PODCAST: Usapang Pangkapayapaan
Intro ni Prof. Sara: Magandang araw sa lahat ng tagapakinig ng ating programang Itanong Mo Kay Prof! Muli nating makakapanayam ang founding chairperson ng Communist Party of the Philippines, Chief Consultant ng National Democratic Front of the Philippines para sa Usapang Pangkapayapaan, walang iba kung hindi si Propesor Jose Maria Sison.
Opening Spiel ni Prof. Sarah: Malugod na sinasalubong ng mga makakaliwang puwersa sa lipunang Pilipino ang mga progresibong pahayag ni Mayor Rodrigo Duterte mula nang lumitaw na siya ang binoto ng milyung-milyong Pilipino sa isang eleksyong napakataas ng bilang ng mga mamamayang lumahok sa proseso at bumoto ng kanilang mga kandidato. Bukas sa Kaliwa si President-elect Duterte, napakalayo sa disposisyon ng papalitan niyang si President Noynoy Aquino na popular na halal din ng mamamayan, pero sagad ang pagkareaksyunaryo at anti-mamamayan.
Maituturing na matatapang na hakbang ang ginagawa ni Duterte upang abutin ang Kaliwa, isang puwersa sa lipunang Pilipino na may malawak at malalim na kaugnayan sa pangaraw-araw na buhay ng masang Pilipino, lalo na ng masang anakpawis.
Nariyang magdesisyon si Duterte na isalalay sa CPP ang pagrerekomenda ng dalawang mahalagang pusisyon sa gabinete, ang DAR at ang DSWD. Dalawang kilala at beteranong aktbista ng Pambansa Demokratikong Kilusan ang gagampan dito, si Cong. Ka Paeng Mariano ng Anakpawis Partylist, kilala ring mass lider ng KMP. At si Propesor Judy Taguiwalo ng UP at Alliance of Concerned Teachers, aktibista ng Martial Law, nag-underground upang magorganisa ng masang titindig laban sa diktaturyang Marcos, naging bilanggong pulitikal. Hindi nalalayo sa tono ng Kaliwa, di lang minsang naipahayag at naipakita ni Duterte ang kanyang kawalan ng interes sa pagpapakatuta sa dayuhang imperyalista, ang US.
Ngunit higit sa lahat, nagdeklara si Duterte na magkakaroon ng Usapang Pangkapayapaan sa pagitan ng administrasyon at ng CPP-NPA-NDF. Para sa CPP-NPA-NDF at mga laksa-laksang mamamayan, ito ang tinatayang pinakamahalagang ebidensya ng sinseridad ni Duterte upang patunayan ang kagustuhan niyang magpatupad ng mga pagbabago. “Change is coming” ang sabi pa nga ng kanyang campaign slogan.
Pagusapan natin ang Usapang Pangkapayapaan kasama si Prop. Jose Maria Sison. Maalab na pagbati, Prof. Jose Maria Sison!
JMS: Maalab na makabayang pagbati sa lahat ng ating kababayan! Napapanahon po at angkop ang paksa ng panayam na ito tungkol sa usapang pangkapayapaan. Matagumpay na naisagawa namin ang preliminary talks sa Oslo noong Hunyo 14 at 15 para ihanda ang resumption ng formal talks sa ikatlong linggo ng Hulyo.
Prof. Sarah: 1. Prof. Sison, bago po tayo magpalawig sa isyu ng usapang pangkapayapaan, maaari po bang maipaliwanag muna natin sa ating mga tagapakinig ano ang ibig sabihin ng peace talks o usapang pangkapayapaan?
JMS: Ibig sabihin po ng usapang pangkapayapaan ay negosasyon sa pagitan ng Government of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para gumawa ng mga kasunduan na naglulutas sa mga problemang naging dahilan ng gera sibil sa pagitan ng dalawang panig. Batay sa mga kasunduan, matitigil ang sandatahang labanan at magkakaroon ng makatarungan at matibay na kapayapaan sa ating bayan.
Prof. Sarah: 2. Bakit po ito ginagawa ng Gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines? Ano po ba ang mga pinag-uusapan ng dalawang panig at bakit ito sinusubaybayan ng ating mga kababayan?
JMS: Ginagawa ng Gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines ang usapang pangkapayapaan dahil sa tulak ng sambayanang Pilipino at dahil sa matinong pag-iisip na mas mabuting harapin ang mga problemang dahilan ng gera sibil, magkaroon ng kapayapaan at magkaisa sa pagsasakatuparan ng mga pundamental na reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika.
Sinusubaybayan ng lahat ng ating kababayan ang usapang pangkapayaan dahil sa tumitinding krisis at hirap ng buhay at nais nilang magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng mga reporma. Nais nilang mapalaya sa garapal na pang-aapi at pagsasamantala. Nais nilang marespeto ang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes nila. Nais nilang magkaroon ng pag-unlad ng ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa at iba pang reporma.
Prof. Sarah: 3. Ano naman ang ibig sabihin ng preliminary talks, kagaya ng naganap sa Oslo, Norway nitong June 14 at 15 na dinaluhan ng mga bagong ng GPH peace negotiators na sina Jesus Dureza,Silvestre Bello III at Hernani Braganza para makipag-usap sa NDFP?
JMS: Preliminary talks ang tawag sa aming pag-uusap sa Oslo dahil kailangang linawin at ihanda muna ang adyenda ng formal talks na muling isasagawa sa panahon ng papasok na administrasyon ni Presidente Duterte. Nabimbin ang usapang pangkapayapaan sa mahabang panahon dahil sa pagsabotahe nina Aquino at OPAPP secretary Deles. Mauumpisahan muli ang formal talks kapag mag-umpisa na ang panunungkulan ng bagong administrasyon.
Prof. Sarah: 4. Maaari po ba ninyong maibahagi sa amin ano ang makabuluhang inabot ng preliminary talks sa pagitan ng GPH at NDFP noong June 14 at 15?
JMS: Mababasa sa Joint Statement ang bunga ng preliminary talks. Itinakda nito ang adyenda ng formal talks sa Hulyo. Kasama sa adyenda ang apirmasyon ng mga dating kasunduan magmula sa The Hague Joint Declaration, ang balak na pabilisin ang usapang pangkapayapaan, ang pagpapalaya sa mga political prisoner sa pamamagitan ng general amnesty at ang interim ceasefire o pansamantalang pagtigil ng putukan.
Itinakda rin sa Joint Statement na palayain agad ang mga nakabilanggong consultant ng NDFP para makasama sila sa formal talks alinsunod sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Isasabay na rin ang pagpapalaya ng mga political prisoner na may sakit, matatanda at mga babae.
Prof. Sarah: 5. Sa kabila po ng sinseridad na ipinapakita ni Presidente Duterte sa usapin ng pakikipagkaisa sa mga “left” at ang pag-uumpisa ng peace talks, meron pa ring mga naninira at bumabatikos na hindi umano magtatagumpay ang usapang pangkapayapaan. Ano po ang inyong opinyon hinggil dito, Prof. Sison?
JMS: Mas malaki ang posibilidad ngayon na umabante ang usapang pangkapayapaan hanggang sa matagumpay na kongklusyon dahil sa may mas mataas na antas ng political will o determinasyon ni Duterte kaysa sa mga nakaraang presidente na gawin ang dapat gawin para sumulong ang usapan at pagkakasundo. Malaki ang pag-unawa niya sa makaturangang layunin ng rebolusyon dahil naging estudyante ko siya at naging miembro ng Kabataang Makabayan.
Naging opisyal ng Nationalist Alliance for Justice, Freedom and Democracy noong 1986 at ng Partido ng Bayan noong 1987. Tatlong dekada ang haba ng magiting at maparaang kooperasyon niya sa kilusang rebolusyonaryo sa Davao City. Tinanggap niyang maging NDFP resource person noong 2012 hanggang sinabihan ng DILG na magwithdraw siya.May kabutihang loob siya. Siya ang nagboluntaryo na palayain ang lahat ng political prisoner sa pamamagitan ng general amnesty. Gayundin inalok niya ang apat na cabinet post sa NDFP.
Prof. Sarah: 6. Magkakaroon po ba ng tigil-putukan o ceasefire sa pagitan ng AFP/PNP at NPA sa panahon ng formal peace talks? Paano po ito pinagkakaisahan ng dalawang panig – GPH at NDFP at gaano ito katagal? Magsisiuwian ba ang mga armadong pwersa ng CPP/NDFP at ano ang kanilang gagawin sa panahon ng tigil-putukan?
JMS: Magkakaroon ng tigil putukan o ceasefire sa pagitan ng AFP/PNP at NPA sa panahon ng formal peace talks. May panimulang pag-uusap na tungkol sa modo o anyo ng ceasefire: mutual interim ceasefire agreement ba o independent but simultaneous ceasefire declarations bilang panimulang hakbang. Pag-uusapan pa ito nang masinsinan sa formal talks sa Hulyo.
Hindi magsisiuwian ang mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA. Para hindi sila mayamot habang may ceasefire: patuloy ang gawaing masa, politico-military training, produksyon, health program, cultural work, pagbabantay sa environment at likas yaman ng ating bayan, pagsugpo sa kriminalidad (laluna ang ilegal na droga at pagnanakaw) at pagpigil sa pang-aapi at pagsasamantala. Nananatili ang karapatan sa self-defense. Ang matitigil ay mga sinadyang military campaigns and operations laban sa kabilang panig.
Prof. Sarah: 7. Sa tingin po ba ninyo Prof. Sison mababawasan na ang human rights violations ngayong mauupo na sa Malakanyang si Presidente Duterte? Ano po ang relasyon nito sa usapang pangkapayapaan?
JMS: Malaki ang mabawas na human rights violations kung wala nang military campaigns at operations na inilulunsad ng AFP, PNP at mga auxiliary forces laban sa NPA at sa masang anakpawis at mga katutubong komunidad. Sa gayon, mapapahusay ang atmosphere para sa usapang pagkapayapaan. Tungkol naman sa anti-criminality campaign ni President Duterte, may nagsasabing magbubunga ito ng maraming human rights violations.
Sa political campaign style ni Duterte, mahilig siya sa hyperbole tulad ng patabain niya ang mga isda sa Manila Bay para takutin ang mga kriminal at makuha niya ang sentimyento ng masa ng electorate. Pero tandaan na abogado at matalino siya. Alam niyang bilang Presidente na nakapokus sa kanya ang national at international attention. Aayaw yan sa peligro na masisiraan siya sa maraming paratang ng human rights violations.
Sa takbo ng usapang pangkapayapaan at sa pag-unlad ng ceasefire at cooperation, nasa lugar ang NDFP na paalalahanan ang gobyernong Duterte na itaguyod at irespeto ang mga karapatang tao. Pagdating ng yugto na pagbubuo ng pambansang konseho at gobyerno ng pambansang pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad lalaki ang papel ng mga demokratikong pwersa sa loob at labas ng gobyerno.
Prof. Sarah: 8. Hinggil po sa planong pag-uwi ninyo sa Pilipinas Prof Sison, magkakaroon po ba ng problema o epekto sa usapang pangkapayapaan kung hindi kayo matutuloy na makabisita sa ating bayan? Ano na po ang iyong pananaw hinggil sa mga nang-uupat sa inyo na ginagamit nyo lang daw si Presidente Duterte para sa inyong kapakinabangan?
JMS: Kausap ko pa ang mga kasama at mga abogado kung ano ang mga legal precautions, security measures, kailan at gaano katagal ako makakadalaw sa Pilipinas. Mientras na hindi pa ako dadalaw sa Pilipinas, walang negatibong epekto sa usapang pangkapayapaan dahil sa ito naman ay gagawin sa Oslo at kung kinakailangan sa iba pang neutral venue abroad alinsunod sa existing agreement.
Mas mapanganib sa usapang pangkapayapaan kung ako ay uuwi at may masamang mangyari sa akin. May mga peace spoilers na nag-aabang sa pagkakataong gumawa ng karahasan para mang-intriga at manggulo. Para maiwasan ito, puede pa ring magkita kami ni President Duterte sa Europe kapag magstate visit siya sa Norway, Netherlands at Vatican.
Parehas kami ni President Duterte na may pananaw na sikapin nating magkakaroon ng malaking pagbabago para sa kabutihan ng sambayanang Pilipino. Sabi niya sa akin na muhing-muhi siya sa mga oligarko at dayuhang mapanghimasok at nais niyang magrebolusyon sa loob ng gobyerno. Sabi niyang siya ay Kaliwa at sosyalista. Nasa kanya ang tungkuling patunayan sa gawa ang kanyang salita. Magkakatulungan tayo habang ginagawa niya ang anumang mabuti para sa bayan.
Prof. Sarah: 9. Ano po ang inyong mensahe sa ating mga kababayang nananalig sa kabutihang idudulot ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at NDFP?
JMS: Ibayong itaguyod ang usapang pangkapayapaan at tiyakin na magkasundo sa mga reporma na dapat gawin laban sa mga imperyalista at malalaking komprador at asendero. Isulong ang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes. Dapat magkaroon ng ganap na pambansang kasarinlan, demokrasya, pag-unlad sa ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa, hustisya sosyal, pinalawak na libreng edukasyong publiko at makabayan at progresibong kultura.
Sa unang pagkakataon sa buong kasaysayan ng Pilipinas, may presidente na nagsasabi sa bansa na siya ay Kaliwa at sosyalista at nag-aalok ng apat na cabinet post sa Kaliwa. Nauna pa rito, sinabi niyang handa siyang magbuo ng coalition government na kasama ang mga komunista. Sikapin nating magkaroon ng isang pamahalaan ng pambansang pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad.
Sagpangin ng sambayanang Pilipino at mga pwersang makabayan at progresibo ang mga pagkakataon na bunga ng krisis ng naghaharing sistema, paglakas ng rebolusyonaryong kilusan at paglitaw ng presidenteng katulad ni Duterte. Nakakaintindi si President Duterte sa mga makabayan at progresibong simulain dahil dating kabilang siya sa Kabataang Makabayan, Nationalist Alliance, Partido ng Bayan at Bayan.
Maraming salamat po. Mabuhay kayo!
Extro ni Prof. Sarah: Maraming salamat sa ating mga tagapakinig, nawa ay nalinawan tayong lahat sa mga usaping may kaugnayan sa kapayapaan at ibayong kumilos at magpakilos upang tiyakin ang tagumpay nito.
Tandaan natin, nanantiling instrumento ng mga naghaharing uri sa lipunan ang estado. Hangad ng mga komunista, ng mga pulang mandirigma ng New People’s Army, ng mga rebolusyonaryong organisasyon na binubuo ng mga magsasaka, manggagwa, estudyante, guro, taong-simbahan, migrante, kababaihan, kawani ng gobyerno, artista sa gawawing kultural sa ilalim ng NDF na durugin ang estadong nagsisilbi sa iilan, agawin ito, at magtayo ng isang gobyernong mangangasiwa para sa interes ng nakararami, isang lipunang malaya na tumutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan at hindi ang nakagisnan nating nambubusabos sa sambayanan. Ang ganitong porma ng demokrasya, ang ganitong uri ng gobyerno ay hindi nakasalalay kay Presidente Duterte kundi sa ibayong pagsisikhay ng mga rebolusyonaryo, mga organisadong mamamayan na patuloy na mag-aral , mag-organisa, konsolidahin ang makapangyarihang puwersa ng pagbabago–ang lakas ng sambayanang Pilipino–hanggang sa tagumpay. Paydayon!
Ito po si Sarah Raymundo, guro sa Unibersidad ng Pilipinas, aktibista ng CONTEND at Alliance of Concerned Teachers. Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
June 19, 2016