Home Writings Messages Mensahe ng pakikiisa sa Gabriela-NCR

Mensahe ng pakikiisa sa Gabriela-NCR

0
Mensahe ng pakikiisa sa Gabriela-NCR

Ni Jose Maria Sison
Chairperson Emeritus
International League of Peoples’ Struggle
Nobyembre 22, 2020

Maalab na makabayang pagbati sa pamunuan at kasapian ng Gabriela NCR sa okasyon ng panrehiyong kongreso ngayong araw. Sumasaludo ako sa inyo dahil sa inyong mga tagumpay sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kababaihan sa inyong rehiyon ayon sa pangkalahatang linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismo at mga lokal na reaksyonaryong uri..

Pagkakataon ang inyong kongreso upang lagumin ang inyong karanasan, konsolidahin ang inyong hanay batay sa mga tagumpay at pagsasaayos sa mga kahinaan; at itakda ang mga bagong tungkulin upang ibayong lumakas at lumawak ang inyong organisasyon sa hanay ng mga makabayan at demokratikong pwersa ng sambayanang Pilipino.

Wasto at napapanahon ang tema ng inyong kongreso: “Isulong ang interes ng kababaihang anakpawis at sumanib sa pakikibaka ng mamamayan laban sa pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte”. Si Duterte ngayon ang pinakabrutal na tuta ng mga imperyalista at pangunahing burukrata kapitalista na nangangatawan sa mga mapagsamantalang uri ng mga malaking komprador at asendero sa ating bayan.

Bago pa man lumaganap ang pandemyang Covid-19 at mangyari ang mga bagyo at baha, malubha na ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema dahil sa mga panloob na dahilan, mga epekto ng krisis ng global na sistemang kapitalista at mga anti-mamamayang patakaran at aksyon ng tirano, taksil, berdugo, mandarambong at manggagantsong rehimen ni Duterte.

Lalo pang sumidhi ang krisis ng naghaharing sistema sa pagpapabaya ni Duterte na kumalat ang pandemya magmula Enero hanggang Marso dahil sa pinapasok ang higit sa 500,000 Tsinong turista at nang ipataw na ang lockdown magmula Marso ay ginawa itong pagkakataon ng gang ni Duterte na magnakaw ng 590 billion piso ng ipinangakong panggastos sa medical testing, treatment at ayuda sa mga nawalan ng hanapbuhay.

Sa takbo ng pandemya, nailantad ang katotohanan na salat o wala ang sistemang sosyal para sa kalusugan ng publiko at nalulustay ang pondo ng bayan sa korupsyon ng mga matataas na opisyal at sa mabilis na pagpapalaki ng gastos para sa militar. Sabi nga ng halimaw na Duterte na pinapakain niya ng pera ang mga opisyal ng militar para ikorap sila at gawing utu-uto sa pagpataw ng pasismo o terorismo ng estado sa bayan.

Dumagdag ang malalakas na bagyo at malalaking baha na puminsala sa buhay, mga tahanan at pananim ng milyun-milyong mamamayan. Nalantad ang katotohanan na walang kahandaan at sapat na pondo at kagamitan ang reakyonaryong gobyerno para sa pagtulong at rehabilitasyon sa masa dahil sa kalamidad.

Malubha ang kalamidad dahil sa matagal na pandarambong ng mga korporasyon at mga burukrata kapitalista sa trosohan, minahan, plantasyon at mga subdibisyon sa mga gubat. Gumaganti lamang ang kalikasan. At abangan natin ang paglawak at pagtindi ng gutom dahil sa malaking pinsala sa agrikultura. Lalong nabangkarote at lubog sa utang kung patuloy ang neoliberal na pag-angkat ng bigas at ibang pagkain.

Sa palagay ng buang na Duterte na lagi niyang magagamit ang krisis para magpataw ng terorismo ng estado sa bayan at makapagnakaw nang walang limitasyon tulad ng idolo niyang Marcos. Nalilimutan niya na bumagsak itong naunang halimaw. Bulag siya sa katotohanan na ang krisis at kanyang rehimen ng terorismo at kasakiman ay mga paborableng kondisyon na nagtutulak sa sambayanang Pilipino na tumahak sa landas ng armadong rebolusyon para sa pambansang paglaya at demokrasya.

Bunga ng krisis at kasamaan ng rehimeng Duterte, nagdaranas ngayon ang sambayanang Pilipino ng labis-labis na pang-aapi at pagsasamantala. Batay sa pagnanais ng mga mamamayan na makalaya sa kahirapan at kagipitan, paborable ang kalagayan para sa pagsulong, paglakas at paglawak ng mga makabayan at demokratikong pwersa tulad ng Gabriela. Tiyak na babalikwas ang malawak na masa sa mga darating na linggo, buwan at taon hanggang mapanagot ang mga berdugo at mga magnanakaw na naghahari sa ating bayan ngayon.

Makakaganap kayo ng mahalaga at masusing papel sa lumalakas na nagkakaisang hanay at kilusan para sa pagpapatalsik sa imbing regimen ni Duterte at sa pagsulong ng masa sa daan ng pambansang paglaya at demokrasya laban sa imperyalismo at mga lokal mapagsamantalang uri. Pangunahing magbatay sa lakas ng mga uring anakpawis, himukin ang panggitnang saray at pakinabangan ang bangayan ng mga reaksyonaryong pwersa.

Mabuhay ang Gabriela NCR at kababaihan!
Mabuhay ang kilusang pambansa-demokratiko!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.