Ni Prop. Jose Maria Sison
Punong Pampulitikang Konsultant
ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas
Nagpapaabot kami ni Julie ng taos pusong pakikiramay sa pamilya at mga kasama at kaibigan ni Kasamang Romeo (Romy) Luneta sa kanyang pagpanaw. Bagamat tayo ay nagdadalamhati, kinikilala at ipinagbubunyi natin ang mga naiambag niya sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Makabuluhan at mabunga ang kanyang buhay.
Si Kasamang Romy ang isa sa mga nagpundar ng Kabataang Makabayan sa Batangas at buong Timog Katagalugan magmula pa 1964. Sa pamamagitan ng KM, tampok ang kanyang papel sa pagpapalaganap ng linya ng bagong demokratikong rebolusyon at sa paghihimok, pag-oorganisa at pagmobilisa ng kabataan.
Dahil sa kanyang mabisang pagkilos, minanmanan siya at ginipit ng mga ahente ng reaksyonaryong estado. Hinuli at tinortyur siya sa ilalim ng proklamasyon ni Marcos ng batas militar na nagpataw ng pasistang diktadura sa Pilipinas. Tinugis siya ng kaaway hindi lamang dahil sa kanyang sariling pagkilos kundi dahil sa gustong alamin sa kanya ang kinaroroonan ng kanyang kapatid na si Jose na may katungkulan noon sa sentral na pamunuan ng Partido Komunista ng Pilpinas.
Sa kalaunan, pitong kapatid ni Kasamang Romy ay lumahok sa rebolusyon sa iba’t ibang katungkulan. Sa kanyang pananaliksik sa kasaysayan, natuklasan niya ang tradisyon ng mga ninuno ng pamilyang Luneta sa paghihimagsik, una laban sa mga kolonyalistang Espanyol at sunod sa mga imperyalistang Amerikano.
Hindi natakot si Kasamang Romy sa kaaway sa kabila ng tortyur at pagkabilanggo ng ilang taon sa Kampo Vicente Lim. Kasama siya sa pagbabalak at paghahanda sa pagtakas nina Ka Roger (Gregorio Rosal) at ilang mga kasama. Hindi siya sumama sa mga tumakas dahil labis na ang bilang nila. Nagpaiwan siya at humarap sa galit ng kaaway.
Pagkaraan ng ilang taon, pinakawalan siya dahil wala namang ebidensya ng pagsasandata laban sa kanya. Nagpasiya siyang kumilos para ipagtanggol ang mga karapatang tao at ibunyag ang mga kriminal na paglabag sa mga ito ng rehimeng Marcos at mga alipuris niyang militar. Nakapag-ambag siya sa pangkalahatang kilusan para ibagsak ang rehimen, laluna sa pagmobilisa sa mamamayan matapos na paslangin si Ninoy Aquino.
Matapos bumagsak ang rehimeng pasista ni Marcos, ipinagpatuloy niya ang pagkilos sa ilalim ng mga organisasyong karapatang tao tulad ng KAPATID, DESAPARECIDOS at SELDA. Primero kumilos siya sa Kamaynilaan. Pagkatapos inatasan siyang sumama sa rehiyonal na pamunuan ng SELDA sa Timog Katagalugan at naging tagapagsalita nito. Lumaban siya sa patuloy na paglabag sa mga karapatang tao sa ilalim ng rehimen ni Cory Aquino at mga sumunod na rehimen.
Sa mahabang panahon, nagdanas siya ng diabetes. Kahit na sa mga okasyong pinanghihina siya ng sakit, nagsumikap siyang gampanan ang kanyang mga gawain. Sa kalaunan, pinanghina siya ng malubhang diabetis na tumungo sa cardiac arrest.
Mananatiling buhay si Kasamang Romy sa ating ala-ala, puso at diwa. Mahalaga ang kanyang pamana sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon. Mananatili at lalaki ang kanyang mga ambag sa agos at pagsulong ng rebolusyong Pilipino.###