Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Abril 26-27, 2010
Sa ngalan ng International League of Peoples’ Struggle, malugod akong nagpapaabot ng pakikiisa sa lahat ng maralita sa kanayunan ng Timog Katagalugan at sa lahat ng kanilang organisasyong kalahok sa kumperensiyang tinaguriang All-Rural Poor Summit in Southern Tagalog. Taos puso naming binabati ang lahat na delegado at mga panauhin.
Kaugnay ng mabisang paghahanda ng kumperensiya, pinupuri namin ang makinaryang pinangunahan ng KASAMA-TK at Farmers Institute for Southern Tagalog (FIRST) atkatulong nilang mga institusyon at organisasyon. Hinahangaan namin ang masigasig na pagtutulungan ng KASAMA-TK, LUMABAN-TK, PAMALAKAYA-TK, BALATIK, SUMAMAKA-TK, Friends of the Rural Poor, PALAY, MASIPAG, RMP-AMRSP, CRA, DEFEND-ST, SENTRA at iba pang entidad.
Napapanahon at napakahalaga ang tema ng kumperensiya: Paigtingin ang Pagkakaisa! Itaguyod and Adyenda ng Maralita sa Kanayunan para sa Tunay na Reporma sa Lupa! Malaki ang aming tiwala na mabubuo ninyo ang adyenda at maitatakda ninyo ang mga pangmatagalan at kagyat na tungkulin batay sa pagsusuri ninyo sa kasaysayan at kalagayan hinggil sa problema sa lupa at sa karanasan sa pakikibaka ng mga maralita sa kanayunan.
Sa buong kasaysayan ng malakolonyal at malapiyudal na lipunan, walang humpay ang pangangamkan-lupang mga panginoong maylupa at pagsasamantala at pang-aapi nila sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Ipinapataw nila ang malaking upa sa lupa at mataas na interes sa pautang, binabarat ang pasahod sa mga manggagawang bukid, binababaan ang presyo ng mga binibili mula sa mga magsasaka at pinatataas ang presyo ng mga ibinebenta sa kanila.
Dahil sa matinding pagsasamantala at pang-aapi sa kanila, lumalaban ang mga maralita ng kanayunan sa mga panginoong maylupa at sa buong naghaharing sistema. Madugong panunupil sa pamamagitan ng mga militar, pulis, paramilitar at pribadong armado at paggamit ng panlinlang sa anyo ng mga huwad na reporma sa lupa ang laging nagiging tugon ng mga naghaharing uri.
Sa pagdaan ng panahon, nagiging mas tuso at masahol ang mga pakunwaring reporma sa lupa ng mga naghaharing uri. Sa panahon ni Macapagal, ipinangalandakan na tatapusin na ang buong sistema ng pakikikasama sa palayan at maisan, subalit marami ang butas sa batas para makaiwas dito ang mga panginoong maylupa. Sa panahon ni Marcos, dumami pa ang butas sa batas at nagsabwatan ang mga burukrata at mga asendero para pataasin ang halaga ng lupa at gawing imposible para sa mga magsasaka ang ganap na amortisasyon.
Sa panahon ng rehimeng Aquino, lalo pang naging masahol kaysa sa bogus na programa ni Marcos ang umano’y Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Itinaguyod ang mga imbing prinsipyo ng boluntaryong pagbenta ng mga asendero ng lupa, pagtatakda na ibig sabihin ng makatarungang kompensasyon ay kasalukuyang presyo ng lupa sa palengke, stock distribution option o pamamahagi ng sapi sa korporasyong kontrolado ng asendero at kumbersyon o pagbabago ng klasipikasyon ng lupa mula sa agrikultural tungo sa di-agrikultural, tulad ng residensyal, komersyal, industriyal at eko-turista. Ginamit ang tinaguriang kumbersiyon para ipawalang saysay ang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA), Certificate of Land Transfer (CLT) and Emancipation Patent (EP) na ipinamahagi ng rehimeng Marcos.
Umiiral ang mga kumbersyon at ang panggantsong stock distribution option sa pagpapatuloy ng CARP sa anyo ng CARP Extension with Reforms (CARPER). Itinatakda ng isang probisyon nito na ang panginoong maylupa ang kikilala kung sino ang kasama sa lupa. Kung hindi niya kikilalanin na kasama ang isang tao, puede niya itong palayasin sa lupa. Ito ay nangangahulugang paglusaw sa minimal na karapatan sa pagiging kasama (tenurial right).
Karumal-dumal ang kalagayang nananatili ang monopolyo sa lupa ng iilang panginoong maylupa samantalang 70 porsiyento sa mga magsasaka ay walang sariling lupa. Kasuklam-suklam na sa Batangas, 91 na asendero ang may-ari o may-kontrol sa 71, 813 na ektarya at sa Quezon, 211 asendero sa 561,626 na ektarya. Sa San Francisco, Quezon, 48 na asendero lamang ang may hawak sa 20,000 ektarya. Sa Bondoc Peninsula, libu-libong ektarya ang nasa kamay ng bawat isa sa mga pamilyang Reyes, Tan, Murray, Matias at Cojuangco. Laganap sa buong Timog Katagalugan ang mga panginoong maylupa na bawat isa’y may daan-daang ektarya.
Bunga ng patakarang globalisasyong neoliberal na diktado ng Estados Unidos sa mga papet na rehimen, ipinailalim ang agrikultura ng Pilipinas sa GATT at WTO, itiniwangwang ang kalupaan para pasukin ng mga korporasyong dayuhan sa agrikultura at minahan, binigyan priyoridad ang produksyong pangluwas, sinira ang produksyon ng pagkain para sa bayan at ginawang dependiente ang bayan sa pag-angkat ng pagkain.
Lalong naging limitado ang hanapbuhay sa kanayunan.Kasabay nito , wala namang pambansang industrialisasyon na naglilikha ng trabaho. Kung gayon, laganap ang desempleo. Sapilitang umaalis sa ating bayan ang may 10 porsyento ng populasyon. Iniiwan ang mga pamilya. Nakikipagsapalaran sa ibayong dagat nang salat o walang garantiya sa tamang pasahod at mga karapatan.
Itinataguyod ng International League of Peoples’ Struggle ang inyong panawagan na agad gawin ang Adyenda ng mga Mga Magsasaka. Dapat ipatupad angTunay na Reporma sa Lupa at pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (House Bill 3059) at ibasura ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) o RA 4700.
Dapat patatagin ang agrikultura sa bansa. Kagyat na ipatigil ang mga land use conversion o reklasipikasyon ng mga lupa. Alisin ang agrikultura ng bansa sa saklaw ng World Trade Organization. Paunlarin ang agrikultura sa palay, niyog, tubo, kape at iba pang produkto. Pataasin ang presyo ng produktong agrikultural. Bigyan subsidyo ang produksyon sa sakahan. Itigil ang militarisasyon sa kanayunan at ang mga pagdukot, tortyur, pamamaslang at sapilitang ebakwasyon. Labanan ang kriminalisasyon ng mga magsasaka sa mga kasong-agraryo. Palayain ang mga bilanggong pulitikal.
Itinataguyod din ng International League of Peoples’ Struggle ang lahat na agarang tulong at paluwag na maibibigay sa mga magsasakang apektado ng El Nino. Mahusay ang mga mungkahi ninyo tungkol sa moratorium sa pagbabayad ng upa sa lupa ng mga magsasakang napinsala ang sakahan, pagkansela ng interes ng utang, kompensasyon kada ektaryang napinsala at pagkakaloob ng mga kagamitan sa mga lehitimong organisasyon ng mga magsasaka at mga mangingisdang naapektuhan ng fishkill at Red tide.
Dapat kanselahin ang utang na bunga ng napakataas na singil sa serbisyo sa irigasyon. Ipatigil ang pribatisasyon ng tubig gaya ng Angat Dam, ang pagtatayo ng mga bagong dambuhalang dam katulad ng Laiban Dam at ang pagbibigay ng karapatan sa tubig at permiso sa paggamit nito sa mga negosyong maaksaya at mapaminsalang gumamit ng tubig tulad ng mga malaking minahan, golf course, at iba pang empresang matakaw sa tubig.
Maliwanag sa atin kung gaano kalupit ang rehimeng Arroyo sa paglulunsad ng Oplan Bantay Laya I and II. Alam natin kung sinu-sino ang malalaking panginoong maylupa at mga mapanupil na aparato ng reaksyonaryong estado na gumagamit ng dahas para supilin ang mga magsasaka at manggagawang bukid at ang kilusan para sa tunay na reporma sa lupa. Dapat ding ilantad natin ang mga ispecial na ahente ng mga panginoong maylupa tulad ng AKBAYAN, UNORKA, PAKISAMA, PARRDS, PARAGOS, PAMBUKID-KA, KASAKA-TK, KMBP. CARET, AR NOW, CENTRO-SAKA, PEACE FOUNDATION at iba pa.
Kaugnay ng darating na halalan, angkop na kilalanin at tulungan ninyo ang mga makabayan at progresibong kandidato, partido at koalisyon na nagtataguyod ng tunay na reporma sa lupa. Angkop din na ilantad ang mga taksil at mga reaksyonaryong tagapagdala ng interes ng mga panginoong maylupa at gumagamit ng dahas at panlilinlang para supilin ang mga maralita sa kanayunan at ang kilusan para sa tunay na reporma sa lupa.
Nauunawaan namin kung bakit marami ay makiling sa makabayan at progresibong programa ng Koalisyong Makabayan at ng bilateral na alyansa ng Makabayan at Nacionalista Party, sa presidensiyal na tambalan ni Manny Villar at Loren Legarda, sa kandidatura nina Satur Ocampo at Liza Maza para sa senado at sa Anakpawis at iba pang progresibong grupo sa party list.
Nauunawaan din namin kung bakit marami ang nasusuklam sa mga kandidatong katulad nina Noynoy Aquino at Mar Roxas. Nagmamalaki silang mga tuta ng imperyalismong Amerikano at tagasunod ng patakarang globalisasyong neoliberal. Hindi lamang mga kinatawan ng uring malaking komprador at asendero kundi sila ay may mga utang na dugo sa mga anakpawis at handa pang magpadanak ng dugo ng anakpawis. . Tuwirang kasangkot si Noynoy Aquino sa Hacienda Luisita massacre at sa mga sumunod na pamamaslang.
Tiyak na titindi ang krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at ng naghaharing sistema sa Pilipinas. Kung ang mga maka-imperyalista at kontra-anakpawis na katulad nina Aquino at Roxas ang maghahari sa Pilipinas, tiyak na titindi ang pakikibaka ng mga anakpawis at sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang kalayaan laban sa imperyalismong Amerikano at reaksiyonaryong uri. Tiyak na susulong ang kilusang rebolusyonaryo.
Umaasa ang International League of Peoples’ Struggle na magiging lubos na matagumpay ang inyong komperensiya at magiging susi ito sa malakihang pagsulong ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.
Mabuhay ang mga maralita sa kanayunan ng Timog Katagalugan!
Isulong ang reporma sa lupa kaakibat ng pambansang industrialisasyon!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Abril 26-27, 2010