Home Writings Messages PULANG SALUDO AT PAALAM, KA GERRY ALBERT CORPUZ

PULANG SALUDO AT PAALAM, KA GERRY ALBERT CORPUZ

0
PULANG SALUDO AT PAALAM, KA GERRY ALBERT CORPUZ

Ni Prop. Jose Maria Sison,
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas,
Chief Political Consultant, NDFP Negotiating Panel
Setyembre 30, 2015

Nakikidalamhati kami ni Julie sa pamilya at mga kasama ni Ka Gerry Albert Corpuz. Nakakalungkot ang kanyang pagpanaw sa gulang na 49. Gayunman napakalaki at makabuluhan na ang mga ambag niya sa kilusang pambansa-demokratiko bilang manunulat at propagandista. Matatag niyang pinanghawakan at ipinatupad ang mga rebolusyonaryong prinsipyo. Isa siyang tapat at militanteng proletaryong rebolusyonaryo.

Itinaguyod niya ang uring manggagawa bilang namununong uri at mga uring anakpawis bilang pangunahing pwersa sa bagong demokratikong rebolusyon. Tulad ng sambayanang Pilipino, hinangad niya ang ganap na pambansang kasarinlan, demokrasya, hustisya sosyal, ekonomikong pag-unlad sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, pagyabong ng makabayan at progresibong kulñtura at pandaigdigang kapatiran ng mga mamamayan laban sa imperyalismo at reaksyon.

Karangalan namin ni Julie na nakilalang personal si Ka Gerry bilang myembro ng istap ng Reciprocal Working Committee tungkol sa Komprehensibong Kasunduan sa mga Repormang Sosyal at Ekonomiko ng National Democratic Front of the Philippines. Unang nakilala at nakausap ko siya sa Oslo noong 2001. Mula noon madalas namin siyang nakakausap sa mga sumunod na konsultasyon ng naturang komite sa Utrecht at sa Oslo.

Umabot si Ka Gerry sa kanyang mataas na katungkulan sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) dahil sa kanyang masigasig at maningning na gawain sa propaganda at edukasyon sa hanay ng mga magsasaka at mamamalakaya. Kasama siya sa multisectoral propaganda team sa kampanya ng pagpapatalsik kay Erap Estrada bilang presidente.

Napansin naming siya ay isang mapagkumbaba at masayang kasama. Sa gayon, napamahal sa kanya ang lahat na nakasama niya sa mga talakayan at gawain. Tampok na halimbawa siya ng isang kadreng galing sa sektor ng mga estudyante at nag-alay ng kanyang buong buhay sa paglilingkod sa mga anakpawis at sa sambayanan.

Magmula nang makilala namin si Ka Gerry nagkasulatan kami tungkol sa ilang bagay at pinagmasdan namin nang may mataas na paghanga ang kanyang matatagumpay na pagsisikap para ihayag ang mga isyu tungkol sa mga karapatan at interes ng mga anakpawis.

Kasama siya sa lahat ng pakikibaka ng Pamalakaya sa pambansang antas at sa ilang lokalidad. Kasama siya sa pagsasagawa ng mabisang kampanya para sa unang panalo ng Bayan Muna Partylist noong 2001 at sa mga sumunod na kampanya ng Anakpawis Partylist. Malapit siyang kaibigan ng mga mamamahayag at litratista dahil sa kanyang matapat na pakikitungo, malikhaing pahayag at kakaibang mga aksyong propaganda.

Maituturing na dekano siya ng mga propagandista ng multisektoral na alyansang Bayan. Idolo siya ng mga propagandista. Huwaran siya ng mga batikan at baguhang propagandista, guro at pantas. Matibay at maasahan siya sa makabayan at progresibong pananaw at sa mabilis, makulay, napapanahon at malikhaing pagposisyon at pag-anggulo.

Tiyak na naging matagumpay para sa sarili at pamilya kung pinili ni Ka Gerry ang pumasok sa alinmang mayor na pahayagan ng malalaking komprador. Subalit pinili na maglingkod sa anakpawis at minahal siya ng masa. Ipinamahagi niya sa marami ang kanyang kaalaman at husay sa propaganda. Naging madalas na speaker at resource person at pro bono konsultant siya ng maraming maslider at organisasyong masa.

Pulang saludo sa iyo Ka Gerry! Nagpapasalamat kami sa iyo sa lahat ng iyong ginawa para itaguyod, ipagtanggol at isulong ang pakikibaka ng mga anakpawis at sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya laban sa dayuhan at pyudal na pagsasamantala at pang-aapi.

Paalam, Ka Gerry! Mananatili kang inspirasyon sa kasalukuyan at susunod na mga henerasyon. Mamamalagi ang iyong halimbawa sa diwa at damdamin ng bayan at sa walang-tigil na agos ng kilusang rebolusyonaryo at kasaysayan ng sambayanang Pilipino.###