Elmer “Ka Bong” Labog
Tagapangulo, Kilusang Mayo Uno at International League of People’s Struggle-Philippines
04 Disyembre 2015
Mainit at makabuluhang pagbati, mga kasama!
Sa ngalan ng Kilusang Mayo Uno, pambansang sentro ng tunay, palaban at makabayang unyonismo, at International League of People’s Struggle-Philippines, balangay sa bansa ng internasyunal na alyansang anti-imperyalista, welcome sa paglulunsad ng librong Crisis Generates Resistance ni Prop. Jose Maria Sison!
Mga kasama, itinaon natin ang lunsad-aklat na ito sa ika-32 anibersaryo ng kamatayan ni Felixberto “Ka Bert” Olalia, dakilang lider-manggagawa at tagapagtatag na tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno. May bukod-tanging papel si Ka Bert sa kasaysayan ng kilusang paggawa, sa pag-aalay ng maraming dekada ng kanyang buhay sa paglilingkod sa uri at sambayanan. Naging tulay rin siya ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas na itinatag noong 1930 at ng Communist Party of the Philippines na itinatag noong 1968. Hindi siguro isang minutong katahimikan, kundi isang minutong palakpakan, ang marapat nating ibigay sa alaala ni Ka Bert ngayong hapon. Maaari ba, mga kasama? Kung oo, palakpakan natin si Ka Bert sa hudyat na isa, dalawa, tatlo!
Mabuhay si Ka Bert Olalia! Mabuhay ang Kilusang Mayo Uno! Mabuhay ang uring manggagawa!
Isa sa mga naging dahilan kung bakit si Ka Bert ay naging matalas, matatag at sa maraming pagkakataon ay matagumpay na lider-manggagawa ay dahil tuluy-tuloy niyang pinag-aralan ang kalagayan ng uring manggagawa sa Pilipinas at sa buong mundo gamit ang paninindigan, perspektiba at pamamaraan ng materyalismong diyalektiko at ang makauring pagsusuri.
At iyan mismo ang ginawa ni Prop. Jose Maria Sison sa librong Crisis Generates Resistance. Mga kasama, koleksyon ito ng mga sulatin niya sa mga taong 2009-2010 tungkol sa Pilipinas at sa mundo. Inililinaw niya ang pagsusuri sa iba’t ibang usapin at ang mga tungkulin para sa pagsulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka sa Pilipinas at ng anti-imperyalista at sosyalistang pakikibaka sa buong mundo. Napakahalaga na mabasa ito, lalo na ng ating mga lider-manggagawa sa iba’t ibang antas. At para magawa iyan, mainam kung may kopya ang lahat ng ating lider na magbabasa nito. Ngayong araw, may special book launching price ang libro na P550. Sulit na sulit iyan para sa halos 400-pahinang materyal na mahalaga sa edukasyon sa ating hanay.
Alam din natin, mga kasama, na higit sa mga taong 2009-2010 ang halaga ng kaisipan at panulat ni Prop. Jose Maria Sison. Para ilarawan iyan, hayaan ninyo akong magkwento.
Minsan, may isang bisitang dayuhan tayo, isang kabataang babae galing China. Matapos niyang mag-integrasyon sa welga ng ating mga lokal, makipag-usap sa ating mga lider sa iba’t ibang antas, sumama sa rali at kung anu-ano pang aktibidad, nagkaroon kami ng pagpupulong para lagumin sa kanya ang naging karanasan niya sa Pilipinas.
Manghang-mangha siya sa kanyang nakita. Sabi niya, paano ninyo nagagawa ang lahat ng iyan? Papaanong iyung mga unyon ninyo, nagsisikap maging tunay, palaban at makabayan? Bakit mayroon kayong kilusang manggagawa, kilusang magsasaka at kilusan ng iba’t ibang sektor na nagtutulungan? Bakit iyung mga estudyante galing mga unibersidad, lumulubog sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka at nagpapa-deploy pa nga?
Syempre, naghanap naman tayo ng mga sagot. Marami akong nabanggit. Pero tuluy-tuloy siya sa pagtatanong: Bakit malinaw agad sa inyo na bulok ang rehimen ni Aquino? Bakit parang maraming organisasyon kayong gumagalaw pero parang nagkakaisa at nasa iisang ritmo lahat? Sa dulo, naunawaan kong gusto niyang humalaw ng aral para sa pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan sa China. Palaisipan na sa hinaba-haba ng kasaysayan ng China, Pilipinas ang paghahalawan ng aral at karanasan.
At sa dulo, natumbok ko rin ang pinakamatalas na sagot na hinahanap niya. Ang sabi ko, kasi may iisa kaming matalas na pagsusuri sa kalagayan ng lipunang Pilipino at ano ang mga dapat gawin para baguhin ito. Alam namin na ang lipunang Pilipino ay malakolonyal at malapyudal at kailangan nito ng pambansa-demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino. Sa madaling salita, mayroon kaming Lipunan at Rebolusyong Pilipino o LRP. Philippine Society and Revolution o PSR sa mga nakakabasa sa Ingles. At ang awtor niyan, syempre pa, ay si Prop. Jose Maria Sison sa pangalang Amado Guerrero.
Marami sa ating mga aktibista na narito, namulat na sa panahong nakatindig na ang batayang pagsusuri sa lipunang Pilipino at batayang tunguhin ng pakikibaka ng sambayanan. Pero sa ibang bayan, kailangan pa nilang masumpungan iyan. Lagi’t laging pasasalamatan at kikilalanin ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino ang ambag na iyan ni Prop. Jose Maria Sison.
Pwede ba tayong sumigaw? Mabuhay si Prop. Jose Maria Sison! Mabuhay ang librong Lipunan at Rebolusyong Pilipino! Mabuhay ang iba pa niyang sulatin!
Mga kasama, gusto ko lang ikwento na kahit sa personal na antas ay kahanga-hanga si Prop. Jose Maria Sison o si Ka Joma. Mapalad akong nagkaroon ng pagkakataong makilala siya sa ilang panahong pagkakasama namin kaugnay ng mga gawain ng ILPS.
Ang pangunahing katangian ni Ka Joma ay ang pagiging mapagkumbaba o humble. Mahusay siyang makitungo at makisama sa mga tao, anuman ang katayuan sa buhay. Syempre, palaban siya sa mga kaaway, reaksyunaryo, at mga pseudo-progresibo. Pero sa mga ordinaryong tao at kasama, mapagmahal at maalab siya.
Syempre pa, matalas talaga ang kanyang pagsusuri sa mga usapin. Kaya naman mabilis at episyente siyang maglabas ng pahayag sa mga nagsusulputang pambansa at pang-internasyunal na mga isyu.Mapagpasya siya sa pagharap sa mga tungkulin at suliranin.
Mahilig siyang magkwento at makinig sa mga kwento.
Sa karaniwang salita, “kengkoy” si Ka Joma. Kaya nga noong binansagan siyang “terorista” ng US, lahat ng nakakakilala sa kanya, hindi makapaniwala. Napakalayo ng pagkatao niya sa larawan ng terorista na pinapalaganap ng US at mga reaksyunaryo.
Noong tinanong daw si Mao Zedong kung paano niya gustong maalala, ang sabi raw niya: bilang isang guro. Mga kasama, si Prop. Jose Maria Sison, pilitin man nilang palabasing terorista, ay patuloy na magiging guro sa mga manggagawa, mamamayang Pilipino at mamamayan ng daigdig.
Kung manggagawa at maralita ka, dapat mabasa mo si Prop. Jose Maria Sison o malaman ang kaisipan niya. Mabilis natin itong mauunawaan dahil para sa atin ito. Ang tanging hindi makakaunawa nito ay ang mga mapagsamantala at mapang-api.
Hindi na ako masyadong magkukwento, mga kasama. Pakinggan natin sina G. Ericson Acosta, G. Marjohara Tucay at G. Ian Porquia sa kanilang mga rebyu ng aklat ni Prop. Sison. Katulad ninyo, excited na akong marinig ang mensahe ni Prop. Sison sa ating lunsad-aklat at lalo na sa Question and Answer Portion mamaya. Ang gusto raw ni Prop. Sison, marinig ang ating mga lider sa antas-unyon at antas-pederasyon, kaya baka tatahimik na muna ako mamaya. Kayo muna ang magtanong, mga kasama.
Pwede ba tayo ulit sumigaw? Mabuhay si Prop. Jose Maria Sison! Mabuhay ang Crisis Generates Resistance! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino! Mabuhay ang anti-imperyalistang pakikibaka sa daigdig! Mabuhay tayong lahat!