November 15, 2021
Sarah Raymundo (SR): Mainit na pagbati sa inyong lahat! Nagbabalik ang Itanong Mo Kay Prof, para talakayin ang napakahalagang usapin ng Eleksyon 2022. Limang buwan bago ang pambansang eleksyon, imbis na malinaw na plataporma at mga kapakipakinabang na plano para sa sambayanang Pilipino ang pinag-uusapan ng mga pulitiko, isang malaking circus ang nangyayari ngunit di katulad ng circus, walang nakakaaliw sa ginagawang manipulasyon at pagmamalabis ng sanib-pwersang Duterte-Marcos Jr., .isama pa ang anak na si Sara at mga alipores tulad ni Bong Go.
Ito na ang pinakahihintay ng marami są atin, ano nga ba ang mga pananaw ng isang kilalang lider- rebolusyonaryo sa napipintong eleksyon? Sino ang maituturing na may kredibilidad na oposisyon sa mga presidentiable para sa isang sa isang Jose Maria Sison, edukador, Chair Emeritus, ng International League of Peoples’ Struggle and Chief Political Consultant ng NDFP? Si Leni, si Isko o si Manny?
Ano ang suri ng Prof Sison sa sanib-puwersang Duterte at Marcos Jr.? Matatandaang umusbong at yumabong ang rebolusyonaryong kilusang pinamunuan ni Prof Sison sa panahon ng Martial Law ni Ferdinand Marcos, ama ni Bong-Bong Marcos at tagapagtaguyod ng pulitikal na karin ng ama ni Duterte. Naging matunog din kamakailan ang isyu ng pag-etsa-pwera ng slate ni VP Leni sa kilalang progresibong kandidato sa pagkasenador, ang dating BAYAN MUNA Congressman na si Atty Neri Colmenares. Ano kaya ang implikasyon nito sa larga ng kilusang mapagpalaya sa bansa?
Ano ang papel ng halalan sa problema ng sambayanan? Ito at marami pang usapin ang direktang sasagutin ni Prof Sison dito są, Itanong Mo Kay Prof.
Maalab na pagbati Prof. Sison, masaya kaming magkaroon muli ng pagkakataong makausap kayo sa sa napakahalagang panahon para sa ating bansa.
Prof. Jose Maria Sison (JMS): Maalab na makabayang pagbati sa iyo Prof. Sarah Raymundo at sa lahat ng ating tagapakinig.
- Prof. Sison, mainit po ang ating pag-uusapan ngayon sa ating programa. Ang unang tanong, ano ang inyong masasabi sa nagaganap na parang naglalaro ng sipa na mga pulitikong nagnanais na tumakbo ngayong 2022 eleksyon?
JMS: Bago ginawa ang mga substitutions noong Nobyembre 15, ganito ang nakita kong galaw ng mga Duterte at Marcos. Sila ang mga prinsipal na naglalaro ng sipa para paglokohan, lituhin at linlangin ang mga mamamayan. Gusto nilang gawing presidente at bise ang mga kinatawan ng dalawang pinakamasamang dinastiya ng mga burukrata kapitalista, sina Bongbong Marcos at Sara Duterte. Pinaka-notorious sa pagpatay ng tao, pandarambong at pagsira sa ekonomiya ng bayan.
Pero nang matapos na ang substitutions noong Nobyembre 15, natipon ko ang ilang impormasyon kaugnay ng bakit minumura ni Duterte si Bongbong Marcos at pinatatakbo niya si Bong Go bilang presidente. Galit si Duterte kay Bongbong dahil hindi siya kumuha ng approval niya bago umarangkada bilang presidential candidate at hindi nagsabing iprotect siya laban sa mandamiento de aresto ng ICC.
Meron ding problema sa loob ng pamilya ni Duterte. Nang umatras ni Duterte sa VP candidacy, choice niya si Bong Go bilang kapalit ang gusto pa rin niyang si Sara ang presidential candidate. Pero itong Sara ayaw niyang maging VP niya si Bong Go at ginusto niyang maging VP ni Marcos. Sa katapusan, ginawa niyang presidential candidate si Bong Go, minumura niya si Marcos at pinipilit niya ang anak niyang Sara na maging VP kay Bong Go.
- Maaari po ba nating ipaliwanag sa ating mga tagapakinig Prof. Sison ano ang ibig sabihin ng “substitution” sa COMELEC. Bakit naglilipatan ang mga kandidato mula sa mga political party nila tungo sa iba pang political party gaya ni Sara Duterte, na umalis sa kanyang partido – Hugpong ng Pagbabago at lumipat sa Lakas CMD o Lakas–Christian Muslim Democrats.
JMS: Yong substitution ay panloloko sa mga tao. Nagkunwari sa umpisa si Sara na tatakbo muli sa pagkamayor sa Davao City bilang lider ng Hugpong ng Pagbabago. Pero sa katapusan tatakbo pala na kandidato para sa pagka-bise presidente sa ilalim ng Lakas-CMD. Uto-uto lang pala niya yong pinalitan niyang kandidato. Ginawa ni Duterte ang ganito noong 2015 at napauso na.
- Nagwithdraw si Senator Bato Dela Rosa sa pagkapresidente at tinitingnan ng mga kababayan na ito ay kanyang ginawa para bigyang daan si Senator Bong Go. Si Bong Go ay nagbitiw naman sa pagtakbo bilang bise presidente at ngayon ay tatakbo sa pagkapresidente. Parang labo-labo lang Prof. Sison, pero ano po ang masasabi ninyo sa mga nagaganap na ito at sa pagtakbo ni Bong Go sa pagkapresidente?
JMS: Yong presidential slot ni Bato de la Rosa ay dating para kay Sara pero nagpasya siya na maging VP ni Bongbong Marcos dahil ayaw din ni Sara na si Bong Go ang VP niya. Sa matagal na panahon, may galit si Sara kay Bong Go dahil ito ang in charge sa cordon sanitaire ni Duterte at pati si Sara at mga ilinalakad para sa approval ni Duterte ay hinaharang ni Bong Go.
Dahil nagmatigas na si Sara na maging VP kay Bongbong, ginawa naman ni Duterte si Bong Go na presidential candidate. At gusto niya pwersahin si Sara na maging VP ni Bong Go. Sa ganong dahilan, minumura ni Duterte si Bongbong para ipahalata na ang mananalo sa eleksyon ay kung sinu-sing panaluin niya sa pamamagitan ng electronic dagdag-bawas sa Comelec.
- Ano po ba sa inyong pagtingin Prof. Sison ang dapat na katangian o criteria ng isang taong tatakbo sa pagkabise presidente at presidente ng bansa?
JMS: Dapat hindi mga mamamatay-tao at mandarambong tulad ng mga Marcos at Duterte pati na si Bong Go na kasabwat ni Duterte sa pandarambong. Dapat mga makabayan, para sa ganap na pambansang kalayaan, demokrasya, hustisya sosyal, pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon, pinalawak na serbisyo sosyal, pambansa, syentipiko at makamasang kultura at independyenteng patakarang panlabas.
- Ano an g masasabi ninyo kay dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo o GMA sa kanyang paglahok sa eleksyon, Prof. Sison? Sinasabi na siya daw ang operator para pagsamahin sina Marcos at Duterte.
JMS: Nauna pa si Gwen Garcia ng Cebu sa pagiging taga-areglo ng Marcos-Sara tandem. Kasunod nito, balitang-balita rin na si Gloria Macapagal Arroyo ang taga-areglo ng Marcos-Sara tandem. Isa pa itong halimaw na puno ng mga burukrata kapitalista.
Bilang kasama sa areglo si Arroyo, masasabing may MAD Alliance of Marcos-Arroyo-Duterte. Ito ay alyansa ng mga mandarambong na may maraming kaso ng plunder. May posibilidad pa ring umaarte lang si Duterte na ayaw niya si Bongbong at si Bong Go ang gusto niyang katambal ni Sara bilang VP candidate. Malikot ang utak ni Duterte dahil buang.
- Ano po ang masasabi ninyo Prof. Sison sa pagtakbo ni Bongbong Marcos bilang presidente ng bansa? Sabi ng marami, wala siyang kahihiyan. Sabi naman ng ilan, kalimutan na lamang ang nagdaan.
JMS: Talagang walang kahihiyan si Bongbong. Gusto niyang kalimutan ng mga tao ang mga krimen na ginawa ni Ferdinand Marcos at Imelda at gusto niyang maging presidente para ipagpapatuloy niya ang pagnanakaw at karahasan sa mga mamamayan na ginawa nang ama niyang kasuklam-suklam. Dapat humingi siya ng patawad mula sa bayan at isauli niya sa bayan ang mga ninakaw ng mga magulang niya.
- Ano po ang inyong opinyon sa pagtakbo ni Leni Robredo sa pagkapangulo, Prof. Sison? Maipapanalo po kaya ni Leni ang laban sa 2022 eleksyon?
JMS: Si Leni Robredo ang pinaka-credible na opposition presidential candidate. Mananalo siya kung walang pandaraya na gagawin ni Duterte. Kung mandaraya si Duterte, babalikwas ang mga tao tulad ng ginawa noong 1986 para patalsikin si Marcos. At ang rebolusyong Pilipino ay ibayong lalagablab at susulong dahil suklam na suklam na ang bayan kay Duterte dahil sa kanyang kataksilan, tiraniya, pandarambong at pagsira sa ekonomiya.
- Hindi po naisama sa slate ng oposisyon si dating Congresman Neri Colmenares, sa ilalim ni Leni Robredo. Si Colmenares na kilalang nangunguna at lumalaban sa panunumbalik ng mga Marcoses sa Malacanang at bumabatikos sa gubyernong Duterte sa maraming polisiya nito na hindi makatao. Ano po ang inyong opinyon dito, Prof. Sison?
JMS: Hindi maganda na hindi naisama si Neri sa slate ni Leni. Gayunman, magsamasama pa rin sa paglaban sa mga Duterte at Marcos. Dahil sa pandaraya ni Duterte, hindi makakaupo si Robredo sa pagkapresidente. Kailangan pa rin ang nagkakaisang hanay laban sa pandaraya at pagpapatalsik ng mga aakyat sa kapangyarihan dahil sa pandaraya.
- Humabol po sa pagtakbo bilang presidente si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Antonio Parlade, Jr. Pinalitan niya by substitution si Antonio Valdes ng Katipunan ng Demokratikong Pilipino. Ano po ang masasabi ninyo sa pagtakbo ni Parlade, Prof. Sison? Ano po kaya ang tingin ng mga reakyunaryong militar at pulis sa bagay na ito?
JMS: Itong Parlade wala namang malawak na political base para maging presidential candidate. Pero tumatakbo siya para itaguyod niya ang anti-communist campaign at interes ng NTF-ELCAC at gagawa ng red-tagging laban kay Robredo at iba pang mga kandidato.
- Ano po ang inyong opinyon Prof Sison sa panawagan ni Vice Pres Leni Robredo na kapag siya ay naupo ay ipapaabolish niya ang NTF ELCAC?
JMS: Magaling si Robredo sa pagsasabi niyan. Dapat buwagin niya agad ang NTF-ELCAC kapag presidente na siya dahil ito ay instrumento ng terorismo ng estado at pandarambong. Dahil sa mga krimen ni Duterte at pagsira niya sa ekonomiya, kailangang buhayin muli ang peace negotiations para kamtin ang makatarungang kapayapaan at magkaroon ng pambansang pagkakaisa at pagtutulungan.
- Tumakbo namang senador si Pangulong Rodrigo Duterte. Pinalitan niya sa pama magitan din ng subtitution si Mona Liza Visorde ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan. Noong una ay bise presidente ang target ni Duterte subalit dahil tumakbong bise presidente ang anak niyang si Sara Duterte, minabuti na lang niyang tumakbong senador. Ano po ang inyong masasabi dito, Prof. Sison?
JMS: Yong senatorial candidacy ni Duterte ay paraan pa rin niyang kumapit sa kapangyarihan at iligtas niya ang sarili mula sa paglilitis ng International Criminal Court. Kung mahahalal na senador yan, madali siyang maging Senate president kung kanya ang iba pang senador dahil sa pandaraya at pagsuhol.
- Ano po ang masasabi ninyo Prof Sison sa mga paratang ni Pangulong Duterte na sina Bongbong at Leni daw ay mga pro-komunista?
JMS: Diyan mahahalata si Duterte na buwang at madaling magred-tag para siraan at sindakin ang sinuman.
- Ano po kaya ang papel ng US at China sa darating na eleksyon, Prof. Sison?
JMS: Tiyak na may papel ang US at Tsina sa darating na eleksyon. Meron silang high stakes sa resulta ng halalan. Magkaiba lang ang estilo nila. Ang US ay may karanasan at kakayahan sa overt o covert operations para suportahan ang mga kandidato o partido na gusto niya. Estilo naman ng gobyerno ng Tsina na padaluyin niya ang pera sa mga susuportahan sa pamamagitang ng mga Tsinong negosyante tulad ng mga pumapaligid kay Duterte.
- Meron po ba kayong gustong ipaabot sa ating mga tagapakinig na mga isyu at plataporma na dapat dalahin ng mga tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa ating pamahalaan sa darating na eleksyong 2022, Prof. Sison?
JMS: Dapat ang Makabayan Bloc, Movement against Tyranny, CARMMA at iba pang pambansa-demokratikong organisasyon at kilusan ay manawagan sa mga kandidato na basahin ang programang pambansa-demokratiko at sumama sa paglaban sa mga dinastiyang Marcos at Duterte.
- Ano po ang inyong pabaon sa ating mga tagapakinig, Prof. Sison, na ngayon ay litunglito sa dami ng nagaganap sa ating lipunan. Parang may malaking perya po sa ating bansa.
JMS: Ang mga problema ng bayan hindi malulutas ng halalan. Ito ay kontrolado ni Duterte at mga mapagsamantalang uri. At tiyak na mandaraya si Duterte. Maghanda para sa mas matitinding pakikibaka matapos ang eleksyon. Dahil sa paglubha ng krisis, lalong nais ng sambayanang Pilipino na magrebolusyon.
Maraming salamat sa muling pagdaos ng palatuntunang ito, Itanong Mo kay Prop. Mabuhay ka Prof. Raymundo at ang lahat ng ating mga tagapakinig!
SR: Talaga namang mabunga at maganda ang naging talakayan natin. Para kay Prof Sison, si VP Leni Robredo ang maituturing na may pinakamataas na kredibilidad na sa lahat ng mga presidentiable na pumupusturang oposisyon. Nanghihinayang man ang marami kung bakit ba hindi naisali-sali sa opposition slate si Neri Colmenares gayong isa siya sa mga nangugunang pigurang oposisyon na suportado ng maraming nanawagan na wakasan na ang tiryaniya ni Duterte. Pero para kay Prof Sison, saan pa ba tutungo ang ating adhikaing makalaya mula sa kadilimang dulot ng rehimeng Duterte kundi sa sama-samang pagkilos bilang malawak, malapad at nagkakaisang prente laban sa tiraniyang Duterte at pagbabalik sa kapangyarihan ng mga Marcos, simbolo ng dalawang dinastiyang pulitkal sa bansa na sinusuka ng marami gawa ng kanilang rekord są karahasan at korapsyon.
Para din kay Prof Sison, ang malawakang pandaraya sa eleksyon ay hindi lamang ispekulasyon ngunit isang katiyakan sa isang bansang kapit-tuko sa kapangyarihan ang mga mandarambong. Kaya’t kailangan nating maging mamamayang mapagbantay, mamamyang kontra-daya.
Ngunit higit sa lahat, para Kay Prof Sison, walang pinakamabisang pagkilos kundi ang aralin, seryosohin at gawing popular ang programang pambansa-demokratiko, isang programang nakatuon sa interes ng mga Pilipinong matagal nang binubusabos ngunit patuloy pa rin ang paghahanap-buhay kahit pa sa mga kundisyong di pabor para sa disenteng pamumuhay. Pambansa, dahil para sa Pilipino at hindi sa mga dayuhan. Pangmalawakan na programa na saklaw pati mga malalayong barrio sa kanayunan. Demokratiko dahil nakatuon ang mga kongkretong plano para sa nakararami at hindi sa interes ng iilan.
Mahalaga ang bumoto ng kandidatong lumalaban sa tambalang Marcos-Duterte pero mahalaga ding lumahok sa pambansang kilusan na magtatanggol sa karamihan sa atin na inuulila, ninanakawan, pinapahiya, tinatakot at tinatanggalan ng karapatan. Buuin ang malawak ng prenteng bibigo sa sanib-pwersang Marcos-Duterte. Kasabay nito’y isulong din ang mga panawagang sahod, lupa, trabaho, edukasyon, kalusugan, karapatan para sa sambayanang Pilpino.
Ito po si Sarah Raymundo guro sa Unibersidad ng PIlipinas at kasama niyo mula sa Bagong Alyansang Makabayan, pansamantalang nagpapaalam at nagpapasalalamat sa inyong pagkikinig dito sa Itanong Mo Kay Prof.