Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Hulyo 7, 2017
Sa ngalan ng buong International League of Peoples’ Struggle, marubdob na nagpapapabot ako ng rebolusynaryong pagbati at pakikiiisa sa lahat ng kalahok sa selebrasyon ng sentenaryo ng Dakilang Oktubreng Sosyalistang Rebolusyon sa Gitnang Luson nitong Hulyo 7, 2017.
Mainam na tumugon ang BAYAN-Gitnang Luson, Central Luzon Alliance for Sovereign Philippines (CLASP), Anakbayan Gitnang Luson at iba pa sa panawagan ng ILPS, People’s Resource for International Solidarity and Mass Mobilization (PRISM) at BAYAN-Nasyonal na magdaos ng mga pag-aaral tungkol sa Rebolusyong Oktubre na pinamunuan ng dakilang Lenin.
Tumpak ang inyong layunin na paigtingin ang pakikibakang anti-imperyalista, anti-pyudal at anti- pasista, laluna laban sa neoliberal na patakaran sa ekonomiya at laban sa patakaran ng walang pakundangang paggamit ng terorismo ng estado. Habang palubha ang pagsasamantala sa mga anakpawis, palubha rin ang panunupil sa kanila.
Tama lamang na saklaw ng inyong mga ispiker ang pambansang konteksto ng anti-imperyalistang pakikibaka, ang maningning na kasaysayan ng Gitnang Luson sa pakikibaka at ang kasakalukuyang pakikibaka ng Workers Alliance of Region III o WAR III. Karapat-dapat na patampukin ang papel ng uring manggagawa bilang namumunong uri batay sa pagiging pinakaprogresibong pwersa sa produksyon at pulitika.
Salamat sa dakilang Lenin, ipinaliwanag sa atin ang limang katangian ng imperyalismo. At sinabi niyang pumasok ang sangkatauhan sa pandaigdigang panahon ng modernong imperyalismo at rebolusyong proletaryo nang umabot ang kapitalismo sa monopolyo kapitalismo bilang pinakamataas at pinakahuling yugto nito. Labis-labis na mapagsamantala at mapang-api ang imperyalismo at nagluluwal ito ng krisis at mga gera ng agresyon.
Kung gayon, lumalaban ang uring manggagawa at mga aping mamamayan at bansa sa iba’t ibang dako ng daigdig. Ipinaliwanag at ipinakita ni Lenin sa Rebolusyong Pebrero at Rebolusyong Oktubre ng 1917 na may dalawang yugto ang rebolusyong pinamumunuan ng uring proletaryo kung malaking bahagi ng ekonomiya ng isang bayan ay agraryo, pyudal o malapyudal. Unang yugto ang pagganap ng burges-demokratikong rebolusyon at ikalawang yugto ang pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon.
Sa simula pa lamang ng panahon ng imperyalismo, nang magtatapos ang ika-19 na siglo, ipinamalas na ng imperyalismong US ang marahas at agresibong katangian ng monopolyo kapitalismo. Naglunsad ang imperyalismong US ng gera laban sa kolonyalismong Espanyol para agawin ang Puerto Rico, Cuba at Pilipinas at para umpisahang isakatuparan ang ambisyon na naging No. 1 imperyalistang poder sa ika-20 siglo. Hindi nakasapat ang lumang burges-demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino para gapiin ang imperyalismong US.
Gayunman sa pagputok ng inter-imperyalistang Unang Gera Mundyal, naging pagkakataon ito ng mga Bolsebiko at mamamayang Ruso na ipihit ito para maging rebolusyonaryong gera sa loob at sa imperyo ng Rusya at ipundar ang sosyalistang rebolusyon sa pag-agaw ng proletaryado ng kapangyarihan mula sa burgesya. Naging inspirasyon at halimbawa ng mga anakpawis ang Rebolusyong Oktubre sa buong daigdig, kabilang ang Pilipinas.
Nang pumutok ang inter-imperyalistang Ikalawang Gera Mundyal, lalong naging malaking pagkakataon ito para magrebolusyon ang uring manggagawa at mga aping mamamayan at bansa, kabilang ang Pilipinas. Sa Gitnang Luson binuo ang Hukbalahap batay sa kilusang anakpawis. Sa paglaban at paggapi sa pasismo, nagwagi ang mga pambansang kilusan sa pagpapalaya at lumitaw ang sosyalismo sa Silangang Europa at Tsina, Korea at Indotsina. Masasabi na noong mga 1950 sangkatlo ng sangkatauhan ay nasa pamamahala ng sosyalismo at uring mangggawa.
Subalit sumulpot ang paghahari ng modernong rebisyonismo sa Partido Komiunista ng Unyon Sobyet noong 1956. Sinira nito ang sosyalismo na itinayo ni Lenin at Stalin at linabanan ang Marxista-Leninistang paninindigan ng pandaidigang kilusang komunista. Binaka ng Partido Komunista ng Tsina sa pamumuno ni Kasamang Mao Zedong ang rebisyonismo at nagtagumpay sila sa kabuuan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Kultural. Kahit nakagawa ng kudeta ang rebisyonistang pangkatin ni Deng Xiaoping nang yumao si Kasamang Mao, nananatili ang kanyang pamana kung paano bakahin ang rebisyonismo, pigilin ang panunumbalik ng kapitalismo at ikonsolida ang sosyalismo.
Dahil sa mabilis, lantaran at ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa bansang pinaghaharian ng mga pangkating rebisyonista, laluna pagkaraang malusaw ang Unyon Sobyet, sa mga taong 1989 hanggang 1991, ipinangangalandakan ng imperyalismong US na patay na at wala nang pag-asa ang sosyalismo; at hindi malalampasan ng kasasysayan ang kapitalismo at demokrasyang liberal. Sa palagay na kanya na ang buong daigdig bilang natatanging superpoder, lalong pumaspas ang US sa pagpapataw ng neoliberal na patakaran sa ekonomiya at sa paglulunsad ng mga gerang agresyon sa ilalim ng tinaguriang patakarang neokonserbatibo.
Magmula 2008 hanggang ngayon, hindi malutas-lutas lahat ng US at mga kapwang kapitalistang poder ang madalas at palubhang krisis sa ekonomiya, ang pagtagal at paglalim ng global na depresyon at ang pagsambulat ng mga gerang agresyon Bumilis ang estratehikong pagdausdos ng imperyalismong US. At tumitindi ang mga kontradiksyon ng mga kapitalistang poder sa daigdig na matatagurian nang multipolar. Tiyak na ang mga pangyayaring ito sa daigdig ay may ugnay at epekto sa krisis ng naghaharing sistema sa Pilipinas.
Tularan natin si Lenin at mga Bolsebiko kung paano nila ginawang pakinabang ng rebolusyon ang malubhang krisis at gera sa hanay ng mga imperyalista. Dapat harapin ang mga hamon at paghandaan natin ang matitinding pagsubok sa pakikibaka. Dapat ibayong lumakas ang rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa, mga organisasyong masa, mga talibang Pula, mga organo ng demokratikong kapangyarihan at mga alyansa para abutin, himukin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng milyun milyon hanggang sa ganap na tagumpay ng rebolusyong Pilipino.
Mabuhay ang pamana ng Rebolusyong Oktubre!
Mabuhay ang mga proletaryong rebolusyonaryo!
Isulong ang rebolusyong Pilipino hanggang sosyalismo!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!