Sa Master Class ng Paaraalang JMS
Mga Sagot ni Jose Maria Sison
Enero 3, 2021
- Sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, papaano natin lalabanan ang blokeyo na ipapataw ng imperyalismong US?
JMS: Batay sa kasalukuyang takbo ng mga pangyayari sa daigdig, tulad ng pag-alsa ng masang anakpawis sa buong daigdig laban sa imperyalismo at reaksyon, paglaban ng ilang independyenteng bansa sa imperyalismo at tunggalian ng mga imperyalistang poder mismo, malaki ang aking tiwala na sa panahon na panalo ang demokratikong rebolusyon ng bayan, makakayanan ng sambayanang Pilipino na labanan at pangibabawan ang blokeyo na ipapataw ng imperyalismong US. Matagal nang halimbawa ang Cuba, mas maliit pa sa Pilipinas at napakalapit sa US, subalit nakapangibabaw sa blokeyo ng US sa maraming dekada.
Magagamit pa rin ng Pilipinas ang estratehiya at mga taktika na ginamit ng Unyon Sobyet at Tsina nang ipinanalo nila ang kani-kanilang rebolusyon at itinayo nila ang sosyalismo. Sinunod ang prinsipyo at mga patakaran ng pagtitiwala sa sariling lakas at planadong pagpupunyagi ng masang anakpawis, pagkuha ng tulong mula sa internasyional na kilusan ng uring manggagawa, pakikipagtulungan sa ibang bansa na independyente sa imperyalismo at paggamit sa tunggalian ng mga imperyalistang poder.
- Ang Tsina ay may bentahe ng suporta mula sa Unyong Sobyet sa panahon ng kanilang tagumpay kaya nakatulong sa panimulang industriyalisasyon. May mga bansa ba tayong maaaring lapitan na makakatulong sa atin sa pagindustriyalisa?
JMS: Totoong nakatulong ang Unyon Sobyet sa pagtatayo ng pundasyong industriyal at sosyalismo sa Tsina sa umpisa hanggang 1956 pero kasunod nito pumasok na ang impluwensiya ng makabagong rebisyonismo. May ilan pa namang bansa na may katangiang sosyalista at may abanteng kahusayan sa metalurhiya at paggawa ng makina tulad ng Hilagang Korea.
Marami tayong magagaling na syentista at teknolohista at may nakakalat na teknolohiya na mapupulot ng Pilipinas mula sa ibat ibang independyenteng bansa at mula sa tunggalian at kumpetisyon ng mga bansang imperyalista. May potensiyal na manalo ang mga Maoista sa rebolusyon nila sa India at sa iba pang bansa sa Timog Asya. Ang mga dating bansang sosyalista na naging kapitalista at imperyalista ay may potensyal na magipit sa krisis ng kapitalismo, maging pasista o maging sosyalista muli sa pagbangon ng masang proletaryo.
Mahirap magdetalye sa hinaharap na kapaligiran ng tagumpay ng demokratkiong rebolusyon ng bayan. Pero natitiyak ko ngayon na ang krisis ng pandaigdgang kapitalismo ay palubha, kumakalat na ang mga anti-imperyalista at demokratikong mga pakikibaka at natatanaw na natin ang muling paglakas ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo-sosyalista.
- Sa sosyalismo, igagalang natin ang kalayaan sa pananampalataya. Malinaw na simbahang katoliko, bilang institusyon, ay reaksyunaryo. Papaano pakikutunguhan ang mga paaralang Katoliko tulad ng Ateneo, De La Salle, UST, atbp.?
JMS: Totoong igagalang ang kalayaan sa pananampalataya sa ilalim ng sosyalismo basta’t igalang din ng mga relihiyosong organisasyon ang prinsipyo ng separasyon ng simbahan at estado at ang kapangyarihan at tungkulin ng sosyalistang estado na palaganapin at pasulungin ang makabayan, syentipiko and makamasang edukasyon at kultura at ang sistema ng libreng edukasyong publiko.
Puedeng iwasan ng sosyalistang estado ang labis na konsesyon sa mga unibersidad at mga eskwelahan na kontrolado ng mga relihiyosong institusyon at sadyang iwasan na magkaroon sila ng kaluwagan para maging balwarte ng anti-sosyalismo tulad sa Poland sa nakaraan. Dapat may pakialam ang estado sa laman at balanse ng mga kurikula at maipatupad ang sosyalista at syentipikong edukasyon.
- Sa sosyalismo, babaguhin natin ang kultura. Malaganap ang komersyalisasyon at sa siyudad ay nakasanayang pasyalan ang mga mall ng mga burgesya kumprador tulad SM nina Henry Sy. Sa sosyalismo, ano ang maaaring magiging function o silbi ng mga mall na ito?
JMS: Sa mga malaking gusali na dating komersiyal at labis-labis ang luwag puedeng bigyan ng espasyo ang mga produktibong gawain para mapahusay ang ekonomiya at mga kultural na gawain para maisulong ang sosyalista, makabayan, syentipiko at makamasang kultura at edukasyon. Bigyan ng puwang ang mga kultural at edukasyonal na mga institusyon at organisasyong masa at kanilang mga aktibidad sa mga gusali at espasyong publiko.
- Ang modernong rebisyunistang Tsina ay binabatikos dahil sa mahigpit na kontrol at sensorship ng media at internet. Malinaw sa sosyalismo ay igagalang ang kalayaan sa pamamahayag. Pero may hangganan ba ito? Kung fake news ang nilalako, wasto ban ang I-ban ito o higpitin ang control sa social meda platforms o i-ban ito?
JMS: Ang sosyalistang estado ay makauring diktadura ng uring proletaryado laban sa makauring diktadura ng burgesya. Kung gayon, hindi papayag ang sosyalistang estado na gamitin ng mga imperyalista, mga reaksyonaryo at mga rebisyonista ang mga karapatan ng mga mamamayan sa malayang pagpapahayag upang labanan ang sosyalismo at labagin ang mga karapatan at interes ng mamamayan at pangibabawin ang interes ng burgesiya at mga kontrarebolusyonaryo.
Nasa katangian ng mga bansang kapitalista at imperyalista tulad ng Tsina, US at iba pa at mga papet na reaksyonaryong gobyerno na manupil sa karapatang mamahayag at magkalat ng kasinungalingan at panlilinlang para panatilihin nila ang sistema ng pang-aapi at pagsasamantala. Kapag tumindi ang krisis ng burgis na naghaharing sistema, nawawala ang pagkukunwari nitong demokratiko at ilinalabas ang mga pangil ng pasismo, ang lantarang rehimen ng lagim.
Sa lipunang sosyalista, may karapatan ng mga mamamayan na mamahayag, pumuna sa mga kamalian at kakulangan at maghapag ng solusyon sa mga problema. Wastong ipinagbabawal ang pagkakalat ng kasinungalingan dahil walang pakinabang dito sa masang anakpawis kundi paninira lamang. Ang paglabag sa katotohanan at pagkakalat ng kasinungalingan ay magagamit lamang ng kaaway laban sa sosyalismo at mamamayan.
- Sa mga bansang dating sosyalista, USSR at China, mayroon bang lumilitaw na mga bagong sibol na rebolusyonaryong may bitbit ng MLM?
JMS: Laluna sa Tsina, may mga grupo at kilusang Maoista na umiiral at lumalakas sa hanay ng masang anakpawis at mga kabataan dahil sa inspirasyon ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Kultural at lumulubhang pagsasamantala at pang-aapi bunga ng kataksilan sa sosyalismo at paghahari ng monopolyong kapitalismo sa sektor ng estado at ng pribado. Tumitindi ang tunggalian ng mga uri sa Tsina, laluna ngayong tumitindi na ang tunggalian nito at ng US bilang mga imperyalistang poder.
Sa buong saklaw ng dating USSR, sa mismong Rusya at ibang republika, tumintindi ang pang-aapi at pagsasamantala bunga ng kataksilan sa sosyalismo at paghahari ng burgesya. Labis at lantarang ganid at malupit ang burgesyang iniluwal ng rebisyonismo at sosyal- imperyalismo ng dating USSR. Batay sa tradisyon ng mga Bolshebiko at sa udyok ng mabilis na lumulubhang krisis, lumalakas muli ang mga partido, organisasyon at kilusan ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa hanay ng masang anakpawis at sa mga intelihentsya.
- Malaganap ba ang day care system sa sosyalismo upang makapagtrabaho nang maayos ang mga manggagawa habang may nag aalaga ng mga anak nila gaya ng sa North Korea?
JMS: Sa mga bansang nagsisikap na manatiling sosyalista, tulad ng Hilagang Korea at Kuba, may day care system para maalagaan ang mga bata habang nagtratrabaho ang mga magulang. Sa mga nabanggit na bansa, malakas pa ang sistema ng serbisyo sosyal sa larangan ng pag-aruga sa mga bata, edukasyon, kalusugan, pamamahay, saklolo at tulong laban sa salot, proteksyon sa kapalirian at iba pa.
- Kung ang mga trotskysta ay di naniniwalang sosyalista ang soviet union at tsina, kung gayon, anong klase ng sosyalismo ang itinataguyod nila? syentipiko ba o utopyan? Paano sila pakikitunguhan sa panahon ng tagumpay?
JMS: Maligaya ang mga Trotskista na naging kapitalista ang Unyong Sobyet at Tsina dahil sa makabagong rebisyonismo. Ipinapalagay nila na patunay o bindikasyon ng kanilang linya na imposible ang sosyalismo sa anumang bansa or serye ng mga bansa. Meron silang malabong ideya ng perpetwal na rebolusyon sa daigdig na magbubunga sa katapusan ng sabay-sabay ng sosyalistang rebolusyon sa lahat o sa karamihan ng bansa sa daigdig.
Tinatanggihan nila na naitayo ni Lenin at Stalin ang sosyalismo sa Unyong Sobyet mula Oktubre 1917 hanggang 1965 at ni Mao sa Tsina mula 1949 hanggang 1976. Sinasabi nila na naging kasangkapan lamang ng burgesya sina Stalin at Mao upang sa kalaunan magtagumpay ang burgesya at kapitalismo. Ganyan ang kantyaw nila ngayong sa mga demokratikong rebolusyong ng bayan na may sosyalistang perspektiba at sa mga kliusang sosyalista sa mga bansang industryal kapitalista.
Garapal ang kontradiksyon nila sa sarili at ang pagiging anti-sosyalista at kontrarebolusynaryo nila. Samantalang sinasabi nilang sosyalismo ang kagyat na linya sa lahat ng tipo ng bansa, sinasabi rin nila na hindi puede ang sosyalismo sa alinmang bansa kung hindi sabay-sabay na maging sosyalista ang lahat o karamihan ng bansa. Ang labas nila ay zero at sira-ulo. Hindi man masabing utopya ang hungkag na sosyalismo nila dahil mga utopyong sosyalista may bahagi ng katotohanan ang pinagbabatayan habang nanaginip na sa kabutihang loob ng mga tao na magkaroon ng makatarungang lipunan ng sosyalismo.
Mga espesyal na ahente ng imperyalismo ang mga Trotskista. Magmula kay Trotsky umaasta silang ultra-Kaliwa sa mga sulatin at talumpati para higitan at siraan ang Kaliwa at sa epekto tinutulungan nila ang Kanan para siraan ang Kaliwa. Ganyan ang ginawa nila sa Unyong Sobyet. Linabanan ang sosyalistang linya ni Stalin para makipagsabwatan sa mga maka-Bukharin. Ipinahamak nila ang rebolusyong Tsino noong 1927 at pinaboran nila si Chiang Kaishek dahil sa kanilang putsistang linya.
Kumampi sila sa pasismo bago at habang tumatakbo ang Ikalawang Guerra Mundial para labanan ang mga Partido Komunista, instrumento sila ng US sa Cold War at hanggang ngayon nakatuon sila sa pag-atake sa mga rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng mga komunista. Sa kasalukuyan, ang prinsipal na target nila ay ang Maoistang Partido Kumunista at tusong tinutulungan nila ang imbing rehimen ni Duterte sa pagkakalat ng kasinungalingan na pananagutan ng mga komunista ang rehimeng ito. Halimbawa na naman ito ng ultra-Kaliwang linya para tulungan ang Kanan o kontrarebolusyon.###