https://www.facebook.com/joma.sison/videos/10213859586594492/
London, United Kingdom, Oktubre 8, 2017
Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples´ Struggle
Mahal na mga kababayan sa FDWA,
Malugod kong ipinapaabot ang aking pagbati at pakikiisa sa inyo sa okasyon ng ika-4 anibersaryo ng pagkakatatag ng inyong samahan. Sa diwa, kalahok ako sa selebrasyon ng inyong mga tagumpay sa pagkilos para itaguyod, ipagtanggol at isulong ang mga karapatan at kapakanan ng mga domestic workers.
Tumpak ang inyong tema: “Muli nating panghawakan ang mga tagumpay. Palakasin ang hanay ng mga migranteng kababaihan sa United Kingdom!” Nakamit ninyo ang mga tagumpay dahil sa inyong pagkakaisa sa diwa at damdamin, sa organisasyon at pagkilos.
Dahil sa inyong mga tagumpay, ibayong lalakas ang inyong pagkakaisa at ibayong tataas ang inyong kakayahang magkamit ng mas marami pang tagumpay. Sa maningning ninyong halimbawa, napatunayan ninyong mabisa at matagumpay ang inyong pagkakaisa. Ibayong magpakahusay sa paghimok, pag-organisa at pagmobilisa sa mga domestic worker.
Karapat-dapat lamang na makapangalap kayo ng mas marami pang kasapi mula sa hanay ng mga migranteng kababaihan. Patingkarin ang talino at mapanlabang diwa ng kababaihang bayani katulad nina Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Lorena Barros at Maita Gomez na ang mga pangalan ay nakaguhit na sa kasaysayan ng ating Inangbayan..
Habang palagian at palubha ang krisis ng Pilipinas, patuloy ang pagdami ng kababaihang Pilipina na naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Mahalagang tungkulin na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kapakanan dahil sa palagian at palubha rin ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang pagsidhi ng pagsasamantala at pang-aapi, laluna sa ilalim ng patakarang neoliberal.
Sa lahat ng panahon, dapat laging nakatuon ang pansin natin sa ating bayan, alamin natin ang mga batayang problema roon at gawin natin ang anumang maari nating iambag sa mga kababayan nating nagsisikap at nakikibaka para baguhin ang mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema. Hindi natin dapat iasa na manggagaling ang makabuluhang pagbabago mula sa mga pangkat ng pulitiko na ahente ng mga dayuhang monopolyo at mga mapagsamantalang uri.
Lumantad nang lubusan ang imbing na katangian ng rehimeng US-Duterte bilang papet ng mga imperyalista at kasangkapan ng mga malaking komprador at asendero. Mahilig ang rehimeng ito na gumamit ng mga malupit at madugong pamamaraan para sindakin ang bayan, laluna ang mga mahihirap at salat sa kabuhayan, kalayaan at katarungan.
Sa ngayon, may lumalakas na kilusan ng mga anakpawis at malawak na nagkakaisang hanay laban sa rehimeng US-Duterte. Dapat nating suportahan nang tuwiran ang mga anakpawis at ang mga makabayan at progresibong pwersa. Sila ang pangunahing inaasahan natin para makamit ang pambansa at panlipunang pagpapalaya sa ating bayan.
Mabuhay ang Filipino Domestic Workers Association!
Ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kapakanan!
Mabuhay ang mga makabayan at progresibong pwersa!
Isulong ang kilusan para sa pambansang kalayaan at demokrasya!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!