Sa Cine Adarna, UP Film Center…
University of the Philippines-Diliman, Agosto 29, 2014
Mga kababayan,
Maalab na makabayang pagbati sa inyong lahat, at sa partikular kina Sari at Kiri Dalena bilang mga direktor ng The Guerrilla Is a Poet, kay Karl Medina na gumanap sa aking papel at sa iba pang aktor at kay Keith Sicat at iba pang nasa produksyon ng pelikula, sa Tudla Productions at iba pang tagapangasiwa sa kasakuyang pandayan at pestibal at sa lahat ng nanood sa pelikula at mga kalahok sa porum na ito.
Isang malaking karangalan sa amin ni Ka Julie at sa kilusan ng mga makabayan at progresibong pwersa ng sambayanang Pilipino ang pagtatanghal ng pelikulang The Guerrilla Is a Poet sa ika-6 na Pandayang Lino Brocka Film and New Media Festival.
Nagpapasalamat kami sa lahat na tagapangasiwa sa pagtatanghal ng pelikula at sa porum na ito. Nagpupugay kami sa Tudla Productions sa pag-organisa nito sa Pandayang Lino Brocka at sa National Commiission on Culture and the Arts at sa UP Film Center sa pagsuporta nila sa pandayan.
Taos pusong nasisiyahan kami na pinili ang The Guerilla Is a Poet bilang isa sa mga pelikulang angkop sa tema ng kasalukuyang pandayan hinggil sa mga kilusang panlipunan. Kaugnay nito, binabati rin namin ang mga tagalikha ng iba pang pelikulang kalahok sa pestibal.
Nakatuon ang pelikulang The Guerrilla Is a Poet sa amin ni Julie bilang mag-asawa at magkasama sa pakikibaka. Naisalarawan kung paano kami kasama sa muling pagbuhay sa kilusang masa laban sa imperyalismo at pyudalismo sa dekada ng mga 1960, sa pagpapalaganap ng teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan at sa pagbubuo ng rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa, hukbong bayan at nagkakaisang hanay.
Nagpapasalamat kami sa lahat ng kasama at kaibigan at sa masa ng anakpawis at mga pwersang makabayan at progresibo. Anumang nai-ambag namin sa pagsulong ng rebolusyon ay dahil lamang sa kanilang pagtitiwala at pagtangkilik. Pinangibabawan namin ang mga kahirapan sa pakibaka, pati ang sadya at malisyosong pahirap ng kaaway, dahil sa laging pagpupunyagi namin na maglingkodsa sambayanang Pilipino at isulong an rebolusyong Pilipino.
Nananatili hanggang ngayon ang mga problemang hinarap namin. Ang mga problemang ito ay dayuhang monopolyo kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukrata kapitalism. Nananatili rin ang hangarin ng sambayanang Pilipino na magkamit ng pambansa at panlipunang kalayaan at tumuloy sa sosyalistang rebolusyon para pawiin ang pagsasamantala ng uri sa uri at ng iilang bansa sa iba pang mga bansa.
Umaasa kami na makakatulong sa inyo ang pelikula na ipaliwanag ang mga problema ng ating bayan at magdulot ng ilang aral at inspirasyon sa inyo para ipagpatuloy ang rebolusyonaryong pakikibaka ng bayan hanggang malubos ang tagumpay sa isang tunay na malaya at demokratikong bansa, may hustisya sosyal, nagtatamasa ng lahatang panig na pag-unlad, makatarungang kapayaaan at pantay na nakikipagkapatiran sa lahat ng mamamayan sa daigdig.
Maraming salamat uli.