WritingsMessagesPARANGAL KAY KA JUDY TAGUIWALO SA PAGRETIRO NIYA...

PARANGAL KAY KA JUDY TAGUIWALO SA PAGRETIRO NIYA SA UNIVERSIDAD

-

Ni Joma Sison
Abril 17, 2015

Mapulang saludo kay Kasamang Judy Taguiwalo! Ikinararangal at ikinatutuwa ko na maanyayahan ng CONTEND na lumahok sa pagtitipong ito para parangalan si Ka Judy sa pagretiro niya sa unibersidad. Ipagbunyi natin ang paglilingkod niya hindi lamang bilang guro sa unibersidad kundi, higit na mahalaga pa, sa sambayanang Pilipino sa bagong demokratikong rebolusyon. Dito rin sa unibersidad nag-umpisa ang kanyang rebolusyonaryong pagkilos.

Nasubaybayan ko ang pagkilos ni Ka Judy magmula pa noong siya’y kabataang aktibista sa Unibersidad ng Pilipinas, laluna nang magkaisa ang Samahang Demokratiko ng Kabataan at Kabataang Makabayan sa huling kwarto ng 1969 at magtulungan ang mga ito para likhain ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970, ang Diliman Commune ng 1971, at iba pang mga kilos masa hanggang ganap na suplilin ng pasistang diktadura ang legal na kilusang demokratiko noong 1972.

Si Ka Judy ay isang halimbawang nagpapatunay na nahahango ng kilusang pambansa demokratiko at rebolusyonaryong partido ng proletaryado ang mga pinakamahusay na aktibista mula sa hanay ng petiburgesyang lunsod. Kasama siya sa mga kasapi sa SDK na tinantya at kinausap na maging rebolusyonaryong kadre para sa mga lalawigan at sa kanayunan. Tampok din ang kanyang pagkilos bilang lider ng Makibaka.

Si Ka Judy ay isang mahusay na halimbawa ng estudyante na kayang maging aktibista ng SDK, Nationalist Corps at Makibaka sa kampus, mga lansangan at mga nayon ng Timog Katagalugan; magbasa at mag-aral ng mga rebolusyonaryong aklat; dumalo sa mga pulong; magsulat sa Collegian; at kasabay ng lahat ng ito’y matataas pa rin ang grado hanggang magtapos na cum laude sa kurso na Agham Panlipunan at Gawaing Panlipunan.

Talagang lahatang-panig ang mga kakayahan at gawain ni Ka Judy. Minsan, kanya pa yong nalitratuhan at nailathala sa peryodiko na “pretty legs” nakausli sa likod ng isang jeepney nang nagsisikan dito ang ang mga aktibista para iwasan ang marahas na panggugulo ang mga pulis sa isang rali.

Natapos ni Ka Judy ang kurso nya noong 1970 at bumalik sa Negros noong 1971. Lumahok siya sa paglalatag ng gawain at pagbubuo ng Komite at organisasyon ng Kanlurang Bisayas. Nang nagpulong ang mga kadre ng rehiyon sa isang baryo sa Panay noong Hulyo 1973, inaresto sila ng pulis at lumaban ang mga kasama. Nagkabarilan at nagkamatayan. Nabihag si Ka Judy, pinahirapan, ibinilanggo sa Camp Lapulapu sa Cebu at pagkatapos ay inilipat sa Ipil Detention Center sa Fort Bonifacio.

Kami sa Komite Sentral ay nalungkot sa lahat ng naturang pangyayari. Pero lumukso ang mga puso namin nang mabalitaan naming nakatakas sa preso si Ka Judy noong Nobyembre 1, 1974, kasama ang dalawa pang babae at tatlong lalakeng detenidong pulitikal. Mahusay ang pagtyempo ng pagtakas dahil sa piyesta ng patay. Umabot pa sa amin ang kwento na umuulan at may kasamang babaeng detenido na pasayaw-sayaw sa ulan, at siya ang pinagtuunan ng pansin ng mga gwardya.

Unang pagkakataon na magkita kami ni Ka Judy ay noong 1975 sa Bulacan. Nasa lihim na kilusan siya at tumutulong sa gawain sa Panay. Pinag-usapan namin at ng kanyang kasama mula sa Panay ang pagpapatupad ng panlipunang pagsisiyasat at gawaing masa. Di nagtagal ay dinestino siya sa Pangasinan, na noo’y nasa rehiyonal na balangkas ng Ilocos-Montanyosa-Pangasinan. Sa huling bahagi ng 1975, pumasok siya sa sonang gerilya ng Cordillera at napasama sa tinawag na Big Camp na nagtagal sa paglalagom.

Sabi ng mga kasama sa Cordillera, magaling si Ka Judy sa teorya at pagsusuri, lohikal na mag-isip, maliwanag na magsalita at magsulat, may disiplina, at masipag. Kaya niyang gampanan ang mga mataas at mababang tungkulin. Napag-uugnay niya ang teorya at praktika sa anumang antas ng gawain. Hindi siya nalilimutan bilang pinuno ng kitchen collective. Dalubhasa siya sa malasa at masarap na pagluluto para sa marami. Batid ninyo na agham at sining ang ganitong pagluluto.

Bumababa siya mula sa Cordillera para alagaan ang anak niyang sanggol at para lumipat ng trabaho sa ilalim ng Departamento ng Edukasyon ng Partido. Marami siyang sinulat sa Pilipino para sa intermedya at abanteng kurso ng Partido.

Sa kalaunan, idinestino siya sa Gitnang Luson. Nagtrabaho siya rito hanggang mahuli sa Angeles city noong Enero 28, 1984. Nagdadalang-tao siya noon, at ipinanganak sa preso si Inday June tulad ni Jasm namin ni Julie. Nasa piitan ng Camp Crame sina Ka Judy at at Inday June hanggang bumagsak ang pasistang diktadura ni Marcos noong 1986.

Hindi ako pwedeng magdetalye tungkol kay Ka Judy sa mga taon ng 1977 hanggang 1986 dahil nakakulong din ako noon. Ang laki ng tuwa ko nang makita ko siyang muli, noong kalalaya namin mula sa detensyon noong 1986. Dinalaw ko si Bernabe Buscayno sa BLISS apartment ng misis niya. Doon sa malapit na apartment pala nakikitira si Ka Judy. Nakapag-usap kami.

Umaabot sa aking kaalaman ang mga gawain at tagumpay ni Ka Judy magmula noon. Bumalik siya sa pag-aaral sa unibersidad. Nagtapos ng PhD sa Philippine Studies sa UP at MA in Public Administration sa Carleton University sa Ottawa. Naging guro siya sa Unibersidad. Naging Pangulong Tagapagtatag ng All UP Academic Employees Association at All UP Workers Alliance. Propesora siya sa Department of Women and Development Studies ng College of Social Work and Community Development. At inihalal siya na kagawad ng Board of Regents ng UP.

Patuloy na maagap at masigasig ang aktibismo ni Ka Judy sa pambansa demokratikong kilusan. Nagbibigay siya ng makabayan at progresibong mga aral sa mga estudyante, at nakakasama nila siya sa pagkilos ukol sa iba’t-ibang maiinit na isyu. Aktibo siya sa unyon ng mga akademiko at di-akademikong empleyado ng UP, sa Congress of Teachers and Education for Nationalism and Democracy at sa Alliance of Concerned Teachers.Sa palagay ko, kahit na magretiro siya, ipagpapatuloy niya ang ugnayan sa mga estudyante, guro at empleyado ng UP.

Kahit saan si Ka Judy, ipagpapatuloy niya ang pagkilos sa kilusang kababaihan.
Mahalagang turo niya na ang lugar ng kababaihan ay nasa pakibabaka. Dahil sa pagtataguyod niya sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at mga karapatan ng kababaihan, ginawaran siya ng UP Alumni Association ng Distinguished Alumni Award in Gender Equality / Women’s Empowerment.

Sa ika-25 anibersaryo ng Gabriela, pinarangalan siya bilang isa sa mga “Women of Courage”. Sinabi ng pamunuan ng Gabriela kay Ka Judy: Saanman siya pumunta, anuman ang tungkulin niya, lagi niyang isinusulong ang mga karapatan at kapakanan ng kababaihan. Dahil sa kanyang paninindihan, pagkilos at pagiging matulungin, mahal na mahal siya ng mga nakasamahan niya sa AMIHAN (pambansang pederasyon ng magsasakang kababaihan).

Mapapansin natin na tulad noong kabataan niya, naisasagawa nang mahusay ni Ka Judy ang iba’t-iba at sabay-sabay na mahahalagang tungkulin. Nagagawa niya ang mga ito dahil sa kanyang lahatang-panig na kakayahan, talino, tatag, lakas ng loob, sipag sa trabaho, giting sa pakikibaka, at kahandaang magsakripisyo. Pero sa kabila ng pagiging seryosong rebolusyonaryo, tanyag naman din ang sense of humor ni Ka Judy. Sa anumang kalagayan at isyu, meron siyang nakakatawang kuwento o mabilis na biro. Mahalaga ang pagpapatawa. Nakakapagbigay ng ligaya at nakakapagpagaan sa trabaho. Mabisang panlaban ito sa pagod o pagsawa sa trabaho, buryong sa preso o takot sa kaaway o kamatayan.

Isang dakilang rebolusyonaryong babae si Ka Judy dahil dinadangal niya ang mga naunang martir at bayani tulad nina Andres Bonifacio at Lorena Barros. At dahil alam niyang nagiging makabuluhan at mabunga ang kanyang mga pagsisikap bilang ambag sa pagkilos ng sambayanang Pilipino, laluna ng mga anakpawis, sa pagsasakatuparan ng bagong demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri ng malaking kumprador burgesya at panginoong maylupa.

Malayo na ang linakbay ni Ka Judy. Dumaan na sa maraming paghihirap at pagsubok sa paliku-liko at pababa’t pataas na landas. Maraming tagumpay naman ang inani niya sa paglilingkod sa bayan. Mahaba pa ang daan tungo sa rurok at marami pang tagumpay na kakamtin si Ka Judy. Sa palagay ko, hindi talaga magreretiro at maglalaho na lang si Ka Judy. Gagampan pa siya ng mas marami pang trabaho sa kabuan ng pambansang demokratikong kilusan at sa kilusang kababaihan. Ibayong pakilusin siya ng rebolusyonaryong diwa at mga humihiyaw na pangangailangan ng bayan.

Maraming salamat.###

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you