panahon at bayan.

Sa mga makatang tulad nila, si Sison marahil ang may pinakamahabang praktika sa pagsulat ng tula, aabot na sa limang dekada, mula dekada singkwenta bilang mag-aaral (AB English Literature) sa Unibersidad ng Pilipinas hanggang sa kasalukuyan bilang political refugee sa The Netherlands, katayuang ngayo’y nalalagay sa panganib dahil sa pagbansag sa kanya ng imperyalismong Estados Unidos at Unyong Europeo bilang “dayuhang terorista.” Bunga nito, nagkakaroon ng dobleng halaga ang mga tula bilang talaan ng mga tampok na bahagi ng kanyang buhay bilang guro at rebolusyonaryo, at ng pag-unlad ng kanyang panulaan mula sa asta ng panandaliang paglalarong linggwistiko ala-James Joyce (“By cokkis lilly woundis”) hanggang sa pinakasimpleng pagsusuma ng isang napakakumplikadong buhay sa walang humpay na pakikibaka (“In the Dark Depths”/Sa madilim na kailaliman)

Sa isang pambihirang paglalahad ng ars poetica, sinabi ni Sison:

Ipinalalagay natin dito na para mahinog at lumalim, dumaan na ang makata sa matagal at dibdibang proseso ng paghantong sa isang paningin-sa-mundo, ng pagpapayabong ng kanyang buhay sa pamamagitan ng mga karanasang personal at kolektibong praktika sa kapwa, ng pagpapakabihasa sa wika at pagkatuto sa mga batikang manunulat, at kaalinsabay ay ng pagpapahusay ng sarili niyang kasanayan sa sining. Pero para lumikha ng tula, kailangang magtrabaho ang makata sa larangan ng matulaing imahinasyon, tuluy-tuloy o kahit man lang sa mahaba-habang panahon sa pana-panahon. (Author’s Note, p 12, sa Prison and Beyond, Selected Poems 1958-1983. Akin ang salin-GG)

Hindi malayong inilalarawan niya rito ang proseso ng sarili niyang pag-unlad bilang makata/rebolusyonaryo, na mangyaring sundan ng iba.

Alam natin ang lugar ng tula sa buhay ni Sison, anuman ang mangyari, anuman ang kanyang maging kalagayan saanmang lugar at panahon. Sa isang tula, anya:

….
….ang mga tulang aking binubuno Ang marurubdub kong katoto. (“Poems and Rest” 10 May 1978)

Alam din nating nakalugar ang kanyang mga tula sa buhay at pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Unang binasa sa “Gabi ng Pagpupugay kay Propesor Jose Ma. Sison” sa pamamahala ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), l4 Nobyembre 1002, UP Faculty Center.

Ang mga tula:

Baykokisliliwundis
Karnabal
Ang larong imperyal(ista)
Masaker
Itong mga magbabasura
Kapatid
Nakaturo paitaas ang madidilim na sibat ng oras
Lawing ginto
Mula Pilipinas hanggang Byetnam: mga ibong mandaragit
Ang gerilya’y tulad ng makata
Ang beteranong walang saysay at ang mga dragon ng kanyang mga panaginip
Sa ulan
Pagpuri sa mga martir
Paano maging bayani
Ako’y laging kasama ninyo
Walang iinam pa
Ang aking sandatang ispiritwal
Ikaw ang asawa’t kasama ko
Pugon
Sa madilim na kailaliman
Perlas
Ginto
Tula at pahinga
Ang pagdating ng ulan
Ulan at araw sa bundok
Ang gitnang patag
Angalo, o Angalo
Mga bahagi ng isang bangungot
Ang tulang patalim

 

Baykokisliliwundis

Sa matubig lumuwal ang payatot na linta
Bulag, pinagpala, malagoma para mapahaba pa
Ang pagpapala niya’t pagpapaputi sa laman bilang laman
Berde, madulas na likod, matingkad na dilaw nakaguhit
Sa nakaamba bihasang mga punyal, mga pinong karayom
Wari’y may tagabulag sa pagsipsip ng dugo sa komunyong tao’y tao ang nilalaklak
Nag-iiwan ng makating pantal, gawa niyang tunay, makasalanan
Baykokisliliwundis!
Budburan ng asin o apog o hayaang dumikit at malaglag!

“By Cokkis Lilly Woundis,” 1958

 

Karnabal

Ang karnabal na paulit-ulit, gintong kalasag
Umiikot sa binuwisang pamamayani ng dilim
Dinadakma’t tinitipon ang mga bituin
Sa marahas na liwanag, tumitiling
Sambahin ang sukdulang maibenta.

Ang itsurang walang puno’t dulo, ang mapaglarong bakod
Na mga karatulang marangal manlinlang
Ay bumubukas sa bayad sa kumikitang geyt
Na nagpapatuloy tulad ng isang magalang na pusa-
Ang pambungad na paghahari ng mga burukratang nasusuhulan
Sumusunod sa makasariling patnubay ng pangkalahatang tuntunin
Sa magastos na tawaran para sa pwesto’t gusali.

Sa kalagitnaan ng naninikip na kabilugan
Ang masisiglang bugaw ay naghahabi ng marahas na kaibuturan;
Itinatago ng magarbong porma ang mga trabahador
Na nagtayo at nagsasabalikat nito, parang si Atlas.
Ang mga toldang pangmonopolyo sa magulong ayos
Itinatanghal ay ang pinakamagagaling na gawa ng mga hayop
na nakatutok sa kliyente.
Ang mga pulitiko’t lisensyadong ispesyalista’y
Sirkero sa pagbalanse at pagbaligtad,
Nagsasakabayo, leon, elepante
Oso at matsing.
Bagay na komedyante sa tabi-tabi ang nagdudunung-dunungan,
Kupkop ang kanilang kinastang agimat;
Naghahandog ang mga palabas ng mga anomalya, tulad ng
Mga makatang nagpapatawa’y sinisiryoso,
O kung siryoso’y pinagtatawanan naman.
Isang tsonggo ang kumukumpas sa simponyang nakaplaka.
Naghahandog ng mga pekeng tapat sa orihinal tulad ng
Orihinal na ahas sa ipinagbawal na punungkahoy
At batang sobrang laki ang burat.
Ang mga peepshow ay may hatid bukod pa sa sinisilip:
Mga mapagkawanggawang ginang na nakikipaglambutsingan sa mga dyigolo;
Nakakasiya ang sala-salabat na mga salamin sa kanilang sarili lang ang iniibig;
Libreng pumasok sa bahay ng lagim
Salamat sa kumpanya ng inuming pampalamig.
Ang tanawin at kalkuladong bilis ng ferriswheel.
Flying saucer, duyang eroplano, roller coaster,
At tren-trenan – pinamamalagi ng lahat ng ito ang kahindik-hindik na panahon
Ng daigdig na karnabal ng mga kantanod
At lumalaking mga bata, ang karnabal na iniiwang kalbo ang patag
Matapos ang gabi ng pagpuputong sa makwartang musa.

“Carnival,” 1959

 

Ang Larong Imperyal(ista)

Nakakubli sa ngiti ng negosyante ang isang switik
May kending patikim at nakalaang presyo
Sa mga aliping sanlaksa ang pasasalamat. Walang latigo’y
May ngiting radyoaktiv naman ang mamang kulay-araw,                sinasantong dyablong pinakamatinik
Pumapakyaw ng kawawang mga kalul’wa sa baseng pandepensa
Walang palya’y tahimik pa – ang swabeng tiranong
Walang kamay ay lumilingkis sa mga anakpawis sa bukid at tambakan
Kanilang murang dugo ang pampatigas
Sa tulay na bumibigat sa kwarta (ayon sa mga ninuno).

“The Imperial Game,” 1966

 

Masaker

Siyam na gabi makaraan ang masaker
Isang lalaking nakakabayo’y
Mabilis na bumagtas sa lagusan ng kalabaw
Kasunod ang mga lalaking hubad at sugata’t nagwawagayway
Ng mga kayumangging banderita
Ng namuong dugo’t putikang saplot
Hinabi ng mga asawang matimpi, ngayo’y pinangingipuspos ng pagluluksa,
Ngayo’y sarili ang hinahambalos ng nobena ng dalamhati.

Bago nitong siyam na gabi, dumating ang mga lalaking itim,
Nakaunipormeng itim,
Aroganteng bisitang
Nagtatatawag ng pangalan,
Isinisigaw ang utos sa bawat pinto,
Hinahaltak ang natumba, ang tulog sa sahig-kawayan,
Tinatadyakan ang mukhang gulantang,
Tinitipong parang tupa ang matitipuno
Sa talim ng bayoneta sa kalsada ng kamatayang
Ginugwardyahan ng mga sundalong habol ay tansong medalya.

Doon, sa mahabang kalsadang pangkalabaw
Palaruan ng mga batang-baryo
Nilalansi ng mga eksperto sa tortyur ang makatarungang poot
Para pigain ang lihim ng mga lagusan sa gubat.
Tumambad sa bulag na sawaling dinding ang salot
Tinupok ng nakapanlulumong kaguluhan ang mga dampa
Habang kinakaladkad ang ama, anak, asawa at kapatid

Patungong ilog sa likod ng gumigiray na kapilya
Para sa isa pang banal na digma ng mga taong itim.
Sa dilim, isang mapagmalasakit ang nagsabi,
“Luminya lang ng tuwid dito sa pampang
Sumunod at nang makauwi na.”
Sila nga’y sumunod, at pumula ang ilog.

“Massacre,” 1960

 

Itong mga magbabasura

Itong mga magbabasura, pinagpalang mga anak ng tapang,
ay namimilipit
Sa ritwal ng paghihirap, sanay, parang langaw.
Walang sermong nag-aabang sa kanila sa kanto
Sinusunggaban nila ang tagos-sa-kaluluwang pribilehiyo sa mga
basurahan
At mamasa-masang bunton ng tae para mapanumbalik ang kanilang
laman at hininga.
Sumusunod sa palad ng mga ama, nanghihina’y mabilis silang kumakain
Bago dumagsa’t umagos ang mga isda’t tinapay.
Bumabagsak sila sa katigangan ng sementado’t
Aspaltadong mga lansangan sa syudad; ang hingal at sukal ng semento’t
asero’y
Walang bungang dulot, sila’y walang dinidiligang tagong tumana.
Wala kahit kapirasong lupang sinlapad ng puntod ang magbibigay sa
kanila
Ng malinis makakaing usbong, ang tira-tira sa mundo ng basura ang
kanilang minimina
At sanay na isinusubo sa kanilang galis-bungangang
Mahigpit kumagat sa mga sumpang sa kung saa’y hinalikan sa gintong
tasa’t
Nginatngat nang may maputla’t mahinhing bahid ng seremonya.
Habang ang kanilang mga kapatid sa baryo ay hilong nagbubungkal ng
ng lamang-ugat, ang mga magbabasura’y
Nagbubungkal ng pira-pirasong papel at boteng basag-basag
Sa yupiyuping dram sa ilalim ng maitim at manhid na mga poste ng ilaw.
Bago kumain, nag-uunahan sila patungong palengke
Matapos ang patas, mapuyos na laban sa mga langaw na nagyayabang ng
kanilang kalayaan.
Sila’y dinaluyong ng mga paninda at burloloy at mga bagay na napag-
iwanan na’t itinatangi,
Sila’y nilamon ng mundo bago makatikim ng kahit mumo nito.

“These Scavengers,” 1960

 

Kapatid

Ligid ng luntiang dahon ang kapatid ko’y nalugmok.
Sa kanyang noo ang kanyang paniniwala’y pinapula
Ng bala, lagpas sa mata, tagos sa utak,
Umaagos ang dugo patungo sa nakabukang bibig niyang
Hinagkan sa wakas ng kamatayang sinta ng gutom.

Doon sa gitnang dako ng bansa, ang walang masulingang
Bangkay ay pinaggugulpi sa tiyan ng mga puluhan ng riple.
Tumilapo’y sambungkos ng lamang-ugat, bungang-ligaw.
At patakbo-takbo ang sundalo-kapatid-mamamatay-tao, bitbit ang                de-rapidong baril ng dayuhan
At ibinulsa ang baryang bayad sa pagpaslang.

Habang nananalasa ang aking kapatid sa sarili niyang mahal na kapatid
Sa parang, sa gubat, sa bundok at ilog
Magilas na nagpapakana ang kakarampot na mga dayuhang de-tuxedo,
Nakikihalakhak sa kuntodo-pusturang pinagpipitaganang mga kababayan
Sa magagarang gusaling abot-tanaw ang mga daungan.

Sa mga panauhi’y may pari at puta
Sinasalat ang mga bulsa, ayos na ayos
Sa pagbebenta ng grasya sa kanilang sinasanto.
O kapuspalad kong kapatid na nalugmok, kaylayo mong nakahimlay
Habang ang isa pang kapatid ay dumudurog ng tuyot mong lalamunan,                pagtupad sa pangkalahatang atas.

“Brothers,” 1961

 

Nakaturo paitaas ang madidilim na sibat ng oras

Nakaturo paitaas ang madidilim na sibat ng oras
hatinggabi at ang walang katao-taong plasa ay saklot
ng itim
patay na hangin, at ang mabigat na katahimika’y
nakadagan
sa simbahan, sa bahay ng asendero at sa munisipyo.

Nakaturo paitaas ang madidilim na sibat ng oras
ang nakaririnding huni ng mga kuliglig ay gumagapang
sa damuhang
tila mga espadang nakalutang, tinutusok tulad ng milyong aspile
ang himpapawid na walang kabitu-bituin
binabakas ang laksa-laksang bituing ipinukol
sa mga bitak sa kalupaan.

Nakaturo paitaas ang madidilim na sibat ng oras
ang hugis-pagong na pitong bundok na pumapaligid
sa bayan ay gumagapang
at sumasabog sa maninipis na aninong naglipana
sa mga tuyong kalyeng
inuka ng mapupurol na kareta ng kalabaw na lumalangitngit
sa araw ng tyangge.

Nakaturo paitaas ang madidilim na sibat ng oras
sa mataas niyang silid, tulog na naglalakad ang napakatabang kura
patungong bintana
at binabantayan ang malabong laro ng mga ulap
ng mga matang may kulaba
nananakit sa pagtitig sa madamong plasang nagluwal
ng kioskong sabukot.

Nakaturo paitaas ang maiitim na sibat ng oras
ang bahay ng asendero, tulad ng isang napakalaking pusa, ay           naglalakad
nang buong kinis
sa loobang nababakuran ng mataas at makapal na bato
at kahol ng mga asong parang nakakita ng multo
ang alertong tulog ng mga gwardya’y hapong naglalakad
sa labasan.

Nakaturo paitaas ang maiitim na sibat ng oras
batbat ng nakapanghihinang kapaguran ang munisipyong puno
ng bilanggo
pinagpahinga ng gabi-gabing parusa
ang kanyang makakapal na pamalo, lubid at latigo
tapayan ng tubig, upos ng sigarilyo, bota
kulungan ng mga daga at taeng pagkain.

Nakaturo paitaas ang maiitim na sibat ng oras
ang makilos na katawan ng mga taumbaryo ay nagsasayaw
tigib ng determinadong kisig
tinutunton ang maninipis na bakod ng nakikiisang karaniwang taga-           bayan
at sumunod, puno ng pangamba
ang makakapal na sementong pader
na may pangunahing halaga.

Nakaturo paitaas ang maiitim na sibat ng oras
ang pabulwak na ikid ng mapangahas na mga mananayaw
ay pinagyayaman
ng sabay-sabay na magkakaibang himig na pumupuno
sa yayat nilang katawan
nagsasaad ng mabangis na hagupit na sa araw-araw ay nagtitipon sa           kanila
sa tuyot na bukid.

Nakaturo paitaas ang maiitim na sibat ng oras
maingat na kumikilos mula sa mga kubo
ang lahat ng biktima
ng tago at lantarang pang-aapi para magtipuntipon
sa pinag-uugatan nito
sa isang dakilang sandali ng sama-samang paghihiganti
at pagtubos.

“The dark spears of the hours point high,” 1961

 

Lawing Ginto

Mapanibasib na lawing gintong makintab
Kaytalas kaytiyak mong sumipat
Habang ginigiyagis ng iyong mga bagwis ang himpapawid
Bago ka buong bagsik bumulusok pababa
Sa tanghaling tapat, nang ang nakakadarang na dugo ng apoy
Ay mabilis na nagpabulas ng iyong karikta’t kukong
Pandakma sa nalingat na manok, hindi naikanlong
Ng mapagkalingang mga putak na nakaunawa
Sa aninong mapanlansi, paikot sa bulabog na patag.
Angkinin mo ang sisiw, ibong mandaragit, at
Humagibis sa batong pistahan habang tinitipon mo ang plema
Sa magaspang mong lalamunan, lawing ginto.
Pakintabin ang iyong tuka’t pakpak sa dugo ng walang kalaban-laban.

“Hawk of Gold,” 1961

 

Mula Pilipinas hanggang Byetnam: mga ibong mandaragit

Sumpain ang mga ibong mandaragit
Naglalaglag ng kanilang mga itlog na bakal
Walang pakundangan
Sinasalanta ang mga bukirin
Nang buong bangis
Nagsasabog ng gutom
Nagluluwal ng kamatayan
Winawarat ang dibdib
Ng mahal nating kapatid na bansa.

Byetnam! Byetnam!
Bawat bomba sa iyong dibdib
Ay dusa sa aming puso.

Ang lunsaran ng iyong hilahil
Ay nasa Mactan, Clark Field
Sangley Point at kung saan pa
Ang nandiritong mga pugad ng kasamaa’y
Nagbibigay-aliw sa ibong maiitim
Nagpapasakit sa iyo.

Gaano karami ang mga pugad ng kasamaang
Nabuo na
Sa iyong kalupaan?
Gaano kakapal ang apoy at lasong
Ibinuga ng ibong maiitim?
Gaano karami ang mga kukong
Nanira’t nanibasib
Ng iyong mga anak at yaman?

Iparinig sa amin ang mortar at rocket
Land mine at panggabing reyd
Iparinig sa amin ang laksa-laksang tunog ng iyong mga baril
Iparinig sa amin ang iyong pakikibaka sa paglaya
Iparinig sa amin ang maingat na mga bulong
Sa iyong walang katapusang mga lagusan sa ilalim ng lupa
At ihiyaw sa amin ang pananagumpay
Sa bawat laban sa kapwa natin kaaway.

Hayaang ang mga putakti ng iyong galit
Ay magpamaga sa nakasusuklam niyang mukha
Hayaan ang mga bundok na balian
Ng leeg ang maiitim na ibon
Ang kanilang nakaririmarim na bunton ng mga bombang
Sumasabog at lumalason
Ay di makakatupok ni makakagapi ng iyong diwa.

Ang kalikasa’y kaibigan ng lumalabang masa
Pamunuan ang bawat pulgada nito nang buong husay
Gawing kalasag bawat halaman, punungkahoy at batuhan
Bitagin ang kaaway sa sipat ng riple
O sa bitag ng matutulis na kawayang
Ikinukubli ng ilog at damuhan.

Bawat punong niyog
Ay maging mahigpit na busog ng palaso
Ang hangin ng silangan
Ang gagapi sa dahas ng kanluran.

“From the Philippines to Vietnam: birds of prey,” 1967

 

Ang gerilya’y tulad ng makata

Ang gerilya’y tulad ng makata
Damdam ang lawiswis ng mga dahon
Ang bakli ng mga sanga
Ang kislot ng alon sa ilog
Ang amoy ng siga’t
Ang abo ng paglisan.

Ang gerilya’y tulad ng makata
Naglalaho sa mga punungkahoy
Halamang-ligaw at batuhan
Di mapiho pero pihado
Sanay sa batas ng paggalaw
At alam ang sanlaksang imahen.

Ang gerilya’y tulad ng makata
Nakatugma’t sukat sa kalikasan-
Ang pinong pulso ng luntian
Ang malalim na katahimikan, ang paimbabaw na kawalang-malay
Ang aserong nakikipagtigasang lakas-loob
Bumibitag sa kaaway.

Ang gerilya’y tulad ng makata
Sumasabay sa laksang luntia’t kayumanggi
Sa gubat na nagliliyab sa mga pulang bulaklak
Dumadakila’t nagpapasigla sa lahat
Umaapaw sa kalupaan, parang baha
Nagmamartsa sa wakas laban sa kuta.

Walang katapusang kilusan ng lakas!
Kilanlin ang matagalang tema:
Ang epikong bayan, ang digmang bayan.

“The Guerilla is like a Poet,” 1968

 

Ang beteranong walang saysay
at ang mga dragon ng kanyang mga panaginip

Kinapaguran na niya ang pagkukwento
Tungkol sa mga dragon.
Hindi niya kailanman kapapaguran ang pagkukwento
Gayunma’y gumapang na ang takot sa mga dragon
Sa kanyang kaluluwa.
Kaya’t ihinahagis niya ang mga gunita
Parang sibat at punyal
Sa mesa.
Ang kanyang mga salita’y tubig
Na tumutupok sa baga.
Minamaliit ng kanyang pangungutya
Ang kasalukuyang pagbabangon.
Ang halaga niya’y laging nakapaloob
Sa mga naunang labanang inuulit-ulit
Sa ibabaw ng mantilya
Sa pagitan ng buga ng usok
Na umaaligid sa alapaap ng disyerto
Ng kanyang utak.
Habang ang madaling mapaniwala’y nakanganga
Sa kapwa nila beterano,
Isang bayaning panghabang-panahon,
Buu-buong salita ang bumibigkis sa kanilang pananahimik
Sa mala-musmos nilang paghanga
Nagtatayo ng mga kasinungalingang naglalatag ng dilim
Sa panahong kanilang libangan.
Pinupuno nito ang kanilang palsipikadong buhay
Sa panahong itong napakalupit
Ngayong ang mga drago’y naglilitawan sa bayan
Dumarami mula sa kaylaon nang inihasik na mga ngipin
Ng paghihirap.
At kailangang mas maraming nilalang ang makahanap ng gabay
Sa kaalaman kaysa sa walang kapararakang daldal.
At kailangang mas maraming nilalang ang kumilos para wakasan
Ang kasinungalingang napakatalamak sa entablado.
At kailangang mas maraming nilalang ang magsara ng tainga
Sa walang saysay
O yaong sa unang malas ay may saysay
Para gapiin
Para supilin ang huling pangkat na ang dulot ay isang tiyak na kontradiksyon.
Iwaksi siyang ang sinasabi’y ang tungkol sa sarili
Sa mesa
Habang namamatay ang mga tao sa larangan ng digma.
Para sa mga kaytagal na nagtiis
Sa katahimikan at natagpuan ang kanilang tinig
Tiyak na tiyak.
Samantalang patuloy ang nakabalat-kayo sa kapihan
Sa pagbubunganga tungkol sa kanyang maswerteng galing
Sa bawat yugto
Sa makipot niyang himpilan.
Ang panahong ito ng masaker
Ay iniiwang mag-isa ang taong ang problema’y
Ang kanyang pag-iwas,
Na ang dangal ay isang palabas,
Pabulungbulong lang ng kanyang kawalang-saysay.
Kailangang gisingin ang munting taong ito
Kung tunay ngang mayroon siyang kahit isang butil
Ng maluwalhating kahapong kanyang pinalolobo.
Kung di niya gagawin ang anumang makakayanan niya
Ang mga dragon ng kanyang mga panaginip
Ang tutupok sa kanya,
Isang tumpok ng abong walang kabuluhan saanman
O kung may kabuluha’y sa heograpia ng pagtataksil
Na kanyang kinatatakutan tulad ng pagkatakot niya
Sa mga dragon ng kanyang mga panaginip.

“The irrelevant veteran and the dragons of his dreams,” 1968

 

Sa ulan

Masdan ang napakalawak na dagat ng kaluntiang
Nag-uugnay at nagpapalutang sa mga nayon
Anong lalim ng kaalaman tungkol sa ulan, araw
At lupa ng mga magsasakang hindi nakatuntong sa paaralan.

Higit pa rito ang sakop ng kanilang kapangyarihan
Nasa hanay nila ang mga kadre at mandirigma
Lumalago silang magkakasama sa ulan
Sa kilusang makilos para sa mga bagong tagumpay.

Nalalambungan ng hiwaga ang mga nayon.
Napakadulas ng mga daan para sa kaaway
At ang mga daho’y nagpapatindi ng kanilang bulag na takot
Hindi makalipad ang mga demonyong ibong mandaragit.

Ito ang pagkakataon ng mga rebolusyonaryo
Na maglunsad ng mahusay at matapang na opensiba
Habang ang mas maraming kasama sa di mahaharangang likuran
Ay sumasanib sa masa sa paggawa at pag-aaral.

“Under the rain,” 15 June 1973

 

Pagpuri sa mga martir

Pinupuri natin hanggang sa kaitaasan
At sa habang panahon
Ang mga bayaning namatay
Sa digma
Sa kamay ng kaaway
Sa silid-parusahan
At sa kinasukulang pader.
Sa ganitong madudugong lugar
Pinakamatindi ang pakikibaka
At ang kahulugan ng buhay
Ay sinusubok sa isang mapagpasyang sandali.
Ang tapang hanggang sa kahuli-hulihang hibla ng hininga
Ang bumubuhay sa martir magpakailanman.

“In praise of martyrs,” 9 Dec 1977

 

Paano maging bayani

Hindi ang paraan ng pagkamatay
Ang sukatan sa pagiging bayani
Ito ay ang kahulugang hinango
Sa mga pakikibaka sa kaaway.

Nandiyan ang bayaning namatay sa larangan ng digma
Nandiyan ang bayaning namatay sa gutom at sakit
Nandiyan ang bayaning namatay sa sakuna
Nandiyan ang bayaning namatay sa katandaan.

Anuman ang paraan ng pagkamatay
May nag-iisang pamantayan:
Pinaglilingkuran ng bayani ang mamamayan
Hanggang sa kahuli-hulihan niyang hininga.

“What makes a hero,” 10 Dec 1977

 

Ako’y laging kasama ninyo

Ang katawan ko’y nasa bilangguan
Pero ang aking diwa’y malayang gumagala
Sa bawat rehiyon at sona
Sa lahat ng panahon.

Ang mga nagawa ko
Sa haba ng panahon sa rebolusyon
Ay hindi madaling mapapawi.
Kayo ang nagtataguyod niyon.

Nang ako’y arestuhin
Ang mga rebolusyonaryong pwersa
Ay malayo na sa kakaunting
Kanilang pinagsimulan.

Mangahas ituloy ang pagsulong
Huwag hayaang ang pagkakatisud ninuman
Ay makapagpaudlot ng ating dakilang kilusan
Laging pataasin pa ang bandilang pula.

Ako’y laging kasama ninyo
Sa inyong pag-aaral, gawain at laban
Ako’y laging kasama ninyo
Tinutupad ang ating mahihigpit na tungkulin.

Karamay ninyo ako
Sa kasaganaan at pighati
Lagi akong kasama ninyo
Sa landas ng pagsulong.

Magpalawak sa buong bansa
Magpalalim sa bawat lokalidad
Pangibabawan ang bawat kahirapan
Tiyakin ang ating tagumpay.

“I am always with you,” 26 Dec 1977

 

Walang iinam pa

Matagal na akong nagpasya
Na pag ako’y nakulong
Gagawin ko ang ginawa ng Kasamang Ho
Ang magsulat ng mga tulang rebolusyonaryo.

Papalakas ang kilusan
Nang siya’y ikulong.
Sa pag-awit niya tungkol sa butil ng bigas
Na tila perlas sa kaputian, kailanma’y hindi siya nawalan ng ugnay.

Iniisip ko ang lahat ng kadahilanan
Na sa tamang panahon ako’y makalalaya.
Tiyak akong sa paglakad ng panahon
Mapapawi ang anumang alinlangan tungkol sa tagumpay.

Samantala, walang iinam pa
Sa pag-awit ng mga kanta ng paglaya
Mga kanta ng pakikibaka ng mamamayan
Bilang paglaban sa tiranya at pagkabagot.

Ang diwang masigla at malaya tulad ng sa akin
Ay di kailanman maililibing sa kulungan
Patuloy akong titindig
Laban sa punebreng batingaw.

“Nothing more beautiful,” 30 Dec 1977

 

Ang Aking Sandatang Ispiritwal

Makapangyarihang gabay ang Marxismo
Sa rebolusyonaryong kilusang masa.
Pero sa tumatagal na pagkakabimbin ko
Ito’y akin ding sandatang ispiritwal.

Ginagamit ko ito para ipagtanggol ang aking dangal.
Hindi ako mapangingibabawan ng kaaway.
Siya’y kamuhi-muhi’t pipitsugin
Sa mamamayan at kasaysayan.

Humahango ako ng lakas sa rebolusyong
Sa labas ng bilanggua’y patuloy ang pagsulong.
Nais kong magbigay ng ambag,
Bunga ng aking pakikibaka kahit nakakulong.

Gayon nga, matatagalan ko ang parusa,
Ang dagan sa katawan at isip
At lahat ng kademonyohang pakanang
Ang rebolusyo’y aking itakwil.

Palaging inaalala ko ang mamamayan,
Ang mga kasama’t Pulang mandirigmang
Nagbuhos ng dugo sa pakikibaka.
Gaano na nga lamang ang aking paghihirap.

Bugbog lang ang aking dinanas,
Water cure at araw-araw na pananakot.
Pero ang pinakamahirap sa lahat ng aking pagsubok
Ay ang buwan kada buwang pwersahang walang magawa.

Nakagapos ako lagi na sa aking katre
Wala ni anong mabasa at walang salamin.
Nakakabigat sa isip at walang kwenta
Ang tumitig sa kisame’t dinding.

Kaydami kong hinahanap-hanap
Kaya’t ang bagot at inis
Kadalasa’y sumusubok lukuban ako sa aking pag-iisa.
Pero ang Marxismo’y aking makapangyarihang sandata.

Ako ang nagsa-sarili kong katoto
At inilalapat ang batas ng kontradiksyon
Sa napakaraming problema’t tanong
Sa aking kinasadlaka’t pinag-iisipan.
Hangad nilang aking mga imbestigador ay impormasyon
Pero ang tungo ko ay talakayan sa pulitika.
Pinaninindigan ko ang pagkamatuwid ng rebolusyon
Ang sakdal at mithi ng mamamayan.

Binabalingan ko ang pagtulang
Naghahayag ng aking hangad sa paglaya
Isinasanib sa lagi’t laging masidhing
Hangad ng mamamayan sa paglaya.

Sabik ako sa paggiliw ng mamamayan
At lubos na inisyatiba sa pakikibaka
Pero bawat araw na tumagal sa ngayong pugo’y
Sumusubok at nagpapatindi sa tapang.

Ang magdaang araw ay araw palapit
Sa pagkalas ng aking gapos.
Ipinauubaya ko ang aking pag-asa sa pakikibaka
Ng malawak na masa ng mamamayan.

“My Spiritual Weapon,” 8 Feb 1978

 

Ikaw ang asawa’t kasama ko

Ikaw ang asawa’t kasama ko.
Marahas na tayo’y pinaghihiwalay
Ng ganid sa dugong kaaway na maraming patibong.
Nag-aalala tayo sa kagalingan ng isa’t isa.

Ang hangad ng tirano’y napakasama.
Sinusubukan niyang kamtin ang pagtataksil ng ating kaluluwa
Sa pagpapahirap at pananakot na pagpatay
At sa pagsasayang ng ating kasibulang lakas.

Nasisiyahan ang mabalasik niyang mga kampon
Na tayo’y nagdurusa sa nakadadarang na kahon.
Itinutulak sila ng mang-aagaw ng kapangyarihan
At tinutupad ang mga utos, tulad ng mga aso.

Pero kahit sa ating sapilitang pagkakahiwalay
Nananatiling tayo’y nagkakaisa sa maalab na panata
Sa dakilang simulain ng rebolusyon.
Matatag nating isusulong ang pakikibaka.

Ang ating pangunahing berdugong nakaluklok sa trono
Ay mapapatalsik balang araw.
Pagkat naisabog na ang mga butong binhi
At ang bukas ay kilalang-kilala na.

Namuhay tayong ganap at mabunga
Kahit sa kabataang gulang na tigib
Ng napakaraming dapat gawin
Sa maalab na daloy ng rebolusyon.

Hindi natin pinangingilagan ang hirap o kamatayan
Para sa pinakamatayog na interes ng mamamayan.
Kinamumuhian natin ang paninirang-puri at intriga
Habang ang mamamaya’y naghihintay na tayo’y magsalita.

Maaaring hindi tayo payagang magsalita.
Pero pinagtitibay ng mga dila ng apoy ang ating pagkamatuwid.
Labis-labis na ang mga patibay
Para sa karapat-dapat na pamana sa ating mga anak.

Ating hinahanap-hanap ang mahal na mga anak natin
Pero patuloy silang ginagabayan ng ating diwa.
Lalaging bahagi tayo ng kilusan
Ibayong lagpas sa hangganan ng kasalukuyan.

“You are my wife and comrade,” 10 March 1978

 

Pugon

Noong Disyembre,
Ikinumpara ko ang aking selda
Sa priser kung hatinggabi
At kung tanghaling-tapat nama’y sa hurno.

Ngayong tag-init na’y
Ikinukumpara ko ito sa impyerno,
Pero dahil sa kaliitan nito’y
Binansagan ko ring pugon ito.

Ito’y nagbabagang pugon
Para sa pagpapatigas ng bakal
At pagdadalisay ng ginto.
Nakaaaliw ang pagkukumparang ito.

“A Furnace,” 15 March 1978

 

Sa madilim na kailaliman

Hangad ng kalabang tayo’y ibaon
Sa madilim na kailaliman ng bilangguan
Pero ang gintong makinang ay minimina
Sa madilim na kailaliman ng lupa
At ang makinang na perlas ay sinisisid
Sa madilim na kailaliman ng dagat.
Nagdurusa tayo pero tumatagal
At humuhugot ng ginto at perlas
Mula sa kailaliman ng pagkataong
Hinubog sa katagalan ng pakikibaka.

“In the dark depths,” 10 April 1978

 

Perlas

Sa mapanglaw na ilalim ng dagat
Binubuo ang perlas ng naasinang kirot
Sa lambot ng talaba
Sa ubod ng lamig, sa dagan
Ng bundok-tubig na dusa.

Hindi maaabot ng tagasisid ang perlas
Kung walang pasaning binabata
Kung walang pagtitiis at dibdibang paggawa
Kung ang paningi’y walang talim
Tagos sa panglaw na dumadagan.

Makinang na bunga ang perlas
Ng makapangyarihang pakikihamok ng talaba.
Ito ri’y lumiliwanag na mata
Saksi sa pagsisikap ng tagasisid.
Inagaw sa panga ng kailaliman
Tampok na hiyas ito ngayon ng tagumpay.

“Pearl,” 12 April 1978

 

Ginto

Sa madilim na ilalim ng lupa
Sa dagan ng bundok
Na nag-iipon ng init ng araw
Ang ginto’y nabibitag nakukulong
Ngunit kumikinang sa natipong alab.

Hindi maaabot ng minero ang ginto
Kung hindi huhukay ng malalimang lagusan
Kung hindi puspusan ang paggawa
Kung walang tumatagal na ilawan
Sa dilim na dumadagan.

Ang nagbabagang pandayan at mangkok ng asido
Ang nagpapalis ng dumi at nagpipino ng ginto
Iikot ang mga turnong panghugis
Para buuin ang korona ng tagumpay
Ang matayog na kaluwalhatian ng bansa.

“Gold,” 12 April 1978

 

Tula at pahinga

Mahabang panahon nang
Ang mga litanya at dasal
Ay nagpapagaan ng loob
Ng mga nagdurusa.

Paghimlay sa gabi,
Binibigkas ko ang aking mga tula
Hanggang matuyuan ang aking lalamunan
At makatulog na magaan ang loob.

Pero kaiba ang aking mga tula,
Malapit sila sa mamamayan.
Nasa kanila ang aking tiwala
At sa matatag nilang pakikibaka.

Habang ako’y namamahinga, tiyak akong
Patuloy ang pakikibaka.
Pagkatapos kong mamahinga
Gagawin ko ang aking kaya.

Ang pagkakapiit na mag-isa
Ay parusang napakalupit.
Pero ang mga tulang aking binubuo
Ang marurubdub kong katoto.

“Poems and rest,” 10 May 1978

 

Ang pagdating ng ulan

Tinipon ng matinding init
Ang makakapal na ulap ay nagpadilim sa lahat ng sulok
Pero ibinando ng kulog at kidlat
Ang bagong panahon ng paglago sa ulan.

Ang laganap na hangin at papalalim na ilog
Ay rumaragasa mula bundok para dalhin
Ang mensahe sa mas damang paraan,
Ang pagdating ng ulan sa patag.

Itinataas ng mga punungkahoy ang kanilang mga sanga sa kalawakan
At masiglang sumasayaw
Pinapataginting at isinasaliw ng mga halaman ang kanilang tinig
Sa awit at tuwa ng mga punungkahoy.

Itinataboy ng hangin ang nalaglag na mga dahon
At pinapaypayan ang titis sa tiwangwang na bukid
Naglulundagan ang mga dila ng apoy at pinapawi ang uhaw
Ng lupang sabik sa buhos ng ulan.

“The coming of the rain,” 15 June 1978

 

Ulan at araw sa bundok

Paglipas ng kulog at kidlat
Tila nilulusaw ng malamig madilim na ulap
Ang mga bundok hanggang maging maitim na burak.
Pero sa kabila ng nakapanlulumong tanawin
Binababad sa ulan ang lupa, pinalulutang ang dumi
At binubuhay ang mga sapa at ilog.
Sa gitna ng palahaw ng hangin
Ang mga punungkahoy at halaman sa kaitaasan
Ay pinagpapala ng matagalang pampalusog.
Gayundin naman ang mga tanim sa patag.

Pagkatapos niyon, umaalpas ang araw mula sa karimlan
Para magdulot ng init sa mga bundok,
Tiyaking ang ugat ng mga punungkahoy
Ay mas mahigpit ang kapit sa lupa.
Ang luntiang rangya ng mga dahon
Ay kumikinang at ipinagdiriwang
Ng di magkamayaw na kantahan ng mga ibon
At masasayang kilos ng mga hayop.
Sa malamig na simoy ng hangin, tinatanglawan ng araw
Ang malinaw, pamatid-uhaw na tubig ng batis.

Kung panay ulan at bagyo lang
Ang mga bundok ay magpuputik.
Kung panay araw at tagtuyot lang
Ang mga bundok ay magiging alikabok.
Kung ihahambing sa ulan, ang araw ay nakakasilaw.
Kung ihahambing sa araw, ang ulan ay nakagiginhawa.
Sa pagsapol sa matagalang salit-salitan ng mga panahon
Sa kanilang kasungita’t natitipong biyaya
Napalalagi ng bundok ang kanilang kaitaasan
At ipinapahayag ang pangingibabaw sa pagkasalanta.

“Rain and sun on the mountains,” 5 July 1978

 

Ang gitnang patag

Mahal ko ang luntiang lawak ng mga palayan
Inilalantad ng sikat ng araw
Ang sanlaksang ginintuang butil nito.
Mahal ko ang matatag na tindig ng tubuhan
Inilalantad ng sikat ng araw
Ang ginintuang mga tubong matamis.
Inihahatid ng umiihip na hangin sa patag
Ang indayog ng paggawa ng mga magbubukid at manggagawang bukid.
Mahal ko ang kalampagan sa daan at pagawaan
Habang pinagtitiyagaan ng mga manggagawa ang ilang makina.
Mahal ko ang bughaw na mga bundok sa kalayuan
Pinatutunayan nila ang pag-asa para sa balanang anakpawis.

“The central plains,” 15 August 1978

 

Angalo, o Angalo

Angalo, o Angalo!
Higanteng manlalakbay na taga-hilaga
Sa lahat ng panaho’y kaaway ng manlulupig.
Bayani ng baybaying Ilokos
Nasa batuhan ang iyong mga bakas
Na tinatanglawan ng araw, buwan at mga bituin
At walang ulan at ilog
Na makakabura o makapagkukubli.
Ang mga bundok, bulubunduki’t lambak
Ay nagsasaysay ng mga kwento ng katapangan
Ng nakakamanghang mga hakbang
At gawa para sa mga naghihirap.

Ang simoy ng hangin mula dagat at bundok
Ay nagtatagpo para awitin ang iyong alamat.
At lagpas pa sa kapal ng mga daho’y
Pumapailanlang ang tinig ng mga api
Umaasam na bumaba ka mula sa kalawakan
Mula sa iyong tahanang kaytaas
Sa Hilagang Bituing kayliwanag.
Sinabi mong nagiging lama’t buto ka
Kapag bumabangong muli ang mga api laban sa kaaway.
Angalo, o Angalo!
Natutuwa akong gayon nga ang tinuran mo.

“Angalo, o Angalo,” Nov 1979

 

Mga Bahagi ng isang Bangungot

1.
Gabi, sariwang hanging
May samyo ng luntiang dahon at bughaw na alon
Ang sumasalpok sa mukha ko’t kumakapit sa aking katawan
At nagtutulak na katagpuin ko ang aking mahal.
Wari’y hatak ng sandaang kabayo, naghuhumangos ako
Tulad ng malayang ibong nasa pilak na laso
Sa pagitan ng bundok at dagat.
Ngunit, ay! tigib ang alanganing panahon
Ng punyal na mata ng mga demonyo
Sa sugpungan ng kaligtasan at panganib.

2.
Matapos ang pagkukunwari sa dilim
Sa paligid ng tahimik na istasyon ng bus
Biglang pumasok ang mga demonyo
Nagkakahol ang mga hayok sa dugo
At pinamutla ang biglang liwanag.
Pinaligiran ako ng mga armadong demonyong
Mabalasik at ako’y pinosasan.
Hinablot ako sa piling ng aking mahal
At isinakay sa sasakyang nagkukumahog
Sa nakapaninibagong gabing maginaw.

3.
Dinala ako sa sentro ng impyerno
Sa hari ng mga demonyo at kanyang mga pinuno
Para sa ritwal ng kodakan.
Itinaboy ng haring demonyo ang kanyang mga kabig
At kami’y nagpingkian ng mga niloloob.
Nagsimula siya sa pagbili ng kaluluwa.
Bigo, bumaling siya sa paglalatag
Ng patibong para sa mga kasama’t walang malay.
Muli’y nabigo, nagwakas siyang may banta
Na ako’y hindi na niya makikitang muli.

4.
Ang gabing malalim, ang masikip na posas
At mga demonyo mandi’y di pa sapat.
Ako’y piniringa’t pinaikut-ikot.
Mga kahong sunud-sunod ang pinasukan ko –
Isang malawak na kampo, isang solar
Na lumalangitngit ang geyt,
At sa dulo’y isang seldang kaytahimik
Na buong dahas na pinagsadlakan sa akin.
Hangad ng mga demonyong madama kong ako’y
Bulag, nawawala, di makahinga, mahina.

5.
Tinanggal ko ang piring sa mata at aking natagpuan
Ang sarili sa inaamag na nitso.
Kinamumuhian ko ang kawalan ng bintana
Ang maputlang luntian at katahimikan
Ng dinding at kisame
Ang matingkad na kayumanggi ng saradong pinto
Ang nakakahilong pag-andap-andap ng malabong bombilya
At ang mahinang daloy ng hangin mula sa di matantong butas.
Paulit-ulit na bumabaligtad ang aking sikmura
At naninikip ang aking dibdib.

6.
Sunud-sunod ang pagdating ng mga demonyong walang ngalan
Para kunwa’y makipagkaibigan o pagbantaan ako
At galugarin ang aking utak at nerbyos.
Hinihilo ko lang sila
Para magkapanahon ang mga kasama
At bigyang-babala sa aking pagkawala.
Iginigiit ko ang karapatan para sa payo ng abugado
Ang karapatang hindi ipagkanulo ang aking sarili
Ang karapatang mabatid ang kinaroroonan ng aking mahal
At ng mga kaibigang kasama naming dinukot.

7.
Sapilitang hinubdan ako ng kamiseta
At ipinulupot ito sa aking mukha.
Hinigpitan ang isa pang piraso ng damit
Sa aking nakapiring na ngang mga mata at batok.
Pinosasan ang aking mga kamay sa likod
Hanggang sa mamanhid dahil sa lubhang higpit.
Ipinirmi ako sa isang upuang kahoy
At pinaghintay ng aking kapalaran
Sa lubos na kadiliman at kawalang-masulingan
Sa kamay ng mga hayop.

8.
Bigla, matitinding suntok
Ang dumapo sa nakalutang kong mga tulang
Sa dibdib at tiyan.
Kasunod, walang tigil ang mga demonyo
Sa pagtatanong, pananakot at paghahamon
Habang walang lubay sa panununtok.
Ang aking pananahimik, tugon o susog
Ay laging nagdadala ng matitinding suntok.
Paulit-ulit na nagbabanta ang mga demonyo
Na bungo ko’y babasagin sa pader.

9.
Natapos ang tila walang katapusang gulpihan
Pero marami pang kasunod.
Ginapos ng mga demonyo ang isang paa
At isang kamay ko sa katre.
Tinanggal ko ang piring at ang aking mga mata’y
Tinamaan ng sinag ng liwanag
Na sinusundan ang galaw ng aking mukha.
Mas mabilis kaysa liwanag, sinipat ng mga mata ko
Ang madilim na kawalan ng selda
At naaninag ang tatlong demonyo.

10.
Dalawa ang nagsasalitan sa pagtutok ng baril
Sa aking lugmok nang katawan at inuulit-ulit
Ang mga tanong na di ko inaasikasong sagutin
Samantalang ang ikatlo’y tahimik na nakaupo
Sa sahig ng madilim na selda.
At may isa pang demonyong labas-pasok
Para magtanong at magbantang
Ako’y papatayin habang nasa akto ng “pagtakas”.
Paminsan-minsan, tinatadyakan ng isang demonyo
Ang paa ng katre sa pagkainis.

11.
Bilang pagkutya sa mapanibasib nilang anyo
Parati kong sinasabing magpahinga na silang mga demonyo
Pinagtatawanan ang kanilang mga salita’t asta
At ibinabato sa kanila ang kanilang pang-iinsulto
Kahit pinapanghina nila ang aking katawan
Sa patuloy na puyat, gutom at uhaw.
Damdam kong ako’y inihahanda
Sa mas masakit, mas masahol na parusa.
Pero iniisip kong ang utos ng haring demonyo’y
Maghasik ng takot at kalituhan.

12.
Minsan pang ako’y piniringan
Kasabay ng pagdagsa ng mas maraming demonyo
Sa madilim, nakapanlulumong selda.
Ang dalawang kamay at dalawang paa ko’y
Mahigpit na iginapos sa katre
May posas na matatalim ang gilid at humihigpit
Sa tuwing ako’y kumibot, gaano man kabanayad.
Narinig kong sinabi ng isang demonyo na handa na ang aking libingan
At may isa namang nagsabi
Na kuryentihin muna ako.

13.
Naghahabulan ang mga isipin sa aking utak.
Nakaharap at sinukat ko ang haring demonyo.
Higit na hangad niya ang aking kaluluwa kaysa aking bangkay.
Piniringan ako ng mga demonyo
Para ikubli ang kanilang karuwagan.
Magdurusa ako pero ako’y tatagal.
Nagiging manhid ang nerbyos laban sa sakit
Nagsasara ang utak laban sa kasukdulan.
Pero ano nga kung ako’y mamatay, ang buhay ko’y
Matagal nang inilaan sa kilusan.

14.
Dinig ko ang pagdaloy ng tubig sa tubig
Ang kalampag ng mga timbang plastik
At kariskis ng nagkukumahog na mga bota.
Isang bimpo ang inilatag sa aking mukha
At hinawakan ng malalakas na kamay
At aking ulo’t sinakmal ang bibig ko.
Ang tubig ay sumusuot sa aking ilong
At nagpapabaha sa bunganga, lalamunan at baga.
Kasabay ng daluyong ng tubig ay ang daluyong
Ng mga tanong, pananakot at paghahamon.

15.
Ginigilit ng posas ang aking galang-galangan at bukung-bukong
Sa paulit-ulit na pagsinghap ko ng hangin
Para paglabanan ang mahapding buhos ng tubig.
Nagdurusa ako para sa napakaraming tao, grupo,
Tirahan, nayon, bundok
Na hindi ko alam o ayaw kong
Ipaalam o ikumpirma sa mga demonyo.
Sila’y napakasama at walang tigil
Sa tangkang makapiga ng maiinit na impormasyon
Tungo sa mas maraming huli at kurakot.

16.
Higit sa sanlibong pagkakataon
Sinusubukan ang lakas ng aking puso.
Habang ako’y nakikitunggali at naghuhumiyaw na makahinga
Sinasapawan ng tugtuging American rock ang aking mga hiyaw
Para hindi makaabot sa labas ng kwartong parusahan.
Sa pana-panahon, itinututok ng isang demonyo
Ang nguso ng baril sa aking bunganga
Itinutusuk-tusok ng isa pa ang kanyang mga daliri
Sa iba’t ibang bahagi ng aking katawan
Para guluhin ang pulso ng aking pagtutol.

17.
Nakapagpaluwag ng piring ang aking pakikitunggali.
Nakita kong nasisiyahan ang isang nakatataas na demonyo.
Maya-maya, isang demonyo ang umupo sa aking tiyan.
Habang nanghihina ang aking katawan at nahihilo
Walang saysay na sinubukan ng pinunong imbestigador
Na ipailalim ako sa hipnotismo sa pag-uulit-ulit ng mga salita,
Nagmumungkahing ako’y mahimbing na’t
Ipaubaya ang aking isip sa kanyang poder.
Ako’y nakipagtunggali at pinanatiling buhay ang aking diwa
Sa paggunita sa mga salitang isinisigaw sa labanan.

18.
Nabigong lunurin ng mga demonyo ang aking diwa
Pero ako’y pagod at hilo sa ilang araw.
Halos hubad akong nakagapos sa katre
Sugatan ang mga galang-galangan at bukung-bukong
Mga kamay ay nawalan ng pandama, may kirot sa dibdib
At wari’y tinutusok ng karayom ang aking mga mata.
Kahit gayon, paulit-ulit na ako’y pinipiringan
Sa nagsasalit-salit na pagdating ng mga bwitreng demonyo
Para bingihin ako ng mga tanong.
Parang walang katapusan ang kanilang tyaga.

19.
Palaging iniisip ko ang mga ibong pandagat,
Balingkinitan at mahiwaga sa alapaap ng bughaw na dagat
At ang mabibining kalapati, paris-paris
Bawat paris ay nakadikit sa isa’t isa.
Piniringan ako at isang bwitreng demonyo
Ang dumating na may alok para ako’y insultuhin
Ako’y ikukulong kapiling ang aking mahal
Kapalit ng isang kasamang nasa laya.
Nanggigil ako’t inungulan ang demonyo
At sana’y mas masahol pa ang nagawa ko sa harap niya.

20.
Nakita ko ang nakangising mukha ng mga demonyong
Dumating para sa isa pang alok:
Ipahayag sa simple at pormal na paraan
Na ako nga si A.G., ganoon lang
At magwawakas ang pagpaparusa
At isasama ako
Sa ibang bihag ng haring demonyo.
Nagkakaisa pa nga sila
Na imposible ang pagtulong ng abugado
Dahil na rin sa mga armadong demonyo.

21.
Walang lubay ang pagpaparusa
Na lalo pa ngang lumalala.
Ang mga segundo, minuto, araw, linggo
Buwan at ang mga tag-ulan at tag-araw ay bumabagsak
Parang ga-higanteng mga bloke ng bakal
Sa aking utak at nerbyos
Sa lupaypay kong katawan sa pagkakagapos
Ang kaliwang kamay at kanang paa kong
Laging nakagapos sa nakapandidiring katre
Sa pinaiiral na proseso sa pandarahas.

22.
Tumutubo ang makakapal na kalyo kung saan ang bakal
Ay dumidiin sa laman at buto.
Nahihirapan ako sa tindi
Ng init at lamig sa pagbabago
Ng panahon at mga sandaling may araw.

Ang tanging aking nakikita’y ang maalikabok na dinding
At masapot na kisame.
Sa araw at gabi, kada sampung minuto
Sumisilip sa butas ang isang demonyo
Para tiyaking ako’y laging nakagapos.

23.
Mga surot, lamok, langgam
Ipis, butiki at gagamba lang
Ang kasambahay ko sa bahaging ito ng impyerno.
Hinahanap-hanap at pinananabikan ko ang aking mahal
At iniisip ko ang kanyang sariling kinasapitan
Pinananabikan ko ang lumalaki kong mga anak
Pinananabikan ko ang matapat na samahan
Ng mga manggagawa, magbubukid at kasama
Pinananabikan ko ang mamamayang nag-aalsa
At ang malawak at bukas na kalupaan ng aking bayan.

24.
Ang mga demonyong nagkakalag sa aking pagkakagapos sa katre
Ay karaniwang walang imik
At magaspang, ako’y nililigalig at iniinsulto
Kailanma’t iniisip nilang ako’y lumalagpas
Sa ilang minutong nakalaan para kainin ko
Ang pagkaing panis at gawin ang mga pangangailangan.
Ngumingiti lang ang demonyong doktor
Kapag ako’y humihiling ng sariwang hangin at sinag ng araw.
Hindi inaayos ng demonyong dentista
Ang aking ngipin, manapa’y sinisira pa.

25.
Ilang demonyo ang dumarating paminsan-minsan
Nagtatanong kung bakit gusto kong magdusa
Gayong ang kailangang gawin ko lang ay isuko
Ang aking kaluluwa kapalit ng pagpapatawad ng haring demonyo.
Nang minsang sinabihan akong tumakbo para sa kasiyahan ng isang kulumpon
Ng mga demonyo, ako’y sumagot, Paano ako tatakbo’y
Ni hindi man lang makagala kahit sa aking selda.
Sila ma’y tumigil din ng kapupunta
Para hayaang pagdusahan ko ng walang tigil
Ang apoy ng bawat tag-init.

26.
Habang ako’y tumatangging ipagbili o ihandog
Ang aking kaluluwa sa haring demonyo, ang kanyang pakana’y
Ligaligin ito’t inut-inut na patayin
Sa pagkakagapos ng aking katawan,
Iamba ang espada ng kamatayan
At magbantang hayaan itong tumarak
Sa paraang pormal o impormal.
Pero walang silbi ang pakana
Habang ang pagdurusa ng pag-iisang nakakadena
Ay pinangyayaring ang kamataya’y isang nakatutuksong hakbang.

27.
Binabaka ko ang pagkabagot
Ang natitipong tensyon sa aking katawan at isip
At ang pasumpung-sumpong na halina ng pagkitil sa sarili
Patuloy akong gumagawa at bumibigkas ng tula
Para sumpain ang haring demonyo at mga kabig niya.
Lagi kong ginugunita ang mga larawan
Ng aking mahal, nagdurusa pero nakakatagal;
Ng aming malalayang anak, mabulas ang paglaki;
Ng masa ng mga naghihiganting anghel
Armado ng pinakamatatalas na espada.

28.
Bawat magdaang araw ay araw na napagtagumpayan
Nagpapataas ng determinasyon at katatagan.
Inasahan ko na ang laro ng haring demonyo:
Iniharap ako sa kanyang hukuman bilang palabas
At pinuri siya ng mga demonyong tagapaglitis
Bilang pinakadakilang mambabatas, taga-huli, taga-bugbog
Taga-usig, huwes at berdugo.
Matapos ang mahabang panahon ng pagkakagapos, makakaupo na akong
Katabi ang aking mahal sa harap ng mga demonyong huwes
At hayaang mabatid ng mamamayan ang aming dinanas.

29.
Ang magsalita tungkol sa pahirap pagkatapos ng lahat
Ang magsalita tungkol sa isang oras na pambubugbog
Sa napakaraming nawalang pagdulog sa dulang at oras ng pagtulog
Sa anim na oras na hirap sa paghinga sa tubig
Sa labingwalong buwang pagkakagapos

At sa napakaraming taon ng pag-iisang hindi man lang makaunat
Ang magsalita tungkol sa paghihirap ay laging may kakulangan.
Kailanma’y hindi sinasabihan ng haring demonyo at kanyang mga kampon
Ang biktima kung kailan magwawakas ang isang pagpaparusa
Habang sila’y nagbabanta ng mas marami pang pahirap at kamatayan.

30.
Sa anu’t anuman, gaano na ang aking hirap at dusa
Habang iniisip ko silang higit na naghihirap
Sa dahas ng araw-araw na pagsasamantala
At dahas ng terorismo sa bansa.
Minamaliit ko ang aking hirap at dusa
Habang iniisip ko ang mamamayang lumalaban
Para sa kanilang paglaya
At ang kanilang paniningil sa dugong ibinuwis ng mga martir.
Mimanaliit ko ang aking hirap at dusa
Habang umaasa akong makaambag pa sa pakikibaka.

“Fragments of a Nightmare,” Dec 1979

 

Ang Tulang Patalim

Masdan ang tulang patalim
Banat at sintalas ng labaha
May lamig at kislap ng pilak
Sa liwanag o dilim.

Tingnan kung paano lumipad
Ang itim-ibong puluhang
Hiniyasan ng perlas
Sa matatag-makilos na kamay.

Tingnan sa magkabilang pisngi
Ng dahong bakal
Ang mabulas at pinong lagablab ng apoy
Gintong inukitan ng mga larawan.

Sa isang pisngi’y mga manggagawang
Pinagtangi-tangi ng sibat at bakal
Pugon, martilyo’t pandayan
Tubig at hasaan
Araro’t kalabaw sa bukid
Talaba sa dagat
Pang-ukit at pangtunaw
Mangkok ng asido sa hapag.

Sa kabilang pisngi’y
Yaon ding mga manggagawang nangagtipon
May matwid at handang lumaban
Sa tanglaw ng maalab na bandila.

Pinagiging-ganap ng pag-aalsa
Ang mga pwersa sa paggawa’t
Nanghihikayat ng isa pang pagsulong
Sapol ang subok nang sandata.

Sapuling maigi ang tulang patalim
Hayaan siyang umawit sa iyong kamay
Itong kampila’y agimat
Ng mamamayang pula ang tanda.

“The Bladed Poem,” Marso 1982

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you