Ni Mitchie M. Saturay
1.Ka Joma at Ka Julie, paano at ano ang pagkakilala ninyo kay Ka Bien?
Julie: Matagal bago ko pa makaharap at makausap si Ka Bien, bantog na sa akin ang kanyang pangalan at buhay bilang progresibong guro’t manunulat mula sa mga kaibigan kong nakasama niya sa gawain sa PAKSA at, bunga nito, sa piitan ng pasistang diktadurang Marcos.
Joma: Batay sa mga report na nakakarating sa akin noong late 1960s at early 1970s alam kong siya ay makabayan at progresibo, kagrupo niya sina Nick Tiongson, Pete Lacaba, Ricky Lee at Boni Ilagan. Kasama siya sa pagbubuo ng PAKSA kung saan nagbigay ako ng mensahe sa mga manunulat ng PAKSA na gawing ulos ang kanilang mga pluma laban sa pang-aapi at pagsasamantala. Mula sa underground magiting na lumaban si Ka Bien sa pasistanng diktadura ni Marcos. Nahuli at nakulong siya noong 1974. Hindi siya natakot at a paglabas niya patuloy na lumaban siya bilang makabayang guro at manunulat. Nasusubaybayan ko ang mga akda at mga aklat niya at at ang paglahok niya sa kilusang makabayan laban sa bulok na sistema at para sa maningning na kinabukasan ng ating bayan.
2.Ano ang pagtingin ninyo sa mga mapanlikhang akda ni Ka Bien?
Joma: Kahanga-hanga ang lawak at husay ng mga akda ni Ka Bien. Simple at masigla ang lengguahe niya, madaling intindihin at madaling tumalab sa mambabasa. Una sa lahat, makabayan at progresibo ang nilalaman ng kanyang mga kasulatan. Dapat banggitin ko ang kanyang mga libreto:Tales of the Manuvu; Rama, Hari; Nasa Puso ang Amerika; Bayani; Noli me Tangere: The Musical; at Hibik at Himagsik Nina Victoria Laktaw. Dapat banggitin ko rin ang mga sanaysay niya hinggil sa buhay at kultura, hinggil sa literatura sa pangkalahatan at mga literatura ng iba’t ibang rehiyon at hinggil sa pelikula. Banggitin ko pa ang mga tula niyang hinggil sa mga umaapoy na isyu.
Julie: Bukod sa pagiging masipag na manunulat, masugid siyang tagpagtaguyod ng progresibo at mapagpalayang kultura ng sambayanan. Sa pinakauna naming pag-uusap, ipinakita niya sa akin ang reprint ng sanaysay ni Joma na isinerye sa Philippine Collegian, “Social Consciousness in Philippine Literature”. Aniya, ginagamit niya itong reference material sa itinuturo niyang graduate course sa Literaturang Filipino. Isa si Ka Bien sa mga nagtulak na ilathala ang tinipong mga tula ni Joma, ang Prison and Beyond, at kanya ang “Beyond Biography”, isa apat na pambungad sa aklat. Magkadiwa’t damdamin sina Ka Bien at Joma, kung kaya malaki ang paghanga at pagpapahalaga nila sa isa’t isa.
3.Ano ang mga naging pakikipagtulungan ninyo kay Ka Bien sa larangan ng kultura at pangkalahatang pakikibaka?
Julie: Noong kalalabas ko sa piitan noong 1982, isa siya sa mga nilaptan kong tumulong sa pag-oorganisa ng Free Jose Maria Sison Committee (FJMSC) para isulong ang kampanya sa pagpapalaya ng mga bilanggong pampulitika bilang dagdag na pwersang kontradiktadura. Bagamat makailang ulit at maiigsi lang, laging malaman ang aming mga usapan. Nagbigay siya ng mga mungkahi sa pagsusulong ng kampanya sa pamamagitan ng mga akitibidad na pangkultura, tulad ng pagpapakilala kay Joma bilang manunulat sa kultura at literaturang Pilipino at paglilimbag at pagpapalaganap ng kanyang mga tula.
Joma: Nagpapasalamat ako kay Ka Bien sa paggawa niya ng script sa anyo ng dalit para sa musicale na Ang Makata’y Mandirigma, Ang Mandirigma’y Makata. Tungkol ito sa aking buhay at pakikibaka. Malaking karangalan para sa akin na sinulat niya ang dalit. Maraming humanga sa sinulat niya at sa pagkakagawa ng musicale. Ipinapalagay ko na ang mga sinulat ni Ka Bien, mga napapanahong pahayag sa mga isyu at paglahok niya sa kilos masa ay pakikipagtulungan sa atin lahat para isulong ang pambansa at demokratikong kilusan ng sambayanang Pilipino.
Maligayang kaarawan, Ka Bien! Mabuhay ka nang marami pang mapanlikhang taon! Isulong ang rebolusyon! ####