Home Writings interviews ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Concerning The 2016 Presidential Elections (PART I)

ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Concerning The 2016 Presidential Elections (PART I)

0
ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Concerning The 2016 Presidential Elections (PART I)

TUNGKOL SA ELEKSYONG PRESIDENSYAL SA 2016
Panayam kay Prof. Jose Maria Sison
ni Prof. Sarah Raymundo ng CONTEND-UP

PART 1
September 4, 2015

1. Sa pangkalahatan, ano po ang palagay ninyo sa mga eleksyong itinatanghal ng kasalukuyang naghaharing sistema? Tinutulutan ba nito ang pagpapahayag ng kapasiyahang pampulitika ng mga mamamayan at nagbubunga ba ito ng paghalal ng mga opisyal na lulutas sa mga suliranin ng mga mamamayan? Maiiba ba ang 2016 na eleksyong presidensyal sa mga nakaraang halalan?

JMS: Ang mga eleksyong itinatanghal ng kasalukuyang naghaharing sistema ng malalaking komprador at panginoong maylupa na masunurin sa imperyalismong US ay hindi lubusang nagpapahayag ng kapasiyahan ng mga mamamayan at hindi rin nakakapaghalal ng mga opisyal na makakapaglutas sa mga saligang suliraning kaugnay ng paghaharing dayuhan, lokal na pyudalismo at burukrata kapitalismo

Dominado ang mga eleksyon ng mga pampulitikang personalidad at partido na kinatawan ng malalaking komprador at panginoong maylupa, at sa totoo nagpupwera sa mga makabayan at progresibong kinatawan ng mga manggagawa at magsasaka. Kabilang sa mga paraang pampwera ang pagmamatyag at iba pang pananakot ng pulis at militar; mga kampanya ng paninira sa mga pahayagan, iskwelahan at simbahan; kakulangan sa perang pangkampanya; at pagmanipula sa sistema sa pagboboto sa halalan, elektroniko man ito o hindi.

Tiyak na hindi maiiba ang darating na eleksyong presidensyal sa mga nakaraang halalan at maiiiba lamang ito sa ilang aspeto, gaya ng wala pang katulad sa laki ng pondong publiko sa pangangampanya at panunuhol sa mga lokal na opisyal; at antemanong pagprograma ng resulta ng eletronikong sistema para sa eleksyon. Kung gayon, maraming kinakabahan na si Mar Roxas ang mananalo bilang presidente sa pamamagitan ng pandaraya. Tanyag ang mapang-uyam na pagyayabang ni Aquino na ang tanging kailangan ay likhain ang ilusyon na umarangkada siya pataas sa poll survey at bahala na ang mga mekanismo sa pandaraya sa eleksyon.

2. Itinataguyod pa ba ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang patakarang ituring ang eleksyon bilang komedyang di-makatotohanan at hindi nag-eendorso ng alinman sa mga partido at kandidato? Gayunman, bakit nais ng ilangmga partido at kandidato na makuha ang pahiwatig o hayag na endorso ng PKP at ninyo bilang pangulong tagapagtatag ng PKP?

JMS: Ipinapakita ng lahat ng mga pahayag at publikasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas tungkol sa mga eleksyon na itinuturing ng rebolusyonaryong partidong ito ng uring manggagawa na komedyang di makatotohanan ang eleksyong itinatanghal ng mga reaksyonaryong uri para likhain ang ilusyon ng demokrasya at linlangin ang mamamayan.

Hindi lumalahok ang partido sa mga ganitong eleksyon at hindi rin nag-eendorso sa mga reaksyonaryong partido at kandidato at kahit na sa makabayan at progresibong maliliit na partido na puedeng tatakang komunista ng kanilang mga kalaban.

Ilang partido at kandidato ang aktibong nagnanais ng lantad o lihim na endorso ng PKP dahil sa malaking rebolusyonaryong baseng masa nito. Itinuturing nilang higit na malaki pa ang baseng ito kaysa mga botanteng kasapian ng Iglesia ni Kristo. Sa totoo, ang baseng masa ng PKP kung mahihikayat sa batayang nagkakaisang hanay, ay maaring maging mas malaki pang swing vote na pabor o kontra sa alinmang partido o kandidato.

Kung minsan, may mga partido at kandidato na nagnanais na kunin ang aking endorso o pagsuporta dahil sa aking makasaysayang panunungkulan bilang pangulong tagapagtatag ng PKP. Subalit ang PKP at mga namumunong organo nito ang siyang nagpapasiya tungkol sa mga eleksyon at sa paglalapat ng patakarang nagkakaisang hanay. Laging maingat at maayos kong sinasabi na hindi ako bilang indibidwal kundi ang PKP ang siyang nagpapasiya . Gayunman, bilang indibidwal, malaya akong nagpapahayag tungkol sa eleksyon nang hindi nagsasalita para sa PKP o alinmang ibang organisasyon.