Home Writings Articles & Speeches PANANAW SA PAGPAPALAKAS NG KILUSANG KABABAIHAN SA KALUNSURAN LABAN SA IMPERYALISMO AT PATAKARANG NEOLIBERAL NITO

PANANAW SA PAGPAPALAKAS NG KILUSANG KABABAIHAN SA KALUNSURAN LABAN SA IMPERYALISMO AT PATAKARANG NEOLIBERAL NITO

0
PANANAW SA PAGPAPALAKAS NG KILUSANG KABABAIHAN SA KALUNSURAN LABAN SA IMPERYALISMO AT PATAKARANG NEOLIBERAL NITO
Julie & Joma Now

Kuro-Kuro para sa Usapang Gabriela, Usapang Mapgpalaya
Nina Julie de Lima at Joma Sison

Kolaborasyon namin ni Joma ang paglalahad na ito. Pinagkasunduan naming ako ang magbabasa at sa open forum naman magkatabi kami para tanggapin ang inyong mga tanong at sagutin ng isa o dalawa sa amin, depende sa kailangan.

1. Maikli at simpleng pagtalakay tungkol sa Neoliberalismo at epekto nito. Paano higit na napagsasamantalahan at nagagamit ang mga kababaihan, kaakibat nito maibahagi kung papaano ito nilalabanan ng kababaihan sa pandaigdigang saklaw at kung ano ang mga aral dito.

Ang libreng panghuhuthot ng mga rmonopolyo-kapitalista ng supertubo mula sa anakpawis sa buong daigdig, laluna sa mga bansang di-maunlad, ang siyang pinakabuod o esensya ng imperyalistang patakarang neoliberal. Para pataasin ang tubong mahuhuthot ng mga monoplyo-kapitalista, sadyang pinaliliit ang pasahod at ginagamit ang mas mataas na teknolohiya na nagbabawas sa empleo.

Nauuwi ito sa krisis ng sobrang produksyon dahil sa pagbagsak ng kita ng mga mamamayan gayundin ng kakayahan nilang bumili ng mga kalakal. Dahil sa pagbagsak ng benta at panghihina ng tantos ng tubo, pinalalaki ng mga bangko at mga estado ang pondo ng salapi at pautang para daw buhayin ang konsumo at produksyon. Subalit ang pinansiya ay hindi pumupunta sa produksyon at muling pag-empleo kundi sa palengkeng pinansyal ng mga sapi, bono at mga deribatibo para lamang tuloy ang pag-agos ng tubo sa mga monopolyong kapitalista.

Ang mga partikular na patakaran sa ilalim ng pangkalahatang patakaran ng neoliberalismo ay ang liberalisasyon ng pamumuhunan at kalakalan, ang pribatisasyon ng mga pag-aari ng estado, ang pagpalis sa mga regulasyon na pabor sa lipunan at kalikasan at ang denasyonalisasyon. Ano sa kongkretong sitwasyon ng Pilipinas ang ibig sabihin ng mga terminong ito?

Ang iberalisasyon ng pamumuhunan ay nangangahulugang libre o walang hadlang na pagpasok at paglabas ng dayong puhunan ng mga monopolyo kapitalista at gayundin ng kinikita nitong supertubo. At hindi lamang dayong kapital at tubo kundi libreng paglabas ng kita ng malalaking komprador at ng kurakot ng mga bulok na opisyal ng gobyerno. Ang liberalisayon ng kalakalan naman ay nangangahulugan ng libreng pagpasok ng mga dayong kalakal sa manupaktura at agrikultura. Ang epekto´y hindi nagkakaroon ng kakayahan ang ating bansa na magtayo ng mga industriya o mag-industryalisa; at napipinsala rin ang ating produksyong agrikultural para sa pang-araw-araw na pagkain. Bukod pa. nawawala sa kamay ng mga kababayan natin ang lupa at agrikultura at napapasakamay ng mga dayuhang agrokorporasyon na ang produksyon ay pangunahing nakatuon sa mga produktong pang-eksport.

Sa kawalan ng industryalisasyon, hindi nakakapaglikha ng sapat na empleo ang ating bansa. Lumalaki ang desempleo, lumulubha ang karukhaan at nababansot ang ating ekonomiya. Hindi nakakapagpaunlad kundi nakakapinsala sa eknomiya ang mga empresang pinapabor, tulad ng pagmimina, pagtrotroso, plantasyon para sa mga produktong panluwas, pribadong konstruksyon para sa mga maykaya at mayayaman, malamanupakturang panluwas, mga call center, shopping mall, bangko at iba pa, na pag-aari ng mga dayuhan at malalaking komprador.

Dahil sa kakulangan ng trabaho sa kanayunan, dumadagsa tungong kalunsuran ang mga walang trabaho kaya´t laging lumalaki ang akumulasyon ng walang trabaho o walang sapat na trabaho rito. Habang nagtataasan ang mga gusali ng mayayaman, lumalawak naman ang tinatayuan ng mga barung-barong ng mahihirap. Dumarami rin ang nagsisikap na umalis sa bansa para maghanap ng trabaho sa ibayong dagat, mawalay man sila sa kanilang mga pamilya at bata pang mga anak. Karamihan sa umaalis ay kababaihan.

Sadyang papet sa mga imperyalistang kapangyarihan ang gobyerno at sunudusunuran sa patakarang neoliberal. Ginawang pribado ang mga ari-arian ng gobyerno, kabilang ang malalawak na lupain, mga public utlities (tubig, elektrisidad, tren, at iba pa), institusyong pangserbisyo sosyal tulad ng mga ospital, eskwela at iba pa. Itinuturing na mas mabisa ang mga pribadong monopolyo at mas mababa ang singil nito para sa mga serbisyo. Subalit batid nating panay kasinungalin ito.

Ang patakarang dereguslasyon ay nangangahulugang tinatanggal ang mga regulasyong nauukol sa social protection ng mga manggagawa, kababaihan at mga bata. Ang imbing layunin ay palakihin ang tubo ng mga monopolyo-kapitalista sa pamamagitan ng pagpapatindi ng pagsasamantala. Tinatanggal din ang proteksyon sa kapaligiran upang pabilisin ang pagsamsam ng mga monopolyo kapitalista sa ating likas yaman sa pamamagitan ng pagmimina, pagtotroso at plantasyon ng produktong panluwas. Walang humpay ang pagsira sa kalupaan, pagpapadaloy ng dumi at lason sa mga ilog, lawa at dagat at paggamit ng fossil fuels (langis at karbon) na malakas magluwal ng carbon dioxide at iba pang mga polyutant na nagiging sanhi ng pag-init ng klima sa ating bayan at sa buong daigdig at sa pagdalas ng malalakas na bagyo.

Ang patakarakang denasyonalisasyon ay nangangahulugang ibinubukas ang lahat ng likas na yaman, gayundin ang ibat’ ibang tipo ng empresa at negosyo sa mga dayuhang monopolyo kapitalista at sa mga kasabawat nilang malaking komprador. Dati nang pinayagan ang mga dayong kapitalista na ariin ng 100 por syento ang mga minahan, bangko, pangangalakal at iba pang empresa. Sa kasalukuyan, nais ng mga opisyal ng papet na gobyerno na alisin o ipawalang bisa ang anupamang natitirang probisyon sa reaksyonaryong konstitusyon, na nagtataguyod pa ng soberaniya sa ekonomiya, pambansang patrimonya at restriksyon sa mga dayuhan sa pag-angkin sa likas yaman at pagnengosyo.

Bilang kalahati ng lipunang Pilipino, ang kababaihan ay nagdaranas din sa pananalanta ng patakarang neoliberal. Mas mabigat pa kaysa kalalakihan ang nagiging pasanin ng kababaihan. Sila ang inaasahang mag-asikaso sa tahanan at mga anak at nakababatang mga kapatid at sa matatandang magulang at kamag-anak na hindi na pwedeng magtrabaho. Subalit ang kababaihan ang unang pinapatrabaho sa mga serbisyong mababa ang pasahod sa loob at labas ng bansa. Sila ang nagiging katulong ng mga pamilyang maykaya, tagalinis, tagaalaga sa ibang pamilya, serbidora sa mga restawran, tindera at iba pa.

Kaakibat ng patakarang neoliberalisasyon ng imperyalismong US ang full spectrum dominance, ang estratehikong doktrinang militar ng US para mapanatili ang dominasyon nito sa buong mundo at kontrahin ang lahat ng pwersa—mga estado, mga bansa at mga mamamayan–na tumututol o lumalaban sa pananalanta, na epekto ng globalisasyong neoliberal. Dito nakapakat ang di-umanong war on terror o global war on terror ng US, na sa katunayan ay serye ng mga gerang pananalakay sa Sentral Asya, Middle East at North Africa; at gayundin ng sari-saring aksyong interbensyon at subersyon sa lahat ng dako ng daigdig, kabilang ang Pilipinas. Lahat ng ito ay nagbubunga ng krimen na pasimuno ng US at isinasagawa ng NATO at lahat ng iba pang mga gobyernong papet: henosidyo at paninira ng mga pinakapundamental na pangangailangan at karapatan ng mga mamamayan.

Matingkad na aplikasyon ng full spectrum dominance ang pivot to Asia o pagbaling sa Asya ni Obama. Mahalagang bahagi nito ang pagtitrensera ng pwersang militar ng US sa Pilipinas sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), dagdag sa naunang Visiting Forces Agreement noong 1998. Kaugnay din nito ang kasalukuyang Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino II ang lubhang masahol na pagpapatuloy ng mga naunang Oplan, na pataw ng US sa ating bayan at ipinatutupad ng papet na pamahalaan sa pamamagitan ng laganap na paglabag sa lahat ng karapatan ng sambayanang Pilipino.

Paano binabaka ng kababaihan ang neoliberalismo sa pandaigdigang saklaw? Ang pinakamabisang paglaban sa diskriminiasyon, pagsasamantala at pang-aapi sa kanila, na nakaugat sa kongkretong kondisyon ng bawat panahon, ay ang lubusang paglahok sa kilusang rebolusyonaryo. Pinatutunayan ito ng mahabang tradisyon ng kababaihang lumalahok sa pagrerebolusyon di lamang sa sariling bayan nila kundi sa pakikipagkaisa rin sa iba pang nakikibakang mga mamamayan at kababaihan sa pandaigdigang saklaw.

Makiisa sa lahat ng demokratikong pwersang lumalaban sa pananalanta ng mga pwersa na nagsasagawa ng patakarang neoliberal—mga monopolyong kapitalista at kanilang mga estado at militar. Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng ILPS at International Womenś Alliance (IWA), na kapwa kinapapalooban ng Gabriela bilang miembrong organisasyon. Bukod dito, makipag-ugnayan din sa mga organisasyon o alyansang kapareho ninyo sa iba ibang bansa at patibayin ang pakikipagkaisa sa kanila sa mga pagkilos na demokratiko at anti-imperyalista.

Marami sa inyo ang may mga kamag-anak na dumadayo sa ibang bansa para magtrabaho at manirahan doon. Karamihan sa kanila ay mga babae. Himukin ninyo silang umugnay at sumapi sa tsapter ng IWA, Gabriela kung mayroon o Migrante Internasyonal at mga tsapter nito sa iba´t ibang bansa. Isa pa, sa pamamagitan ng mga tsapter ng Gabriela st International League of Peoples´ Struggle, International Womenś Alliance , at iba pa, makipag-ugnayan at makiisa kayo sa mga organisasyon ng kababaihan sa iba ibang bansa para isulong ang pandaigdigang kilusang demokratiko at anti-imperyalista.

Para makuha natin ang pakikiisa at suporta ng mga mamamayan ng daigdig, una sa lahat ay dapat pag-igihan natin ang paglaban sa mga imbing pwersa at epekto ng neoliberalisasyon. Ang mga tagumpay natin dito ay tagumpay na rin nila. Ang puspusang paglaban natin sa sariling bayan ay aakit ng pakikiisa at suporta ng iba pang mga mamamayan. Dapat walang tantan nating linalabanan ang lahat ng ramipikasyon at pananalanta ng Oplan Bayanihan na itaguyod ang interes ng mga monopolyong kapitalistang dayuhan at burukrata kapitalistang lokal na nagbubunga ng kasuklamsuklam na mga krimen na ipinararanas sa sambayanang Pilipino. Malalaman ninyo ang lahat ng tipo ng mga krimeng ito kung aralin ang mga husga o verdict ng katatapos na International People´s Tribunal (http://internationalpeoplestribunal.org/verdict/) na idinaos sa Washington, DC nitong nakaraang buwan ng Hulyo.

2. Bilang mga pangunahing lider ng kilusang masa noong FQS at sa ngayon sa internasyunal, ano ang inyong maibabahaging mga pangunahing karanasan at aral para higit na sumulong ang kilusang kababaihan sa Metro Manila?

Antemano, sasabihin namin ang mga aral na nakuha namin sa aming karanasan at pagkatapos isasalaysay namin ang aming karanasan. Pinakamahalaga sa umpisa, ang wastong pananaw na kalahati ng sambayanan at sangkatauhan ay kababaihan. Kung gayon kalahati ng kakayahang kumilos para baguhin ang sistemang panlipunan ay nakaatang sa lakas at talino ng kababaihan. Sapagkat pinaghaharian ang lipunan ng mga uring malaking komprador at asendero na dominado ng imperyalismong US, dapat kalahok ang kababaihan mula sa uring manggagawa at magsasaka sa pagkilos upang wakasan ang malakolonyal at malapyudal na lipunan at ipalit dito ang lipunang makabayan at demokratiko. Sa kontekstong ito, napakahalaga ang pagsulong ng kilusang kababaihan sa Metro Manila na nakabatay sa kababaihang manggagawa at tinutulungan ng mga progresibong aktibista mula sa petiburgesyang lunsod.

Dapat isama ang buong dekada ng 1960 sa tanong para maunawaan ang pag-unlad ng partisipasyon ng kababaihan sa kilusang pambansa-demokratiko. Pagdating ng FQS noong 1970 sabay-sabay nang bumuhos sa mga lansangan ng Metro Manila kapwa ang kababaihan at kalalakihan sa halos magkatumbas na bilang. Sa unang bahagi ng dekada ng 1960, lumalampas ang kababaihan sa 30 por syento ng kasapian ng Student Cultural Association ng UP at pagkatapos sa Kabataang Makabayan. Subalit sa mga pulong pampubliko at sa mga kilos protesta, hirap pa kaming palampasin sa 10 por syento ang partisipasyon ng kababaihan.

Malamang na dahilan ng mababang tantos ng partisipasyon ng kababaihan ang tradisyonal na kultura na patryarkal, pyudal at malapyudal na mabigat pa ang impluyensa sa kababaihan pati na sa kalalakihan. Karamihan sa mga namumumo sa mga progresibong organisasyon ay mga lalaki at umaabot sa 90 por syento o higit pa. Ang kababaihang kabataan ay inoobliga ng mga mga magulang na umuwi sa umano´y tamang oras di lamang para ingatan ang kanilang puri kundi tumulong din sa gawaing bahay. Mas may laya ang mga nakadormitoryo sa pagsama sa mga progresibong organisasyon.

Dahil sa pag-aaral ng Marxismo-Leninismo, laluna sa mga akda ni Kasamang Mao tungkol sa relasyon ng kababaihan at kalalakihan, natutunan namin ang prinsipyo na uunlad at mananalo ang kilusang rebolusyonaryo kapag lubos na kalahok ang kababaihan dahil kalahati sila sa mga mamamayan at sa sangkatauhan. Tinandaan, idinidibdib at ipinalaganap din namin ang katotohanang mas malaking paghihirap ang dinaranas ng kababaihan kaysa kalalakihan. Hindi lamang sila katulad ng kalalakihan na nagdaranas sa pagsasamantala, pang-aapi at panunupil ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo kundi dagdag sa mga ito, ang sobinismo o labis na pagmamataas ng kalalakihan sa kanilang sarili.

Kung gayon, dapat palargahin ang paglahok ng kababaihan sa kilusan, paramihin ang bilang nila at palargahin ang kanilang kakayahan sa lahat ng pagkilos. Huwag silang ikulong sa mga tinatawag na gawaing babae, tulad ng pinansya, pagluluto at paglabada, atbp. Magkapantay ang kababaihan at kalalakihan sa mga batayang karapatan at tungkulin, at sa pamumuno batay sa kakakayahan. Sa pakikibaka magaganap ng kababaihan ang sariling paglaya at hindi sila dapat harangan kundi himukin pa nga at tulungang lumaban sa sobinismong-lalaki; at gayundin sa lahat ng pwersang mapagsamantala at mapang-api kapwa sa kababaihan at kalalakihan. Dapat ding himukin at tulungan ng kababaihan ang kalalakihan na iwaksi ang mga labi ng sobinismong-lalaki na lumilitaw pa rin maging sa kalalakihan sa hanay ng progresibo at rebolusyonaryong kilusan.

Nagtayo ang Kabataang Makabayan noong 1965 ng Women’s Bureau para tiyakin na maparami ang bilang ng mga kasaping babae at bigyan daan ang kanilang talino at kakayahang kumilos. Sinadya naming bakahin ang ilusyon o pag-aakalang petiburges na lubusang magkapantay na nga ang lahat ng kababaihan at kalalakihan dahil lamang pantay ang mga babae at lalake sa pag-aaral sa unibersidad at sa pagpasok sa mga propesyon. Kahit sa maliit na daigdig ng petitburges, hindi lubos na magkapantay ang mga sari. Kung tingnan natin ang kababaihan ng mga uring anakpawis, makikita natin ang sampusampung milyong kababaihan na nagdaranas ng kawalan ng pantay na karapátan sa lipunan.

Sa paghango ng inspirasyon para sa paglaya ng kababaihan, inaral din namin ang kasasaysayan ng rebolusyong Pilipino. Nalaman naming dito ang papel ng kababaihan sa paghahanda at paglulunsad ng rebolusyon. Mangyari pa, alam na nating lahat ang matalino at magiting na pamumuno nina Gabriela Silang at Teresa Magbanua (na lumabag sa kagustuhan ng asawa para lumahok sa Katipunan) sa pakikibaka laban sa kolonyalismong Kastila; nina Melchora Aquino, Gregoria de Jesus at iba pa sa Katipunan at marami pang ibang babaeng lider ng rebolusyon sa paglaban sa imperyalismong US at mga papet na reaksyonaryong Pilipino.

Hindi sapat ang wastong pag-aaral at pag-iisip tungkol sa kababaihan. Kinailangan ang wastong pagsasapraktika ng mga prinsipyo at patakaran tungkol sa kababaihan. Ang mga lalakeng mula SCAUP at KM na pumasok sa kilusang paggawa sa pamamagitan ng Lapiang Manggagawa at mga partikular na pederasyon tulad ng National Association of Trade Unions (NATU) at National Federation of Labor Unions (NAFLU), nagkaroon kami ng mga pagkakataon na makasama sa pakikibaka ang mga unyonistang babae, laluna sa mga bangko, pribadong unibersidad at mga pabrika ng pagkain, inumin, sigarilyo at tela, na mga babaeng manggagawa ang siyang nakararami. Nakita namin ang galing ng kababaihan sa pamumuno at pagkilos. Sa mga gawaing masa sa kanayunan, nakita rin namin ang pagkilos ng mga babaeng lider sa komunidad at samahang magsasaka.

Sa pundasyon ng Movement for the Advancement of Nationalism, tiniyak ng KM Women’s Bureau na magkaroon din ito ng Women’ Bureau upang paramihin at patingkarin ang partisipasyon ng kababaihan.

Kapansin-pansin na magmula noong 1965 dumami ang mga babaeng kalahok sa mga kilos protesta. Ang patas na bilang at militansya sa pagkilos ng estuyanteng kababaihan at kalalakihan ay tumampok noong pumutok at lumaganap ang aklasang estuyante sa mga unibersidad at kolehyo sa buong kapuluan sa ikalawang hati ng dekadang sesenta. Sa kalaunan, binuo ng KM Women’s Bureau ang Makibaka batay sa dumaraming kababaihang aktibista. Noong maganap ang FQS (daluyong sa unang kapat ng taon o First Quarter Storm, pumapatas ang bilang ng kababaihan at kalalakihan sa hanay ng mga nag-aalsang kabataan na umaabot sa 100,000 bawat pagkilos.

Marami kayong aral na makukuha sa aming pagsasalaysay ng matagumpay na karanasan sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga kababaihan. Ilapat ninyo sa mapanlikhang paraan ang mga aral na ito sa kasalukuyang sitwasyon sa inyong mga komunidad at kinikilusan.

3. Ano ang inyong maipapayo o maibabahaging mga mayor na punto para organisahin ang mga kababaihang manggagawa at kababaihang kabataan at estudyante? Ano ang kahalagahan nito sa kilusang kababaihan.

Kung may sapat na patnubay ang Gabriela, kayang-kaya ng kababaihang manggagawa na lumahok sa pagtatayo at pagpapaunlad ng mga unyon sa mga pabrika at mga linya ng trabaho. Kayang-kaya rin nila na magpasimula o tumulong sa pagtatayo ng mga pangkalahatang organisasyon sa komunidad nila at magbuo ng ibang tsapter at proyeko ng Gabriela, tulad ng mga day care center, klinika at talakayan.

Dapat maunawaan ng kabataan at estudyanteng aktibista, laluna ang kababaihan sa kanila, na mabigat para sa manggagawang kababaihan na may sahurang trabaho, gawaing unyon, at gawain sa tahanan na mag-organisa pa rin sa komunidad. Dito, makikita natin ang malaking puwang para sa mga kabataan at estudyante na tumulong sa pag-oorganisa sa mga komunidad at sa pagpapatakbo ng mga proyektong pangkomunidad. May sariling bigat ang pagbabasa at pag-aaral subalit mas pleksible pa rin ang katayuan ng mga estudyante at kabataan, laluna kung piliin nila ang komunidad na tinitirahan or malapit sa tinitirhan nila.

Magandang pagkakataon para sa mga estudyante at kabataan ang mag-organisa para alamin ang kalagayan ng masang mahirap, makipagtalakayan sa kanila at tumulong sa pagtatayo ng ibat ibang tipo ng organisasyon sa komunidad. Puede silang tumulong sa pagtatayo ng pangkalahatang organisasyon ng komunidad tulad ng Kadamay at mga partiikular na organisasyon, katulad ng tsapter ng Gabriela o Anakbayan on anupamang angkop na organisasyon.

Tandaan natin na tungkulin ng Gabriela o anupamang sektoral na organisasyon na tumulong sa pag-oorganisa ng iba pang mga pambansa-demokratkong organisasyon, saanman matagpuan ang oportunidad o pagkakataon na simulan ang pag-oorganisa at ipasa ang naorganisa sa kinauukulang organo o organisasyon para ipagpatuloy. Kailangang-kailangan ang pagtutulungan sa pag-oorganisa ng masa kaya huwag ikupot sa iisang sektor ang pag-oorganisa. Tungkol sa mga isyung kinakaraga natin sa pagkilos, dapat lagi nating iniuugnay ang mga isyung pangkababaihan sa mga pangkalahtang layunin ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Sa pagkilos at sa pagtatayo ng anumang organisasyon ng masa, una sa lahat ang matuto sa masa tungkol sa kanilang kalagayan, pangangailangan at hangarin. Dapat may panlipunang pagsisiyasat. May pagtitipon ng lima hanggang sampung tao na puedeng panggalingan ng impormasyon at piliin ang ilan sa kanila na may kakayahang mamuno. Batay sa pagsisiyasat, malalaman kung paano ilapat ang pangkalahatang linya ng kilusang pambansa-demokratiko sa lugar at sa tipo ng organisasyon na itatayo.

Sa pagtatayo ng organisasyon, dapat may naunang nagpaliwanag tungkol sa organisasyon at kayang magtipon ng ilang panimulang kasapi. Mabuti na kung may 20. Sa araw ng pagtatayo ng organisasyon, may tagapaliwanang sa layunin at mga batayang punto sa konstitusyon ng organisasyon. Dapat ding may talakayan para magkalinawan. Bago matapos ang pulong, maari ng maghahalal ng mga opisyal ng organisasyon.

4. Mga paksa na maaari nyo pang maidagdag.

Mahaba na ang aming presentasyon at marami na ang aming sinaklaw. Mabuting iukol na natin ang natitira pang panahon sa palitang kuro at talakayan. Magtanong kayo tungkol sa mga itinuturing ninyong dapat pang ipaliwanag o iba pang bagay na may kinalaman sa inyong batayang isyu subalit hindi nasakakaw ng aming presentasyon. Maraming salamat!
Mabuhay kayo!