By J.V. Ayson –
Source: ManilaToday.net » | May 16, 2017
Sinuri ng founding chairman ng Kabataang Makabayan at Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Maria Sison ang #OccupyBulacan o ang pag-ookupa ng mga kasapi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) sa mga abandonadong pabahay ng gobyerno sa mga bayan ng Pandi at San Jose del Monte sa Bulacan na nagsimula noong Marso 8, 2017.
Ayon sa kanya, prinsipyado at responsable ang KADAMAY.
Ipinaliwanag niya na makatarungan ang pag-occupy (pag-ookupa sa Filipino) ng mga miyembro nito sa mga abandonadong pabahay ng gobyerno sa Pandi at sa San Jose del Monte sa Bulacan.
“Makatuwiran ang pag-ookupa sa mga abandonadong pabahay. Kaya umurong si Duterte sa nauna niyang pagbabanta na gagamit siya ng pwersa para mapalayas ang mga nag-occupy,” pahayag ni Prof. Sison.
Ang mga nabanggit na pabahay sa Bulacan ay ayaw tirahan ng mga benepisyaryong sundalo at pulis dahil sa masahol na kalagayan ng mga pabahay–kawalan ng kuryente at tubig, kalayuan sa kalunsuran, at mababang kalidad ng istruktura ng mga pabahay.
Dagdag-paliwanag ni Prof. Sison, totoong sinasalamin ng #OccupyBulacan ang matinding krisis sa pabahay na dulot ng patakarang neoliberal sa ekonomya.
Aniya, sa Netherlands, may batas na kapag ang bahay o gusali ay abandonado na, puede nang i-occupy ito ng homeless.
“Matapobre at nilalait ng dominant media ang mga homeless na mga tamad at kung gayon mahirap ang mga walang bahay,” reaksyon niya sa coverage ng midya sa #OccupyBulacan.
Binigyang-diin pa niya na ang matinding anti-poor bias sa Philippine dominant media ay dahil sa ito umano ang bias na ipinalalaganap ng mga naghaharing uri sa eskwela nila at sa mismong masmidya na pag-aari nila.
Ayon sa kanya, “mabuti naman na mabisang sinalungat ng alternative media outlets na salungatin ang bias sa masang Pilipino bilang mga tamad, batugan, at kriminal.”
Sa katotohanan, sabi niya, mahirap ang karamihan ng Pilipino at masipag sila pero pinagsasamantalahan sila ng mga imperyalista, malalaking komprador at asendero at mga bulok na opisyal ng reaksyonaryong gobyerno.
Ang malaking bahagdan ng Philippine dominant media ay kontrolado ng malalaking negosyo at mayroon itong ginagampanang papel sa pag-uupat sa anti-poor bias at sa sentimyento ng ‘pakiwaring gitnang-uri’ sa kabila ng katotohanan na wala naman talagang gitnang-uri sa bansang Pilipino.
Pinayuhan ni Sison ang mga aktibista na magtiyaga sa pagpapaliwanag sa malawak na masa, pati ang mga panggitnang saray.
Aniya, mas madaling kumalat ang katotohanan, laluna kung kaugnay nito ng tumintinding krisis at palubhang pagsasamantala sa mga maralita.
Dagdag-payo niya, gamitin ang mga taktika at pamamaraan ng nagkakaisang hanay (united front).
Sinang-ayunan niya ang malungkot na katotohanan na karamihan sa mga maralitang tagalungsod ay mga dating magsasaka na napipilitang lumuwas sa kalunsuran dahil sa kawalan ng sariling lupa, kagutuman, kawalan ng disenteng hanapbuhay, at pagkabansot ng ekonomyang rural, pero lalong sumasahol ang kanilang sitwasyon pagdating nila sa kalunsuran dahil nasasadlak sila sa kanilang mga kapalarang walang kasiguraduhan.
“Pagdating naman dito, wala silang makuhang trabaho. Kung meron man, mabuway na kontraktwalisasyon at odd jobs sa hanay ng mga maralita ang nakukuha nilang trabaho. Atrasado ang ekonomiya, mataas ang desempleo at laganap ang karukhaan,” aniya.
Ayon sa kanya, sa pagdaan ng panahon, lalo pang sisidhi ang krisis dahil sa patuloy na neoliberal na patakaran sa pangunguna nina Finance Secretary Carlos Dominguez at National Economic and Development Authority Director-General Ernesto Pernia at kabuuan ng rehimeng Duterte.
“Tataas ang presyo ng mga batayang kalakal na kinokunsumo ng karaniwang tao, samantalang bumaba ang empleyo at kita nila,” babala niya hinggil sa mga epekto ng tumitinding krisis panlipunan para sa masang Pilipino.
Dagdag-abiso niya, mauuwi ito sa malawak na diskuntento ng masa at sa malubhang krisis ng rehimeng Duterte at buong naghaharing sistema.
Sinang-ayunan din ni Prof. Sison ang mga pag-angal ng mga cause-oriented groups na totoong nabibiktima ng madugong drug war ang mga maralitang tagalungsod at hindi ang mga drug lords na nasa mataas na antas, kabilang na ang malalaking negosyante, gobernador at heneral.
Natatakpan umano ang mas mahahalagang isyu ng karalitaan, kagutuman, at kawalan ng disenteng hanapbuhay at tinatakot ang mga maralita na huwag umalma dahil madali silang puksain sa pamamagitan ng terorismo ng estado at impunidad ng mga awtoridad sa paglabag sa mga karapatang tao.
Sa mahabang panahon, ani Sison nakikibaka ang mga maralitang tagalungsod sa Pilipinas para sa disenteng tirahan at hanapbuhay, libreng pabahay, katarungang panlipunan, at dignidad, basta may tamang pamumuno sa kanila sa pamamagitan ng paghikayat, pag-organisa at pagpapakilos.
Katuwang sila ng mga manggagawa sa pabrika na naninirahan sa mga komunidad ng mga maralita.
Binigyang-diin niya na malaki iyong Mayo 1 protestang masa dahil Kilusang Mayo Uno (KMU) at KADAMAY ang nagpakilos sa masa.
Ayon pa sa kanya, nanghinina ang kilusang masa sa kalunsuran kung kulang o wala ang pagkilos sa mga komunidad ng mga maralitang lungsod.
Kung hindi umano sila pakikilusin ng KADAMAY at iba pang makabayan at progresibong organisasyon, mga bulok na pulitiko at mga grupo at partido nila ang mangingibabaw sa mga komunidad ng mga maralita.
Muling ipinayo ni Sison na ibayong kumilos ang mga makabayan at progresibong organisasyong masa, mga pinuno nila at mga abanteng aktibista sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa maralitang lungsod sa harap ng mga hamon at hinaharap ng pakikibaka para sa disenteng tirahan, libreng pabahay, katarungang panlipunan, at dignidad sa gitna ng posibilidad ng isang matinding krisis sosyo-pulitikal, pakikibakang legal, armadong rebolusyon, reaksyon, at negosasyong pangkapayapaan.
“Ang panawagang Occupy ay nakakapagtulak sa mga protestang pagtitipon. Nakakatawag ito ng pansin ng sambayanang Pilipino. Ang ginawang kilos-Occupy sa Bulacan ay naging inspirasyon sa ‘Occupy Luisita’, ‘Occupy Lapanday’ at iba pa,” ayon sa kanya.
Ipinabatid ni Prof. Sison bilang pangwakas na namumuo ang malalakas na daluyong ng kilusang masa para sa katarungang panlipunan at dignidad.