Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
August 27, 2015
Mga Kaliga at Kaibigan,
Kami sa InternationalCoorinating Committee at kabuaan ng International League of People’s Struggle (ILPS) ay nagpapahayagng pinakamilitanteng pagbati at pakikiisa sa Kilusang Mayo Uno (KMU) sa kanyang ika-11 Pambansang Kongreso. Lagi naming ipinagmamalaki ang KMU bilang sentro ng tunay na unyonismo sa Pilipinas at bilang isa sa pinakamahalagang kasaping organisasyon ng ILPS sa pandaigdigang kilusang manggagawa.
Mainam na pagkakataon ito sa ating lahat na ipagbunyi ang inyong mga tagumpay mula ng inyong huling kongreso. Pagkakataon din ito upang palalimin ang inyong pag-unawa sa pandaigdig at pambansang kontekso ng inyong kilusan, lagumin ang karanasan at alamin kapwa ang positibo at negatibong mga aral; at ilahad ang mga tungkulin sa pagsusulong ng pakikibaka tungo sa bago at higit na mataas na antas, at kamtin ang higit na malalaking tagumpay.
Lubos kong ikinararangal at ikinatutuwa ang pag-atas ninyo sa akin na maglahad ng pandaigdig at pambansang kalagayan at ang kaukulang mga tungkulin ng uring manggagawa at ng KMU. Umaalinsunod ako sa temang itinakda ninyo: Paigtingin ang pagbaka sa mga atakeng neoliberal laban sa mga manggagawa at mga mamamayan! Isulong ang tunay, palaban at makabayang unyonismo! Isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang tinatanaw!
Pandaigdigang Kalagayan: Neoliberalismo, Krisis, Digma at Pakikibaka ng mga mamamayan
Itinutulak ng US ang neoliberal na patakaran sa ekonomiya mula pa noong 1979 at puspusang ipinatupad ito sa US at sa ibayong dagat mula noong rehimeng Reagan. Nakabatay ito sa malisyosong kasinungalingang kontra-manggagawa na ang tinaguriang implasyon sa sahod at malaking gastos ng gobyerno sa serbisyo sosyal ang umano’y dahilan ng stagflation (magpanabay na pagtaas ng mga presyo o implasyon at ng kawalang trabaho). Ikinukbli nito ang katotohanan na sa ilalim ng sistemang kapitalista ang paghuthut ng mataas na tubo sa pamamagitan ng pagbawas sa tunay na sahod habang itinataas ang produksyon ang siyang dahilan ng krisis sa sobrang produksyon, na tinataguriang istagnasyon, resesyon o depresyon, ayon sa kalubhaan ng krisis.lubha.
Ikinukubli nito ang katotohanang ang mataas na gastos sa burukratikong korupsyon, produksyong militar, pagtatalaga ng mga base militar sa labas ng bansa, at mga digmang agresyon ang siyang nagbubunsod ng implasyon. Higit pa, ikinukubli nito ang katotohanan na ang mga tangka ng kapitalistang estado na gamitin ang kapitalismong pinansyal, tulad ng pag-iimprenta ng salapi, pagluluwag sa pautang at imbensyon ng napakaraming tipo ng produktong pinansyal, ay tila, sa unang tingin, nagpapalutang sa ekonomiya, naghahatid ng dagdag na tubo sa mga kapitalista, at nagdaragdag sa halaga ng kanilang ari-arian. Subalit sa huli’y sumasabog ang mga bulang pinansyal at pumipinsala sa tunay na ekonomiya na makikita sa pagbulusok ng produksyon at malawakang kawalan ng trabaho.
Sa mga saligang kontra-manggagawa at kontra-lipunan, pinabibilis at pinalulubha ng patakarang neoliberal ang proseso ng paghuthut ng tubo mula sa sobrang halaga na likha ng paggawa. Gumagamit ng sarisaring paraan ang monopolyong burgesya upang pilitin ang mga manggagawa na tumanggap ng mas mababang tunay na sahod. Ginagamit nito ang mataas na teknolohiya upang bawasan ang lakas paggawa. Ginagamit nito ang laganap na kawalang-trabaho para paglabanin ang mga walang empleyo at may empleyo. Dinaragdagan nito ang mga panandaliang kontraktwal o palagian temporaryo, kaswal, aprentis at mga katulad upang bawasan ang bilang ng mga manggagawang may tenyur o seguridad sa trabaho. Ginagamit ang estado upang magpatibay ng mga patakaran at magpatupad ng mapamilit na mga aksyon para labagin ang batayang demokratikong mga karapatan at ang karapatan sa pag-uunyon ng mga manggagawa.
Isang malaking kasinungalingan na sabihin ng mga kapitalista na ang umano’y malayang palengke ang siyang nagpapasya sa mga usaping sosyoekonomiko. Walang malayang palengke sa ilalim ng monopolyo kapitalismo. Ang mga monopolyo kapitalista ang siyang nagpapasya sa mga usapin sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihang ekonomiko, gayundin ng kanilang kapangyarihang pampulitika, upang panghinain at supilin ang uring manggagawa at bigyan ng benepisyo ang mga korporasyong kapitalista sa pamamagitan ng liberalisasyon sa pamumuhunan at kalakalan, pribatisasyon ng mga pag-aaring publiko, deregulasyon o pagpawi sa mga regulasyong nanganagalaga sa lipunan at kapaligiran; at denasyonalisasyon ng mga ekonomiyang di pa ganoon kaunlad o atrasado.
Ang pandaigdigang burgesya, mula sa mga monopolyong nakabase sa mga bansang industriyal-kapitalista hanggang sa malalaking komprador sa mga bansang atrasado, ay patuloy na kumakapit sa patakarang neoliberal sa ekonomya na idinidikta ng imperyalismong US at mga katoto nito sa G-7 at sa mga multilateral na ahensya tulad ng IMF, World Bank at WTO. Sa gayon, patuloy na gumigiray ang kapitalismong pandaigdig mula sa isang krisis tungo sa mas malalala pang krisis. Namimilipit pa ang mundo sa krisis at depresyon na sumambulat noong 2008. Nasasaksihan na natin ngayon ang isang lumalantad nang mas malala pang krisis.
Ang walang-habas na pag-imprenta ng pera at mabilis na paglobo ng utang, nang walang katumbas na paglaki ng produksyon at empleyo, ay matagal nang pinapasan ng mga pribadong sambahayan, mga korporasyon at gobyernong pawang nakabaon sa di-mabayarang utang. Kapag may monetaryong paglobo, pumupunta ang kalakhan ng pera sa pamilihang pinansyal at gastusing burukratiko-militar. Subalit kapag gumagamit ng mga hakbanging pagtitipid upang umano’y rendahan ang gastos ng gobyerno at bawasan ang depisito at utang ng publiko, binabawasan ang pasahod, mga benepisyo at serbisyong sosyal (lalo sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pa) gayundin ang empleyo sa gobyerno, kung kaya matinding napipinsala ang produksyon at empleyo sa kalahatan.
Isang mas matinding krisis sa ekonomiya at pinansya kaysa noong 2008 ang ibinabadya na ng pagsabog ng mga bula sa utang-publiko tulad sa Gresya, sa pamilihan ng bono sa Hapon, at ng mga pamilihan ng sapi sa Tsina at dalawamput-dalawang iba pang bansa — at ilan pa lamang ito sa mga sintomas. Nagbabadya ang isang malaking pagsambulat sa pinansya alinman sa Tsina o US o sa kanila kapwa na muling magiging dahilan ng walang katumbas na krisis sa ekonomyang pandaigdig. Nakaupo sa dambuhalang bomba ng utang na publiko ang bawat estadong kapitalista ngayon. Ang Tsina at ang US ang tinatayang magsinding malaking pagsabog. Naabuso ng Tsina ang pangungutang sa publiko mula 2008 ng makaanim na ulit kaysa sa US upang patuloy na gastusan ang mga konstruksyong publiko at pribado at bumawi sa biglang pagbaba ng eksport.
Ang integrasyon ng Tsina at Rusya sa kapitalistang daigdig ay malaking suliranin sa imperyalismong US at mga dating alyado nito noong Cold War pagdating sa ekonomiya, pinansya, pulitika, at militar. Pinapaigting ng krisis sa sobrang produksyon ang mga kontradiksyong ekonomiko at pinansyal sa hanay ng mga bansang kapitalistang kapangyarihan. Itinayo ng Tsina at Rusya ang blokeng BRICS sa ekonomiya, kasama ang Brasil, India at South Africa, at Bangko sa Pagpapaunlad ng BRICS upang igiit ang kasarinlan sa ekonomiya. Itinatatag din ng Tsina ang Asian Infrastructure Investment Bank upang gampanan ang pamumuno sa paglalatag ng bagong Silk Road na magdurugtong sa Asya at Europa.
Patuloy na isinusulong ng Tsina at Rusya ang Shanghai Cooperation Organization o Organisasyon ng Kooperasyong Shanghai (SCO) bilang isang organisasyon sa kolektibong seguridad. Binuo ito bilang tugon sa gawi ng US na palargahin ang mga digmang agresyon kasunod ng pagbagsak ng Unyon Sobyet at palawakin pa ang mga operasyon ng NATO tungo sa mga hanggahan ng Rusya, sa mga Balkan, Asya Sentral at Gitnang Silangan. Di pa natuto sa pagkasadlak sa mga kumunoy sa mga rehiyong ito, ipinagpapatuloy pa rin ng US ang mga probokasyon laban sa Rusya sa pamamagitan ng mga neopasistang tuta sa Ukraina at gumagawa ng umanoy “strategic pivot sa East Asia” o istratehikong pihit tungong Silangang Asya upang sagkaan ang Tsina at sulsulan ang mga maka-US na pwersa sa loob nito. Sinasamantala ng US ngayon ang pag-angkin ng Tsina sa 90 porsyento ng South China Sea o Dagat ng Timog Tsina, na umaagaw sa eksklusibong sonang ekonomika at pinahabang continental shelves ng Pilipinas at iba pang bansa ng Timog-silangang Asya, para bumaon pang lalo ang mga pwersang militar na US, pangunahin sa Pilipinas.
Napapangibabawan ng US at iba pang mga bansang imperyalista ang mga kontradiksyon sa kanilang hanay at gayundin sa loob ng kani-kanilang mga hangganan mula noong katapusan ng ikalawang digmaang pandaigdig (WWII) sa pamamagitan ng paglilipat ng pasaning bunga ng krisis sa mga supil na mamamayan at sa mga di-maunlad na bansa. Subalit ngayong kasama na ang Tsina at Rusya sa mga kapangyarihang kapitalista, umiigting ang ribalan sa hanay nila. Napakarami nang bwitreng nag-aagawang sumisibasib sa dugo ng mga anakpawis, dahilan ng lalong tumitinding krisis sa ekonomiya at pinansya at nagtutulak sa makinang pandigma ng US at NATO na maging higit na mabangis sa pagmantini at papapalawak ng teritoryong pang-ekonomya.
Ang mga kalagayang sosyo-ekonomiko ng proletaryado at mga mamamayan sa mauunlad na bansang kapitalista ay bumubulusok bawat dekada mula nang ipatupad ang patakarang neoliberal sa ekonomya. Marami sa kanila ang katulad na ang kalagayan sa pamumuhay ng mga anakpawis sa mga bansang ikatlong daigdig. Subalit bagama’t lumala na nang husto ang kanilang kalagayan at may sumusulpot na mga kilusang masa sa hanay nila laban sa mga isyung panunupil at pagsasamantala, may pangangailangan pa ring magtayo ng mga tunay na rebolusyonaryong partido ng proletaryado na siyang dapat magtakda ng mabisang pangkalahatang linya ng rebolusyonaryong pakikabaka para sa sosyalismo, magpukaw sa masang manggagawa at mamamayan, mag-organisa ng mga progresibong unyon at iba pang organisasyon ng mamamayan at magpakilos sa mga ito.
Sa mga atrasadong bansa, may mga tunay na rebolusyonaryong partido ng proletaryado na namumuno sa mga uring mangagawa, magsasaka at petiburgesyang-lunsod ayon sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Taglay nila ang sulo na tumatanglawsa kilusang anti-imperyalista at demokratiko at sa proletaryong rebolusyong pandaigdig. Sila ang mga tagahawan ng landas sa rebolusyonaryong paglaban sa mundong batbat ng matinding panunupil at pagsasamantala, terorismong estado at digmang mapanalakay at nagbabadyang sumiklab sa rebolusyonaryong paglaban sa antas na di pa nagaganap.
Ang Kalagayan sa Pilipinas: Mga Naghaharing Papet, Palalim na Kawalang Pag-unlad, Krisis at Rebolusyon.
Mula dekada-80, sunud-sunod na rehimeng papet ang tumanggap sa diktang neoliberal ng imperyalismong US. Ipinagpatuloyng rehimeng Aquino ang lahat ng dekretong kontramanggagawa ng pasistang rehimeng Marcos; itinulak ang liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, tinanggap ang lahat ng kasuklam-suklam na dayuhang pautang sa rehimeng Marcos at inabuso ang lokal na pangungutang na publiko para sa badyet ng gobyerno.
Sa ilalim ng bandila ng neoliberalismo, tumuloy ang rehimeng Ramos sa malakihang pangungutang na pangkomersyo at pamumuhunang portfolio; pinabilis ang pribatisasyon ng mga mayor na ari-ariang publiko para takpan ang depisit na publiko, tinanggal ang mga natitirang patriyotikong restriksyon sa pagmimina, pagbabangko, kalakalang malakihan at tingi, at iba pang tipo ng empresa; at itinaguyod ang paglago ng pribadong konstruksyon na bumagsak noong 1997 kasunod ng krisis-pinansyal sa Asya.
Natali ang rehimeng Estrada sa patakarang neoliberal sa ekonomya at nagipit ng mga ibinunga ng krisis ng 1997. Ang ideya nito sa pagpapaunlad ay ang muling pagbuhay sa pribadong kayamanan ng mga kasapakat ng mga Marcos at pagtutulak ng pagsusugal, gamitang pautang mula sa sistemang social insurance.
Maingay at masugid na sumunod ang rehimeng Arroyo sa patakarang neoliberal sa ekonomiya at pakutyang binatikos pa ang mga manggagawa bilang mga “terorista sa ekonomya” dahil sa pagsusulong ng kanilang demokratikong karapatan sa pag-uunyon. Nagkaroon ang rehimeng ito ng pinansyal na luwag habang lumilipat ang US mula sa pagputok ng bulang high-tech tungo sa bula ng pabahay na nakasalig sa mortgage o sangla.
Itinulak din ng rehimeng ito ang pakikipagrelasyong malaking komprador sa Tsina, malamanupaktura ng semikonduktor para sa platapormang Tsino sa pinal na asembleya, pakikipagsapakatan sa mga korporasyong publiko at pribadong Tsino sa mga proyekto sa enerhiya, transport at imprastruktura; at pagbubuka ng ekonomiya ng Pilipinas sa Tsinong minahan, plantasyon, real estate, shopping malls, pagpinansya at eksplorasyon ng rekursong mineral sa ilalim ng West Philippine Sea. Nang mangyari ang mortgage meltdown noong 2008, nagsimulang bumulusok nang malaki ang eksport ng Pilipinas ng semikonduktor na may mababang dagdag-halaga. Muling nagkaroon ang Pilipinas ng malubhang krisis sa pinansya.
Tulad sa mga sinundang rehimen, walang nangyaring pag-unlad sa ekonomiya dahil sa kawalan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa sa panahon ng rehimeng Aquino. Nananatiling hatak ng konsumo ang ekonomiya at nakasuso sa angkat na manupaktura at pinamurang pagluwas ng mga hilaw na sangkap at labis na lumalaki ang depisit sa badyet ng gobyerno at sa kalakalang panlabas, gayundin ng lokal at panlabas na utang. Ang eksport ng kababaihan at kalalakihan sa trabaho sa ibayong dagat, mga business call center at bula sa pribadong konstruksyon na nakaasa sa dayuhang pautang at dayuhang suplay ay hindi nangangahulugan ng pag-unlad sa ekonomya.
Subalit ipinagyayabang ng rehimeng Aquino ang 7 porsyentong paglaking gross domnestic product (GNP), o ng ekonomya sa ilang taon. Walang ibang kahulugan ito kundi paglaking batay sa estadistika sa konsumo, gastos-gobyerno at pamumuhunang di-industriyal. Ang ganitong uri ng paglaki ay hindi nangangahulugan ng tunay at pangmatagalang pag-unlad sa ekonomya. Sustenido lamang ito ng ekstraordinaryong pagpasok ng mga pamumuhunang portfolio sa pamilihang-sapi o stock market at iba pang pamilihang pinansyal. Mataas ang ibinibigay nitong tubo o ganansya sa mga dayuhang kumpanya at malalaking komprador na mga bilyonaryo’t tampok sa listahang Forbes ng malalaking negosyante. Hindi ito lumilikha ng mga plantang pangmanupaktura o ng mga trabaho.
Nananatiling malapyudal at pre-industriyal ang bansa. Malaking kasinungalingan ang 7 porsyento na tantos ng kawalang trabaho. Nag-iimbento ang mga ekonomista at istatitisyan ng gobyerno ng mga numero sa trabaho sa pamamagitan ng mga random survey, tinatanong ang mga tao kung nakapagtrabaho sila ng isang oras sa lumipas na linggo o gumanap ng gawaing bahay. Inaalis nila sa pagkwenta ang mga walang trabaho na huminto na sa paghahanap ng trabaho. Ang 12 milyong manggagawang kontratado sa ibayong dagat ay isang kongretong patunay na 20 porsyento ng lakas-paggawa ang hindi nakakakuha ng trabaho sa Pilipinas. Ang tunay na tantos ng disempleyo at bilang ng dumaraming walang trabaho ay lampas na lampas sa bilang na ipinapahayag ng gobyerno kapwa sa walang trabaho at kulang sa trabaho.
Palaging naghahagis ang reaksyonaryong gobyerno ng mga sinungaling na estadistika sa uring manggagawa at sa publiko tungkol sa sapat na sahod para makaraos ang karaniwang sambahayan. Lagi nitong sinasalungat ang panawagan para sa minimum na pasahod para sa sapat at disenteng antas ng pamumuhay ng pamilya. Binibigyan nito ng lahat ng kaluwagan ang mga kapitalistang propyetaryo na hati-hatiin ang kanilang mga empleyado sa papaliit na grupo ng mga regular at laging palaking grupo ng mga maigsihang kontraktwal o temporaryo, part-timer, kaswal at aprentis. Nakaayon ang lahat ng ito sa neoliberal na patakaran sa na nagdidiktang gamitin ang estado para pitpitin ang uring manggagawa at bigyan ang mga kapitalistang taga-empleyo ng lahat na paraan at pagkakataon na magkamal ng tubo.
Ano ang dahilan ng malaking agos ng pamumuhunang portfolyo sa Pilipinas sa mga taon ng rehimeng Aquino? Kaugnay ito ng pakanang US na gamitin ang rehimeng Aquino upang sirain o lumpuhin ang rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Kinakalkula ng mga Amerikanong tagaplano ng estratehiya na matatamo ang kontrarebolusyonaryong layon na ikredito sa rehimen ang paglaki ng ekonomya at magaling na pagpapatakbo ng gobyerno, at mabisang paghahatid ng mga serbisyo, pamumudmod ng mga palimos sa mga komunidad sa teritoryo ng demokratikong pamahalaang bayan, pagpapalawig ng kasunduan sa tigilputukan sa MILF sa pamamagitan ng mga huwad na pangako kaugnay ng awtonomya ng Bangsamoro at iba pang benepisyo; at pagpapakawala ng mga asong militar at pulis ng Oplan Bayanihan upang salakayin ang rebolusyonaryong mga pwersa at mamamayan.
Walang saysay at mapanira sa sarili ang pakanang US-Aquino. Hindi magkakaroon ng pag-unlad sa ekonomiya kung walang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Imposible ang umano’y mahusay na pamamahala at mabisang paghahatid ng serbisyo sosyal habang namamayagpag ang korupsyong burukrata at militar. Dahil sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, nakapagtayo ang rebolusyonaryong mga pwersa at mamamayan ng malakas na hukbong bayan sa Mindanao at sa buong bansa. Kapag tumitindi ang atake ng kaaway sa mga pwersa ng hukbong bayan sa Silangang Mindanao, nakakayanan ng hukbong bayan na lumaban doon atmanawagan at magbigay-sigla sa mga pwersa ng hukbong bayan sa ibang bahagi ng Mindanao at sa Luson at Kabisayaan na labanan ang bawas na lakas ng kaaway sa kanilang mga lugar.
Lubhang natatakot ang US at lokal na reaksyonaryong mga uring komprador at panginoong maylupa sa sandatahang rebolusyonaryong kilusan at maging sa ligal na mga pwersang anti-imperyalista at demokratiko. Batid nila ang sariling mga kahinaan sa gitna ng tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng nahaharing sistemang lokal. Marahas nilang nilalabanan ang mga hangarin ng sambayanan para sa lubos na pambansang kasarinlan, demokratikong kapangyarihan ng masang anakpawis, kaunlaran sa ekonomiya sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon, katarungang panlipunan, makabayan at progresibong kultura at ang demokratikong pagkakaisa ng lahat ng mamamayan ng daigdig.
Sunud-sunod na mga reaksyonaryong rehimen ang tumanggi sa mga hangarin ng sambayanan at pumigilsa negosasyong pangkapayapaan bilang pamamaraan sa paglutas sa mga ugat ng sandatahang labanan at ilatag ang batayan ng makatarungan at matagalang kapayapaan. Makikita ang lalo pang pagkabulok ng naghaharing sistema sa kawalan ng komprehensibong programa ng pambansang kalayaan at pag-unlad mula sa mga mayor na partidong pulitika at mga kandidato sa pagkapangulo para ialok sa sambayanang Pilipino at patriyotiko at progresibong mga pwersa. Ang paligsahan ay tila ukol sa personal na popularidad, pagiging malapit sa mga may kontrol sa automated electoral system, pagkabit sa pinakamalalaking tagapagbigay ng pondong pangkampanya at abilidad na magmanipula sa masmidya.
Umiigting ang panunupil at pagsasamantala sa Pilipinas habang ipinagpapatuloy na ipataw sa mga mamamayan ng mga kapangyarihang imperyalista at lokal na mapagsamantalang mga uri ang mga patakarang neoliberal sa ekonomya. Habang namumuo muli ang isa pang krisis sa ekonomya at pinansya, samantalang nananalanta pa rin sa buhay ng mga mamamayan ang resulta ng nauna at tumtakbo pang krisis, kailangan nating ihanda ang mas matinding paglaban. Dapat nating itigil ang pagtitiis at ibaling ito sa pagbubuo ng di-magagaping pwersa na mananaig sa kaaway at maghahatid sa atin sa pundamental na bago at higit na kasiyasiyang daigdig ng sosyalismo.
Ang mga Tungkulin ng Uring Manggagawa at ng Kilusang Mayo Uno!
Naggugumiit kami, ang ILPS, na paigtingin ninyo ang pakikibaka laban sa neoliberal na patakaran sa ekonomiya at sa mga tagapagpatupad ng patakarang ito. Dapat ninyong itaguyod, ipagtanggol at isulong ang batayang demokratikong karapatan ng uring manggagawa, laluna ang karapatan sa tunay, palaban at makabayang unyonismo. Dapat ninyong isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang hinaharap. Sa ganang ito, kailangan nating itaguyod ang pamumuno ng uring manggagawa.
Dapat ninyong labanan ang mga atakeng neoliberal sa inyong mga sahod, trabaho at karapatan na pataw ng reaksyonaryong gobyerno at ng malalaking kapitalista. Dapat ninyong pukawin ang makauring kamalayan at rebolusyonaryong diwa ng mga manggagawa. Dapat ninyo silang organisahin sa tunay, palaban at makabayang mga unyon. Dapat ninyo silang pakilusin na isulong ang kilusang unyon at kilusang aklasan upang ipaglaban ang mas mataas na sahod at ipagtanggol ang kanilang mga trabaho at itaguyod ang kanilang karapatan. Gayundin dapat paunlarin ang lakas pampulitika para sa pagtatamo ng mga kagyat na layunin ng uring manggagawa at ng ultimong layunin ng sosyalismo.
Iniendorso at sinusuportahan namin sa ILPS ang inyong determinasyon na:
1. Maglunsad ng kampanya para sa pagpapataas ng sahod sa antas na pambansa, ng empresa at iba para sa pagtatakda ng makatarungang minimum na sahod!
2. Maglunsad ng kampanya laban sa maigsing kontraktwalisasyon o palagiang katayuan na temporaryo na lumalabag sa karapatang maging regular at para ideklara itong krimen at ipagbawal.
3. Pukawin, organisahin at pakilusin ang mga manggagawang kontraktwal o palagiang temporaryo.
4. Kagyat na aralin upang sapulin ang mga neoliberal na atake sa mga manggagawa at kilusang paggawa at tuklasin ang mga paraan upang labanan ang mga atakeng ito.
5. Magsagawa ng pampulitikang edukasyon ukol sa malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, sa imperyalismo sa saklaw ng daigdig at mga kaugnay na usapin.
6. Labanan ang tunguhing ekonomista at buhayin ang paglahok ng mga unyon sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga manggagawa para magkamit ng kapanyarihan para sa pundamental na pagbabago.
7. Sapulin ang mga paraan ng lihim subalit mabilis na pag-oorganisa.
8. Organisahin ang mga komunidad sa kapaligiran ng mga empresa.
9. Makipagkaisa sa mga manggagawa sa loob at labas ng bansa at sa mga progresibong organisasyon ng iba’t ibang uri at sektor.
10. Tandaan na matagalan, masalimuot, may mga pasikut-sikot at pagtaas-pagbaba, ang tunggalian sa uri ng proletaryado at ng mga monopolyong kapitalista, subalit ang ultimong kalalabasan ay ang tagumpay ng proletaryado at sosyalismo.
Mabuhay ang Kilusang Mayo Uno!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!