Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo,
International League of Peoples’ Struggle
22 Oktubre 2011
Taos-pusong nagpapaabot ng pakikiisa at pagsuporta ang International League of Peoples’ Struggle sa Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization (kasaping pederasyon ng Kilusang Mayo Uno) sa pagdaraos nito ng Ika-5 Pambansang Kongreso.
Tumpak at napapanahon ang tema ng kongreso: Mahigpit na panghawakan ang mga aral mula sa mahigit dalawang dekadang karanasan ng ANGLO-KMU! Palawakin at patatagin ang ating hanay! Isulong ang pakikibaka sa sahod, trabaho at karapatan! Isulong ang pakikibaka sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon!
Uliran ang inyong pederasyon sa pakikibaka ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya at para sa sosyalistang hinaharap. Mayaman ang inyong karanasan sa matatag at militanteng pakikibaka para sa mga karapatan at kabutihan ng uring manggagawa at ng sambayanang Pilipino.
Malaki ang aming tiwala na makakagawa kayo ng mahusay na paglalagom para hanguin ang mga aral mula sa nakaraan, matiyak ninyo ang kasalukuyang lakas ninyo at magtakda ng mga tungkulin para ibayong lumakas kayo at umabot sa mas mataas pang antas ng pampulitikang kamalayan at kakayayahang lumaban. Sa gayon, magkakamit kayo ng mas malalaking tagumpay.
Nakaharap tayo sa napakalubhang krisis ng pandaidgigang sistema ng kapitalismo at gayundin sa lokal naghaharing sistema ng mga malaking komprador at asendero. Ang burgesiyang monopolyo at oligarkiyang pinansiyal ang lumikha ng krisis sa pamamagitan ng walang awang pagsasamantala sa uring manggagawa sa proseso ng produksyon at pag-abuso sa pinansiya.
Lalo pa nilang pinalulubha ang krisis sa pagkamkam nila sa mga pondong pampubliko, pagpapalaki ng mga depisit ng gobyerno at pagpapataw ng patakarang pagtitipid at pangigipit sa mga mamamayan. Mga paraan ito ng pagpapabigat ng pasanin ng krisis sa likod at balikat ng masa. Lalong bumabagsak ang produksyon at lalong dumarami ang walang trabaho. Lalong nababaon ang bayan sa krisis at lumulubha ang pagdarahop.
Matindi ang pagsasamantala at pang-aapi sa uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Tungkulin nating pag-ibayuhin ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya. Ang masaklap na kalagayan ang nagtutulak sa lahat ng mamamayan na lumaban at palayain ang sarili mula sa kuko ng mga imperyalista at mga lokal reaksyonaryong papet nila.
Mabuhay ang ANGLO-KMU!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!