Home Writings interviews ITANONG MO KAY PROF: Podcast on China and US aggression in the Philippines

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on China and US aggression in the Philippines

0
ITANONG MO KAY PROF: Podcast on China and US aggression in the Philippines

Published on Jun 10, 2015

Itanong mo kay Prof
June 9, 2015

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison, Chairperson, International League of People’s Struggle (ILPS) hinggil sa usapin ng panghihimasok ng mga bansang China at Amerika sa kalupaan ng Pilipinas. Si Prof. Sarah Raymundo ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) ang pangunahing tagapagpadaloy at tagapagtanong.

Mga Tanong:

1. Ano po ang pahayag ng International League of People’s Struggle o ILPS hinggil sa mainit na usapin ng panghihimasok ng bansang Tsina at Amerika sa mga teritoryong saklaw ng pag-aari ng Pilipinas?

JMS: Maalab na makabayang pagbati sa iyo, Professor Raymundo.

Binabatikos at linalabanan ng International League of Peoples’ Struggle o ILPS ang panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea, ang mga reklamasyon na ginagawa ng Tsina sa Kalayaan group of islands na malapit sa Palawan at ang pag-okupa ng Tsina sa Panatag Shoal o Bajo de Masinloc na malapit sa Zambales.

Binabatikos at linalabanan din ng ILPS ang rotational deployment ng US forces sa ilalim ng Visiting Forces Agreement at pagtatayo ng mga US military base sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.

2. Matagal ng tumututol ang mamamayang Pilipino sa patuloy na panghihimasok ng US sa maraming usapin sa ating bansa. Subalit binibigyang depensa ng pamahalaan na ang mga kasunduang sinang-ayunan ng Pilipinas at US kagaya ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay pagtiyak na walang agresyong magaganap mula sa labas ng bansa. Ano po ang inyong pagtingin sa bagay na ito? Talaga po bang maaasahan natin ang US ngayong ang Tsina ay patuloy na inaari ang ilang teritoryong pandagat ng Pilipinas?

JMS: Hindi maasahan ang US na ipagtanggol ang Pilipinas sa agresyon ng Tsina. Mas malaki ang interes ng US sa pakikipag-ugnayan sa Tsina kaysa sa Pilipinas. Mulat sapul alam ng US ang mga reclamation na ginagawa ng Tsina sa Kalayaan pero hindi tumutol ang US.

Ang mismong US ay matagal nang imperyalistang mapanghimasok sa Pilipinas. Matagal nang nauna sa Tsina sa agresyon sa Pilipinas. Kunwari tagapagtanggol ang US sa Pilipinas. Bantay salakay ang US. Gusto lang niya na ipataw ang mga interes sa Pilipinas. Lumilitaw na ang US at Tsina ay magkasabwat sa paghati at pagdomina sa Pilipinas.

3. Sa inyo pong pananaw, maipagwawagi ba ng mga progresibong grupo at mga tagapagtaguyod ng integridad at soberanya ng Pilipinas ang laban nito sa agresyong Tsina? Maaari ba kayong magbigay ng halimbawa ng isang maliit na bansa na lumaban at nagtagumpay sa panghihimasok ng malalaking bansa.

JMS: Malakas at makatarungan ang posisyon ng Pilipinas sa balangkas ng UN Convention on the Law of the Sea. Maliwanag na sa Pilipinas ang 12 nautical miles na territorial sea, 200 nautical miles na exclusive economic zone at 150 pang nautical miles na extended continental shelf. Dapat manalo ang inihapag ng Pilipinas na kaso laban sa Tsina sa International Tribunal on the Law of the Sea. Pero sinabi na ng Tsina na hindi susunod sa desisyon ng tribunal kung pabor sa Pilipinas.

Wala mang sapat na barko, eroplano at missile ang Pilipinas para labanan ang panghihimasok ng Tsina, puedeng magkaisa ang sambayanang Pilipino at puedeng inasyonalisa at wakasan ang mga empresa ng estado at mga korporasyon ng Tsina sa loob ng Pilipinas. Marami ring bansa ang susuporta sa makatarungang layunin ng sambayanang Pilipino.

4. Ano po ang inyong mensahe sa sambayanang Pilipino hinggil sa ating topic ngayon sa ating podcast?

JMS: Pinakaimportante ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino para ipagtanggol ang pambansang soberanya at integridad sa teritoryo. Mainam na itinayo ang kilusan ng mga Pilipinong nagkakaisa para sa pambansang soberanya.

Kapag malakas at matibay ang pagkakaisa, mapangyayari natin ang nasyonalisasyon ng mga empresa ng mga dayuhang kaaway at ang pagpapatupad ng pampulitika at ekonomikong soberanya at ang pag-unlad ng ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industryalisasyon at reporma sa lupa.

5. Ano po ang inyong mensahe sa darating na June 12, Araw ng Kalayaan?

JMS: Nasa kamay ng sambayanang Pilipino ang pagtataguyod ng pambansang independensiya, integridad sa teritoryo, demokrasya ng bayan, tunay na pag-unlad, hustisya sosyal, kapayapaan at pakikipagkaibigan sa lahat ng bayan.

Dapat may kapasyahan at katatagan tayong lumaban sa mga imperyalista, mga asendero at mga bulok na opisyal na nakikipagsabwatan sa mga imperyalista para yurakan ang mga pambansa at demokratikong karapatan ng mga mamamayan. Maraming salamat.