Susing Talumpati sa Ika-Apat na Pangkalahatang Pagtitipon ng ILPS-Philippines
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples´ Struggle
27 Nobyembre 2017
Mga kasama at kaibigan!
Sa ngalan ng kabuan ng International League of Peoples’ Struggle, ikinagagalak ko na magbigay ng susing talumpati sa Ika-Apat na Pangkalahatang Pagtitipon ng ILPS-Philippines.
Tumpak ang inyong panawagan sa pagtitipon na ito na “Tibayan ang Hanay! Biguin ang Pasistang Atake ng Rehimeng US-Duterte. Palawakin ang paglaban sa imperyalismo sa buong daigdig!¨
Nakaharap ngayon ang sambayanang Pilipino sa isang terorista at pasistang kontrarebolusyon na nilunsad ni Duterte para sa imperyalismong US at mga kapwa niyang oligarko: malalaking komprador, asendero at burukrata kapitalista.
Gusto pang palitawin ni Duterte na ¨rebolusyonaryong gobyerno”ang kanyang kontrarebolusyonaryong gobyerno. Kaya naman nagpupuyos sa galit ang sambayanang Pilipino, gayundin ang mga mamamayan ng buong mundo sa pagsisinungaling at karahasan ng rehimeng US-Duterte.
Ang rehimeng ito ay pabor sa pagbase ng imperyalismong US sa Pilipinas at pagpihit sa Asya. Pabor sa pagbase ng mga pwersang militar ng US at mga transnayunal na korporasyon, sa mga dayuhang investors at ispekulador, at sa mga kakutsaba nilang malalaking komprador at malalaking panginoong maylupa.
Nandilat ang mga mata ni Trump sa pagbisita sa Pilipinas noong ASEAN at tinawag itong “prime piece of real estate” at “ideal military location”. “Perfect spot” sabi niya. Nagbigay ito ng mga mahigpit na utos kay Duterte. Ngayon nakikita kung paano sumusunod ang tuta sa kanyang amo.
Lalong pinatunayan ni Duterte ang sarili bilang traydor at sinungaling sa pangako niya ng pagbabago. Ayaw na niya ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines dahil daw mapapasubo siya sa ¨coalition government¨. Gusto niya lang gera at pagpapasuko ng mga pwersang rebolusyonaryo at sambayanan sa kanyang kataksilan.
Hindi nasasapul ni Duterte na alinsunod sa The Hague Joint Declaration ang usapang pangkapayapaan ay pinapatnubayan ng pambansang kasarinlan, demokrasya at hustisya sosyal at may layuning gumawa ng mga kasunduan sa mga repormang sosyal, ekonomiko, pulitikal at konstitusyonal bilang batayan ng makatarungan at matagalang kapayapaaan.
Kinansela ni Duterte ang usapang pangkapayapaan apat na araw makaraang magkapirmahan ang mga Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms ng magkabilang panig. Binalewala at sinalungat niya ang substansyal na kasunduan ukol sa repormang agraryo at pag-unlad ng kanayunan gayundin ang pambansang industriyalisasyon at pagpapaunlad sa ekonomiya.
Lalong ibabaon ng rehimeng US-Duterte ang masang Pilipino sa kumunoy ng kahirapan at kaapihan. Pag-iibayuhin ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang anakpawis. Alam na ni Duterte na lalagablab ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino at gusto niyang unahan ito sa pamamagitan ng terorismo ng estado.
Ipinahayag niyang paulit-ulit na sisiraan niya ang mga pwersang rebolusyonaryo at mga legal demokratikonbg pwersa sa pagbansag sa kanila na mga ¨terorista¨ para supilin sila sa pamamagitan ng maramihang pag-aresto, pagdukot, pagtortyur at maramihang pagpaslang ala Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel. Sinabi pa ni Duterte na sunod siya sa US sa pagbansag sa CPP at NPA. At tinanggap niya rin na siya ay pasista at Amboy.
Masamang hayop si Duterte. Kaya niyang ipapatay ang halos 15,000 na pinaghinalaang durugista na umano’y “nanlaban”, kaya niyang bombahin at ipasakop ng militar ang mga komunidad at kaya niyang durugin at pulbusin ng bomba ang buong syudad ng Marawi. Pero hindi niya kailanman mapipigil ang makatarungang paglaban ng mamamayan na nagsasagawa ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan.
Tulad ni Marcos na kanyang idolo, tangay si Duterte ng kanyang kasakiman sa kapangyarihan at kayamanan. Hindi niya tuloy maisip na lalong lumakas ang kilusang rebolusyonaryo dahil sa pasistang diktadura ni Marcos. Mas mabilis pang lalakas ang armadong rebolusyon laban sa pasistang diktadura ngayon pang napakatindi na ang palagiang krisis ng malakolonial at malapyudal na sistema ng Pilipinas at malayong mas makaranasan at mas malakas na ang mga pwersang rebolusyonaryo kaysa noong 1972.
Isa pang malaking dahilan kung ayaw na ni Duterte ang usapang pangkapayapaan. Ayaw niyang pag-usapan ang mga kinakailangang pulitikal at konstitutsyonal na reporma. Ayaw niyang masuri ng dalawang panig kung ano ba ang pederalismo na gusto ni Duterte. Lumilitaw ngayon na gustong solohin ni Duterte kung anong klase ng pederalismo o kunwaring pederalismo na nais niyang ipataw sa Pilipinas.
Gusto niyang tularan si Marcos na nagkunwaring siya´y para sa parlamentarismo upang baklasin ang1936 Constitution at magtayo ng pasistang diktadura. Ginagamit din ni Duterte ang pakunwaring pederalismo para ipataw ang pasistang diktadura sa bayan. Gustong baklasin ni Duterte ang Saligang Batas ng 1987 para ipataw ang isang pseudo-federalism na naglalaman ng mga sumusunod:
- labis-labis na sentralisasyon ng kapangyarihan sa isang unitaryong presidente o diktador sa ibabaw ng mga gobyernong rehyonal;
- pagpapanitili ng mga dinastiya at warlordismo sa lahat ng antas;
3.pagpapalubha ng korupsyon at karahasan sa lahat ng antas; - pagpapawalang bisa sa mga nationality requirement o restriksyon sa foreign investments at pagsira sa economikong soberanya at pambansang patrimonya;
- paglustay ng rekurso na dapat ilaan para sa industryal na kaunlaran sa ekonomya sa ilalim ng pagpaplano sa pambansa at panrehyong antas;
- sobrang gastos para sa pagtatayo ng rehyonal na antas ng gobyerno:
- pagpapalaki ng reakyonaryong hukbo at pulis para supilin ang masang anakpawis at mga karapatang demokratiko; at
- pag-uudyok ng paghiwalay o separatismo ng ilang rehyon laluna sa Mindanao.
Ipaubaya ko na sa ibang kasama ang pagtutuon at pagpapalawig sa tungkuling labanan ang imperyalismo sa buong daigdig. Nais ko lang diinan na matatag na haligi ngayon ang ILPS para sa anti-imperyalista at demokratikong pakikibakang ito at gumaganap ang ILPS-Philippines ng mahalagang papel at nag-aambag ng malaki sa pakikibakang ito.
Kailangang isanib ang anti-pasistang paglaban sa anti-imperyalistang pakikibaka at ikawing din ito sa anti-pyudal na pakikibaka. Kailangan ang anti-imperyalistang pakikibaka dahil sa tagasulsol at tagasuhay ang imperyalismong US sa pasismo. Kailangan din ang antipyudal na pakikibaka dahil sa paraang ito nabubuo ang mapagpasyang pwersa para ipanalo ang demokratikong rebolusyon.
Kaalinsabay, tungkulin natin na buuin ang pinakamalawak na nagkakaisang hanay para ihiwalay at ibagsak ang rehimeng US-Duterte sa pinakamadaling panahon. Hindi ito haluan lamang ng Dilaw at Pula tulad ng ikinababangungot ni Duterte. May mahalagang papel din ang mga kontra-Duterte sa loob ng reaksyonaryong gobyerno at sandatahang lakas nito para itakwil at patalsikin si Duterte.
May kumpyansa ang mga rebolusyonaryo at mga legal na demokratikong pwersa na sa bawat pakikibaka laban sa imperyalismo at mga reaksyonnaryong alipuris nito, lalo lamang titingkad ang pagka-Pula sa pakikibaka ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Maningning ang ating kasaysayan, kasalukuyan at hinaharap dahil sa ating pakikibaka. Dahil sa ating pakikibaka, magbubukang-liwayway para sa ganap na kalayaan, demokrasya at sosyalistang kinabukasan!
Tama si Lenin sa pagsusuring nabubulok at naghihingalo ang sistema ng imperyalismo. Bisperas ito ng proletaryong rebolusyon!
Mabuhay ang ILPS-Philippines!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang internasyonal na solidaridad!