WritingsArticles & SpeechesPatuloy na bisa at sigla ng Marxismo

Patuloy na bisa at sigla ng Marxismo

-

Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
Mayo 5, 2018

Sa palagay ko, ang pinakamahusay na paraan para ipagdiwang natin ang ika-200 anibersaryo ng kaarawan ni Karl Marx ay pag-aralan ang kanyang mga akda at ang naging kabuluhan ng kanyang mga rebolusyonaryong aral sa kasaysayan at kasalukuyang kalagayang panlipunan at isaalang-alang ang patuloy na bisa at sigla ng kanyang mga aral.

Muli tayong gumagawa ng kritika ng kapitalismo at monopolyo kapitalismo at nagsisikap na muling pasiglahin ang rebolusyonaryong kilusan ng proletaryado at mamamayan upang wakasan ang hinantungang pagkahalimaw ng monopolyo kapitalismo at kamtin ang sosyalismo bilang paghahanda sa komunismo. Tulad ng idinidiin sa atin noon ni Marx, ang punto ay baguhin ang mundo.

Sa edad na 26, ganap na niyakap ni Marx ang komunistang adhikain ng uring manggagawa noong 1844. Ito ang taon na inilimbag niya ang kanyang Pang-ekonomya at Pampilosopiyang mga Manuskrito ng 1844. Tinurol ni Marx ang di-makataong proseso ng kapitalismo, na inaalyena ng uring kapitalista mula sa uring manggagawa ang produkto ng kanilang paggawa at sa gayon nag-akumula ng kapital. Ito ay tinipong paggawa na ginagamit upang dominahin at pagsamantalahan ang buhay na paggawa sa mga susunod na siklo ng pagsasamantala.

Noon ding taon ng 1844 sinimulan ni Marx ang habambuhay na mapagkasamang pakikipagtulungan kay Engels na siyang nagsulat ng Kalagayan ng Uring Manggagawa sa England na lubos at malalim niyang hinangaan. Nagkasundo siya at si Engels na magtulungan sa gawaing pananaliksik at teoretiko kaugnay ng kilusang uring manggagawa.

Marxismo bilang Teorya ng Proletaryong Rebolusyon

Pinaunlad ni Marx ang teorya ng proletaryong rebolusyon sa mataas na landas ng pag-unlad ng sibilisasyon. Humalaw siya sa pinakaabanteng pinagkukunan ng kaalaman sa kanyang panahon upang buuin ang tatlong sangkap ng Marxismo: materyalistang pilosopiya, pampulitikang ekonomya at syensyang panlipunan. Inilatag niya ang mga ito bilang mahahalagang sandata ng proletaryado sa pag-unawa ng kanilang aping kalagayan at pagpapalaya sa sarili at sa sangkatauhan.

  1. Pinag-aralan niya ang pilosopiyang Aleman, laluna ang ideyalistang si Hegel at materyalistang si Feuerbach. Niyakap niya ang syentipikong materyalistang pananaw at binuo ang materyalistang diyalektika bilang batas ng kontradiksyon sa loob ng kalikasan at lipunan at bilang paraan ng pag-iisip at pagkilos sa paglalagay ng dating diyalektikang metapisika sa batayang materyalista, hindi lamang sa paggagap ng nadadamang reyalidad kundi hanggang sa kritikal-rebolusyonaryong pagkilos upang baguhin ang panlipunang reyalidad.Inilapat niya ang diyalektikong materyalismo sa kasaysayang panlipunan at itinayo ang istorikong materyalismo upang ipaliwanag ang transpormasyon ng isang tipo ng lipunan tungo sa mas mataas na tipo sa pamamagitan ng tunggalian ng mga uri sa loob at sa pamamagitan ng kontradiksyong panloob ng moda ng produksyon at ng panlipunang superistruktura, gayundin sa pagitan ng dalawa. Sa ganitong paraan, binaybay niya ang progresibong pagkakasunud-sunod ng lipunang primitibo komunal, alipin, pyudal, kapitalista, sosyalista at komunista.

    Ang pangunahing mga sulating pampilosopiya ni Marx ay ang Mga Manuskrito sa ekonomiya at Pilosopiya ng 1844, Mga Tesis Tungkol kay Feuerbach, Ang Ideolohiyang Aleman (kapwa may akda si Engels), Ang Banal na Pamilya o Kritika sa Kritikal na Kritisismo laban kay Bruno Bauer at mga Kasamahan (kapwa ring may-akda si Engels) at Ang Karukhaan ng Pilosopiya bilang tugon sa Ang Pilosopiya ng Karukhaan ni Proudhon. Ang mga akdang ito ay tinumbasan ni Engels ng kanyang mga akdang Si Ludwig Feuerbach at ang Katapusan ng Klasikong Pilosopiyang Aleman, Anti-Dühring at Diyalektika ng Kalikasan.

  2. Pinag-aralan ni Marx ang ekonomyang pampulitikang Britaniko, laluna ang mga tagapagtaguyod ng labor theory of value (teorya ng halaga ng paggawa) na sina Adam Smith at David Ricardo. Sa matamang paglapat niya ng Marxistang diyalektika sa maraming datos sa ekonomya, sinulat niya ang Das Kapital, ang komprehensibo at malalimang kritika sa kapitalismo.Pinag-aralan niya ang kalakal bilang selula ng malakihang produksyong de makina at bilang pagkatawan sa lakas-paggawa (nasusukat sa karaniwang kailangang oras ng paggawa sa lipunan) at binuo ang teorya ng labis na halaga na nagpapaliwanag sa pagsasamantala, kung saan ang labis na halaga (di-bayad na paggawa) ang pinagmumulan ng tubong industriyal, interes sa bangko at upa sa lupa sa loob mismo ng proseso ng kapitalistang produksyon.

    Binaybay niya ang akumulasyon ng kapital sa pamamagitan ng pagkuha ng tubo ng mga nagkokompetensiyang kapitalista, ang mas mabilis na paglaki ng palagiang kapital sa pabrika, kagamitan at hilaw na materyales kumpara sa baryableng kapital para sa sahod; ang tunguhing pabagsak ng tantos ng tubo, ang krisis ng labis na produksyon kaugnay sa pagbulusok ng tunay na sahod at konsumo at ang desperadong paggamit ng pinansyang kapital at kolonyal na pagpapalawak sa ilalim ng bandila ng malayang kalakalan para imantini ang indutriyal na kapitalistang ekonomya.

    Ang mga akda ni Marx sa pampulitikang ekonomya ay kinabibilangan ng Isang Kontribusyon sa Kritiko sa Pampulitikang Ekonomya, ang apat na tomo ng Das Kapital (hinggil sa kapitalistang proseso ng produksyon, proseso ng sirkulasyon, ang kabuuang kapitalistang proseso ng produksyon at ang mga teorya ng labis na halaga) at Sahod, Presyo at Tubo, na magagamit na pampadali sa pag-aaral ng Das Kapital. Ipinapaliwanag ng Manipesto ng Partido Komunista at ng Kritika sa Programang Gotha kung paano makakamit ang sosyalismo at makatutungo sa komunismo

  3. Pinag-aralan ni Marx ang syensyang panlipunang Pranses, laluna ng mga rebolusyonaryong demokrata at mga sosyalistang utopyo. Kinilala niya ang serye ng tunggalian ng mga uri sa kasaysayan bilang sanhi ng panlipunang pagbabago. Pinahalagahan niya ang makauring pakikitunggali ng proletaryado bilang susi sa demokratikong pakikibakang masa para sa sosyalismo, at linabanan niya ang boluntarismo at labis na pangangarap na kinatatangian ng sosyalismong utopyo.Kinilala niya ang mga rebolusyonaryong demokratang Pranses na naunang bumuo ng konsepto ng tunggalian ng mga uri at sinabing ang kanyang kontribusyon ay ang paglilinaw na ang tunggalian ng mga uri ay tumutungo sa makauring diktadura ng proletaryado sa lipunang sosyalista. Ito ang ubod ng teorya ng syentipikong sosyalismo, na nakabatay sa rebolusyonaryong mga pakikibakang masa, na napakalinaw na ipinaliwanag sa Manipesto ng Partido Komunista na inilimbag noong 1848.

    Ito ang pinakabantog sa mga akda nina Marx at Engles. Isinulat ito kaugnay ng Liga ng Komunista. Ibinadya nito ang pag-aaklas ng mga manggagawa at magsasaka sa buong Europe ngunit hindi pa tuwirang nakapag-impluwensya sa kanila. Aktibo sina Marx at Engels sa Unang Internasyunal, ang Pandaigdigang Asosasyon ng mga Manggagawa. Lumahok ang mga kasapi ng asosasyong ito sa Komuna ng Paris noong 1871, na umiral bilang panimulang tipo ng diktadura ng proletaryado sa loob ng mahigit dalawang buwan hanggang ito’y nilunod ng burgesya sa dugo.

Bilang isang syentistang panlipunan, lubos niyang isinaalang-alang ang mga labi ng pyudalismo sa Fransiya, Alemanya at Rusya at ang kawastuhan ng kahingian para sa demokrasya sa hanay ng mga magsasaka, na pinakamahusay na pamunuan ng proletaryado ngunit binigyang-pansin kung paano agawin ng burgesya ang inisyatiba mula sa proletaryado. Komprehensibo niyang tinanaw ang kalagayan ng mga pag-aalsang 1848 sa Europe na sinalamin sa kanyang Ika-18 na Brumaire ni Louis Bonaparte at Ang Tunggalian ng mga Uri sa France, 1848-1850 bago maganap ang Komuna ng Paris ng 1871 at kanyang mapag-aralan sa akdang Ang Gera Sibil sa Fransiya.

Naglaho ang Unang International nang inilipat ang punong himpilan nito mula Europa tungong New York. Ngunit bumilis at lalong lumaganap ang impluwensya ng Marxismo sa Ikalawang Internasyunal sa pamamagitan ni Engels at iba na nagpalaganap ng Marxistang teorya at praktika mula noong pumanaw si Marx noong Marso 14, 1883 sa edad na 64. Pagsapit ng huling dekada ng ika-19 siglo, naging pangunahing agos na ang Marxismo sa hanay ng kilusan ng uring manggagawa sa Europa, kapwa sa mga partidong sosyal-demokrata at sa mga unyon.

Ang Leninismo bilang Ibayong Pag-unlad ng Marxismo

Mula nang mabigo ang Komuna ng Paris noong 1871, umunlad ang malayang kompetisyong kapitalismo tungong monopolyo kapitalismo o modernong imperyalismo sa lawak ng ilang mga bansang indutriyal na kapitalista, kabilang ang mga bagong salta sa kolonyal na pananakop na nagribalan sa paghati-hati ng daigdig bilang pang-ekonomyang teritoryo at bilang sakop ng impluewensiyang heo-pulitikal. Itinaguyod, ipinagtanggol at pinaunlad ni Lenin ang Marxismo sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon.

Buong linaw na nakita ni Lenin na monopolyo kapitalismo o imperyalismo ang pinakamataas at pinakahuling yugto ng kapitalismo at siyang bisperas ng sosyalistang rebolusyon. Nakita niyang dekadente, patungong kamatayan at agresibo ang imperyalismo at magagawa ng proletaryado ang mga imperyalistang gerang agresyon na maging mga rebolusyonaryong gerang sibil kapwa sa mga bansang kapitalista at atrasado.

Malaki ang kanyang iniambag sa pagpapaunlad ng diyalektikong materyalismo sa pamamagitan ng pagtukoy sa pundamental na batas ng diyalektika, ang kaisahan ng magkakasalungat, at matibay na nanindigan laban sa empirio-kritisismo at sa lohikal na positibistang tunguhin sa pilosopiya at matagumpay na lumayag sa mga kumplikadong pampulitikang tunggalian sa Rusya, kung saan humadlang ang mga Menshevik, mga konstitusyonal na demokrata, mga Narodnik, mga anarkista at mga masugid na tsarista sa proletaryong rebolusyon.

Nakipagdebate at tinalo ni Lenin ang mga klasikong rebisyunistang pinangunahan ni Kautsky sa Ikalawang Internasyunal. Di-sadyang binigyan ni Kautsky si Lenin ng pinakamataas na papuri nang tagurian niyang Leninismo ang Marxistang pusisyon ni Lenin laban sa sosyal-sobinismo, sosyal-pasipismo at sosyal-imperyalismo. Bilang pensador at pinuno ng mga Bolshevik, nanaig din si Lenin sa malawak na hanay ng mga burges na partido at tunguhin sa pakikibaka laban sa Tsarismo at kasunod na burges na paghahari sa Russia.

Kung walang naunang Marxismo, at sumunod na Leninismo, hindi sana mnaipanalo ng mga Bolshevik ang Dakilang Sosyalistang Rebolusyong Oktubre sa ilalim ng mga kalagayan, bago at pagkatapos ng unang inter-imperyalistang gera, ang Unang Digmaang Mundial. Nagkamit sina Lenin at Stalin ng serye ng mga tagumpay sa ideolohiya at pulitika alinsunod sa linyang Marxista-Leninista at proletaryong sosyalista upang itatag at paunlarin ang isang makapangyarihang sosyalistang bansa na sumasaklaw sa sangkanim (1/6) ng daigdig.

Itinaguyod nila ang Ikatlong Internasyunal ng mga Komunista at hinikayat ang proletaryado at aping mamamayan ng mundo na bumangon at manaig sa imperyalismo at lokal na mapagsamantalang mga uri. Maraming sosyalistang bansa at demokrasyang bayan ang umusbong bilang resulta ng tuluy-tuloy na pangkalahatang krisis ng monopolyo kapitalismo, ng ikalawang inter-imperyalistang gera at ng mapagpasyang papel ng Unyong Sobyet at iba’t ibang mamamayan sa pagbigo sa pasistang mga kapangyarihan. Pagsapit ng 1956, sinaklaw ng sosyalistang mga bansa at mga kilusan sa pambansang pagpapalaya ang sangkatlo ng sangkatauhan at naging muog laban sa pagsulong ng imperyalismong US.

Ngunit sayang, ito rin ang taon na inagaw ng mga makabagong rebisyunista sa pamumuno ni Khrushchov ang kapangyarihan mula sa mga tagapagtaguyod ni Stalin sa Unyong Sobyet at sinimulang ukukin ang sosyalismo at itulak ang makabagong rebisyunismo at kapitalistang pagpapanumbalik hindi lamang sa Unyong Sobyet kundi maging sa Silangang Europa at ibang dako. Noong 1964, inagaw rin ni Brezhnev ang kapangyarihan mula kay Khrushchov para lamang palalimin at pabilisin ang pagpapanumbalik ng kapitalismo.

Nilabanan ng dakilang komunistang si Kasamang Mao ang makabagong rebisyunismo mula sa sandaling nagpahiwatig ito sa Unyong Sobyet at sa mga pulong sa Moscow ng mga partido komunista at mga partido ng manggagawa noong 1957 at 1960. Nakitunggali din siya sa mga maka-Kanan at mga sumasamba sa makabagong rebisyonismong Sobyet sa loob ng China na lumaban sa Dakilang Igpaw Pasulong at sa kilusan para sa sosyalistang edukasyon.

Maoismo bilang Ibayong Pagunlad ng Marxismo-Leninismo

Pagsapit ng 1966, sang-ayon sa Marximo-Leninismo, inilatag ni Mao ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng uring proletaryado sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura upang labanan ang rebisyunismo, sagkaan ang pagpapanumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo. Nagkamit siya ng dakilang mga tagumpay sa sumunod na sampung taon ng maraming liko’t ikot ng rebolusyon sa kultura.

Subalit pagpanaw niya noong 1976, nagtagumpay ang mga rebisyunista sa pamumuno ni Deng Xiaoping sa inilunsad na kudeta at sa pagpapanumbalik ng kapitalismo na kunwari’y reporma at pagbubukas upang iabante ang “sosyalismo” (sa katunaya’y kapitalismo) na may mga katangiang Tsino. Ang pagpapanumbalik ng kapitalismo sa Tsina ay patunay na tama ang Maoistang linyang isulong ang rebolusyong pangkultura.

Nang siya’y nabubuhay, nagawa ni Mao na tumindig laban sa makabagong rebisyonismong Sobyet at mga tagasunod nitong Tsino. Ukol dito, pinararangalan siya ng proletaryado at mamamayang Tsino sa pamumuno niya sa rebolusyong Tsino tungo sa tagumpay sa bagong demokratiko at sosyalistang yugto hanggang sa baliktarin ang mga ito ng subersibong agos ng rebisyunismong Sobyet at ng imperyalismong US matapos ang kanyang pagkamatay.

Mayor ang mga gawang ambag ni Mao sa Marxista-Leninistang pilosopiya, ekonomyang pampulitika at syensyang panlipunan. Sa gayon, matagumpay niyang napamunuan ang rebolusyong Tsino. Maging sa ngayon, iginagalang pa rin siya bilang tagapagpundar ng Republikang Bayan ng China ng kasalukuyang mga namumuno sa Tsina na gumagamit ng gabay na burges na nasyunalismo at kapitalismo bilang kanilang gabay.

Di maaring maliitin ang impluwensya sa Tsina ng imperyalismong US at makabagong rebisyonismong Sobyet . Kaya hindi na sosyalista ang Tsina. Ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadurang proletaryo ay may layuning tiyakin na mabibigo ng proletaryado at mga mamamayan ng daigdig ang imperyalismo upang makapagmamartsa sila tungo sa pandaigdigang tagumpay ng sosyalismo. Ngunit nabigo ito nang ipinanumbalik ang kapitalismo sa Tsina.

Pagsapit ng 1989-91, ang mga rehimeng pinamumunuan ng mga rebisyunista ay nangahinog na upang palitan ng mga tahasang burges na rehimen sa Unyong Sobyet at iba pang dako, bagamat iniwan pa rin ng Tsina ang manipis na belo ng komunismo para sa burukratang kapitalismo. Naging solong superpower at tagqpagwagi sa Cold War ang US laban sa Unyong Sobyet na bumagsak na dahil sa huling pagtataksil ng mga rebisyunistang Sobyet sa pamumuno ni Gorbachov. Nagsasatsat ang lahat ng mga antikomunista at kanilang mga tagasunod na hindi na maaaring lumagpas ang sangkatauhan sa kapitalismo at liberal na demokrasya.

Taglay ang sobrang arogansya, pinalaganap ng US ang palagay na walang-kamatayan ang kapitalismo, patay na ang sosyalismo, at ibayong itinulak ang kanyang neoliberal na patakarang ekonomiko at ang kanyang neo-konserbatibong patakaran ng mga digmang agresyon na nagwawaldas ng trilyun-trilyong dolyar. Mas maaga rito, noong dekada 1980 sa ilalim ng rehimeng Reagan, nilinlang ng US ang sarili sa pakikipagpaligsahan sa Unyong Sobyet sa magastos kapwa sa kanilang karera sa pag-aarmas, at sa pagpapaubaya sa Tsina ng pangkonsumong manupaktura upang pabilisin ang integrasyon nito sa kapitalistang mundo.

May malaking problema ngayon ang global na sistemang kapitalista. Dalawa pang malaking kapitalistang kapangyarihan, Tsina at Rusya, ang ka kumpetensya para sa ehemonyang pulitika at ekonomika at humahamon sa lumang mga kapangyarihang kapitalista, ang US at ang European Union. Sa ilalim ng mga kundisyong ito, lalong dumadalas kaysa kailanman ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at mga digmang agresyon. Paborableng mga kundisyon ito sa pagpapanibagong sigla ng mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista.

Transisyon tungo pagdaluyong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon

Matapos ang ilang serye ng panloob at pandaigdigang krisis pang-ekonomiya, na humantong sa pampinansyang pagbulusok noong 2008, na patuloy na gumigipit sa pandaigdigang ekonomya, mabilis kaysa kailanman ang istratehikong pagbulusok ngayon ng US at inaamin mismo ng Pentagon na panahong post-primacy. Ang malinaw na mayor na karibal ng US sa ngayon ay ang China sa usaping ekonomiko; at ang China at Russia sa usaping militar sa isang mundong multipolar sa sumisidhing tunggalian sa hanay ng mga imperyalista.

Samantala, habang halatang umatras ang kilusang sosyalista magmula noong 1991 o mas maaga pa, napailalim ang proletaryado at aping mamamayan sa daigdig sa teribleng kahirapan dulot ng bagsik ng ekonomikong neoliberalismo at mga gerang agresyon. Subalit, dahil nga dito, lalong sumisidhi ang kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at nagbabangon ang mga pwersang rebolusyonaryo mula sa proletaryado at aping mga mamamayan.

Sa ilang dekada, tila nakasadlak tayo paulit-ulit at lumalalang krisis, panlipunang ligalig at mga gera sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Subalit nasa yugto tayo ngayon ng transisyon tungo sa rebolusyonaryong agos laban sa mga kaimbihan at kabulukan ng dekadenteng monopolyong kapitalismo sa pinansya. Pinapapagbagong sigla tayo ng patuloy na bisa at sigla ng Marxismo at ng mga abanteng pag-unlad nito sa kasaysayan at sa mga kasalukuyang kalagayan.

Ang mga proletaryong rebolusyonaryo at tunay na komunista at partido ng manggagawa na nagagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ay ang pinakahanda at pinaka-epektibo sa pagtataguyod ng rebolusyonaryong pagkilos laban sa imperyalismo, rebisyunismo at reaksyon. Iniluluwal mula sa kanilang rebolusyonaryong hanay ang pinaka- determinado at militanteng mga pantas at pinuno ng mga rebolusyong pinamumunuan ng proletaryado sa iba’t-ibang bansa.

Tayo ay nasa lubhang mahalagang yugto ng kasaysayan ng daigdig, na muling sabik ang mga partido at pangmasang organisasyon ng mga manggagawa at ng mamamayan na nag-aaral ng mga aral nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao at ginaganap ang Marxismo, Leninismo, at Maosimo bilang kanilang teoretikal at praktikal na sandata sa muling pagpapadaluyong at panibagong pagsusulong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon para sa pambansang paglaya, demokrasya at sosyalismo laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

Hindi matatapos ang pangkasaysayang tunggalian sa uri sa pagitan ng proletaryado at ng burgesya hanggang sa huli at ganap na tagumpay ng sosyalismo at komunismo.

Mabuhay ang alaala at mga turo ni Karl Marx!
Mabuhay ang Marxismo, Leninismo at Maoismo!
Mabuhay ang mga tunay partidong manggagawa at komunista!
Mabuhay ang pandaigdigang proletaryado-sosyalistang rebolusyon!
Mabuhay ang proletaryado at mamamayan sa daigdig!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you