Ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Utrecht, The Netherlands
14 Oktubre 2010
Bilang tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS), taos-pusong ipinapaabot ko ang pakikiisa ng ILPS sa HUSTISYA! (Victims of Arroyo Regime United for Justice) sa okasyon ng kanyang Pangkalahatang Pulong sa Oktubre 14-17 sa Metro Manila.
Kinikilala namin ang mataas na kahalagahan ng pagtatatag ng HUSTISYA! noong 15 Setyembre 2006 upang pagkaisahin ang mga biktima at kaanak sa layuning kumilos nang sama-sama para kamtin ang katarungan laban sa mga paglabag sa karapatang tao sa panahon ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Kapuri-puri ang sigasig at bisa ng inyong pagkilos sa nakaraang apat na taon para ibayong palakasin ninyo ang panawagan para sa katarungan sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang tao – lalo na para sa 1,206 biktima ng extrajudicial killings at 205 desaparecidos sa ilalim ng nagdaang rehimeng Arroyo.
Umalingawngaw sa buong daigdig ang inyong panawagan na itakwil at itigil ang Oplan Bantay Laya (OBL), isang halimaw na instrumento ng terorismo ng estado at likha ng imperyalismong Amerikano sa digma ng teror nito. Humahanga kami sa tampok na papel ninyo sa Permanent People’s Tribunal tungkol sa Pilipinas sa The Hague noong 2007.
Angkop lamang na tawagin ang pansin at kunin ang suporta ng mga mamamayan ng buong daigdig dahil ang OBL ay pakana ng imperyalismong Amerikano at mga papet nitong malalaking komprador at asendero. Sila ang malupit na lumalabag sa mga karapatang tao na nakaukit sa mga internasyonal na batas.
Ipinagpapatuloy ng bagong rehimen ni Aquino ang OBL at inihahanda ang oplan na may ibang pangalan subalit nasa balangkas pa rin ng US Counterinsurgency Guide ng 2009.
Patuloy ang mga madugong paglabag sa mga karapatang tao at patuloy na pinagkakaitan ng hustisya ang mga biktima sa panahon ni Arroyo. Imbing balak ni Aquino ang malawakang sabay na paggamit ng karahasan at panlilinlang.
Kung gayon, karapat-dapat lamang na ipagpatuloy ng HUSTISYA! ang pakikibaka para kamtin ang katarungan para sa mga biktima ng paglabag ng mga karapatang tao. Darami pa ang mga biktima. At kailangang lumaban tayo para salungatin at pigilin ang mga krimen ng mga imperyalista at lokal na reaksyonaryo at sikapin nating baguhin ang naghaharing sistema na siyang nagluluwal ng mga paglabag sa mga karapatang tao.###