Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
6 Disyembre 2010
Bilang tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle, ipinapaabot ko ang pakikiisa sa paglulunsad ng librong Ka Bel: Mga Liham. Ang may-akda ay si Kasamang Crispin Beltran, ang unang tagapangulo ng ILPS na inihanda magmula 1998 at itinatag ng International Initiative Committee noong 2001.
May bentahe ang librong ito sa naunang librong “Ka Bel” dahil mga salita ni Ka Bel ang mababasa natin sa anyo ng kanyang mga liham at ilang pampublikong pahayag. Sa sarili niyang panulat, nasasalamin ang kanyang pagkatao, ang personal na buhay at diwa at ang mga kilos at layunin niya bilang lider obrero, makabayan at rebolusyonaryo.
Sa pamamagitan ng librong ito, magkakaroon tayo ng pribilehiyo na higit pang mapalapit sa kanya sa pagbasa ng mga liham sa kanyang pamilya at mga kasama at kaibigan sa pakikibaka. Mababatid natin na ang laman ng mga pinakapersonal na liham ay umaayon sa kanyang matatayog na prinsipyo, damdamin at hangaring ipaglaban at isulong ang mga karapatan at interes ng kanyang uri at ng bayan.
Mababasa natin kung gaano siya mapagmahal sa kanyang pamilya at kung gaano siya mapag-asikaso sa mga bagay na parang maliit ngunit mahalaga. Mababasa rin natin ang matalas na pagtalakay ni Ka Bel sa malalaking isyu sa pamamagitan ng mga talumpati, mga pahayag at mga bukas na liham.
Magpasalamat tayo sa pamilya ni Ka Bel, sa patnugot ng libro at sa lahat ng kasama sa kilusang paggawa at pambansang demokratiko sa pagpapanitili at pagpapalaganap ng pamana ni Ka Bel, ang kanyang buhay, pagkilos at sakripisyo para sa uring manggagawa at sambayanang Pilipino.
Ipagpatuloy ang pagtitipon ng lahat ng dokumento at pagsusuri kaugnay ng mga mahalagang ambag ni Ka Bel sa kilusang paggawa, rebolusyong Pilipino at proletaryong internasyonalismo. Sa inspirasyon ni Ka Bel, ipagpatuloy natin at mga susunod na salinlahi ang kanyang pakikibaka para sa bagong demokrasya hanggang sosyalismo at pagpawi ng imperyalismo at pagsasamantala sa mga uring anakpawis.
Mabuhay ang ala-ala ni Ka Bel!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!