By J.V. Ayson –
ManilaToday.net » | Jul 27, 2017
[su_dropcap style=”flat”]T[/su_dropcap]inalakay ni Prof. Jose Maria Sison, sa kanyang kapasidad bilang founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) at chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang namamayaning tunguhing maka-kanan, anti-popular, at anti-nasyunalista sa loob ng gobyerno ni Presidente Duterte at mga konsekwensya nito para sa nagpapatuloy na paghahangad ng masa na magkaroon ng tunay na pagbabago sa bansang Pilipinas.
Nararamdaman ngayon ng masang Pilipino na walang pagbabago sa kanilang kalagayan sa ilalim ng isang pamumuno na bumabandila ng pangakong ‘tunay na pagbabago.’ Ang masakit pa rito, wala pa silang narinig na malinaw na komitment mula sa presidente sa kanyang ikalawang ulat sa bayan, ang State of the Nation Address niya noong Hulyo 24.
Nasaan ang pagbabago?
“Mula’t sapul, kahit na nag-appoint si Duterte ng tatlong makabayan at progresibo (Kaliwa) bilang kagawad ng gabinete niya, malayong nakakarami ang mga pusakal na Kanan sa Gabinete,” sabi ni Prof. Sison.
Ayon pa sa kanya, repleksyon ito ng maka-Kanang katangian ni Duterte bilang burukrata kapitalista.
“Pero sinubukan nating bigyan ng pagkakataon na magpatunay kung siya nga ba ay isang alyado batay sa pangangalandakan niyang siya ang unang Kaliwang presidente ng Pilipinas at sosyalista rin (gaya nina Hugo Chavez ng Venezuela at Fidel Castro ng Cuba); at batay sa pangako niyang palayain ang mga political prisoners at isulong ang peace negotiations,” paliwanag niya hinggil sa naging pangunahing basehan ng ‘pansamantalang alyansa’ sa pagitan ni Duterte at ng Kaliwa.
Ipinunto rin niya na galing sa uring malaking komprador-asendero na espesyalisado sa burukrata kapitalismo si Duterte.
Hindi na umano nakakapagtaka kung ang namamayaning direksyon at tunguhin niya ay maka-Kanan, anti-popular, at anti-nasyunal, na salungat na sa mga pangunahing pangako niya noong unang araw ng kanyang pag-upo sa estado poder.
“Halata siyang tuta ng US at reaksyonaryong pulitiko ayon sa kanyang katangian sa uri at dahil sa wala ni isang mayor na tratado ang binaklas niya para umpisahang alisin ang dominasyon ng US sa Pilipinas,” obserbasyon niya.
Aniya, napatunayan sa nakaraang taon ng kanyang pagiging presidente na siya ang nangunguna at namumuno sa panunupil, pandarahas ng estado, militarisasyon, at programang kontra-insurhensya.
“Naniniwala siya sa brute force bilang solusyon sa malalaking problema ng bansang Pilipinas, gaya ng ipinaparating ng drug war at ng pinagpapatuloy na pag-iral ng batas-militar at pambobomba sa Mindanao,” wika niya.
Tagumpay ba ang drug war?
Ayon kay Prof. Sison, palpak si Duterte sa kanyang madugong drug war.
“Primero sabi niyang 3 to 6 months lang tapos na ang problema. Hindi totoo. Humingi ng additional na 6 months,” puna niya sa kabiguan ng gobyerno na lutasin ang problema sa droga sa bansang ito.
Hindi umano natapos ang problema sa droga kundi lumala pati sa Bilibid na binabantayan ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP). Matapos nang muli ang 6 na buwan, hindi pa rin tapos ang gera kontra droga.
“Hindi nalulutas ang problema dahil pinapatay lang ni Duterte ang mahihirap na addict at maliliit na pusher. Pabor siya sa ilang drug lords at takot siyang manghuli o pumatay sa mga malaking protector sa antas ng mga gobernador at heneral,” ayon sa kanya.
Umaabot na sa 7,000 hanggang 12,000 ang tinatayang napapatay sa gera kontra droga. Kung sa pinakamaraming bilang na 12,000 na tinatantya, lumalabas may 1,000 napapatay kada buwan. Ang masmidya naman ay nagbawas na ng bilang ng napapatay alinsunod sa bilang ng PNP kung saan binabawas sa bilang ng mga namatay ang mga ‘death under investigation.’
“Sa loob ng Pilipinas at sa labas, umaalingawngaw na ang pagpuna at pagbatikos sa extrajudicial killings. Iba’t ibang grupo at personalidad, lalong-lalo na iyong mga mambabatas sa US at EU, ang bumabatikos sa extrajudicial killings at human rights violations.”
“Umaasta lamang na makabayan si Duterte para sanggain ang mga puna laban sa extrajudicial killings at maghanap ng dagdag na tulong at suhay mula sa Tsina at Rusya,” dagdag-puna niya.
Hindi umano matatakasan ni Duterte ang isyu ng pagpaslang 7,000 to 12,000 na mahihirap na drug users at pushers. Sa loob mismo ng Pilipinas, wika niya, sawang-sawa na ang maraming tao sa palpak na pormula ng mass murder para lutasin ang drug problem na hanggang ngayon hindi nalulutas.
Bagamat marami pang natatakot sa mga mahihirap na tahasang labanan ang gera kontra droga, karaniwan namang maririnig sa kanila na ang pinakahayag na pagbabagong nakikita at nararanasan nila sa ilang buwang panunungkulan ni Duterte ay ang pagkakawala at pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay, kapitbahay at kakilala.
Dutertenomics para sa malalaking oligarko
Ipinaliwanag naman ni Prof. Sison na patuloy ang patakarang neoliberal sa ekonomiya dahil sa tangan ng mga maka-US at mga kinatawan ng malalaking komprador ang mga susing posisyon sa ekonomiya at pinansya sa gabinete, tulad nina Dominguez, Pernia at Diokno.
Aniya, pinalalaki ang GDP (gross domestic product) sa pamamagitan ng pangungutang na pawang mga oligarko ang nakikinabang.
Ipinahayag niya na lumalala ang krisis at tumitindi ang ang karalitaan at kagutuman na nararanasan ng masang Pilipino sa kabila ng 10-puntong programang sosyo-ekonomiko ng gobyerno sa karatulang “Dutertenomics”, “Build, Build, Build”, at “Ginintuang Panahon ng Imprastrakturang Pilipino”.
Patataasin umano ang buwis mula sa middle class at mahihirap at mangungutang nang malaki mula sa labas para sa infrastructure building.
Dagdag pa niya, pagnanakawan ito nang malaki ng mga burukrata at malalaking komprador at haharangan nito ang pambansang industryalisisasyon at tunay na reporma sa lupa.
Boladas lamang umano ng ‘manggagantsong Duterte’ ang mga pangako tungkol sa pagtigil sa kontraktwalisasyon at labor export policy at tungkol sa repormang agraryo at pagkumpiska at pag-okupa ng masa sa mga lupa ng malalaking oligarko, at laban sa dambuhalang pagmimina para sa export , at maging sa matinding trapik sa Pambansang Kapitolyo.
Pagsira sa usapang pangkapayapaan
Ayon sa kanya, may kinalaman sa maka-Kanang tunguhin ng rehimeng Duterte sa pagkakansela sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng NDFP.
“Ayaw ng US at mga oligarko ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na gusto ng masang Pilipino at NDFP,”
Kung gayon, wika ni Prof. Sison, ang Government of the Philippines (GRP) mismo ang humaharang sa pag-uusap tungkol sa social and economic reforms at gustong ipauna ang protracted and indefinite ceasefire at martial law.
Sa loob ng CASER, isinusulong ang libreng pamamahagi ng lupa sa magsasaka, libreng irigasyon at iba pang suportang agrikultural para umunlad ang buhay ng mga magsasaka at maralita sa kanayunan na pinakamalaking bahagi pa rin ng populasyon ng Pilipinas at para magkaroon ng sapat na pagkain sa bayan sa halip na mag-angkat ng bigas at iba pang pagkain mula sa mga karatig-bansa. Isinusulong din sa CASER ang pagtatayo ng Pilipinas ng sariling mabibigat na industriya gaya ng bakal, enerhiya at makinarya para mailuwal ang iba pang industriya na magluluwal naman ng sariling kita at pondo ng bayan na ‘di lang mula sa utang, buwis o remittance ng mga overseas Filipino workers at para magkaroon ng sapat, produktibo at nakabubuhay na trabaho para sa mga Pilipino. Laman din ng CASER ang pagpapabuti sa kapakanan at pagtitiyak sa karapatan ng mga manggagawa at lahat ng naghahanapbuhay.
Sumasandig umano ang GRP sa pamumuno ni Duterte sa panunupil, pandarahas ng estado, militarisasyon, at programang kontra-insurhensya alinsunod sa pahayag niyang ‘ayaw na niyang makipag-usap sa NDFP’, ‘pag-aaksaya ng oras ang usapang pangkapayapaan’ at ‘trabaho niya ang i-bully at patayin ang mga kaaway ng estado’.
“Itong pagsira sa peace negotiations ang kanyang pinakamatinding pagkakamali, kasunod ang butangerong gawi niya: ang palpak na drug war at pagpataw ng batas-militar sa Mindanao.”
Bantang pagsupil sa rebolusyunaryong kilusan
Deretsahang winika ni Prof. Sison na hindi kayang talunin ni Duterte ang New People’s Army (NPA).
Aniya, ibayong mananalo ang NPA at buong kilusang rebolusyonaryo dahil sinira ng GRP ang peace negotiations na isang paraan sana na pagkasunduan ang mga repormang magbibigay-daan para alisin ang mga ugat-dahilan ng 50 taong armadong labanan sa bansang Pilipinas. Mapapadali paumano ang pagsulong ng digmang bayan.
“Makikita na overstretched at mahina na ang AFP, PNP at mga auxiliary forces nito dahil sa paglawak ng pakikibaka ng Bangsamoro.”
“Sinasabay ni Duterte na labanan ang Bangsamoro at mga pwersa ng NDFP. Tiyak na matatalo siya. Baka lamunin pa siya ng sarili niyang AFP kapag desperado na ito,” babala niya hinggil sa negatibong konsekwensya ng sabay-sabay na all-out-war laban sa NPA, Maute, at Abu Sayyaf.
Parang hindi umano batid ng presidente na hindi maaaring talunin at pahinain ang isang kilusan kung hindi naman mawawala ang mga kondisyon para sa paglakas at paglawak nito.
Sinang-ayunan niya ang obserbasyon na itinatakwil at ibinagbagsak ng masa ang mga estadong mapaniil at mapanupil tulad ng sinapit ng rehimen ni Batista ng Cuba, Somoza ng Nicaragua, ng mga military junta sa Brazil, Argentina, at Thailand, Chun Doo-Hwan ng Timog Korea, at maging ng pamumunong Marcos at Estrada dito sa bansang Pilipinas.
Mga hamon at hinahaharap: destabilisasyon, polarisasyon at pakikibaka
“Masdan mong mabuti na dadausdos nang mabilis ang rehimeng Duterte ngayong nalantad na siyang sinungaling at walang ikinaiba sa mga dating presidente. Mas masahol pa siya kay Marcos sa balak niyang patayin ang kilusang rebolusyonaryo sa kombinasyon ng martial rule at Tokhang style of mass murder,” sabi ni Prof. Sison.
Habang tinatapos ang sulating ito, nagbanta si Presidente Duterte na ipapa-dispers at ipapa-baril niya sa mga pulis ang mga progresibong grupo na magtatangkang magsagawa ng anumang aksyong masa laban sa kanyang mga pahayag at patakaran.
Ipinag-utos din ng presidente sa Philippine Air Force ang pagpapasabog sa mga ‘alternatibong paaralan’ ng mga Lumad sa Mindanao, dahil binabanggit ng mga military intelligence report na itinuturo umano sa mga paaralang iyon ang paglaban sa estado.
“Lalabanan ito ng ibayong malakas na digmang bayan at malawak na nagkakaisang hanay. Malayong mas malakas na ngayon ang pwersang rebolusyonaryo kaysa noong 1972,” wika ni Prof. Sison.
Ipinalagay niya na mahinang pinuno si Duterte.
“Siya mismo ang number one witness laban sa kanyang mga krimen. Puro pagpaslang ang solusyon niya sa mga problema at ipinagmamalaki pa niya ito.”
“Madali na siyang maging target ng destabilisasyon ng mga karibal niya sa loob mismo ng naghaharing sistema. Sinisikap niyang kunin at panatilihin ang suporta ng militar, pulisya, malalaking oligarko, at mga bulok na pulitiko, at sa gayon tumatahak ang kanyang gobyerno sa direksyong maka-kanan, anti-popular, at anti-nasyunal,” ayon sa kanya.
“Pero kapag siya ay masyado nang isolated at ineffective laban sa lumalakas na kilusang rebolusyonaryo, itatakwil siya ng US at ng oligarkya at iuurong ng mismong militar niya ang suporta sa kanya.”
Ayon sa kanya, mas katulad ni Duterte sa katangian sina Marcos at Estrada kaysa sa mga makabayang lider at martir gaya nina Mohammed Mossadegh ng Iran, Patrice Lumumba ng Zaire (ngayon ay Demokratikong Republika ng Congo), at Salvador Allende ng Chile.
Ang katulad umano ni Duterte sa labas ng bansa ay sina Idi Amin ng Uganda, Somoza ng Nicaragua, Pinochet ng Chile, Suharto ng Indonesia at iba pa.
Naniniwala siya na nag-umpisa na ang mabilis na polarisasyon ng mga pwersang pampulitika sa Pilipinas dahil sa imbing balak ng US-Duterte regime na monopolisahin ang kapangyarihan at supilin ang mga mga pwersang rebolusyunaryo at malawak na masa.
“Sa palagay ni Duterte, kaya niyang maging mas malakas pa kay Marcos sa pagkombina ng martial rule at mass murder methods ala Tokhang, paggawa ng charter charge sa ngalan ng pederalismo, pag-appoint ng mga baranggay official at paggamit ng pondo ng gobyeno para sa Kilusang Pagbabago ala KBL ni Marcos, bukod sa suporta ni Trump sa US at mga oligarko sa Pilipinas at mga kapwa niyang burukrata kapitalista.”
“Tugon naman ng pakikibakang legal ang pinaigting at pinalawak na mga kilos masa para himukin, organisahin at mobilisahin ang mas marami pang masa laban sa panibagong pasistang diktadura ni Duterte,” paliwanag ni Sison hinggil sa pangangailangan para sa mga aksyong masa.
Iigting at lalawak din umano ang digmang bayan alinsunod sa linya at programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Magpapalakas ang rebolusyonaryong Partido ng uring manggagawa, hukbong bayan, mga organisasyong masa at mga organo ng demokratikong kapangyarihan.
Ayon sa kanya, dadami ang mabilis ang pwersang susulpot para sumanib sa isang malapad na nagkakaisang hanay laban sa gobyernong sumasandig sa panunupil, pandarahas ng estado, militarisasyon, at programang kontra-rebolusyon.