NewsfeaturesRebyu ni Lualhati Abreu ng Crisis Generates Resistance

Rebyu ni Lualhati Abreu ng Crisis Generates Resistance

-

Rebyu ni Lualhati Abreu ng Crisis Generates Resistance, Bolyum 1: 2009-2010 ng Bagong Serye ng mga Aklat ni Jose Maria Sison sa Ilalim ng Pangkalahatang Pamagat, Peoples’ Struggles Against Oppression and Exploitation, Selected Writings, 2009-2015

Malapit sa aking puso at isip ang libro na nakasalang para gawan ng rebyu ang unang bolyum – ang Crisis Generates Resistance ng apat-na-bolyum ng serye ng mga sulatin at mga pahayag, ang Peoples’ Struggles Against Oppression and Resistance. Kompilasyon ito ng mga sulatin ni Jose Maria Sison, JMS o Joma sa malalapit niyang mga kaibigan at kasama. Una, ang otor at ang kanyang asawa’t editor na si Julie de Lima Sison ay tulad ko mga gradweyt ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Pangalawa, naging myembro ako ng tatlo sa kanyang pinangunahang itatag at pinamunuang mga organisasyon – ang Student Cultural Association of the University of the Philippines o SCAUP, ng Kabataang Makabayan o KM at ang partido ng uring manggagawa sa Pilipinas sa ilalim ng patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Pangatlo, kapwa kami naniniwala at gumagamit sa paninindigan, pananaw at metodo ng siyentipikong materyalismo, tingin ko sa abot ng aking makakaya.

Ang nilalaman ng dalawa nang mga serye ng kanyang mga sulatin at mga pahayag, ang unang serye ay ang apat-na-bolyum ng mga ito mula 1991 hanggang 2009 at ang kalalabas pa lamang na apat-na-bolyum rin mula 2009 hanggang 2015, ay sinulat niya para sa iba’t ibang okasyon at hinggil sa mahahalagang mga isyu at mga kaganapang pampulitika sa iba’t ibang panig ng daigdig. Sinulat niya ang mga ito bilang tagapangulo ng coordinating committee ng International League of Peoples’ Struggles o ILPS; o punong tagapagtatag ng KM at ng Partido Komunista ng Pilipinas o PKP na siyang namumuno sa paglulunsad ng kilusang rebolusyonaryo sa bansa, o punong konsultant sa negotiating panel ng National Democratic Front o NDF na katipunan ng mga organisasyong kalahok sa pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.

Simulan natin ang rebyu sa magagaang autobiographical sketches na lakip sa unang bolyum ng ikalawang serye ng mga sulatin ni Jose Maria Sison. Binigyan niya ang mga mambabasa ng pagsilip sa kanyang personal na buhay sa Recalling Mang Ramoning, Dr. Ramon C. Sison na binasa ng isang pamangkin sa parangal para sa nakatatandang kapatid na pumanaw noong Enero 2009. Sinubay naman niya ang pag-unlad ng kanyang kamalayang pampulitika sa Unforgetable Years as an English Major bilang undergraduate student sa UP Diliman sa gitna ng tunggalian sa pagitan ng mga konserbatibong religio-sectarian at mga liberal na sekularista sa loob at labas ng departamento sa unibersidad. Nagbigay pugay at parangal rin siya sa mga naging malapit na mga kasama sa pagkilos tulad nina Jake Abad, Wilson Baldonaza, Beato Lacaba at Crispin Beltran o Ka Bel na siyang unang tagapangulo ng international coordinating committee ng ILPS; at gayundin sa mga kaibigang sumuporta sa kilusang mapagpalaya sa kabila ng pagiging bahagi ng gobyernong katunggali, sina Congressman Apeng Yap at Ambasador Norberto Basilio.

Inilahad rin niya ang mga panunupil na ginawa sa kanya ng gobyernong Dutch sa pakikipagtulungan sa Estados Unidos; ang dismissal ng kasong murder laban sa kanya, pagtatanggal sa kanyang pangalan sa listahan ng mga terorista at pagtutol sa kanyang apela para sa permanenting paninirahan sa Netherlands. Ang huli ang pumipigil sa kanya para lumabas ng bansang ito at pagdalo sa iba’t ibang okasyon sa loob at labas ng Uropa.

Bilang punong konsultant ng NDF sa pakikipagnegosasyon sa gobyerno ng Pilipinas, sinuri niya ang ugnayan ng digmaang bayan sa Pilipinas at negosasyong pangkapayapaan; binunyag ang hindi pagtupad ng gobyerno ng Pilipinas sa nilagdaang mga kasunduan sa pagitan nito at ng NDF tulad ng JASIG na nagbibigay ng seguridad sa mga lumalahok sa negosasyon mula sa NDF at pormal na pagsasara nina Arroyo at Razon sa usaping pangkapayapaan.

Bilang beterano ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, ginunita at pinahalagahan niya ang First Quarter Storm Movement sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino; nagtulak sa KM sa pagpapatuloy ng dakilang tradisyon nito; nagbigay ng pagbati sa ikawalong Kongreso ng Bayan, ikasampung Kongreso at ika-25 anibersaryo ng Gabriela, pagtatayo ng Makabayan tungo sa pagkokonsolida sa mga tagumpay sa arena ng electoral struggle; gabay sa pagpapalawak ng alyansa ng mga mamamayan sa Cordillera; pagsuporta sa mga magsasaka at mga manggagawang agrikultural sa Hasyenda Luisita sa kanilang pakikibaka para sa lupa at hustisya. Sinuri rin niya ang papel ng PKP sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos, ang ugnayan ng pambansang demokratikong rebolusyon sa neoliberal na sistema ng edukasyon, mga katauhan nina Pnoy Aquino at Manny Villar na nagharap sa eleksyong presidensyal ng 2010, at ang papasok noong rehimeng Aquino.

Panghuli, nilalaman rin ng bolyum ang mga sulatin niya sa tinukoy na saklaw ng panahon ng mga ito ang mga pagbati, pagsuporta at pakikiisa sa mahahalagang mga okasyon tulad ng Beirut International Forum for Resistance, Anti-Imperialism and Solidarity Between Peoples and Alternatives; pangkalahatang welga ng mga mamamayang Pranses noong 2009; Solidarity Conference ng Asian Peasant Coalition; International Anti-Imperialist Conference sa Montreal Canada; pakikibaka ng mga mamamayang Naga sa Indonesia; pakikibaka ng mamamayang Tamil para sa pambansang sariling-pagpapasya at kumperensya sa pagtataguyod at pagsusulong ng mga karapatan ng mga migrante at mga refugee. Sa kabilang banda, kinondena niya ang pagsulong ng mga pwersang Israel sa Gaza; ang pagsisinungaling ng matandang Bush hinggil sa weapons of mass destruction na nagbunga sa malawakang pamamalang sa mga Iraqi – mga sundalo at mga sibilyan, mga lalaki at mga babae, matatanda at mga bata; okupasyon ng Estados Unidos sa Haiti; pag-atake sa nagproprotestang mga mamamayang Italyano; military exercises ng EU at Republic of Korea o South Korea para takutin ang Democratic Republic of Korea o North Korea; pagdukot at pagtortyur sa rebolusyonaryong lider sa India na si Kobad Ghandz; Operation Green Hunt ng kutsabahang EU-India; Operation Lalgarh ng gobyernong Bengali at reiterasyon sa pagkondena sa 9/11.

Mahalaga para sa mga mag-aaral ng pandaigdigang sitwasyon ang ginawang mga pagsusuri ng mayakda sa What the People Can and Must Do about the Financial and Economic Crisis
Salient Points of International Situation,
On the Current Economic Crisis and Struggle for Democracy and Socialism Against Imperialist Globalization
Intensify Struggles of the Proletariat and the People against Imperialism and Reactions
Capitalist Crisis Makes Socialism Necessary
End Monopoly Capitalism to Arrest Climate Change
Tasks and Prospects of the Workers of the World

Sa pagsusuri ng pandaigdigang sitwasyon, idinidiin Jose Maria Sison ang papasidhing krisis pinansyal at pang-ekonomiya sa kasalukuyan na may mga tandang pagrurok sa pagputok ng hitech bubble noong 2000, housing crisis ng 2008 at mortgage meltdown ng 2010. Hindi nagawang bigyan solusyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang pandaigdigang krisis na nagsimula noong dekada 80 ng nakaraang milenyo sa pamamagitan ng paggasta ng gobyerno at neoliberal na mga palisiya ng deregulasyon, privatization at liberalization. Ngayon, iginigiit nila ang mga hakbangin austerity o pagtitipid sa paggasta ng gobyerno sa mga kagalingang panlipunan lakip ang para sa kalusugan, edukasyon at pensyon sa katandaan. Lahat ng ito ay gumigipit sa pamumuhay ng malawak na masa ng mga mamamayan sa buong daigdig. Sa kabilang banda, ang mga tulong pinansyal mula sa mga gobyerno ay napupunta sa malalaking mga bangko at mga kumpanya ayon sa bailiout policy ng gobyerno. Mas nakokonsentra ang yaman sa mga mayayamang kapitalista.

Sa pagsusuri ni Jose Maria Sison sa pandaigdigang sitwasyon sa unang serye ng kanyang mga sulatin, sinabi niya na hindi pa acute ang krisis ngunit sa bagong labas na serye, tinutukoy niya na ang krisis ngayon ay kahalintulad o maaari pang humigit sa krisis ng dekada 20 at 30 ng nakaraang milenyo. Ang pandaigdigang krisis na tinagurian na Great Depression ay nagbunga sa dalawang digmaang pandaigdig at nagbigay daan sa tagumpay ng mga rebolusyon sa dating USSR at Tsina.

Batay sa ipinakikitang ito ng kasaysayan, ang ikalawang bolyum ng kasalukuyang serye ng kanyang mga sulatin, Building Peoples’ Power, ay naglalatag ng programa sa pagkilos tungo sa pagsusulong ng pandaigdigang rebolusyonaryong kilusan. Kinakailangan, aniya, na paigtingin ang kampanyang impormasyon at edukasyon, kampanyang pag-oorganisa at paglulunsad ng mga mobilisasyong masa. Walang iniwan ito sa inilatag na programa sa Our Urgent Tasks na pinangunahan sa pagsusuri at pagsusulat ng mayakda bilang Armando Liwanag at inilathala ng PKP noong 1976. Ito ang naging gabay ng mga komunistang Pilipino sa pagsusulong ng rebolusyong mula noong ikalawang hati ng dekada 70 ng nakaraang milenyo. ###

Latest news

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

Pamilya at mga kaibigan nagbigay-pugay sa huling paalam kay CPP Founder Joma Sison | TFC News

EXCLUSIVE: Na-cremate na ang labi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria "Joma" Sison. Bago ito, binigyan siya ng pagkilala ng mga mahal sa buhay at mahal sa buhay. Nagpapatrol, Jofelle Tesorio. #TFCNews

Ka Joma: A hero of the Filipino people is cremated in an emotion-filled but revolutionary farewell ceremony

The two-hour farewell ceremony held at the auditorium of the Crematorium Daelwijck in this city which began at 1030am (CET) was packed with family members, comrades, representatives of political parties and organizations, progressive alliances and groups, his former staff members, friends and admirers, and was filled with songs and poetry.

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022

LIVE: ‘Tanglaw at gabay, hanggang tagumpay’

Progressive groups and individuals gather at the University of the Philippines Diliman, Quezon City to pay their respects to Prof. Jose Maria 'Joma' Sison, who recently passed last December 16, 2022.

Must read

Resolution of the Second Congress of the Communist Party of the Philippines, November 7, 2016

Ka Joma is a Marxist-Leninist-Maoist extraordinaire and indefatigable revolutionary fighter

JUST IN | Mga larawan sa huling pamamaalam Kay CPP-NPA founder Jose Maria ‘Joma’ Sison

Natapos na ang seremonya sa huling pamamaalam kay Joma Sison pasado alas dose ng tanghali, December 27

You might also likeRELATED
Recommended to you