Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Setyembre 25, 2015
Kami sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ay nagpapaabot ng pagbati at pakikiisa sa Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper Nationwide (PISTON) sa okasyon ng Ika-5 Kongreso nito. Saludo kami sa inyo sa lahat ng inyong pagsisikap, mga sakripisyo at mga tagumpay sa nakaraang limang taon.
Naipagmamalaki namin ang PISTON bilang kasaping-organisasyon ng ILPS. Tumatahak ito sa linyang anti-imperyalista at demokratiko. Itinataguyod at ipinaglalaban nito ang mga karapatan at interes ng mga tsuper, mga maliliit na operator at mamamayan sa buong Pilipinas laban sa kartel ng mga monopolyo ng langis at sa papet na gobyerno.
Sumasang-ayon at nakikiisa kami sa inyong tema: Mapangahas na magpalawak, magmulat, mag-organisa at magpakilos sa hanay ng drayber, manggagawa at mamamayan para sa pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba! Militanteng makibaka para sa mga pang-ekonomiya at pampulitikang karapatan! Labanan ang korap, papet, brutal at pahirap na rehimeng Aquino at paghandaan ang paglaban sa pagpapatuloy ng neoliberal na atake ng monopolyo-kapitalismo!
Walang maasahan ang masang api at pinagsasamantalahan kundi ang sarili nilang pagkilos. Wastong paigtingin ninyo ang mga pagsisikap na magpalawak, magmulat, mag-organisa sa hanay ng drayber, manggagawa at mamamayan sa balangkas ng pambansa demokratikong pakikibaka tungo sa sosyalistang hinaharap. Dapat maglunsad ng mga militanteng pakikibaka para sa pang-ekonomiya at pampulitikang karapatan.
Patuloy na labanan ang korap, papet, mapagsamantala, brutal at sinungaling na rehimeng Aquino. Tagapagsagawa ito ng neoliberal na patakarang diktado ng imperyalismong US. Ang patakarang ito ay sadyang nagpapababa sa kita ng mga anakpawis at nagbibigay daan sa pandarambong sa ating lakas paggawa at likas na yaman. Pinabilis nito ang daloy ng supertubo sa mga kapitalistang monopolyo. Pinadadalas at pinalulubha ang krisis sa kabuhayan. Pinatataas ang presyo ng langis bilang paraan ng paghuthot ng supertubo mula sa mga drayber at sambayanang Pilipino.
Mainam na kasunod ng inyong Kongreso, idaraos ng PISTON Partylist ang ika-2 Kumbensyon nito at ipaghanda ang paglahok nito sa darating ng eleksyon ng 2016. Tama na gamitin ang lahat ng pagkakataon para isulong ang mga karapatan at interes ng mga drayber, mga manggagawa at mamamayan. Kaalinsabay nito, tandaan natin hindi limitado ang kilusang masa sa mga prosesong labis na kontrolado at dominado ng mga pulitiko ng mga nagsasamatalang uri at mga imperyalistang patron.
Kahit na sa panahon ng kampanyang elektoral, malaya ang kilusang masa na kinabibilangan ng PISTON na umaksyon sa mga isyung mahahalaga. Makakatulong pa ito sa kampanyang elektoral ng mga makabayan at progresibong mga Partylist. Sa Pilipinas ngayon, nagkakasabay ang iba’t ibang anyo ng pakikibaka, mga legal at nasasandatahan. Ang mga anyong ito ay hindi magkakatungggali kundi kumplementaryo, samantalang digmang bayan ang pinakamabisang sandata sa pagpapabagsak sa lumang sistema at pagtatayo ng bago.
Umaasa kami sa International League of Peoples’ Struggle na ibayong lalakas ang PISTON bunga ng Ika-5 Kongreso. Sa paglalagom ninyo ng karanasan, mahahango ninyo ang mga positibo at negatibong aral, makakapagbatay kayo sa kasalukuyang lakas at makakapagtakda kayo ng mga tungkulin para isulong at ipaabot ang inyong pakikibaka sa mas mataas na antas. May tiwala kaming magagawa ninyong susi ng ibayong pagsulong ang inyong Kongreso.
Mabuhay ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper Nationwide (PISTON!
Labanan ang pang-aapi at pagsasamantala ng mga imperyalista at mga alipuris nila!
Mabuhay ang kilusang pambansa demokratiko ng sambayanang Pilipino!