By J.V. Ayson
Mar 28, 2018
http://www.manilatoday.net/jv-asks-jms-hinggil-sa-kasalukuyang-sitwasyon-at-sa-hinaharap-para-sa-usapang-pangkapayapaan/
Sunod-sunod ang mahahalagang mga pangyayari sa bansa noong mga nakaraang linggo.
Kabilang na rito ang mabilis na pag-usad ng kasong impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pag-abswelto kay Kerwin Espinosa at sa iba pang mga personalidad na umamin na sila ay mga big-time drug lord, paglalagay sa mga aktibista at human rights defenders sa proscription petition o isa umang ‘hit list’ ng Department of Justice (DOJ), paglalagay sa pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ, napipintong pagsasara ng isla ng Boracay na totoo umanong dahilan ang pagpasok ng malalaking Tsinong mamumuhunan, pag-alis ng Pilipinas mula sa Rome Statute na nagbubuo sa International Criminal Court (ICC) dahil sa napipintong pag-imbestiga sa mga nagaganap na patayan sa drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte, pagraratsada sa mga batas sa Kamara de Representantes hinggil sa diborsyo at pagpapaliban (na naman?) sa halalang pambarangay na nakatakda at naiurong sa Mayo 2018, at iba pa.
Pinakahuli sa mga umuugong na balita ang mga hakbang para buhayin ang nakabinbing usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Matutuloy ba ang GRP-NDFP peace talks?
“Sumusunod ako sa patakaran ng NDFP. Ang magkadigma ay pwedeng magpeace talks, hindi iyong magkaibigan at mapayapa na ang relasyon,” paliwanag ni NDFP Chief Political Consultant at Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman na si Jose Maria Sison.
Ayon kay Prof. Sison, patuloy ang patakaran ng NDFP na handang makipag-usap sa Gobyerno ng Pilipinas (GRP) kung gusto nito.
Paniniwala niya na si Pres. Duterte ang nagsara sa peace negotiations, lalo pa’t pinirmahan nito ang Proclamation 360 noong Nobyembre 23, 2017 na idinedeklara ng panig ng GRP ang pagputol ng peace talks. Ayon naman sa NDFP, hindi alinsunod sa proseso ang ginawang proklamasyon.
“Kahit na magpeace talks, puwedeng patuloy ang linyang “patalsikin ang rehimeng US-Duterte” hanggang magkaroon na ng mga substantibong kasunduan tungo sa makatarungang kapayapaan,” ani Prof. Sison.
Hindi umano sagka ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa panawagan ng CPP at mga kaalyadong grupo nito ng pagpapatalsik sa administrasyong Duterte, bagkus ay maghawan ng kabalalay na daan tungo sa makatarungang kapayapaan.
“Kapag muling mag-umpisa ang peace negotiations, kailangang maalis din ang mga hadlang o balakid na sumasalungat sa nakatayo nang mga kasunduan tulad ng The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Laws (CARHRIHL) at iba pa.”
“Dapat mapangingibabawan ang Proclamation 360 at 374 at yong proscription petition sa Manila RTC. Sa gayon, mababalikan ang magandang pakete ng general amnesty, coordinated unilateral ceasefires at Agrarian Reform and Rural Development (ARRD) at National Industrialization and Economic Development (NIED) ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na naihanda na noong Oktubre 2017 pa.”
“Mabuti naman na bagamat nasa terror list ang pangalan ko, nagpahiwatig si Presidente Duterte na bukas niya sa muling pagbubuhay ng usapang pangkapayapaan,” komento ni Sison sa mga naunang pahayag ng presidente na nagsasaad ng kanyang pagiging bukas sa pagbubuhay ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng NDFP.
Pero habang ang akdang ito ay sinusulat, binabawi na naman ng Malakanyang ang mga pahayag na iyon ng presidente. Naghayag din ng pagtutol at paninira sa CPP at New People’s Army (NPA) ang mga heneral at military sa gabinete ng pangulo.
Nakikita ni Prof. Sison ang kabutihan ng mga programang isinusulong sa loob ng usapang pangkapayapaan para sa bawat mamamayang Pilipino.
“Hindi pagyuko sa kanya ang pagsang-ayon sa tigil-putukan kung kasabay nito sa isang pakete ang general amnesty ng political prisoners at pagkakasundo sa Agrarian Reform at Rural Development at National Industrialization at Economic Development ng CASER.”
Aniya, “Ang bayan ang prinsipal na makikinabang sa ganitong pakete at luluwag ang daan para sa makatarungang kapayapaan. Mas mahalagang punto ito kaysa sa palagay na pagyuko na ng NDFP kay Duterte o bigo si Duterte sa all-out-war laban sa CPP/NPA at crackdown laban sa kilusang masa.”
May mga naunang balita hinggil sa backchannel talks sa pagitan ni Labor Secretary at GRP peace panel chairperson Silvestre “Bebot” Bello III at ng NDFP peace panel na pinamumunuan ni Fidel Agcaoili.
Naniniwala siya na “tama ang pagnanais ni Secretary Bello ng back channel talks para mabuksan muli ang peace negotiations.”
Ganoon din aniya ang pagnanais ng NDFP.
Naniniwala ang CPP founding chairman na “puwede at dapat na tumugon ang dalawang panig sa kahilingan ng mga peace advocate at ng masang Pilipino.”
Paliwanag sa matinding krisis sa loob ng bansa
“Malubha ang krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas sa larangang pulitika at sosyo-ekonomiko. Pinag-aagawan ng mga imperyalista ang Pilpinas at ipinapasa sa sambayanang Pilipino ang krisis ng global na kapitalismo,” ayon kay Prof. Sison.
“Imbes na ipagtanggol ang soberaniya, isinusuko ng rehimeng Duterte ang pambansang patrimonya at West Philippine Sea sa dayuhan. Hinuhuthot ng mga dayuhang korporasyon mula sa atin ang likas yaman at ang murang paggawa para palakihin ang kanilang tubo habang pinipigilan ang ating industriyal na pag-unlad. Nananatili ang atrasadong ekonomiya, kawalan ng trabaho, mabilis na pagtaas ng presyo ng mga batayang kalakal at laganap na kahirapan.”
“Malalaki ang pangako ni Duterte sa taumbayan at umasa naman sila sa malaking pagbabago. Ngunit sa isyu pa lamang ng ilegal na droga, kriminalidad at korupsyon, tampok na ang kabiguan.”
“Mga mahihirap ang pinapapatay sa war on drugs subalit abswelto ang mga drug lord, smuggler at protector. Abswelto din at papalaki ang kapangyarihan ng mga plunderer tulad nina Marcos, Arroyo, Estrada at Enrile. Pagkatapos lumabo ang pangako na magkaroon ng kapayapaan. Sa kabila nito, pamamaslang nang maramihan at pagpinsala ang lumalaganap,” paliwanag niya.
Nakikita ni Prof. Sison na “nagagalit na ang masang Pilipino sa rehimeng Duterte.”
Sabi niya, lumakas ang legal na kilusang pambansa-demokratiko at mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at sa hanay pa mismo ng mga naghaharing uri, tumitindi ang kontradiksyon.
“May mga grupong militar na gustong ikudeta si Duterte. Bilang commander-in-chief may bentahe pa si Duterte. Subalit mapanganib para sa kanya ang magkasabay na galit ng masa sa kanya, ang paglakas ng armadong rebolusyon at pagsulpot ng coup mula sa loob ng kanyang hukbo,” paliwanag niya.
Magkasalungat na posibilidad at mga hinaharap
Naniniwala pa rin siya na “kaya ni Duterte na magpataw ng pasistang diktadura sa Pilipinas.”
“Inumpisahan na niya ang rehimen ng lagim subalit hindi niya kayang magtagal bilang pasistang diktador. Mas madali siyang ibagsak kay si Marcos. Ngayon pa lang malubha na ang krisis sa ekonomiya at pulitika na hinaharap niya; at lumalakas angarmadong pakikibaka at pakikibakang ligal (mga malalaking aksyong masa na puwedeng humantong sa isang panibagong pag-aalsang popular).”
Sa harap ng mga ito, sabi ni Prof. Sison, posibleng urungan ng pangulo ng Pilipinas ang kanyang ambisyong maging pasistang diktador at bumaling siya sa usapang pangkapayapaan para maisalba niya at magawa niyang makabuluhan ang kanyang term hanggang 2022.
Lalaki lamang umano ang posibilidad na ito kung hindi manlulubay ang mga makabayang mga pwersa sa paglaban sa mga antinasyonal, anti-demokratiko at anti-mamamayang mga patakaran ni Duterte.
Naniniwala siya na gumaganap at gaganap pa ng signipikanteng papel ang Russia, China, Japan, European Union, US, malalaking negosyante (lokal at dayuhan), malalaking pulitiko, Simbahan, masmidya, at “civil society” sa mga kasalukuyang pangyayari sa bansa.
“Subalit pinakamapagpasya ang pag-aalsa ng malawak na masa ng anakpawis at kabataan sa pagpapabagsak kay Duterre. Pinakamapagpasiya rin ang malawak na masa ng anakpawis at kabataan sa pagsuporta sa makatarungang kapayapaan kung magsisimula ang peace negotiations at magbunga ito ng mga komprehensibong kasunduan ng mga reporma sa lipunan, ekonomiya at at pulitika.”
“Malinaw na ang mga palantandaan ng panlipunan ligalig. Malamang mauuwi ito sa pag-aalsang popular na magpapabagsak sa rehimeng Duterte sa loob ng 2018-2019. Subalit nariyan pa rin ang opsyon ni Duterte na bitawan ang ambisyong maging pasistang diktador, urungan niya ang pagiging malupit at sakim at balikan ang usapang pangkapayapaan tungo sa makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng mga batayang reporma,” pagtataya ni Prof. Sison.