October 22, 2015
Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo ng CONTEND UP Dilimam.
Mga tanong para kay Prop. Jose Maria Sison:
1. Ano po ba ang ibig sabihin at layunin ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC?
JMS: Ayon sa mga pahayag ng APEC mismo, ito ay nagtataguyod ng kooperasyong ekonomiko sa hanay ng mga bayan ng malawak na rehiyong Asya-Pasipiko. Binubuo ito ng 21 myembrong-estado na sumasaklaw sa tatlong bilyong mamamayan o 60 porsyento ng daigdigang ekonomya. Sinasabi na napakalaking kolektibong potensyal para sa kaunlarang sosyo-ekonomiko at entre-estadong kooperasyon.
Gayunman, ipinapakita ng rekord ng APEC mula sa pagkatatag nito noong 1989 na pangunahing isinusulong nito ang oryentasyong malaking negosyo, adyendang neoliberal, at mga mayor na direksyong pampatakaran ay ang pagpapasulong pangunahin sa dominanteng mga interes ng mga imperyalistang bayan sa pangunguna ng Estados Unidos at Hapon. Kasang-ayon sa pasimunong-US na Bretton Woods Agreement at Washington Consensus, agresibong itinulak ng APEC sa higit sa kalahati ng mundo ang mga susing sangkap ng globalisasyong neoliberal–liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.
2. Sa inyo pong pagtingin bakit pumayag ang Pilipinas maging host ng APEC 2015?
JMS: Umiikot sa mga miembrong-estado ng APEC ang pagiging punong abala sa taunang summit ng APEC. Gusto rin ng rehimeng Aquino ang ganitong papel para sa propaganda nitong Pilipinas na raw ang may pinakamalaki ang tantos ng paglaki ng ekonomiya sa Asya-Pasipiko. Bunga naman ito ng hot money o portfolio investments na pumapasok sa pinansyal na palengke ng sapi at bono at hindi nagbubunga ng mga planta at pagtaas ng produksyon. Umaabot ito sa 65 porsyento ng kabuaang daloy ng salapi sa Pilipinas sa mga taong 2011 hanggang 2014.
3. Mula sa voluntary at non-binding framework noong itinatag ito noong 1989, ano na po ang itinakbo ng APEC at lumalabas na tunay na katangian nito matapos ang tatlumpu’t anim na taon?
JMS: Mula noong 1989, nagsilbi na ang APEC bilang plataporma upang ikoordina ang mga interes ng mga bayang imperyalista, buuin ang consensus (kapag hindi lubusang malutas ang mga alitan) sa hanay nila lalo na sa malayang kalakalan, pamumuhunan at pinansya, at akitin pang lalo ang mga bayang ‘di maunlad sa bitag ng neoliberalismo. Bilang isang orihinal na kasapi, parating ginagamit ng US, ang kanyang impluwensya para apihin at itulak ang ibang mga bayang kasapi tungo sa pangangayupapa at sa gayo’y mapanatili ang pangkalahatang dominansya.
Paimbabaw na nagbubuo raw ang APEC ng consensus na kunwa’y boluntaryo at walang obligasyon sa hanay ng mga kinatawan ng mga gobyerno sa pamamagitan ng mga taunang pulong. Gayunman lingid na kumikilos ang APEC Business Advisory Council at CEO Summit bilang daluyan ng makapangyarihang lobby ng malalaking korporasyon