Panayam kay Prof. Jose Maria Sison
ni Prof. Sarah Raymundo ng CONTEND-UP
PART 2/2
September 4, 2015
4. Ano ang mga paninindigang ikinasisiya ninyo o ng PKP at maaaring itaguyod sa plataporma ng isang partido o kandidato sa pagkapresidente?
JMS: Tanyag ang programa para sa demokratikong rebolusyon ng bayan ng PKP at mababasa ang paninindigan nito sa mga kasalukuyang isyu sa Ang Bayan. Kasiyasiya sa akin ang kandidato o partido na paborableng tumutugon sa mga sumusunod na kagustuhan ng sambayanan.
Una, Itaguyod ang pambansang soberaniya at teritoryal na integridad.
Ikalawa, Igalang ang mga karapatang-tao at pairaling lubos ang demokrasya.
Ikatlo, Muling igiit ang soberanya sa ekonomya at pangalagaan ang pambansang patrimonya.
Ikaapat, Isagawa ang pambansang industriyalisasyon bilang pangunahing sangkap sa pagpapaunlad ng ekonomya at bilang susi sa paglutas sa kawalang trabaho, karukhaan at kawalang pag-unlad.
Ikalima, Isakatuparan ang reporma sa lupa bilang demokratkong karapatan at katarungang panlipunan, at bilang paraan sa paglaya ng mga walang lupang magbubukid, pagpapadaloy ng kapital, pagsusulong sa pag-unlad ng kanayunan at paglikha at pagpapaunlad ng lokal na pamilihan.
Ikaanim, Pagbutihin ang mga kondisyon sa pasahod at pamumuhay ng mga manggagawa, pangalagaan at paunlarin ang lahat ng maaring hanapbuhay, at itaas ang pamantayan sa pamumuhay ng sambayanan
Ikapito, Palawakin ang mga serbisyong panlipunan, lalo na sa edukasyon, kalusugan at pabahay, at paunlarin ang mga pampublikong kagamitan tulad ng transport, tubig at elektrisidad.
Ikawalo, Itigil ang korupsyon at lahat ng anyo ng katiwalian at parusahan ang mga may kagagawan; itigil ang sistemang pork barrel at padaluyin ang mga pondo ng publiko sa binalak na pagpapaunlad ng ekonomya, pagtatayo ng mga imprastruktura at pagpapalawak ng mga serbisyong panlipunan.
Ikasiyam, Bawasan ang gastos militar at padaluyin ang natipid sa pagpapaunlad ng ekonomya at mga serbisyong panlipunan.
Ikasampu, Itaguyod ang makabayan, demokratiko, siyentipiko at progresibong sistema ng edukasyon at kultura.
Ikalabing-isa, Ipanindigan ang pagkakapantay-pantay ng kasarian sa lahat ng larangan ng aktibidad na panlipunan at labanan ang diskriminasyon batay sa sari.
Ikalabing-dalawa, Tiyakin ang matalinong paggamit ng likas na yaman at pangangalaga sa kapaligiran.
Ikalabingtatlo, Igalang ang mga karapatan ng mga pambansang minorya sa sariling pagpapasya at pag-unlad.
Ikalabing-apat, Ipagpatuloy ng gobyernong Manila ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at kumpletuhin ang sa MILF.
Ikalabing-lima, Sundin ang indepenyenteng patakarang panlabas at likhain ang pinakamahigpit na pakikipagtulungan sa lahat ng mga kalapit na bansa para sa layunin ng internasyunal na pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad.
5. Ano ang magagawa ng PKP o ninyo bilang tagapangulong tagpagtatag ng PKP para ipakita na nasisiyahan o hindi sa posisyon ng isang partido o kandidato sa pagkapresidente tungkol sa mga isyu?
JMS: Maari kong puriin sa publiko ang pagtaguyod o pagtanggap ng alinmang partido o kandidato sa alinman sa 15 kagustuhan ng sambayanan na aking binanggit. At maaari kong punahin ang pagtanggi sa alinman sa mga kagustuhang iyon. Maaari kong paghambingin sa isa´t isa ang mga partido at mga kandidato tungkol sa pagtanggap o pagtanggi ng mga kagustuhang ito. Hindi ako makakapagsalita para sa PKP sa panayam na ito, subalit masusundan ninyo ang mga palagay at paninindigan nito sa eleksyon kung pupuntahan ninyo ang website: www.philippinerevolution.net. ###