Makipamuhay at makibaka kasama ng masang magbubukid upang labanan ang tiranyang Duterte
Mensahe sa ika-4 na Konggreso ng NNARA-Youth
Ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Nobyembre 24, 2018
Mahal na kapwa mga aktibista,
Kami, ang International League of Peoples’ Struggle (ILPS), ay nagpapaabot ng aming pinakamainit na pagbati ng pakikiisa sa National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA-Youth) sa okasyon ng ika-4 na Konggreso nito. Pinupuri namin ang NNARA-Youth bilang pinakatampok na samahan ng mga edukadong kabataan na inilalaan ang kanilang sarili sa paglilingkod sa masang magbubukid.
Isinasagawa ninyo ang inyong Konggreso sa gitna ng sumusulong at lumalawak na kilusan ng kabataan, magsasaka at sambayanan laban sa lumalalang kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantala ng tiranikong rehimeng US-Duterte. Tumpak at napapanahon ang inyong tema: Makipamuhay, Makibaka! Kabataan, Pahigpitin ang pakikipagkapitbisig sa mga magbubukid!
Kami’y sumasaludo sa inyong mga naipong tagumpay at sa inyong determinasyon at tapang upang ibayong sumulong sa pamamagitan ng pakikipagkapitbisig sa mga magbubukid at makibaka laban sa rehimen na pumaslang na ng 170 magbubukid upang maghasik ng lagim sa hanay ng mga magbubukid na nakikibaka para sa reporma sa lupa. Nagbabanta ang rehimen na pumatay ng marami pang magbubukid sa ilalim ng Oplan Kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapakita sa Oplan Tokhang na kaya nitong pumatay ng libu-libo nang labas sa batas (sa paraang EJK).
Ang reaksyunaryong hukbo ay nanghihimasok sa mga komunidad sa kanayunan at inookupa ang mga gusaling sibilyan tulad ng mga barangay hall, eskwelahan at klinika. Dumaraming mga magbubukid ang sapilitang pinasusuko bilang mga ‘rebelde” o “terorista” at inilalagay sa listahan ng mga susunod na paparusahan, kabilang na ang pagpaslang.
Ang mga komunidad ng mga magbubukid at pambansang minorya ay binobomba, ang pagbomba at pagwasak sa Marawi ang pangunahing halimbawa ng kasamaan ng kaaway laban sa mamamayan. Libu-libo ang sapilitang napalikas sa kanilang mga tahanan at lupain. Ang mga magbubukid na nagsasagawa ng bungkalan o kolektibong pagsasaka ay pinupuntirya ng atake.
Ang Sagay Massacre ng 9 na magbubukid ay ang pinakabago sa 13 dokumentadong masaker ng mga magbubukid. Di maiiwasan na sa mga masaker ng mga magbubukid ay napapatay ang mga kabataang magbubukid tulad nina Joselito Pasaporte, Obillo Bay-ao, ang pitong magbubukid na Lumad sa Patikul at ang dalawang manggagawang-bukid sa Sagay Massacre.
Ang karamihan ng paglabag sa karapatang tao ay nangyayari sa MIndanao kung saan ang batas militar ay pormal na nakapataw samantalang ang de facto (aktwal) batas militar ay nakapataw naman sa ibang bahagi ng bansa at ginagamit upang labagin ang karapatang tao ng masang magbubukid. Makaaasa pa tayo ng mas maraming kalupitan mula sa rehimeng Duterte sa oras na ideklara nito ang batas militar sa buong bansa at ipataw ang lantarang pasistang diktadura sa mamamayan.
Sa halip na gawaran ng amnestiya at palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal na ipinangako ni Duterte sa NDFP noong Mayo 16, 2016, pinarami pa niya ang mga bilanggong pulitikal sa mahigit 500. Nagbabanta siyang arestuhin ang mas marami pa sa pagiimbento ng sabwatang “Red October” at iba pang kathang isip na mga sabwatan sa kanyang pakana na supilin ang mga ligal na aktibistang masa, ideklara ang batas militar sa buong bansa, kontrolin ang resulta ng eleksyon sa Mayo 2019 at ipatupad ang pagbabago ng saligang batas para sa isang pekeng pederalismo na magsisilbing pantabing sa isang ganap na pasistang diktadura.
Habang isinasagawa ang malawakang pamamaslang at lansakang paglabag sa mga karapatan ng mamamayan, ang ekonomya ay mabilis na dumadausdos dahil sa walang habas na pagpapataas ng excise taxes, na nagreresulta sa paghirit ng presyo ng mga kalakal at serbisyo sa kapinsalaan ng mamamayan na dati nang binabayo ng malawak na kahirapan, kawalan ng trabaho at mababang kita.
Pinalaki ng rehimen ang kita mula sa buwis at nagtipid sa mga serbisyong panlipunan upang ibuhos naman ang pondong publiko sa mga tauhan, kagamitan at operasyong militar at pulis at sa mga proyektong imprastruktura na pinalobo ang presyo na siyang gumagatong sa korupsyon ng mga pinapaborang opisyal ehekutibo at myembro ng Konggreso.
Ang krisis sa pagkain ay labis na lumala. Pinayagan ng rehimeng Duterte ang kartel sa bigas na kontrolin ang pagbili ng lokal na bigas at pagpuslit ng bigas mula sa labas ng bansa, manipulahin ang presyo upang itaas ang tubo na nagreresulta sa pag-uk-ok at pagsira sa lokal na produksyon sa kapinsalaan ng masang magbubukid at mamamayan. Ang walang-humpay na pagtaas ng presyo ng langis ay nagbubunga rin ng implasyon ng presyo ng lahat ng batayang pangangailangan.
Ang produksyon ng pagkain ay napipinsala ng paglalalaan ng lupain para sa mga proyektong imprastruktura, operasyong komersyal, espekulasyon sa real estate, mga pagtotroso, mga plantasyon para sa produktong pang-eksport at pagmimina. Milyong magbubukid at pambansang minorya ang pinalilikas para sa ganitong mga layunin.
Ang Free Tertiary Education Act ay isang panlalansi para paboran ang mga pribadong unibersidad habang ang pondo ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo ay limitado. Samantala, milyong mga estudyante na nakatapos ng K-12 ay walang mahanap na trabaho sa kabila ng pangako na kagyat silang maeempleyo matapos ang dalawang taong karagdagang pananatili sa eskwela.
Sa maagang panahon ng kanyang paghahari, ipinagyabang ni Duterte na kanyang ipatutupad ang isang independyenteng patakarang panlabas. Lumalabas na pinananatili niya ang lahat ng tratado, kasunduan at kaayusan na tumitiyak sa pang-ekonomya, pampulitika at pangmilitar na dominasyon ng US sa Pilipinas at gustong gawing dagdag na imperyalistang amo ang Tsina para makakuha ng pautang na mataas ang tantos ng interes para sa mga proyektong imprastrukturang magastos kapalit ng soberanong karapatan ng mamamayang Pilipino sa langis, gas at ibang likas na yaman sa ilalim ng West Philippine Sea.
Patuloy na kontrolado ng US ang indoktrinasyon, treyning, paglilikom ng paniktik at suplay ng armas sa papet na hukbo at pulisya. Ibinukas ng rehimeng Trump sa rehimeng Duterte ang suplay ng sandata sa ilalim ng Oplan Pacific Eagle-Philippines upang ikutan ang pagsubaybay ng Konggreso ng US at mga restriksyon sa mga bansang lumalabag sa karapatang tao.
Kinamumuhian ng malawak na masa ng sambayanan ang rehimeng Duterte sa traydor, malupit, korap at mapagsamantalang katangian nito. Pinalalakas nila kung gayon ang kanilang paglaban. Ang masang magbubukid ang pangunahing base para sa ligal na demokratikong kilusan gayundin sa rebolusyonaryong armadong paglaban. Kapag napukaw, naorganisa at napakilos, sila ay isang dambuhalang pwersa di lamang upang ibagsak ang rehimeng Duterte kundi maging ang buong naghaharing sistema.
Sa kalunsuran, ang isang malawak na nagkakaisang prente ng mga makabayan at progresibong pwersa ay lumalaban sa tiranyang Duterte at sa pakanang pasistang diktadura sa pamamagitan ng batas militar at pagbabago ng saligang batas para sa pekeng pederalismo. Ang mga kabataan at estudyante ay nasa unahan ng mga aksyong masa upang tutulan ang umiigting na pang-aapi at pagsasamantala at upang igiit ang pambansa at panlipunang paglaya.
Napakahalaga para sa kabataang estudyante na makipamuhay sa masang magbubukid at ibang anakpawis. Matututunan ninyo ang kanilang mga pangangailangan, hinaing at pangarap. Sa gayon hindi kayo malalansi ng mga teorya at konsepto na sumusuhay sa imperyalismo at naghaharing sistema at maisasagawa ninyo nang mas epektibo ang inyong gawaing masa. Pinupuri namin kayo sa pagtahak ng landas ng pakikipamuhay at pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya sa hanay ng masang magbubukid.
Ninanais namin ang inyong ibayong tagumpay sa kondukta ng inyong Konggreso upang ikonsolida ang pagkakaisa at kahandaan ng NNARA-Youth na palalimin ang tuwirang partisipasyon sa pakikibakang magbubukid at palawakin ang suporta para sa masang magbubukid.
May kumpyansa kaming makakamit ninyo ang mga layunin ng Konggresong ito: palakasin ang pagkakaisa ng inyong mga balangay sa pagsusuri sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa at tumugon sa mga hamon sa organisado at malawak na hanay ng kabataan at mamamayang Pilipino, maglingkod at matuto mula sa karanasan ng ibat-ibang balangay sa pagpapatupad ng mga tungkulin at pagharap sa mga problema, at mapangahas na magbalangkas ng 3-taong plano, magbuo ng mga kongkretong resolusyon at maghalal ng isang sanay at militanteng pambansang komiteng tagapagpaganap.
Mabuhay ang NNARA-Youth! Makipamuhay at kumilos sa hanay ng masang magbubukid!
Mabuhay ang masang magbubukid! Isulong ang kilusang bungkalan at ang laban para sa reporma sa lupa!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Higit pang mga tagumpay sa pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya!