Paunang Salita sa Teleconference
Mayo 1, 2016
ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Mahal na mga kasama at kaibigan,
Ikinakarangal at ikinagagalak ko na inanyayahan ako ng Nagkakaisang Manggagawa ng Tarlac at Bayan-Tarlac na magbigay mensahe nitong Mayo Uno at humarap sa pamamagitan ng teleconference sa mga manggagawa ng Gitnang Luson na nakatipon sa Tarlac at Angeles City sa tulong ng Workers’ Alliance-Region 3 at Bayan-Gitnang Luson.
Ang talakayan natin ay makabuluhang pagbubunyi sa Internasyonal na Araw ng mga Mangggagawa. Napakahalaga ang paksang ating tatalakayin. Dapat harapin at salungatin ang patakaran ng neoliberalismo, bakahin ang masasamang konsequensiya nito sa masang maggagagawa at matanaw natin ang maliwanag na hinanaharap ng pakikibaka ng kilusang manggagawa at ng sambayanang Pilipino.
Ang palagiang krisis ng malapyudal na ekonomya na dati nang binabalot ng neokolonyalismo o pagkontrol ng mga imperyalista sa pamamagitan ng tuwirang pamumuhunan at pautang ay lalong pinalubha ng patakarang neoliberal na garapal na nagpapalaki sa supertubo ng mga dayuhang monopolyong kapitalistra sa pamamagitan ng pagbabawas sa pasahod, pag-alis ng mga serbisyo sosyal, liberalisayon ng pamumuhunan at kalakalan pribatisasyon ng mga ari-arian ng estado, deregulisasyon at denasyonalisasyon.
Ang patakarang neoliberal ay nagdudulot ng pagkabansot ng ekonomya, mataas na tantos ng desempleo, laganap na kahirapan at matinding paghihikahos ng masang manggagawa at ng buong sambayanan. Ang araw-araw na buhay nila ay batbat ng mga pahirap tulad ng mababang pasahod, kawalan ng kaseguruhan sa trabaho, laluna sa harap ng malaganap na kontraktwalisasyon, kawalan ng serbisyo sa kalusugan, pabahay at iba pa, mataas na presyo ng bilihin at buwis, at ng pampulitikang panunupil.
Sa harap ng ganitong sitwasyon, dapat na bumangon at makibaka ang masang manggagawa, hindi lamang para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan, lalo’t higit para sa pakikibaka ng buong uri at sambayanan laban sa imperyalismo at mga lokal na reaksyonaryong mga malaking komprador at asendero para kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya ng bayan at buksan ang daan tungo sa sosyalismo.
Ngayon po ay handa na akong tumanggap ng mga tanong mula sa inyo.