Home News features JV asks JMS: Ang makabayang pamana ni Apolinario Mabini

JV asks JMS: Ang makabayang pamana ni Apolinario Mabini

0
JV asks JMS: Ang makabayang pamana ni Apolinario Mabini

By J.V. Ayson
Jul 22, 2017

[su_dropcap style=”flat” size=”3″]G[/su_dropcap]inugunita ng bansang Pilipinas ngayong Hulyo ang ika-153 anibersaryo ng kapanganakan ni Apolinario Mabini na kinikiala bilang ‘Dakilang Paralitiko’ at ‘Utak ng Rebolusyon’ dahil sa kanyang mahahalagang ambag sa pagpupukaw sa damdaming makabayan ng mga Pilipino na patuloy na naninindigan at lumalaban para sa tunay at ganap na kasarinlan ng bansa, gaya ng pagbibigay ng makabuluhang payo sa mga matataas na opisyal ng unang republika ng bansa at paglilikha ng mga batas ng naturang republika.

Bilang pag-alala sa kabayanihan at kagitingan ni Mabini, inilabas ng gobyerno ni dating Presidente Joseph Estrada ang Proklamasyon Blg. 361 na nagdedeklara sa bawat ikatlong linggo ng Hulyo bilang National Disability Prevention and Rehabilitation Week.

Gayunman, malaki pa rin ang hamon para sa pagmamana at pagtataglay sa makabayan, anti-imperyalista, at demokratikong paninindigan ni Mabini.

Binanggit ni Prof. Jose Ma. Sison, sa kanyang kapasidad bilang founding chairman ng Kabataang Makabayan at founding secretary-general ng MAN (Movement for the Advancement of Nationalism), na “si Apolinario Mabini ang isa sa pinakatampok na lider ng rebolusyong Pilipino ng 1896 na hinahangaan niya at itinuturing niyang wagas at matibay ang makabayan at anti-imperyalistang paninindigan.”

Ayon sa kanya, inialay ni Mabini ang kanyang karunungan sa batas at pulitika sa pagpayo sa rebolusyonaryong gobyerno, sa paggawa ng mga orden at dekreto at pagbalangkas at pagkinis sa Konstitusyon ng Malolos alinsunod sa pamantayan at mga prinsipyo ng burges liberal na demokratikong rebolusyon.

Ipinaliwanag niya na kinilala at ilinatag ng makabayang istoryador na si Prop. Teodoro A. Agoncillo sa Malolos: The Crisis of the Republic ang mga makabuluhang ambag ni Mabini sa rebolusyon sa harap ng pandirigma ng kolonyalismong Espanyol at imperyalismong US, mga reaksyunaryong miyembro ng Gabinete ni Aguinaldo at mga kahinaan at pagkukulang ni Aguinaldo bilang Presidente.

Sa pagkilala sa kadakilaan at ambag ni Mabini, paalala niya, isama rin ang mga sinulat ni Prop. Cesar Adib Majul: The Political and Constitutional Ideas of the Philippine Revolution, Apolinario Mabini the Revolutionary at Mabini and the Philippine Revolution.

Kuwento pa niya, “maswerte ako na nabasa ko ang mga librong ito nang nasa UP ako at pinasalin pa kami ng mga akda ni Mabini sa Spanish class matapos ang basic units.”

Dagdag-paliwanag niya, napakalaki at napakalas na parang higante si Mabini sa karunungan at mga prinsipyong moral.

“Naging matibay siya sa trabaho at pagpumiit sa wastong linya kahit na may kapansanang polio magmula 1895 at nagpahina ito sa kanyang katawan hanggang maparalisa ang magkabilang binti.”

Muling ibinatid ni Prof. Sison na si Emilio Aguinaldo mismo ay galing sa uring may propriedad na siyang naghahalal ng mga gobernadorcillong katulad niya.

Aniya, may mga sariling kahinaan at kakulangan si Aguinaldo bilang pampulitikang lider at madali siyang mabulungan at maimpluwensyahan ng mga mayayamang ilustrado at kasikeng nasa Gabinete tulad nina Pedro Paterno, Felipe Calderon at Felipe Buencamino na madaling maniwala sa Proclamation of Benevolent Assimilation ng imperyalismong US.

“Bumaling ang mga ito sa kolaborasyon at kompromiso sa imperyalismong US, at nag-intriga at nagmaniobra para alisin sa pwesto si Mabini bilang Punong Ministro at tanggihan ang paghirang sa kanya bilang unang Punong Mahistrado ng Korte Suprema,” wika niya hinggil sa mga naging tagapayo ni Aguinaldo.

Iginigiit niya ngayon na “may pagkakaparehas ang kalagayan noon at sa ngayon sa puntong may presidenteng nagsasabing siya ay Kaliwa (tumutukoy kay Presidente Duterte) pero pinalilibutan at inuudyukan sa loob ng Gabinete niya ng maraming reaksyonaryong tulad nina Dominguez at Lorenzana na nagtataguyod ng mga patakarang maka-imperyalista.”

“May tunguhin na ngayon si Dutete na maging papet ng impeyalismong US at kinatawan ng mga malaking komprador at asendero habang bumabalikwas ang mga mamamayan dahil sa patinding krisis ng naghaharing sistema at labis-labis na paghihirap ng masang anakpawis,” ayon sa kanya.

Ipinaliwanag naman ng Kabataang Makabayan founding chairman ang kanyang pagkukumpara sa sitwasyon ng bansa noon at ngayon sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa sinabi ni Mabini mismo tungkol kay Aguinaldo at mga kagawad ng Gabinete:

“Nabigo ang rebolusyon dahil sa hindi tamang pinamunuan, dahil nakuha ng lider ang pwesto na hindi bunga ng kapuri-puring pagkilos kundi ng masama, dahil sa halip na gumamit ng mga taong may kakayahan maselos na itinatapon sila. Sa paniniwalang ang pagsulong ng bayan ay ang personal na pagsulong lamang niya, hindi niya sinuri ang mga tao batay sa kakayahan, karakter at patryotismo kundi batay sa grado ng pakikipagkaibigan at pakikikamag-anak niya; at sa paghahangad ng mga paboritong payag na magsakipisyo para sa kanya, kinukunsinti niya ang mga kamalian nila. Dahil mababa ang pagtingin sa mga mamamayan, tiyak na babagsak siyang tulad ng idolong gawa sa waks na natutunaw sa init ng kagipitan. Huwag nating limutin ang aral na hango sa kakila-kilabot na pagdurusa.”

Si Mabini ay galing sa pamilyang mahirap at na ang nanay niyang si Dionisia Maranan ay maliit na tindera sa palengke ng Tanauan, Batangas at may kaunting pormal na edukasyon at ang tatay naman niyang si Inocencio Mabini ay isang magsasakang hindi marunong magsulat.

Gaya ni Jose Rizal, ang unang guro ni Apolinario ay ang nanay niya.

“Para may tirahan at pagkain at makapag-aral siya sa mas mataas na antas, nagturo sa mga bata at gumampan ng mga manwal na trabaho tulad ng houseboy at utusan ng sastre. Lumuwag ang pag-aaral niya nang nakakuha siya ng scholarship sa Colegio de San Juan de Letran para sa Bachiller en Artes at sumunod sa Unibersidad ng Sto Tomas para sa kurso ng abogasya,” kuwento ni Prof. Sison hinggil sa buhay-kabataan ng bayani.

Dahil sa galing siya sa uring anakpawis at nasapul niya ang mga prinsipyo at layunin ng rebolusyon, sabi ni Sison, naiiba siya sa mga mayayamang ilustrado at kasike sa pamantayan ng pag-iisip at pagkilos nang mabisa at makabuluhan para sa bayan at sa rebolusyon.

“Matatag at masigasig na nais niyang magbunga ang rebolusyon ng 1896 ng pambansa at panlipunang pagpapalaya sa mga manggagawa, magsasaka at ibang mahihirap.”

Aniya, mas madaling mahikayat ang mga mayamang ilustrado at kasike sa kompromiso na alok ng imperyalismong US. Mas madali silang masilaw sa mga alok na pwesto at patuloy na kasaganaan ng pamilya.

Ipinagpatuloy ni Prof. Sison ang kanyang pagbubuod sa buhay at pakikibaka ni Mabini.

“Noong 1892, naging Mason si Mabini at sa 1893, sumanib siya sa La Liga Filipina nang buuin ito muli matapos ang pag-aresto kay Rizal. Naging secretaryo ng Bagong Konsehong Supremo si Mabini. Nang naghati ang Liga sa Cuerpo de los Compromisarios at Katipunan, primero nasa hanay ng mga Compromisarios pero sa kalaunan ay sumama sa Katipunan.”

“Magmula nang barilin at paslangin si Rizal sa Bgumbayan (Luneta), ibinuhos na ni Mabini ang kakayahan at panahon niya para sa rebolusyon.”

“Nang nagkasakit siya at nagpagaling sa polio nong 1895-96, sinulat niya ang mga pamphlet gaya ng “El Verdadero Decálogo” and “Ordenanzas de la Revolución.” Mga ito ang nakatawag ng pansin ni Aguinaldo at pinasundo siya para maging Advisor.”

Ipinaalala niya na si Mabini ang indibidwal na nagsulat ng pinakamaraming importanteng borador at dokumento para sa rebolusyonaryong gobyerno.

Dagdag-paliwanag niya, dito nasasalamin at napatutunayan ang paninindigan at kaisipan ni Mabini hinggil sa kamalayang makabayan, reporma at rebolusyon, gobyernong demokratiko at republikano, katarungang panlipunan, transpormasyon at pagpapanibagong moral, at pagbabagong panlipunan sa konteksto ng nagpapatuloy na paglaban ng masang Pilipino sa dayuhang dominasyon at lokal na reaksyon.

Sinabi ni Sison na “mayaman ang pamana ni Mabini sa sambayanang Pilipino.”

Hanggang ngayon, aniya, makabuluhan at may silbi ang mga sinulat niya para sa bansang Pilipino.

Iginiit niya na hindi maaaring umiral at sumulong ang bagong demokratikong rebolusyon nang walang pagmana sa lumang demokratikong rebolusyon.

Kahit uring mangggagawa at hindi na burges liberal ang namumuno sa bagong demokratikong rebolusyon, paliwanag niya, katungkulan at layunin para rin ng bansang Pilipino ang pagtataguyod, pagtatanggol at pagsusulong ng pambansang soberanya, demokrasya, hustisya sosyal, pag-unlad ng ekonomiya, makabayang kultura at pandaigdigang kapatiraran ng mga mamamayan.

Nilinaw niya na makabuluhan pa rin ang mga ito para sa pambansang burgesya at peti-burgesya, lalong-lalo na sa mga naliliwanagan at maka-kaliwang seksyon ang pagpapatuloy sa pagpupunla ng mga makabayan, anti-imperyalista, at demokratikong kaisipan ni Mabini na nakapagtapos ng abogasya sa unibersidad at umakyat sa antas ng petiburges lunsod mula sa katayuan na anak ng magsasaka.

“Malaki at makabuluhan ang ambag ni Mabini sa bagong demokratikong rebolusyon, laluna sa pagpormula ng mga desisyon at dekreto na may kinalaman ng probisyonal na rebolusyonaryong gobyerno at paggawa ng konstitusyon na nakasandig sa soberanong pagpapasya ng mga mamamayan, may Bill of Rights at may katangiang republikano at demokratiko at bukas sa pagsusog batay sa pag-unlad ng lipunan,” wika niya.

“Tiyakin na lang natin na uring manggagawa ang namumuno, anti-imperyalista ang lipunan at estadong anti-imperyalista at may perspektiba itong sosyalista.”

Sinabi niya na saklaw ng dakilang pamana ni Mabini ang pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Kung gayon, aniya, itinataguyod nito ang pambansang kasarinlan, mga demokratikong karapatan, representatibo o republikanong gobyerno, pambansang petrimonya, reporma sa lupa at pag-unlad sa industrya at komersyo.

Paliwanag niya, abot sa kaalaman ni Mabini kung paano sumulpot at sumulong ang mga demokratikong rebolusyong sa Europa dahil sa mga reporma at pag-unlad ng pulitika, ekonomiya, syensya at edukasyon.

Iginiit niya na ang bagong demoktratikong rebolusyon ay dapat isang pagsisikap at pagkilos ng masang api sa milyun-milyong bilang para magwagi.

Pero, aniya, mapapabilis ang takbo ng rebolusyon kung pumanig sa masa ang mga naliliwanagan, makabayan at progresibo sa hanay ng pambansang burgesya at peti-burgesya, sa pagmamana sa mga makabayan, anti-imperyalista, at demokratikong paninindigan at kaisipan ni Mabini.

Tandaan daw natin na nilabanan ni Mabini ang imperyalismong US at mga alipuris nito.

Ipinaalala ni Prof. Sison na ang tumitinding krisis ng naghaharing sistema ay naghahamon para sa muling pag-usbong ng damdaming makabayan, katarungang panlipunan, at pagpapanibagong moral at nag-uudyok sa malawak na masang Pilipino na magrebolusyon para sa mas mahusay at maningning na kinabukasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.