Home Writings press statements PAKIKIRAMAY SA MGA PAMILYA AT MGA KASAMA NINA KA ARMAN ALBARILLO AT 10 PANG MARTIR

PAKIKIRAMAY SA MGA PAMILYA AT MGA KASAMA NINA KA ARMAN ALBARILLO AT 10 PANG MARTIR

0

Ni Prop. Jose Maria Sison
Punong Pampulitikang Konsultant
ng Pambansang Demokratikong Hanay ng Pilipinas

Bilang Punong Pampulitikang Konsultant ng Pambansang Demokratikong Hanay ng Pilipinas (NDFP), nagpapaabot ako ng taospusong pakikiramay sa  mga pamilya at lahat ng kasama sa Timog Katagalugan at buong bansa nina Ka Arman Albarillo at sampu pang martir na pinaslang ng  reaksyonaryong hukbo sa San Narciso, Quezon noong Hunyo 30.

Pulang saludo sa labing-isang kasamang nag-alay ng kanilang buhay sa sambayanang Pilpino at sa demokratikong rebolusyon ng bayan tungo sa maningning na sosyalistang kinabukasan.  Pinakamataas na karangalan ang magsilbi sa bayan, lumahok sa rebolusyon at magbuwis ng sariling buhay kung kinakailangan sa proseso ng pakikibaka.

Pinakasagrado ang dugo ng mga rebolusyonaryong martir at bayani.  Pinatataba ng kanilang dugo ang kalupaan ng rebolusyon.  Pinagtitibay nito ang kapasyahan ng mga rebolusyonaryo at ng masa na lumaban at gapiin ang kaaway.  Ibayong pinasisigla at pinabibilis ang agos ng rebolusyonaryong  Inspirasyon ng namumunong partido, hukbong bayan at sambayanan.

Natitiyak ko na magbibigay ang buong Partido,hukbong bayan at masa ng pinakamataas na parangal  sa bawat isa sa mga martir.  At matutukoy nila ang mga ambag ng mga martir sa rebolusyon.  Sa aking bahagi, hindi pa ako napaabutan ng impormasyon tungkol sa bawat kasamang martir.  Subalit umabot sa akin ang impormasyon tungkol kay Ka Arman Albarillo kung kaya tinutukoy   ko siya ngayon bilang kinatawan ng kanyang mga kasamang martir sa pakikibaka.

Abot sa aking kaalaman na si Ka Arman Albarillo ay dating pangkalahatang kalihim ng BAYAN-Timog Katagalugan at naging delegado sa Ikatlong Asambleya ng International League for People’s Struggle sa Hongkong noong 2007. Naging aktibo siya sa pambansang demokratikong pakikibaka pagkatapos paslangin ang kanyang mga magulang noong 2002 ng mga militar sa pamumuno ni Jovito Palparan, sa ilalim ng kontra-insurhensyang programa ni Gloria Macapagal Arroyo.

Nang mapabilang siya sa ST 72 kung saan 72 lider aktibista sa Southern Tagalog region ang sinampahan ng gawa-gawang kaso noong 2008, lalong nakita niya ang  kawalan ng hustisya at nagpasya siyang maging isang pulang mandirigma.  Natitiyak ko na ang mga kasama niyang martir ay dumaan din sa pag-aalipusta sa kanilang mga karapatan, sa matinding pagsasamantala at pang-aapi na naging dahilan ang paglahok nila sa pinakamataas na anyo ng rebolusyponaryong pakikibaka.

Ayon sa ulat, ang lalawigan ng Quezon ay nagdaranas ng matinding militarisasyon,  Walong  batalyon ng Philippine Army, Philippine National Police at CAFGU ang naka-deploy sa 22 bayan ng District 1 at 2 lamang. Walang kaparis sa kasaysayan ng probinsya at rehiyon ang ganitong kalaking deployment ng militar sa relatibong maliit na saklaw.  Tiyak na malaganap ang paglabag sa mga karapatang tao at pagsupil sa mga mga mamamayan at mga pwersang makabayan at progresibo.

Ang mabalasik na terorismo ng estado ay lalong magtutulak sa  sambayanan, laluna ang mga anakpawis, na lumaban para sa kanilang mga pambansa at demokratikong karapatan at isulong ang rebolusyon para sa kanilang pambansa at panlipunang paglaya.

Ang kalupitan ng kaaway ay magsisilbing hamon sa mga rebolusyonaryo na magpakahusay sa pagsasakatuparan ng wastong linya, mga prinsipyo, mga parakaran at ang estratehiya at mga taktika ng digmang bayan sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa gayon, magiging makabuluhan at mabunga ang mga  pagsisikap at sakripisyo ng ating mga rebolusyonaryong martir at bayani.

Mabuhay ang diwa at layunin nina Ka Arman Albarillo at mga kasama nioyang martir!

Isulong ang pambansang demokratikong rebolutsyon nhg bayan!

Mabuhay ang mga anakpawis at sambayanang Pilipino!###