Please click here to view video https://www.facebook.com/kilusangmayouno/videos/1865937403680515/
Mensahe sa Kilusang Mayo Uno, Mga Manggagawa at Ibang Mamamayan
sa Protestang Masa sa Pandaigdigang Araw ng Manggagawa 2017
Ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Mayo 1, 2017
Bilang Tagapangulo ng International Coordinating Committee, ipinapaabot ko ang pinakamainit na pagbati ng International League of Peoples’ Struggle sa ating pinagpipitagang myembrong organisasyong Kilusang Mayo Uno at lahat ng manggagawa at mamamayan sa inyong protestang masa na gumugunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Ating ikinagagalak na sa araw na ito ay inyo ring ipinagdiriwang ang papalapit na ika-100 anibersaryo ng Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre. Pinili ng ILPS ang Pilipinas bilang lunsaran ng pandaigdigang kampanaya upang ipagdiwang ang Rebolusyong Oktubre sa pamamagitan na sari-saring aktibidad hanggang Nobyembre 7.
Sumasang-ayon at sumusuporta kami sa inyong tema: “Manggagawa at lahat ng masang anakpawis, magkaisa! Isulong ang pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba!” Wasto na magtuon ang inyong protesta sa paglaban sa papatinding imperyalistang atakeng neoliberal sa mga manggagawa at buong mamamayan. Sumasang-ayon kami sa inyong mga mahigpit na panawagan sa pagpapatigil ng “kontraktwalisasyon”, pagpapatupad ng pambansang minimum na sahod, libreng pabahay publiko, libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at makatarungan at matagalang kapayapaan na bunga ng paglutas sa mga ugat ng kasalukuyang gera sibil sa pamamagitan ng mga batayang repormang panlipunan, ekonomiko, pulitikal at konstitusyonal.
Kayo ay may kumprehensibo at malalim na pag-unawa sa mga problema ng isang malakolonyal at malapyudal na sistemang pinaghaharian ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista na sunudsunuran sa imperyalismong US. Nagagalak kami na inyong ginagamit ang karapatan sa pagtitipon upang ilahad ang inyong mga karaingan at kahilingan. Kapag may koalisyon o alyansa sa isang partikular na administrasyon, kailangan may pagkakaisa at pakikitunggali sa hanay ng magkakaalyado para makamit ang pambansang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, kaunlarang pang-ekonomya at anumang layunin na naglilingkod sa mamamayan. Mas mahigpit ang pangangailangan sa kalayaan, inisyatiba at pagmamatyag sa bahagi ng pambansa demokraikong kilusan kapag ito ay nahaharap sa isang “inklusibong” administrasyon na halong Kaliwa, Sentro at Kanan. na inilalatag pa ang sarili at kung gayon ay urong-sulong ang mga pusisyon at aksyon sa mga usapin.
Ang imperyalismong US ang pangunahing instigador ng neoliberal na patakaran sa ekonomya sa pandaigdigang saklaw. Ayon sa baluktot na lohika ng patakarang ito mapapasigla ang produksyon at empleyo sa pamamagitan ng pagbibigay-laya sa mga kapitalista na magkamal ng tubo at maglikom ng kapital para sa muling pamumuhunan sa pamamagitan ng pagpapababa ng pasahod, pagbabawas ng mga serbisyong panlipunan, pagbabawas ng buwis sa mga korporasyon at personal na buwis sa kita ng mayayaman, liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, pribatisasyon ng ari-ariang publiko, pag-alis sa mga regulasyon na nagbibigay proteksyon sa manggagawa, kababaihan, kabataan at sa kalikasan at sumisira sa pambansang ekonomya ng mga atrasadong bayan.
Sa pagmamaksimisa ng tubo sa pamamagitan ng pagmiminimisa ng sahod ng manggagawa, nililikha ng uring kapitalista ang krisis ng labis na produksyon. Kumikitid ang palengke dahil humihina ang kakayahang bumili ng masa ng manggagawa at ibang mamamayan bilang konsyumer. Sa ilalim ng patakarang neoliberal, ang gubyerno at mga pinapaboran nitong korporasyon ay nakakaraos sa krisis pang-ekonomya sa pamamagitan ng pagpapasasa sa pondong pampubliko at pautang nang parang walang hangganan. Dahil dito, paulit-ulit, lumalala at tumatagal ang pang-ekonomya at pampinansyang krisis tulad ng pandaigdigang depresyon na nagsimula sa “mortgage meltdown” sa US at ibang mauunlad na bayan noong 2007-2008.
Ang mga pang-ekonomya at pampinansyang krisis ay nagbubunsod ng mga protestang masa at nagpapaigting sa makauring tunggalian sa pagitan ng proletaryado at monopolyong burgesya. Ang mga rebolusyonaryong partido at unyon ng manggagawa ay inilalantad ang ugat ng krisis sa sistema ng pagsasamantala. Subalit nagpapakana ng sari-saring propaganda ang malaking burgesya upang pagtakpan ang kanyang kasalanan. Ang pinakamasahol ay ginagamit nito ang terorismo ng estado upang supilin ang kilusang antiimperyalista at demokratiko, pinasisigla ang produksyong pandigma upang itaas ang GDP at inilulunsad ang mga gerang agresyon upang magpalit at mag-imbak ng mga sandata.
Ang US at mga alyado nito sa NATO ang tinutukoy natin dito. Sila ay pumapatay at pumipinsala sa milyun-milyong mamamayan, sumisira sa kabuhayan at panlipunang imprastruktura at nagpapalikas sa milyun-milyong mamamayan sa sunud-sunod na mga bayan. At kapag ang mga nagsilikas ay dumagsa sa Europa bunga ng mga gerang agresyon, sila ay tinatanggihan na bigyan ng kanlungan ng mga gubyernong Europeo at mga partidong ultra-reaksyunoaryo. Ang US na siyang numero unong dahilan ng mga gerang agresyon at pagpapalikas sa mamamayan ang siyang pinakamaramot sa pagtaggap ng mga nagsilikas at nagpapatupad ng malupit na mga hakbangin hindi lamang laban sa kanila kundi pati sa mga bagong imigrante. Ang superterorista na nagpapasabog at nagbabanta ng pagpapasabog ng superlaking mga bomba ang siya ring nagpapakalat ng takot tungkol sa banta ng mga teroristang grupo o selula (na kadalasan ay likha ng mga ahensyang paniktik ng US) upang ipatanggap ang kanyang terorismong pang-estado.
Ang estratehikong pagdausdos ng US ay bumibilis dahil sa malaking pinsala ng paulit-ulit na pang-ekonomya at pampinansyang krisis at gerang agresyon nito. Namamalas na ang mga manipestasyon ng umiigting na makauring tunggalian sa pagitan ng paggawa at kapital sa US kahit na ito ay relatibong napapahupa dahil sa konsiderable pa nitong lakas sa ekonomya at militar. Ang US ay pinakamumuhian sa hanay ng mga mamamayan sa mga aping bayan. Ang pagdagdag ng Tsina at Rusya sa hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan ay nagpatindi sa mga inter-imperyalistang kontradiksyon at udyok sa muling paghahati ng daigdig. Samantala, dumausdos na ang US mula sa rurok nito bilang nagsosolong superpower at kailangan niyang harapin ang isang multipolar na daigdig.
Ang mga manggagawa at aping mamamayan at bansa ang nagdaranas ng pinamatinding hirap sa mga kundisyon ng krisis at depresyon, pagpapatindi ng pagsasamantala at pang-aapi, terorismo ng estado at gerang agresyon. Upang matigil ang kanilang kahirapan at maghangad ng mas mabuti at maaliwalas na hinaharap, kailangan silang maglunsad ng iba’t ibang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang mga manggagawa ng buong daigdig ay dapat magkaisa at magbuo ng mga rebolusyonaryong unyon ng manggagawa at partido ng kanilang uri upang maglunsad ng makauring pakikibaka laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon at mamuno sa antiimperyalista at demokratikong pakikibaka ng malawak na masa ng mamamayan. Ang makauring pakikibaka ay dapat makoordina sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mga aping mamamayan at bansa para sa pambansa at panlipunang paglaya sa isang komun na pagsisikap na likhain ang mga kundisyon para sa isang sosyalistang hinaharap.
Mabuhay ang Kilusang Mayo Uno!
Mabuhay ang proletaryado at sambayanang Pilipino!
Labanan ang imperyalismong US at mga alipores nito!
Isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon na may perspektibang sosyalista!
Mabuhay ang pamana ng Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre!
Isulong ang pandaigigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon!