Home Writings poetry Mga piraso ng isang bangungot

Mga piraso ng isang bangungot

0
Mga piraso ng isang bangungot

MGA PIRASO NG ISANG BANGUNGOT
Ni Jose Maria Sison

1.
Sa ilalim ng langit ng gabi, mga sariwang samyo
Ng mga luntiang dahon at bughaw na alon
Ang sumasalpok sa mukha ko, kumakapit sa katawan ko
At nag-uudyok na katagpuin ko ang aking mahal.
Parang hatak ng sandaang kabayo, humahagibis ako
Tulad ng malayang ibong nasa lasong pilak
Sa pagitan ng bundok at dagat.
Ngunit, ay! tigib ang alanganing oras
Ng mga matang punyal ng mga demonyo
Sa sangandaan ng kaligtasan at panganib.
2.
Matapos ang sayaw-matsing sa dilim
Sa paligid ng tahimik na panandaliang himpilan
Biglang tinagos ng mga demonyo ang marupok na pinto
Nagsiingay ang mga hayok sa dugo
At nakakaduwal ang biglang liwanag.
Pinaligiran ako ng mga armadong demonyong
Natataranta at ako’y pinosasan.
Hinablot ako sa piling ng aking mahal
At inilulan sa mga humahagibis na gulong
Sa nakakailang na gabing maginaw.
3.
Dinala ako sa sentro ng impyerno
Sa Diyablo at matataas na demonyo
Para sa ritwal ng nagkikislapang bombilya.
Pinaalis ng Diyablo ang kanyang mga alipures
At kami’y nagdwelo sa salita.
Sa simula, sabi niyang namimili siya ng mga kaluluwa.
Nang tinanggihan, nag-umang naman siya
Ng patibong para sa tanga o walang malay.
Muling tinanggihan, nagwakas siyang may banta
Na ako’y hindi na niya muling makikita.
4.
Ang hatinggabi, ang mahigpit na posas
At ang mga demonyo’y waring di pa sapat.
Ako’y piniringa’t pinaikut-ikot.
Sunud-sunod na kahon ang lumamon sa akin:
Isang malawak na kuta, isang bakuran
Na may tarangkahang lumalangingit at kumokokak
At sa huli’y isang selda ng lubos na katahimikan
Ako’y isinadlak nang marahas.
Hangad ng mga demonyong madama kong
Ako’y bulag, ligaw, sikil, walang laban.
5.
Inalis ko ang piring sa mata at natagpuan
Ang sarili sa inaamag na nitso.
Suklam ako sa kawalan ng bintana,
Sa maputlang luntian at kapipian
Ng mga dinding at ng kisame,
Sa matinding kayumanggi ng saradong pinto
Sa nakahihilong pikit-dilat ng malabong bombilya
At sa mahinang pasok ng hangin sa tagong butas.
Bumabaligtad ang aking sikmura
At naninikip ang aking mga baga.
6.
Relyebo ang mga demonyong walang pangalan
Para umastang mapagkaibigan o mapagbanta
At galugarin ang aking utak at damdamin
Pinaikut-ikot ko sila sa usapan
Para magkapanahon ang mga kasama
At mabigyang-babala sa aking pagkawala.
Iginigiit ko ang karapatang may abugado,
Ang karapatang hindi ipagkanulo ang sarili.
Ang karapatang malaman kung saan ang aking mahal
At mga kaibigang kasama naming dinukot.
7.
Sapilitang inalis ang aking damit
At ipinulupot ito sa aking mukha.
Hinigpitan ang isa pang piraso ng damit
Sa aking nakapiring na mga mata at batok.
Pinosasan sa likod ang aking mga kamay
Nang napakahigpit hanggang sa mamanhid.
Isinalpak ako sa isang silyang kahoy
At pinapaghintay ng aking kapalaran
Sa ganap na kadiliman at kawalan ng magawa
Sa mga kamay ng halimaw.
8.
Biglaan and dating ng matitinding suntok
Sa nakalutang kong mga tadyang,
Sa dibdib at sikmura.
Kasunod, walang lubay ang mga demonyo
Sa pagtatanong, pagbabanta at panunuya
Kasabay ng marami pang malakas na suntok.
Ang aking pananahimik, tugon o komento
Ay laging nagbubunga ng mas matitinding suntok.
Paulit-ulit na nagbabanta ang mga demonyo
Na babasagin ang aking bungo sa pader.

9.
Nagwakas ang parang walang katapusang gulpihan
Subalit mayroon pang namimintong kasunod.
Ikinadena ng mga demonyo ang isang paa ko
At isang kamay ko sa teheras.
Inalis ko ang piring at aking mga mata’y
Tinamaan ng sinag ng liwanag
Na sumusunod sa galaw ng aking mukha.
Nauunahan ng mga mata ko ang liwanag, tanaw ko
Ang madilim na kahungkagan ng selda
At naaninag ko ang tatlong demonyo.
10.
Halinhinan ang dalawa sa pagtutok ng baril
Sa lugmok na katawan ko at inuulit-ulit
Mga tanong na di ko naman sinasagot
Samantalang ang ikatlo’y tahimik na nakaupo
Sa sahig ng madilim na selda.
At isa pang demonyo ang labas-masok
Para magtanong at magbantang
Ako’y papatayin habang “tumatakas”.
Paminsan-minsan, tinatadyakan ng isang demonyo
Ang paa ng teheras sa pagkainis.
11.
Sa paghamak sa mapagbantang asta nila,
Maulit kong sinasabi sa mga demonyo na magpahinga,
Tinuya ko ang kanilang mga salita’t saltik
At inhinagis kong pabalik sa kanila ang mga insulto nila
Kahit na pinapanghina nila ang aking katawan
Sa patuloy na puyat, gutom at uhaw.
Hinuha kong ako’y inihahanda
Sa mas masakit, mas masahol na pahirap.
Subalit tantya kong utos ng Dyablo
Na manakot at manlito.
12.
Muli akong piniringan
Nang biglang dumagsa ang mas maraming demonyo
Sa madilim, nakakalunod na selda.
Dalawang kamay at dalawang paa ko
Mahigpit na ikinadena sa teheras
May posas na matalim ang gilid at humihigpit
Kailanman ako’y kumibo nang kahit banayad.
Dinig kong sinabi ng isang demonyo na handa na ang hukay ko
At may isa namang nagsabi
Na dapat kuryentihin muna ako.

13.
Naghahabulan ang mga isipin sa aking utak.
Nakaharap at sinukat ko ang Dyablo;
Mas gusto niya ang aking kaluluwa kaysa aking bangkay.
Piniringan ako ng mga tagapagpahirap
Para ikubli ang mga mukha nilang duwag.
Maghihirap ako pero ako’y mananaig.
Nagiging manhid ang nerbyos laban sa sakit;
Nagsasara ang utak laban sa sukdulan.
Pero walang anuman kung ako’y mamatay, aking buhay
Matagal nang inilaan sa layon ng pakikibaka.
14.
Dinig ko ang bugso ng tubig sa tubig,
Ang ingay ng mga timbang plastik
At kaluskos ng natatarantang mga bota.
Isang bimpo ang itinapal sa aking mukha
At malalakas na kamay ang humawak sa aking ulo
At dumaklot sa aking bunganga.
Ang mga dagsa ng tubig sumusuot sa aking mga ilong
At binabaha ang aking bunganga, lalamunan at baga.
Kasabay ng buhos ng tubig ang buhos
Ng mga tanong, pananakot at pangungutya.
15.
Hinihiwa ng posas ang aking galang-galangan at bukung-bukong
Sa paulit-ulit na pagsinghap ko ng hangin
Laban sa mahapding dagsa ng tubig.
Naghihirap ako para sa napakaraming tao, grupo,
Tirahan, nayon, bundok
Na hindi ko alam o kaya’y ayaw kong
Sabihin o ikumpirma sa mga demonyo.
Sila’y pinakamalupit at mapagpumilit
Sa pagsubok nilang makapiga ng himatong,
Ibayong huli at dambong.
16.
Higit sa sanlibong ulit
Sinubok ang tibay ng aking puso.
Sa pagpipiglas ko’t paghuhumiyaw na makahinga
Ang mga sigaw ko’y tinatakpan ng tugtuging American rock
Sa labas ng silid ng pahirapan.
Manaka-naka, isinusubo ng isang demonyo
Ang nguso ng baril sa aking bunganga;
Isinusunggab ng isa pa ang kanyang mga daliri
Sa iba’t ibang bahagi ng aking katawan
Para guluhin ang ritmo ng aking paglaban.

17.
Pinaluwag ng aking paglaban ang piring.
Nakikita kong baliw sa tuwa ang isang mataas na demonyo.
Maya-maya, isang matabang demonyo ang umupo sa aking tiyan.
Habang nanghihina ang aking katawan at ako’y nahihilo
Bigong tinangka ng pinunong interogador
Na ipailalim ako sa hipnosis sa pag-uulit-ulit ng mga salita,
Na ako’y nahuhulog, nahuhulog sa tulog
At ako’y nagpapaubaya ng isip sa kanyang kapangyarihan.
Ako’y lumalaban at ibayong buhay ang aking isip
Sa pag-alaala ng mga katagang sigaw sa labanan.
18.
Bigong lunurin ng mga demonyo ang aking diwa
Subalit ako’y pagod at hilo nan ilang araw.
Halos hubad akong nakakadena sa teheras
Sugatan ang mga galang-galangan at bukung-bukong
Manhid ang mga kamay, may kirot sa dibdib
At parang tinutusok ng karayom ang aking mga mata.
Kahit gayon, paulit-ulit akong pinipiringan
Sa halinhinang pagdating ng mga bwitreng demonyo
Para tambol ang mga tanong sa aking tainga
Waring walang katapusan ang pagpupumilit nila.
19.
Lagli kong iniisip ang mga gabyota
Maselan at mahiwaga sa itaas ng bughaw na dagat
At ang mga pares na kalapating napakayumi,
Bawat isa’y nakaniiig sa kanyang katuwang.
Piniringan ako at isang bwitreng demonyo
Ang dumating na may alok para ako’y insultuhin:
Makulong kapiling ang aking mahal
Kapalit ng isang kasamang nasa laya.
Nagngitngit ako’t inungulan ang demonyo
At ninais kong sampalin siya.
20.
Kita ko ang mga nakangisngis na demonyong
Dumating para mang-alok pang minsan :
Simpleng ipahayag ko nang pormal
Na ako si A.G., at walang iba pa;
At matitigil ang pagpapahirap
At ako ay ilalagay sa piitan
Ng iba pang bihag ng Dyablo.
Pumayag pa silang magpapahiwatig
Na imposible ang pag-ugnay sa abugado
Dahil sa mga armadong demonyo mismo.

21.
Walang lubay ang pagpapahirap
Kundi sanlibong ulit na lalo pang lumalala.
Ang mga segundo, minuto, araw, linggo,
Buwan at panahon ay bumabagsak
Na parang malalaking bloke ng tingga
Sa aking utak at nerbyos
Sa handusay na katawan kong pinahihirapan,
Ang kaliwang kamay at kanang paa
Laging nakakadena sa maruming teheras
Sa pinamalaging pandarahas.
22.
Tumubo ang makakapal na kalyo
Sa diin ng bakal sa aking laman at buto.
Nahihirapan ako sa kalabisan
Ng init at lamig sa pagbabago
Ng panahon sa isang taon o sa isang araw.
Wala akong nakikitang lampas sa maalikabok na dinding
At masapot na kisame.
Sa araw at gabi, bawat sampung minuto
Sumisilip sa maliit nabutas ang isang demonyo
Para tiyaking laging nakakadena ako.
23.
Tanging mga surot, lamok, langgam
Ipis, butiki at gagamba
Ang kasama ko sa bahaging ito ng impyerno.
Hinahanap at pinanabikan ko ang aking mahal
At iniisip ko ang kanyang sariling kinasapitan.
Sabik ako sa lumalaki kong mga anak
Sabik ako sa matapat na samahan
Ng mga manggagawa, magbubukid at kasama
Sabik ako sa mga mamamayang nagsisialsa
At sa malapad at bukas na kalawakan ng aking bayan.
24
Ang mumunting demonyong nagkakalag sa akin
Ay karaniwang tikom ang mga labi
At pakita’y kawalang galang, nanggigipit at nang-iinsulto
Kailanma’t iniisip nilang lumalagpas ako
Sa ilang minutong laan para kumain
Ng panis at magbanyo.
Ngumingisi i lamang ang demonyong doktor
Kapag humihiling ako ng sariwang hangin at sinag ng araw.
Hindi inaayos ng demonsyong dentista,
Manapa’y sinisira pa ang aking ngipin.
25.
Ilang demonyo’y dumating paminsan-minsan
Nagtatanong bakit nais kong maghirap
Gayong tanging dapat kong gawin ay isuko
Ang aking kaluluwa sa habag ng Diyablo.
Minsan akong sabihan na tumakbo para sa asambleya
Ng mga demonyo, sakot ko’y paano ako tatakbo
Gayong di man lako makalakad sa selda ko.
Pagkatapos, sila ma’y tumigil na sa pagdating
Para hayaan akong maghirap nang walang tigil
Sa liyab ng sunud-sunod na tag-init.
26.
Habang ako’y tumatangging ipagbili o ipamigay
Ang kaluluwa ko sa Dyablo, ang kanyang pakana
Na pahirapan at patayin ito nang dahan-dahan
Sa paggapos ng aking katawan sa pagpapahirap,
Pag-amba ng espada ng kamatayan
At pagbantang hahayaan itong tumarak
Sa paraang pormal o impormal.
Subalit pakana’y walang saysay
Habang ang pighati ng solitaryong nakakadena
Bunsod ay mapanuksong dulugan kahit kamatayan.
27.
Nilalabanan ko ang pagkabagot,
Ang pag-ipon ng agting sa aking katawan at isip
At ang pasumpong na halina na kitilin ang sarili.
Patuloy akong kumakatha at bumibigkas ng tula
Para sumpain ang Dyablo at mga demonyo.
Lagi kong ginugunita ang mga larawan
Ng aking mahal, nagdurusa subalit nananaig;
Ng aming mga anak, malaya at mabilis lumalaki;
Ng masa ng naghihiganting mga anghel
Armado ng pinakamatalas na espada.
28.
Bawat araw na magdaan ay araw na napagtagumpayan,
Nagpapataas ng kapasyahan at katatagan.
Inaabangan ko ang pagkukunwari ng Dyablo:
Ihaharap ako sa hukuman niyang palabas
At ipagbubunyi siya ng mga demonyong huwes
Bilang kataas-taasang mambabatas, tagahuli, tagapagpahirap
Tagausig, huwes at berdugo.
Matapos ang mahabang panahon ng pagkakakadena, makakaupo ako
Sa tabi ng aking mahal sa harap ng mga demonyong huwes
At ipababatid sa mamamayan ang dinanas naming pahirap.

29.
Ang magsalita tungkol sa pahirap pagkapangyari ng lahat
Ang magsalita tungkol sa isang oras na panununtok,
Napakaraming ipinagkait na pagkain at oras ng pagtulog
Anim na oras ng pananakal ng tubig
Labingwalong buwan ng pagkakagapos
At napakaraming taon ng masikip na seklusyon,
Ay di kailanman sasapat sa paliwanag ng pagdurusa.
Ang Dyablo at mga demonyo ay di kailanman magsasabi
Sa biktima kung kailan matatapos ang pananakit
Habang nagbabanta sila ng ibayong sakit at kamatayan.
30.
Gayunpama’y maliit ang aking hirap at dusa
Habang iniisip ko silang higit na naghihirap
Sa dahas ng araw-araw na pagsasamantala
At pagragasa ng lagim sa bayan.
Minamaliit ko ang aking hirap at dusa
Habang iniisip ko ang mamamayang lumalaban
Para sa kanilang katubusan at kalayaan
At pinaghihiganti ang dugong ibinuwis ng mga martir.
Mimanaliit ko ang aking hirap at dusa
Habang umaasa akong makaambag pa sa pakikibaka.

Disyembre 1979

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.